Matagal-tagal na rin nang huli kong gawin ang Silip sa dekada 80 kaya naisipan kong gawan ito ng ikalawang yugto pero sa pagkakataong ito hindi na dekada 80 ang paksa kundi dekada 90 na. Bagamat 'di hamak na mas matagal na ang dekada 80 kumpara sa dekada 90 parang mas nakatatak sa isip ko ang naunang dekada at tulad ng nauna ko nang nasabi, dekada 80 pa rin para sa'kin ang da best. Ganunpaman, worth reminiscing pa rin naman ang dekada 90 marami pa ring alaala ang kay sarap balikan at sariwain. At may dahilan pa rin naman ako para gawan ito ng sariling espasyo sa aking blog.
Sa pagpasok ng unang bahagi ng dekada 90 at sa 'di malamang kadahilanan ay nauso ang maruruming sapatos; na 'pag hindi nanlilimahid sa dumi ang iyong sapatos ay hindi ka "in" sa barkada at huwag na huwag pagtangkaang labhan ito kung ayaw mong pagmulan ito ng away. Ang mga rubber shoes noon na dapat ay may taglay na kadumihan ay Tretorn, K-Swiss, Vans o Dragonfly para sa mga low profile. Pumatok din noon ang LA Gear ('yung may ilaw) at siyempre ang Nike ulit at Air Jordan, sa mga rakista ay nauso ang safety shoes at sinturon na may buckle. Kung noong dekada 80 ay beachwalk ang bida at ngayon ay Havaiianas noong 90's ay Islander na tsinelas naman ang pampormang tsinelas.
Sa pagsikat noon ng grupong Smokey Mountain ni Geneva Cruz ay sumikat din ang inendorso niyang Pop Swatch ~ isa itong wristwatch na oversize na may iba't-ibang kulay at disenyo. Matagal-tagal ding namalagi ang kasikatang ito at halos lahat ng kabataan na 'yung makakasalubong ay mayroon nito. Kasabay ng pagsikat ng Swatch/Pop Swatch ay pumaimbulog din ang Bench na damit na inendorso naman ng papasikat na si Richard Gomez (hindi ko alam kung si Richard ang nagpasikat sa Bench o ang Bench ang nagpasikat kay Richard). Sa kabutihang palad ay sikat pa rin naman ito 'di tulad ng kasabayan nitong Octopus Army.
Ang Love Notes ni Joe D'Mango sa Magic 89.9 tuwing Friday ay kinabaliwan din ng mga kabataan sa dekadang ito. Ito 'yung pagpapayo ni Joe D'Mango sa mga sumusulat sa kanya na karamihan kundi sawi sa pag-ibig ay may taning na ang buhay o namatay. Lagi itong may sad ending. Nagkaroon din ito ng sariling programa sa Telebisyon at espasyo sa pahayagan.
Parang hindi malalaos noon ang Universal Motion Dancers o UMD sa sobrang katanyagan nito lalo na ng sinayaw nila ang kantang Always ng Erasure. Tinawag nila ang kanilang sayaw na "Butterfly Dance" bagamat napakasimple ng sayaw ay iba ang dating kung si Wowie De Guzman at ang kanyang mga tropa ang sumayaw nito. Sumabay din halos sa kasikatan sa larangan ng pagsasayaw ang Street Boys ni Vhong Navarro na napakahuhusay naman sa pagtumbling ang isa sa kanilang kantang pinasikat ay Lick It ng 20 Fingers at ilan sa kanta ng Ace of Base habang nakamasid lang naman ang mahuhusay ding Manouevres na sumayaw ng Macarena ~ Parang napakadali magsayaw kung papanoorin mo sila; naging popular din naman kahit papaano ang laging nakapaldang X-People na nagsayaw at pinasikat ang Japanese song na Sweet Soul Revue.
