Wednesday, June 26, 2013

Walang Label



Krrriiing....krriiing...

"Thank you for calling Gallego Mining Company. Good afternoon this is Christy how may I help you?"

"He...hello."

"O Geoff, Ano at para kang bubuyog diyan bulong ka ng bulong? Kachat na kita sa Skype ah hindi ka pa nakontento at tumawag ka pa talaga ha."

"Ang tagal mo kasi sumagot sa chat eh saka ang hirap magtype sa keyboard ko, mas okay dito sa telepono dinig ko 'yung lambing ng boses mo."

"Sus, ang arte. Nag-xerox po kasi ako kaya hindi po ako nakasagot agad sa huling message mo po."

"Ang dami mo namang 'po' parang pinapamukha mo naman sa'kin na masyadong malaki ang agwat ng edad natin para 5 years lang naman ang tanda ko sa'yo. Kumusta ka na?"

"Kumusta? Tinanong mo na 'yan kanina sa chat ah at sinagot ko na rin 'yan."

"Basta...sagutin mo lang, sige na. Kumusta ka nga?"

"Sige na nga. Okay naman ako. Kung makakumusta ka naman parang hindi tayo araw-araw nag-uusap."

"Mabuti naman at okay ka. Gusto ko kasing naririnig na okay ka dahil 'pag naririnig ko 'yun galing sa'yo mas lalong nagiging okay ang pakiramdam ko. Alam mo, namimiss na kita..."

"Natatakot ako 'pag sinasabi mong 'namimiss mo ako' kasi sabi mo dati 'yung tagalog ng 'I missed you' ay nagkamali ako sa'yo."

"Haha. Joke lang 'yun saka dati pa 'yun. Ibang 'miss' ang ibig kong sabihin...'yung totoong miss!"

"Sure ka diyan ha? Namiss mo agad ako? Di ba nagdinner lang tayo kagabi? 'Wag ka ngang masyadong thoughtful and caring baka hanap-hanapin ko 'yan."

"Kahit araw-arawin mo pa ang paghahanap sa pagiging thoughtful and caring ko hindi ito magbabago para sa'yo. Miss talaga kita, 'coz you are the only person worth missing than anybody else. Saka bakit mo naman hahanapin kung hindi naman nawawala?"

"Ayos ah! Boy pick-up, ikaw ba 'yan? Hahaha!"

"Nakakainis naman 'to. Hindi pick-up line 'yun no, totoo talaga 'yun.
Hindi ko pala naikwento sa'yo nung last week Wednesday na absent ka. Sa kagustuhan kong mabawasan ang pagkamiss ko sa'yo binasa ko 'yung mga conversation natin dati sa Skype..."

"O anong nangyari?"

"Ayun, imbes na mabawasan 'yung pagkamiss ko sa'yo lalo kang kitang namiss.."

"Alam mo para kong Lotto?"

"Lotto?!? Bakit, ano koneksyon ng lotto?"

"Kasi lagi kang nambobola! Hahaha!"

"Ah ganun...Alam mo 'pag kausap kita feeling ko mayaman ako."

"Bakit naman?"

"Kasi mahirap 'pag wala ka...Hello, hello! Nandiyan ka pa ba?"

"Oo, nandito pa ko Boy Banat. May dumaan lang anghel sandali. Hihi"

"Uy, thanks pala sa kahapon ha? Salamat sa oras, salamat sa masarap na dinner, salamat sa pasensya, salamat sa text, salamat sa trust, basta salamat sa lahat-lahat. It was my best dinner ever. Paano na lang talaga ako kung wala ka? Akalain mo 'yun...three days tayong walang communication tapos bigla kitang napapayag na magdinner kagabi. Wow, ang saya ko lang, Sobrang saya. Kaya 'pag may nagtanong sinong napapasaya mo everyday pwede mong sabihin 'yung pangalan ko..."

