Monday, June 2, 2014

Ulan at Pag-ibig



Kailangan ng araw upang umulan.
Tulad ng ulan kailangan natin ng pag-ibig at pagmamahal.
- - - - -

Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay 'di napipigilan.
Sila na anumang sandali ay bigla na lamang darating, asahan mo man o hindi. 'Di nila alintana kung 'di ka sabik na sila'y maranasan o kung magdulot man sila sa'yo ng pagkadismaya. Kahit sa kalagitnaan ng tag-araw o sa gitna ng iyong kasiyahan, bubuhos ng marahas o papatak ng marahan.
'Pag ikaw ay sanay na sa kanyang kandungan saka bigla na lang ikaw'y iiwananan.


'Di mo ba alam na ang ulan ay pag-iisang dibdib ng langit at ng lupa?
Sa pamamagitan ng ulan, na luha ng kalangitan magaganap ang tanging sandaling hahalik at katatagpuin ng langit kahit ang lupang maputik.


Tulad ng ulan, ang pag-ibig ay makapangyarihan. Kaya nitong bumuo o sumira ng 'sang sagradong buhay, lunurin ka sa taglay niyang lakas o akayin ka sa magandang bukas. Ang ulan at pag-ibig ay maaaring iwasan ngunit hindi naman maiwawaksi ang damdaming iyong nararanasan. Ang pagsuong sa ulan ay gaya ng pagsugal sa pag-ibig, sa kagustuhan mong ito'y sundin at tupdin kahit batid mong ikaw ay madadarang sa tubig o malagay sa alanganin - tutuloy ka pa rin. Kahit minsan katumbas nito'y lungkot at kabiguan.


'Di mo ba alam na ang ulan ay 'di lamang sanhi ng bagyo o nagbabantang sama ng panahon?
Dahil naniniwala akong ito'y pakikiramay ng langit sa mga binigo ng pag-ibig. Ang ulan ay luha ng langit at ang luha ay ulan sa buhay nating puno ng pasakit at hinanakit. Datapwa't ang ulan at ang pag-ibig ay kapwa may hatid na ligaya at pag-asa.


Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay walang oras na itinatakda at walang panahong pinipili.
Maari mo itong paghandaan subalit kailanman'y 'di sila magpapaalam o makikiraan.
Hindi magpapasintabi. Hindi mag-aatubili.
Walang sariling pag-iisip at lubhang makasarili.
Pinipilit na manghimasok sa buhay ng kahit sino masunod lamang ang gusto.


Minsan, mapipilitan kang umindak sa dikta ng kanyang tiyempo
o magtampisaw sa mga patak at tilamsik na kanyang ritmo
o umindayog sa himig ng hanging may malakas na kumpas
at 'pag dumating ang sandaling nasanay ka na sa melodiyang kanyang nilikha,
gaya ng pag-ibig ay walang sabi-sabing titigil at lilisanin kang basa at luhaan.


Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay dumarating kahit na walang dahilan.
Gagawin nitong magulo ang buhay mong noon ay may ngiti o pilit na pasisiyahin ang buhay mong may tampo at pighati.
Ang ulan tulad ng pag-ibig may kasiyahang dulot o may hatid na lungkot.

Nakakainip. Nakakainis.
Nakamamangha. Nakabibighani.
Nakakaaliw. Nakakabaliw.
Nakakalibang. Nakakahibang.


Ang ulan kayang pawiin ang pagkauhaw at pagkatuyo ng lupa. Ang pag-ibig may kakayahang tigibin ang damdaming uhaw sa pagmamahal at kalinga.
Ang ulan pakakalmahin ang lupang nakapapaso sa init habang ang pag-ibig ay may kakayahang patitigilin ang damdaming nagpupuyos sa ngitngit at galit.

Sa muling pagsapit ng ulan o pagkatok ng pag-ibig, maaring bukas o maaaring mamaya ngunit 'di maiiwasan ang pagkabigo kahit sa oras na ito'y tiyak na at iyong inaasahan.


Ang pagtugis sa pag-ibig ay tulad ng walang kapagurang paghahanap ng kasiyahan sa gitna ng balakid, susuwayin ang lahat masunod lamang ang damdamin.
At gaya ng ulan, susuong siya kahit pa taglay ng araw ang sinag niyang mainit.
Sa panahon ng tagtuyot may mananalangin sa pagbuhos ng ulan habang ang iba'y magdarasal naman ng tunay na pag-ibig.


Ang ulan at pag-ibig ay may diwang nais na sabihin, may tinig kang sa kanila'y maririnig. Ibubulong nila sa iyong isip ang kanilang gustong ipahiwatig hanggang maunawaan ito ng iyong puso't damdamin, na madalas ay may ligalig.


Ang ulan gaya ng pag-ibig, pansamantala lang.

Ang pag-ibig gaya ng ulan, tiyak na may hangganan.

1 comment:

  1. ngunit ang mga bagay na pansamantala lang ang pinakamasarap sa lahat.

    ReplyDelete