Sa panahong hindi pa gaanong high-tech ang mga gamit at wala pang home theater ay uso pa ang arkilahan ng Mobile tuwing may okasyon. Ang radio station na 89 DMZ ay popular noon sa pagpapatugtog ng Dance, Hip-hop and Remixed Music ~ ang lupit nito noon walang gaanong daldalan basta tugtog lang. Naging DJ din dito so Francis M. o mas kilala sa tawag na The Mouth. Palagi noong may DJ mixing competition at sponsor nito ang 89DMZ. Kung mahilig ka sa radyo o sa musika sigurado alam mo ito. Sa panahon ngayon na uso ang bar at may liveband na kumakanta noon naman ay mga disco ilan sa mga ito ay: Rumors, Heartbeat, Euphoria, Metro, Ozone at Faces na may nakakaindak na theme na ginamit nila sa kanilang commercial sa TV (sing sing sing ~ Andrew Sisters). Bukod sa sing sing sing patok sa diskohan noon gnag mga katulad ng kantang Pump up the Jam, Strike it Up, Oh Carolina, Angelina, everybody everybody, tootsee roll at rump shaker. Masarap makinig noon ng radyo dahil hindi pa ito nasasakop ng mga jejemon. Ang jejemon na Baranggay LS ngayon ay matino pa noong dekada 90 at Rock o Pop-Rock ang laging nasa ere Campus Radio 97.1 ang station ID nito mayroon itong daily Top 12 at 12 na lagi kong inaabangan. Sikat pa rin noon ang NU107 at LA105.9 para sa mga mahihilig sa alternative music at DWRR101.9 para sa ballads & lovesongs fanatics. Mabuti at 'di pa nagpapasakop ang Magic 89.9 at RX93.1 at hanggang ngayon ay meron pa silang "sanity".
MUSIKA AT TUGTUGAN.
Mangilan-ngilan na lang ang Jukebox sa panahong ito na nagbigigay senyal na malalaos na ito. Sa unti-unting pagkasawa ng mga kabataan sa new wave music noong dekada 80 nagbigay-daan ito dance/hip hop music at ang pagsibol ng
boybands. Halos lahat na kantang nirelease ni MC Hammer ay naging hit at Ice ice Baby na one-hit wonder ni Vanilla Ice. Lagi ring nasa airwaves ang mga kanta ng mga grupong C&C Music Factory, Snap, Kriss Kross, Joe Public, Dr. Alban, Snow (Informer), Vengaboys, Steps, Shaggy, 2Unlimited, Ace of Base, Milli Vanilli na may ghost singer pala at iba pang may parehang tema ng musika.
Sa mga Boyband, Backstreet Boys ang pinakaangat sa lahat hindi rin naman nagpahuli ang mga grupong Boyzone, Hanson, NSync, All 4 One, Color me Badd, Take That, Boyz II Men, 98 Degrees, Moffats at sa huling bahagi ng 90's ay pumorma naman ang Westlife. Ang Spice Girls na natsimis naa mga bading ang pinakasikat na girl group noon. Bagamat year 2000 sumikat ng husto, sa huling bahagi ng 90's nag-umpisa ang mga batam-batang sina Britney Spears, Christina Aguilera at Ricky Martin. Ang rakistang si Alanis Morissette ang biggest solo artist ng panahong 'yun at ang kanyang album na Jagged Little Pill ay may napakaraming hits at Number 12 ito sa listahan ng Alltime Album Chart.
Hindi naman nagpatalo ang mga rakista ng dekadang ito dahil ang malalaking rock group ay may sari-sariling mga hits. Ang Extreme na may one-hit wonder na More Than Words, ang Nirvana ni Kurt Cobain (sayang ito), Cranberries, 4 Non Blondes, Pearl Jam, Red Hot Chilli Pepper, U2, Stone Temple Pilots, Pantera, Bon Jovi, Metallica at ang malupet na Guns N Rose ni Pareng Axl, kailangang malawak ang iyong imahinasyon sa pagtuklas sa nakatagong "mensahe at imahe" sa kanilang album na Use Your Illusion I & II.
Sa unang bugso ng dekada 90 dito sa atin ay isinilang ang Hip Hop music sa pamamagitan ng makasaysayang "Mga Kababayan" ni Francis M. Ito ang panahon ni Master Rapper Francis M. dahil lahat ng kanyang istilo ay ginagaya; flat-top na buhok na may nakaukit na peace sign, bling-bling na may peace sign pendant at ang kakaiba niyang kasuotan. Ang tunog imported na Masta Plann ay humataw din, si Michael V ay sumikat sa kantang panabla nya sa "Humanap ka ng Panget" ni Andrew E. na buong pag-aakala ng marami ay orihinal niyang kanta subalit, pero at datapwat ay buong-buong kinopya at isinalin lang pala, galing ito sa kantang "Find an ugly woman" ng Cash Money Marvelous. Tsk, tsk.