"Ayos ah, parang commercial lang ng Coke, hehe. Seriously, 'wag mo naman sabihing ikaw lang ang masaya kasi hindi naman ako papayag na makasama ka for a dinner o kahit simpleng snack lang  kung hindi ako masaya sa'yo. Masaya ako sa'yo at buo ang tiwala ko sa'yo, basta may time lang willing ako to spend an hour or two just for you."

"Ang sarap naman pakinggan niyan...basta ako nag-i-enjoy ako sa company mo. I respect your kindness that I won’t let myself to say things that’ll make your day set in a bad mood. I don’t want to misinterpret that kindness into something else. I don't even know what's in you that I keep on enjoying, I don't even know what's in me that you keep me in your life but all I know is that you are so special to me, so special that it's been a habit of me to send you a good morning greetings every single day, so special that I am more than willing to share my time with you anytime of the day."

"Oo nga eh, dami mo ngang message sa inbox ko. Thanks din. Uy, pasensya ka na pala hindi ako nakakasagot sa mga email mo nakiki-wifi lang kasi ako sa kapitbahay, nawawala-wala yung connection ko."

"Ganda ng status mo sa FB nung isang araw ah 'yung; 'The tongue has no bones, but it is strong enough to break a heart. So be careful with your words'."

"Ah yun ba? Sus, sa'yo galing yun eh kinopya ko lang dun sa isa mga email mo. Para lang 'yun sa mga taong mahilig magkalat ng kung ano-ano. Nagandahan lang ako kaya nirepost ko. Uy, sige na magpa-five na pala. Uwian na. Nagtext na si Gerry. Baka tumatawag na rin si Ma'm Stephanie diyan nakikita ko siya from here duma-dial sa phone, magalit pa 'yung wife mo pag masyadong matagal busy 'yang direct line mo, hala ka."

"Ha? O sige na, oo nga five o'clock na. Ingat ka pauwi. Bukas na lang. Salamat ulit. Bye for now."

"Sige ikaw din, ingat. O 'wag kang magtext mamayang gabi magkasama kami ni Gerry, FYI."

"Oo na, alam ko naman eh. At kailan naman ako nagtext sa'yo ng wala kang pahintulot  aber?"

"Hehe, sinisigurado ko lang. O bye na."

"Bye. I miss you."

"Sige na, bye."

"Sabi ko...I miss you!"

 "Ha? Same here. Bye."

"Okay. Bye." 

"Ingat ka". 

"Ikaw din". "

"Okay."

Friday, June 21, 2013

Sugat (Inulit at In-edit)



Dumudugo ngunit 'di dumadaing, humahapdi ngunit 'di makahindi, tumatangis ngunit walang nakaririnig.

Kaawa-awa.

Sugatan.

Tangan ang isang sugat na tila wala nang pag-asa pang maghilom.
Walang kusang-loob na nagmamagandang-loob gayong marami ang may kakayahang ito'y gamutin. Samantalang ang nagnanais ay walang lakas,walang libog. Marami ang may kakayahang lunasan ang lumalalang sugat ngunit mas pinili ang magkibit-balikat na lang. Parati.

May sisigaw at idudulog ang nakatambad na galis at galos sa maalikabok na kalsada; nagmukha lamang tanga.
May susulat at ibubulong sa kinauukulan ang mga gunggong na may sanhi; itataboy at 'di pakikinggan.
May magbubunyag at isisiwalat ang dahilan ng mga halas; na mangmang lang naman ang nakamalas.
May boluntaryong iaabot ang medisinang paunang lunas ngunit isinantabi lang ito at ikinubli.

Manhid. Bingi. Imbalido. Baog.

Hanggang kailan dadalhin ang sugat? Sugat na namumutiktik na ang langib sa mahabang panahong walang nagmamalasakit.
Hanggang kailan mananatili ang sugat? Sugat na nawalan na ng kakayahang paghilomin ang sarili.
Hanggang kailan nakalantad ang sugat? Sugat na nakakadiri at wala ng pinagkaiba sa nabubulok na patay na hayop na nakakasulasok.

