Thursday, November 28, 2013

Kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao



Likas na sa mga pilipino na lumabas ang itinatagong yabang o angas sa tuwing mayroon silang kababayan na nagtatagumpay o nag-uuwi ng karangalan para sa bayan sa kahit anong contest o larangan. Proud na proud ang marami sa tuwing may artistang pinoy na extra sa isang Hollywood movie o sa tuwing may pumapasok na pinoy contestant sa mga reality show na tulad ng American Idol, America's Got Talent, X-Factor, etc. at mga bansang may franchise nito o sa tuwing may mga pinay na nakokoronahan sa mga international beauty pageant o sa  tuwing may mga kababayan tayong nagwawagi sa iba't ibang competition tulad ng WCOPA o Brussels/Brisbane/Venice Film Festival. At kahit na kakaunti lang ang dugong nananalaytay sa taong nakapagkamit ng tagumpay o may makatawag pansing talento buong pagmamalaki nating ipinangangalandakan na kalahi natin ito sabay sigaw o share ng status sa Facebook na: "Proud to be Filipino!" with exclamation point.


Dalawang talo ang pinanggalingan ni Manny Pacquiao at sa panahong iyon tila tumamlay, tumahimik at natameme panandali ang mga netizens na mapride, tila namaos ang kanilang boses at nabawasan ang kanilang kaangasan. Ngunit hindi doon natatapos ang lahat dahil kahit lehitimo ang pagkapanalo ni Marquez sa huli nilang laban pasaring at labis na pambubully naman ang ganti nila dito. Senyales ito na hindi handa ang marami sa atin na tanggapin nang maluwag ang pagkatalo ni Manny samantalang ang mismong bumagsak at natulog sa ring ay buong pusong tinanggap ang kabiguan nang walang dahilan, walang alibi, walang katwiran.


Proud ang marami kay Ms. World Maegan Young
Sa nakaraang laban ni Manny Pacquiao versus Brandon Rios walang dudang si Manny ang nagwagi dito dahil mula umpisa hanggang huling round ay nadomina nito ang laro. At dahil dito muling nagising at bumalik ang yabang (na pansamantalang naidlip) ng maraming pilipino at nakadagdag pa rito ang magkakasunod na pagpwesto ng ating mga pambato sa pandaigdigang beauty pageant. Bumungad sa iba't ibang fan page ng Facebook ang paghanga, pagbati at pagyayabang ng mga admin nito na proud silang naging pilipino sila at siyempre kabilang rin sa sumisigaw nito ang maraming proud pinoy netizens.


Ito 'yung moment na hinihintay nang lahat pagkatapos ng debastasyon at bayolenteng pananalanta ng bagyong Yolanda. Ang pagkaawa ng mga foreign nation sa Pilipinas ay kagyat na napalitan ng paghanga. Ito ang tamang pagkakataon para muling pumailanlang ang 'Pinoy Pride'. Ang comeback ni Manny ay parang comeback na din ng buong sambayanan.
Ang panalo ni Manny ay inspirasyon para sa marami, kasiyahan para sa milyon-milyong katao hindi lang ng mga pilipino, karangalan sa bansang dumaranas ng pagdurusa, pag-asa para sa mga patuloy na nangangarap at kayabangan para sa mga gutom sa pagkilala at magandang balita.


ang superhero ng pilipinas
Halos lahat ay nagnanais na manalo si Manny sa bawat kanyang laban ngunit okay lang sa akin ang anumang magiging resulta o kalalabasan ng kanyang bawat laban; manalo man o matalo. Kung hindi man magwagi hindi na kailangan nang katwiran, pambubully, pangangantiyaw, palusot, bayolenteng reaksyon, pang-aasar o pagcurse sa nakalabang boksingero tanging kailangan lang ay ang pagtanggap na hindi sa lahat ng panahon at pagkakataon ay mananatili kang nasa ibabaw at pagpapaalala din ito na walang sinuman ang nananatiling nasa rurok ng tagumpay kailanman. Sa taglay na husay at lakas ni Manny sa boxing halos nalilimutan nating mortal din lang siya na nagkakamali, na mayroon ding kahinaan; hindi siya imortal, invincible o superhero at anumang sandali pwede siyang magapi.