Ganunpaman, marami din namang kantang pinasikat si Andrew E. na nagustuhan ng masa na karamihan ay pilyo pati nga ang kanyang mga pelikula ay tumatabo dati sa takilya.
Parang nagising sa mahabang pagkakahimbing ang industriya ng musika nang sumikat ang mga kanta ng banda ng iniidolo kong Eraserheads. Ang tunog latang mga awitin sa album nilang UltraElectromagneticPop! ay nagpasindak sa mga eksperto sa pagtugtog ng instrumento. Ang kantang "Pare Ko" na may linyang: "'Di ba 'tangina!" ay sabay-sabay na isinisigaw ng kabataan kahit sa loob ng eskwelahan. Nasundan pa ito ng mga obramaestra ding album na: Circus at CutterPillow. Sumabay din ang orihinal na Rivermaya ni Bamboo na Ulan ang unang hit, nag-uumpisa na rin noon ang Parokya ni Edgar. Sa sobrang talento ng mga kabataan noon naengganyo na rin silang magbanda; at nagsulputan na rin ang iba't ibang banda ilan sa mga ito ay: Orient Pearl, The Teeth, Alamid, The Youth, Color it Redd, Hungry Young Poets, After Image, True Faith, Siakol, Introvoys (nasa'n na sila?) at ang makabuluhang Yano ni Dong Abay bagamat matitino at magaganda pa rin ang mga lumabas na bagong album ni Dong Abay (Parnaso ng Payaso at Flipino) iilan na lang yata kaming nakabili nito. Idagdag ko na rin ang grupong Grin Department na sumikat ang kanilang double meaning na mga kanta at naging popular sila ng hindi ko man lang nakita ang pagmumukha at wala nga yata silang TV guestings. :-)
PAGKAIN AT LIBANGAN.
Hindi pa ganoon kadami ang tsitsirya o junk foods sa dekadang ito kaya't tanda ko pa rin ang paborito naming nilalantakan tuwing may tira sa baon; ito ay ang Peewee, cheez-it, snacku, humpy-dumpy, chiz-curls, oishi, chippy at ang ibang 'di ko na maalala. Wala na yata ngayon ang peborit ko ding matamis na tira-tira at lala (ung tsokolate), kending cherryball at ang maanghang na stork. Naalala niyo pa ba ang Wendy's Salad Bar? Dapat ay may talent and skills ka sa pagsasalansan ng sangkap ng kanilang salad sa abot-taas ng iyonh makakaya at ito'y sa halagang P99(?) lang. Hindi kaya dahil dito ay nalugi ang Wendy's?
Kahit paano'y may mahilig pa rin sa larong-kalye ang kabataan noon 'di tulad ngayon na nakalimutan na yata ang piko, chinese garter, luksong-baka, tumbang preso, teks, tumbang preso, taguan-pung, tsato, sipa, holen, lastiko, jackstone, dr. quack-quack, marunong pa ba ang bata ngayon magtrumpo? Kaka-miss ito!
May mga naglalaro pa naman noong ng Family Computer pero higit na namayagpag sa kasikatan ang Brick Game o mas kilala sa tawag na Tetris sa katunayan kabilang ito sa 100 Greatest Video Game of all time. Halos lahat yata ng kapitbahay namin noon ay meron nito at tinatangkang i-break ang sarili nilang record. Sa dekada ring ito lumabas ang unang Playstation pero sa sobrang mahal ay hinintay munang magbagsak presyo bago sumikat sa unang bahagi ng dekada 2000. Troll dolls, Tamagotchi ay pumatok din noon at sa huling bahagi ng 90's naman ay ang Tamiya.
TRANSPORTASYON AT KOMUNIKASYON.
Nang lumabas ang kauna-unahang AUV na Tamaraw FX sa kalagitnaan ng 1990's; lahat ng may kayang bumili nito ay mayroon agad sa kanilang garahe. Kaunti na lang ay tila magsing-dami na ang bilang ng Jeepney at Tamaraw FX, ganun ito kapopular dati. Marahil dahil sa ang kanyang porma ay hawig sa pangmayamang Pajero na sa dekada ring 'yun nag-umpisang sumikat.