Silang mga may awa umano pero umaayuda sa pagdatal ng sakit.

Silang maasahan daw sa oras ng pangangailangan ngunit nagmamaang-maangan sa tuwing lalapitan ng awa.

Silang palaging may ngiti sa mga labi subalit daig pa ang unos sa pagiging madamot at masungit.

Silang nagsipag-aral kung papaano ang gumamot pero mas ninais magtanga-tangahan at nawiling sa kalokohan ginagamit ang napag-dalubhasaan.

Silang talos at nakikita ang kamalian pero ninais na pumikit at magbulag-bulagan at kalauna'y lalahok na rin sa kagaguhan.

Sila na magagalang tuwing ikatlong taon ngunit imbalido sa buong panahon. Ilustradong maituturing datapwa't sa estupido maihahambing.

Tayo.
Tayong nakamasid lang ang kayang gawin. Sa paghimod ng mga tarantado habang umaayuda sa hapding nararamdaman. Iiling at mapapamura nang kung ilang beses. Mga lunatikong 'di na tumulong paismid pang nilura ang kanilang nakahihindik na kamandag. Kahabag-habag.

Tayo.
Tayo na pinagmumukhang bobo at tanga. Umaasa sa wala naman. Nagrebelde, naghuramentado, naulol. Kaunti na lang ay magbibigti na sa kawalan nang pag-asa; ayaw mamasdan ang pag-baon ng panibagong punyal na kanilang itatarak sa mala-kanser na sugat.

May tuluyang lilisan at 'di na iibiging bumalik. Ayaw nang mamasid ang kalbaryo at paghihirap na dinaranas ng sugat na ang pag-asang maghilom ay halos patungo na sa pagkahulagpos. Galit na ituturan: "Sabay-sabay na kayong magpatiwakal!"

Daang-milyon pero halos walang bilang. 
Bilyong dolyar pero halos walang halaga. 
Dating henyong iskolar pero walang pakinabang. Lider-lideran pero walang matinong alam, walang silbi. 'Tangna! Pakiusap...gamutin niyo na kami! Hindi na namin kaya.

Sino ka ba? 
Sino ba sila?
Sino ba tayo?
 

Mga tagapaglingkod na maalam umano datapwat walang pakialam at hindi ito alintana, batid ng sugatan ngunit patuloy pa rin sa pag-unday sa sakit na nararanasan.
Walang puso. 
Walang kaluluwa. 
Harapan nang ninanakawan dapwa ang nais pa'y hubdan; maalis ang lahat ng saplot sa katawan hanggang sa maubos na kahit ang kapiranggot na kahihiyan. 

Ano pa ba ang kailangang nais? Hindi na nakontento sa nilikha nilang sugat nagpiga pa ng kalamansi na nagpadagdag sa sakit at hapdi. 

Ang iyong bawat sugat ay sumasalamin sa hirap na iyong dinaranas na iyong tinitiis sa mahaba-haba na ring panahon sa pag-aakalang ito'y muling maghihilom. 

Ang iyong bawat sugat ay sumisimbolo ng kawalanghiyaan ng mga taong may sanhi nito na hindi nangingiming muli kang sugatan kung mayroong pagkakataon. 

Ang iyong bawat sugat ay sumasagisag sa kagaguhan at kasakiman ng mga taong sinsasamba ang kuwarta at dinidiyos ang kapangyarihan.

Kahabag-habag na Pilipinas, sino ang lulunas sa lumalaki at lumalala mong mga sugat?

Umiiyak ang Pilipino, umiiyak ang Pilipinas, umiiyak ang langit.

Tuesday, June 18, 2013

Ang Jaguar

"Dalawa lang naman ang pagpipilian mo, ang lumabas sa bahay na ito nang nagkalat ang utak mo sa sahig o dumito ka at alagaan ang mga anak natin!" pabantang sigaw ng dating jaguar at baldadong si Arnulfo, sa kanyang asawang si Elsa.

Ngunit mistulang walang tapang ang kanyang tinig, ni ang napadaang tambay ay hindi nayanig sa kanyang narinig.

Dalawang taon lang ang nakalilipas nang siya'y mabundol at magulungan nang humahagibis na pampasaherong dyip na nawalan ng preno nang kanyang itulak para iligtas palayo si Elsa, na kasama niya noong tumatawid ng kalsada.

Paismid itong tumalikod at lumakad.
Bitbit ang dalawang malaking bag, parang walang narinig na akmang lalabas ng bahay si Elsa, sasama kay Diego na traysikel drayber na serbis ng kanilang dalawang anak sa eskwela. 


"Bang!!!"


Umalingawngaw ang isang putok ng baril. 


Bagsak si Elsa. 
Ang kanyang noo na kanina'y mapagmataas ngayo'y nakasubasob malapit sa pintuan.


Walang buhay. 
Sa isang iglap, kinitil ng kakirihan ang buhay at tahanang dati'y puno ng pagmamahalan.


Duguan. 
Wala nang pinag-iba ang kulay ng kanyang gamit na lipstick at suot na maiksing shorts at damit sa dami ng dugong umagos.


Nagkalat ang utak sa sahig.
Ang bantang hindi nadinig at hindi pinaniwalaan ay niliteral ng panibughong naghari sa kumalam na isipan.


Habang si Arnulfo ay humahagulgol na tangan ang paltik na kalibre .38 na isinangla noon sa kanya ng kanyang kumpareng adik na si Gimo. 


Nakatutok ang dulo ng baril sa kanyang sentido.

Thursday, June 13, 2013

Si Laura



"O ikaw na munang bahala sa bahay at aalis na ako ayokong tanghaliin dahil wala akong aabutang sariwang isda 'pag mamaya pa'ko aalis." Si Laura sa kanyang asawang si Jing.

"Eh, bakit hindi ka muna mag-almusal sandali lang naman 'yun, mahirap lumakad ng walang laman ang sikmura baka bigla kang mahilo sa kalsada lalo ka lang mahirapan.", sagot ni Jing.

"Nakapagkape na naman ako, okay na 'yun mamaya na lang ako mag-almusal pagbalik ko galing palengke." si Laura ulit.

Araw ng Linggo.
Araw ng pamamalengke ni Laura. Empleyado siya ng isang Freight Forwarding Company sa  Maynila at sa Accounting Department siya naka-assigned. Higit limampung taong gulang na si Laura, may pagkamasungit dahil hindi pinalad magkasupling ng asawa niyang si Jing. Dalawampu't dalawang taon na silang kasal nito,  kahit kapwa hindi baog ang mag-asawa'y nakapagtatakang hindi sila nabiyayaan kahit isang anak man lang.

Si Jing ay isang taxi driver pero tatlong beses na lang isang linggo kung pumasada ngayon dahil sa edad niyang limampu't walong taong gulang madali na siyang mahapo sa maghapong pagmamaneho. May isang anak ito sa kanyang pagkabinata at batid din iyon ni Laura ngunit hindi ito naging hadlang upang sila'y magsama at magpakasal.

"Akin nang sukli ko!" tinutukoy ni Laura ay ang sukli niyang dalawang piso sa iniabot niyang sampung piso sa pobreng tricycle driver. Nasa palengke na siya.

"Ganyan naman kayo eh, kung kami ang kulang kahit singkwenta sentimos lang hindi kayo papayag pero 'pag kayo ang walang panukli gusto niyo pumayag kami!" pahabol pa niya.
Agad na nagpabarya ng kanyang limang piso ang tricycle driver sa kapwa niya driver na nakasalubong at iniabot ang walong pirasong beinte-singko sentimos kay Laura.