Sa mga huling taon ng dekadang ito ay lumabas ang makasaysayang Pager o Beeper ~ ito yung ipadadala mo ang mensahe mo sa operator ng Paging company provider at isi-send naman ito ng operator sa taong may hawak ng pager o beeper katumbas ito ng text messaging ngayon. Feeling mayaman ka 'pag mayroon ka nito dahil mga may magandang trabaho lang yata ang nakakakuha nito. Bago matapos ang nobenta ay inilabas ang unang komersyal na cellphone sa Pilipinas na kaybigat at malaki. Analog pa ito at may mahabang antenna. Mayroon ng internet noon pero 'di ito katulad ngayon na kahit nasa loob ka ng banyo ay pwede kang mag-FB. Gamit ang Pentium 286 o 386 ay makaka-access ka sa iyong email sa maingay na dial-up.
KASAYSAYAN.
Balikan natin panandali ang ilan sa mahahalagang nangyari noong panahong iyon.
Luzon Earthquake (1990) - Walang eksaktong bilang ang ginuho ng lindol na 'to. Building, paaralan, bahay, kalsada, hotel, pabrika at marami pa ang ibang istraktura ang itinumba nito. Tinatayang libo ang namatay dito.
Gulf War (1990-1991) - UN led by the USA versus Saddam Hussein and the rest of Iraq.
Ormoc Flashflood Tragedy (1991) - isa sa worst natural disaster sa panahong iyon. Libo ang natabunan ng lupa o tinangay ng baha kasama ang kani-kanilang mga ari-arian.
Vizconde Massacre (1991) - after 20 years still unresolved.
Mt. Pinatubo eruption (1991)- bilyong piso ang damage ng lintek na pagsabog na ito ng Pinatubo. Marami ang namatay at marami ang inilikas na apektado.
Fidel Ramos presidency (1992) - Nanalo noong presidente si Ramos laban kay Miriam pero sabi naman ni Miriam ay dinaya siya. Bise-Presidente niya si Erap.
Erap Estrada presidency (1998) - Sa Malolos, Bulacan ni Erap ginawa ang kanyang panunumpa at pangalawang pangulo niya si Gloria na noo'y mabait pa at hindi pa nasasapian.
Rene Requiestas demise (1993) - Nasa rurok ito ng kasikatan ng siya'y pumanaw.
Ms. Universe held in Manila (1994) - 'di pa rin makalimutan ang makasaysayang Low tide or High Tide ni Charlene Gonzales.
Pagbitay kay Flor Contemplacion (1995) - Nagalit ang buong Pilipinas sa pamahalaan ng Singapore dahil sa pagkakabitay ng isa sa ating bagong bayani.
Pagkakakulong ni Robin Padilla (1995) - Hindi inakala ng lahat na ang isang Robin Padilla ay ikukulong sa Muntinlupa
Ozone Tragedy (1996) - daang kabataan ang literal na nasunog at na-suffocate sa diskohang ito.Pagoda Tragedy - daang deboto ang nalunod sa paglubog ng Pagoda sa Bocaue.
Mula noon hanggang ngayon ay 'di nalalaos ang Hollywood Movies at sa pagpasok ng unang taon ng dekada 90 ay isang matinding "Ghost" ni Patrick Swayze at Demi Moore. Kinabukasan pagtapos manood ng movieng ito ang mga classmate kong babae ay katulad na ng buhok ng bidang si Molly. Kahit hindi bagay basta makiuso lang. Big Hit din noon ang mga movie na: Jurassic Park, Independence Day, Twister, Armageddon, Schindler's List, Face-Off, Con-Air, The Rock, Home Alone, Die Hard, Mission Impossible, Matrix, Scream. Panahon ito ni Arnold Schwarzenegger dahil naka-sampung movie siya sa dekadang ito ilan sa mga ito ay: Total Recall, Terminator 2, Kindergarten Cop at Eraser. Si Julia Roberts naman ang pinakamalupit na aktress ng 90's bagamat apat lang ang movie niya sa kabuuan ng 1990's lahat naman ito ay tumabo sa takilya; Pretty Woman, My Best Friend's Wedding, Notting Hill at Runaway Bride.