Gusto pa sanang magreklamo ni Laura sa binigay sa kanyang mga barya ngunit siya'y nakapagpigil, pabulong na lamang siyang lumayo at mabilis na lumakad patungo sa pwesto ng mga nagtitinda ng mga isda.
Sa bilis ng kanyang lakad ay hindi niya napansin ang magkapatid na Lyn at Luisa, na mabilis din ang kilos; mga palaboy sa palengke na sumalubong sa kanyang daraanan. Si Lyn ay tinatayang siyam na taong gulang samantalang si Luisa ay mas bata ng apat na taon. Humahangos ang magkapatid na may hawak na ilang pirasong iba't ibang uri ng gulay na halatang pinulot lang sa kalsada.

"Aaaaay!!!", pasigaw na salita ni Laura. Naglaglagan ang kanyang mga barya, nabitiwan ang kaninang nakahalukipkip na dalawang tote bag at napunta sa maputik na bahagi ng sahig. Napaupo naman sa lapag ang nakababatang si Luisa, putikan. Habang si Lyn ay hawak sa kanang braso ang kapatid, nakatingin kay Laura na mukhang sasabog sa galit.

"Letse! Kung bakit kasi dito pa kayo naghaharutan sa daraanan ng mga tao. Ang dudungis ninyo, nasaan ba ang mga magulang niyo at pinababayaan kayong pakalat-kalat dito? Mga iresponsableng magulang, aanak-anak mga pabaya naman. Bwisit!"

"Sorry po, hindi naman po namin sinasadya saka po hindi naman po kasi kayo nakatingin sa nilalakaran niyo." pangangatwiran ni Lyn habang inaalalayan sa pagtayo ang kapatid na si Luisa.

"Aba, kung makasagot kang bata ka ah! Wala kang disiplina, kung hindi ka lang bata malamang nasampal na kita! Bwisit na araw ito, ang aga-aga ang daming bwisit!" pasigaw na pasaring ni Laura sa bata habang dinadampot ang naputikang mga barya at tote bag.

Lampas pa lang alas-siyete noon pero dama mo na ang kakaibang init ng umagang iyon at nagpadagdag pa ito sa mainit ng ulo ni Laura. Nakangiwi ang mukhang tumungo sa kanyang suking tindera ng isda. Si Aling Amelia.

"O, suki bakit ba ang aga-aga eh nakabusangot 'yang mukha mo? May kaaway ka ba?" ani Aling Amelia.

"Kakainis! 'Yung dalawang batang palaboy diyan sukat ba namang sa masikip na daanan naghaharutan, ayan tuloy mukha na rin akong marungis. Tingnan mo itong tote bag ko puro putik, palibhasa kasi mga sanay sa putikan." muling umalingawngaw ang boses ni Laura habang nagpupunas ng pawis sa kanyang noo. "Ano ba yan?!? Alas-siyete pa lang amoy pawis na'ko! Ang init naman sa pwesto mo!"

"Kaya ganyan kainit ang panahon kasi sinasanay lang tayo kung sakaling sumakabilang-buhay na tayo. Hehe" pabirong banat ni Aling Amelia.

"Ikaw naman, ang daming pwedeng sabihin iyan pa ang sinabi mo." hindi natuwa sa biro si Laura.

"Biro lang naman 'yun suki, 'wag ka na magalit. O sige na, pili ka na ng isda ko."

"Magkano ba 'yang galunggong mo?"

"Para sa'yo, siyento treinta na lang ang kilo suki kanina siyento kwarenta iyan" sagot ni Aling Amelia.
"SIYENTO TREINTA? Ibig mong sabihin mas mahal pa 'yang isang kilong galunggong mo kesa sa isang kilong manok?" painosenteng birada ni Laura sa tindera. "Sige, bigyan mo ko ng isang kilo niyan, linisin mo na rin."

Binuklat ni Laura ang unang tote bag at hinanap dito ang kanyang wallet. Hindi niya ito nakita. Muli niyang binuklat ang ikalawang tote bag pero muli wala siyang wallet na nakita.

"Sandali ah, balikan ko lang 'yung napagbagsakan ng mga bag ko baka nalaglag dun 'yung wallet ko."

Dali-dali siyang bumalik sa kung saan niya nakabangga ang dalawang bata. Tuwad dito, tuwad doon ang kanyang ginawa. Ginalugad ang bawat sulok kung saan posibleng sumiksik ang kanyang nawawalang wallet. Higit na sa limang minuto ang nakalipas pero hindi pa rin niya nakikita ang kanyang wallet. Lalong uminit ang dati nang mainit na ulo ni Laura. Pawisan. Putikan. Masakit ang likuran. Sa kanyang pag-inat, naalala niya ang dalawang bata.
Agad siyang naglakad patungo kung saan naalala niyang tumakbo ang mga bata. Nakita niya ito sa tindahan ng mga gulay. Namumulot ng mga nalaglag na bawang at sibuyas.

"Hoy, kutong-lupa! Nasaan 'yung wallet ko? Sa'n mo itinago? Kanino mo ipinasa?" sunod-sunod na tanong ni Laura kay Lyn, habang mahigpit niyang hawak sa braso ang bata. "Alam ko miyembro kayo ng sindikato kunwari mga palaboy kayo dito, mga nagpapaawa, humihingi ng limos pero naghahanap lang ng pagkakataon para makapagnakaw!"

"Ano pong wallet? Wala po akong kinuhang wallet! Saka hindi po kami magnanakaw, palaboy nga po kami pero hindi po kami nagnanakaw. Nasasaktan po ako. Bitawan niyo po ako" pangangatwiran at pakiusap ng batang si Lyn kay Laura.

Sa sakit na nararamdaman ng bata sa higpit nang pagkakahawak ni Laura, nagpupumiglas siya at sa kanyang pagpumiglas nasiko niya si Laura at tinamaan sa sikmura. Namilipit sa sakit si Laura, napaupong sapo-sapo ang kanyang sikmura habang si Lyn ay hinahatak palayo ang batang kapatid na si Luisa. Patakbo.

Kahit masakit pa ang sikmura dulot nang pagkakasiko, tumindig at hinabol ni Laura ang dalawang bata. Inabutan niya ito. Hinatak paharap ang buhok ng kaawa-awang si Lyn at nang nasa harapan na ito ni Laura ay ubod-lakas niya itong sinampal!

"Walanghiya kang bata ka! Ikaw pa ang may ganang manakit ikaw na nga ang itong nagnakaw, nasaan ang wallet ko?!?" muling dumapo ang palad ni Laura sa siyam na taong gulang na si Lyn.

Napaiyak si Lyn sa sakit ng sampal ni Laura at mamaya pa'y pumalahaw na rin ng iyak ang kanyang kapatid. Nabaling ang atensyon ng mga tao sa kanilang tatlo; mga tindera, mamimili, matador at ilan pang mga usisero at usisera. Nagbubulungan. May ibang kampi sa may edad ng si Laura at ang iba naman'y nakikisimpatiya sa dalawang bata.

"Hindi naman po talaga kami nagkuha ng wallet niyo kahit po kapkapan niyo pa kami, namumulot nga lang po kami ng mga nahuhulog na gulay para po mayroon kaming maiulam sa bahay huhuhu", hikbi ni Lyn.

"Hindi ako naniniwala sa'yo alam ko kahit na kapkapin kita, wala na diyan ang wallet ko kasi ipinasa mo na ito sa ibang mga kasabwat mo! Saan mo inilagay ang pitaka ko? Kanino mo ipinasa? Sino mga kasabwat mo?" pagalit na tanong ni Laura kay Lyn sabay pingot nito sa kanang tenga.

"Kung hindi mo ilalabas ang wallet ko, mas maganda siguro kung tatawag ako ng baranggay o pulis at sila ang magtatanong sa'yo kung sino-sino ang mga kasabwat mo. Makukulong ka!"