Dapat hindi mawala sa listahan ang Titanic ni Leonardo Di Caprio na highest grossing film of all time bago ang Avatar na parehong James Cameron film.
Sa animation, siyempre walang tatalo sa Disney, Aladdin at Mulan na tampok ang singing voice ni Lea Salonga, 1994 ng maipalabas ang tumabo sa takilyang The Lion King, at ang ang napakagandang CGI ng Toy Story (sa pakikipagtulungan ng Pixar ni Steve Jobs) sinundan pa ito ng A Bug's Life noong 1998.
Sa Pinas, ang numero unong aktor noon ay ang bad boy pa noong si Robin Padilla na nakagawa ng 24 movies! At nakulong pa siya sa pagitan ng 1995 hanggang 1998. Katulad ng dekada 80, buhay na buhay pa rin ang pelikulang Pilipino dahil marami ang action film, comedy at mga ST Film na karamiha'y sa Seiko Films madalas bida noon sina Gretchen, Priscilla Almeda, Kaludia Koronel, Nini Jacinto, Natasha Ledesma at ang reyna ng ST si Rosanna Roces. Sa action sumikat ang mga young action star na sina Jeric Raval, Ian Veneracion, Raymart Santiago, Joko Diaz, atbp. Ang Viva Films naman ay abala sa pagpo-produce ng Comedy na halos pare-pareho ang tema pinipilahan ang mga pelikula noon nina Keempee, Andrew E., Gelli De Belen at Jimmy Santos. Sa pagpasok ng taong 2000 ay tila lumamlam ang industriya ng pelikula kahit ang malalaking producer ay minsanan na lang gumawa nito dahil siguro ito sa pagod, pagod sa panonood ng halos pare-parehong istorya at istilo ng hinahandog sa'ting pelikula. Sa Filmfest na lang tayo nakakapanood ng iba't-ibang pelikula pansamantala mahumaling muna tayo sa galing sa pagpapatawa nina Ai-Ai at Vice Ganda. :-(
TELEBISYON.
Marami na ang may Colored na telebisyon sa panahong ito pero iilan lang ang may high-tech na remote control. Wala pa ring cable TV kaya't mabentang-benta ang ating mga lokal na programa. Hindi pa masyadong marami ang teleserye dahil iilan lang ang ipinapalabas na soap opera noon. Ang pinakasikat at pinakamatagal sa lahat ng teleserye ay Mara Clara ni Juday at Gladys tumagal ito ng halos limang taon! (1992 to 1997) Nagsimula sa panghapon nagtapos ng panggabi. Hindi pa nakuntento dahil muli itong inere at ginawa pang pelikula. Sinundan agad ito ng Esperanza na si Juday ulit ang bida syempre isinapelikula din ito. Villa Quintana lang ang naaalala kong nasa programa ng Siyete.
Sa mga bata at isip-bata marami ang nahumaling sa programang Cedie ~ Ang munting prinsepe, Princess Sarah, Sailormoon, X-Men, Dragonball, Mighty Morphin Power Rangers,kabisado ang miyembro ng Teenage Mutant Ninja Turtles (Cowabunga!), Wansapanataym, Takeshi Castle, at sino ang makakalimot sa mga makukulit na bida ng: 4:30 na, Ang TV na! Esmyuski! Ang Batibot noon ay talagang inaabangan ng mga bata 'di tulad ngayon.
Sa mga nanay at tatay na hindi kayang ilipat ang channel sa bahay ay inaabangan ang programang Lovingly yours, Helen ang counterpart nitong Maalaala Mo kaya (ang tagal na nito), Calvento Files, Kapag may katwiran ipaglaban mo, Maricel Drama Specials, at Eye to Eye ni Inday Badiday. Mga game show noon ay: The Weakest Link ni Edu Manzano, Who wants to be a Millionaire ni Christopher de Leon at ang naghihingalong Kwarta o Kahon. Sa Musical variety show naman ay bumida ang ASAP na pinataob ang GMA supershow at SOP sa parehong dekada, The Sharon Cuneta Show, sa unang bahagi ng 90's ay mayroon pang Loveliness kasama doon si Francis M. at si Willie Revillame na konti pa lang ang yabang. May MTV na rin noon sa UHF Channel pero hindi pa ganoon kapopular at naging VJ sa MTV ASIA sina Francis M. at Donita Rose.