Sa narinig na ito ni Lyn kay Laura ay lalo itong natakot. Lumakas ang iyak ng magkapatid. Tiyempo namang may paparating na rumurondang tanod sa kanilang pwesto at natanaw ito ni Lyn. Nataranta ang bata.
Sa sobrang takot at pangambang siya'y ikulong kumaripas si Lyn ng takbo at sumiksik sa makapal na mga usisero at usisera. Umiiyak na lumayo ito sa mga tao habang naiwang humahagulgol ang nakababatang si Luisa.

"Hoy, ang bata, masasagasaan!" sigaw ng tindera ng buko juice sa labas ng palengke. Si Lyn ang tinutukoy niya, nadulas ang bata sa bilis ng kanyang takbo at dahil na rin sa laki ng tsinelas niyang suot-suot.

Hindi na umabot ang preno ng delivery truck ng gulay dahil sa biglang pagsulpot ng bata sa kanyang daraanan. Tuluyan na ngang nabundol si Lyn nang rumagasang trak. Nagulat ang lahat nang nakasaksi. Hindi makapaniwala.
Duguan na hawak ni Lyn ang ilang pirasong iba't ibang uri ng gulay na nakalagay sa plastik. Habol-hininga. Sa ganitong kalagayan inabutan ni Laura ang bata, tinanaw niya lang ito mula sa bukana ng palengke hindi pansin sa dami ng mga tao. Habang si Luisa ay nakalapit sa kung saan nakabulagta ang kapatid.

"Ate....huhuhu, ateeee!!!" palahaw ng batang si Luisa.
"Luuu...luuuisaa...aa.." At tuluyan nang nalagutan ng hininga si Lyn.
Nagkagulo ang mga tao sa palengke. Kanya-kanyang kuha ng video gamit ang iba't ibang cellphone. Parang walang nagtangkang tumawag sa pinakamalapit na ospital o presinto ng pulisya.

Nagpasyang bumalik sa bahay si Laura. Habang nasa tricycle ay bumubulong-bulong. "Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit nabundol ang batang iyon, kung hindi ba naman niya kinuha 'yung wallet ko at hindi siya nagtatakbo, eh di sana hindi siya nahagip ng trak na iyon. Wala akong kasalanan dun, kundi ang driver ng trak." depensa ni Laura sa kanyang sarili.
 ***
"Hoy, kuha mo nga ako ng barya sa itaas at wala akong pambayad dito sa tricycle!" si Jing ang kausap.

"O, ba't ngayon ka lang dumating? Kanina pa kita hinihintay bumalik. Tinatawagan naman kita sa cellphone mo, iniwan mo naman pala."

"Umakyat ka nga muna sa itaas at kumuha ng baryang pambayad dito sa tricycle nang makaalis na ito bago ka magkukwento diyan." bara ni Laura sa asawa.

Iniabot ni Jing ang walong pisong pamasahe sa tricycle driver at itinuloy ang kwento sa asawa."Ang sabi ko, kanina pa kita hinihintay bumalik, tinatawagan kita sa cellphone mo pero iniwan mo naman pala. Hindi na kita sinundan sa palengke kasi baka magkasalisi lang tayo."

"Bakit mo nga ako hinihintay bumalik kaagad? Eh alam mo namang nasa palengke ako, saka iniiwan ko talaga 'yang cellphone ko tuwing namamalengke ako dahil baka madukot pa 'yan do'n at ibawas pa 'yan sa sweldo ko ng opisina." sagot ni Laura.

"Kaya kita tinatawagan sa cellphone mo dahil pababalikin sana kita dito sa bahay dahil wala kang mabibili nang kahit na isang kilong isda dahil naiwan mo ang wallet mo! Ito oh." sabay dukot ni Jing ng wallet sa kanyang bulsa at iniabot sa asawang si Laura.

- E N D -