Family Oriented naman ang sitcom na walang katapusang Okay ka Fairy Ko na Enteng Kabisote ngayon, Home Along Da Riles na nagsalba sa career ni Dolphy at Tatak Pilipino. Inaabangan ko rin noong ang Music Bureau dati na nagtatampok sa mga lokal na banda katubas ito ng Myx Live ngayon, Okatokat at Baywatch o Beverly Hills 90210 ang ilan pa sa naalala ko. Marami rin ang nanonood ng Magandang Gabi Bayan ni Kabayang Noli (maganda at nakakatakot ang mga Halloween episode nito), World Wrestling Federation at ang taunang Wrestlemania. Ang Marimar ni Thalia ay kinabaliwan ng husto ng mga Pinoy, kaunti lang yata ang hindi nakapanood nito (2 beses pa itong inulit at isinapelikula pa), ito ang nagbigay daan sa iba pang foreign teleserye upang iangkat at panoorin ng masa (kabilang na ang Meteor Garden) sinundan pa ito ng Rosalinda at Maria la del Barrio.
Nag-hit noon sa kabataan ang youth-oriented show ng channel 7 na TGIS nina Bobby Andrews at Angelu de Leon, etc. at kalauna'y sinabayan ito ng channel 2 sa kanilang Gimik na tampok naman sina Jolina at Marvin, Juday at Rico +, etc.
Bago pa magkaroon ng Kuya Kim ay nandiyan na si Ernie Baron at ang kanyang Knowledge Power (radyo at TV) ini-spoof ito noon ni Bossing Vic sa kanilang gag show na TVJ at Mixed Nuts.
Sa pagpasok ng nineties ay nawala ang dalawang political satire na Sic O'clock News at Mongolian Barbeque pero mayroon namang Abangan ang Susunod na Kabanata na bagamat isang sitcom ay ipinapikita ang kalagayan ng pulitika sa Pinas sa nakakatawang paraan, isa pang sitcom na gusto ko ay Ober da bakod naman ng siyete, galing sa channel 5 na Tropang Trumpo (kasama si Gellie de Belen, Chicken!) nag-ober da bakod naman sina MichaeL V. at Ogie upang pagharian ang Bubble Gang na hanggang ngayon ay umeere pa rin sa huling mga taon ng 90's ay lalo itong sumikat ng magkaroon ng segment na "Dating Doon" ni Brod Pete at Brod Jocel. Number one naman sa kalokohan ang Palibhasa Lalake nina Richard Gomez at Joey Marquez kasama ang dalagitang si Carmina ~ nadagdagan pa ito ng ibat-ibang karakter hanggang sa kasawaan na rin ng mga tao dahil sa predictable na pagpapapatawa. Ang channel 9 naman ay may tahimik at simple lang na sitcom pero marami rin ang sumusubaybay ito ay ang Buddy en Sol ni Eric Quizon at Redfrod White+, inaabangan ko dito ay ang tanungan joke sa bandang huli ng programa.
Kakapagod. Napahaba yata ang listahan ko pero okay lang nag-enjoy din naman akong balikan at alalahanin ang nakaraan. Alam kong hindi na mababalik pa ang dekadang ito pero kung bibigyan ako ng tatlong kahilingan na ibalik ang tatlo sa mga ito hihilingin kong: 1. sana'y 'di agad namatay si Francis M. at ang kanyang musika, 2. sana'y 'di muna na-disband ang grupong Eraserheads at 3. sana'y nasa airwaves pa ang istasyong 89DMZ.
Ikaw ano-anong pipiliin mo?
kakatuwang balikan........... salamat dekada nobenta..
ReplyDeletenoong dekada 90 wala pa cable. kaya pati local channel may foreign shows. tulad ng fraiser, cheers, friends, baywatch, pacific blue, melrose place, beverly hills 90210, seinfeld, x-files, at marami pa, may variety. Di tulad ngayon puro drama at love story na lang wala nang iba.
ReplyDelete