Bilang pilipino nakakatuwa na mayroong isang pilipino na angat sa napili niyang larangan ngunit ang hindi nakakatuwa ay ang ugali ng karaniwang pinoy sa tuwing makakatikim ng panalo si Manny. Given na ang paghanga at pagiging masaya ngunit ang labis na pagmamayabang ay hindi na nakakatuwa at kaaya-aya sabi nga ng misis ko pagkatapos ng laban ni Pacquiao kay Rios: "Kaya ayokong nananalo si Manny kasi sa tuwing mananalo siya dumadami ang yumayabang na Pilipino!" patungkol ito sa announcer ng radyo na nagcover ng laro. Kung ano ang kababaang loob ni Manny sa tuwing siya'y nananalo siya namang pagiging mayabang ng maraming pilipino.  Kunsabagay hindi natin sila masisisi dahil napakabihira ng pagkakataong ganito: ang maging eksepsyonal ang isang pilipino sa ibang mga lahi!


Likas na may yabang ang pilipino hindi ba't sa tuwing may bago silang gamit, bag, damit na mamahalin, sapatos, iPhone, gadget at iba pa ay ipinangangalandakan nila ito sa mga kaibigan o sa kanilang Social  Networking account. Hindi ba't sa tuwing kumakain tayo sa medyo mamahalin/sosyal na restaurant o humihigop ng mamahaling kape o nakabili ng overpriced na donut ay agad natin itong pinopromote sa FB o Instagram? Hindi ba't sobrang ipinagmamalaki ng mga magulang ang matataas na grado sa eskwelahan ng kanyang anak?
Pero iba ang yabang at angas ng mga pinoy sa tuwing magwawagi at paparangalan ang isang Manny Pacquiao. Ang yabang natin ay nangingibabaw! At may dahilan kung bakit tayo ganito; may malalim na rason kung bakit yumayabang ang maraming pilipino sa tuwing nananalo si Manny Pacquiao.
Galing sa kayabangan google ang larawan
Simula nang tayo ay magkaisip tila namulat tayo na ang ibang lahi partikular na ang mga kanluraning nasyon ay angat sa atin, automatic na ang paghanga natin sa kanila.
Hindi ba't 'nakajackpot' ang tingin natin sa isang ordinaryong pinay na may boyfriend/asawa na ingles o amerikano?
Hindi ba't ang tingin natin sa HALOS LAHAT ng mga puti/amerikanong bumibisita sa ating bansa ay mayaman kahit hindi naman?
Hindi ba't labis-labis ang paghanga natin sa mga koponan ng NBA, sa mga Hollywood movies kasama na ang kanilang actors and actresses?
Hindi ba't kinoconsider natin na mataas ang quality ng isang produktong may tatak na 'Made in USA' o 'Made in Japan'?
Hindi ba't mas masarap sa panglasa natin ang mga imported chocolates kaysa lokal na mga tsokolate natin?
At kahit magaling o may ibubuga tayo at mga gawa natin sa kanila mas kahanga-hanga pa rin para sa atin ang mga imported products at hindi ito maikakaila lalo't obvious na hindi bumebenta ang mga lokal nating produktong gadget kumpara sa Korean, Japan at American brands.


Manny Pacquiao - National Treasure. The Filipino Pride.
Nakatala na sa kasaysayan na ang isang purong dugong pinoy na si Manny ay umangat, namukadkad at ginapi ang mga banyagang (boksingero) kanyang nasagupa nang hindi lang ilang beses, purong talento ito na hindi tsamba kaya natural lang na reaksyon ang paghanga at pag-idolo natin sa kakaibang galing at talinong ito ni Manny at ang labis na paghanga at pag-iidolong ito ang nagtutulak sa maraming pilipino para magmalaki at magmayabang.


Isang uri ng cyberbullying kay Rios
Sa sobrang dami ng HINDI MAGAGANDANG BALITA na sumasalubong sa atin sa bawat araw tila nakasanayan at namanhid na tayo dito. Pangkaraniwan na sa mga pilipino ang headline ng iba't ibang krimen, mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng ating mga tiwaling pulitiko at mga natural disaster na ayaw tayong lubayan. Ang anumang good news na magpaparelax sa nakakasawa at nakakapagod na nakasanayan nating balita ay makakakuha ng atensyon ng mga pilipino lalo't involve ang galing at husay ng isang pinoy o personalidad na may dugong pinoy. Kaya isang BIG DEAL para sa marami ang tagumpay ni Manny Pacquiao. Para bang ang tagumpay ni Manny ay tagumpay na rin ng sambayanang pilipino at ang kanyang bawat pagtumba at daing ay tila dama rin ng milyon-milyon niyang fans.


Ang bawat panalo o pagwawagi ni Pacquiao ay pambasag sa nakakairitang balita ng katiwalian, pulitika at trahedya sa ating bansa.

Gutom ang mga pilipino sa magaganda at kaaya-ayang balita, success at inspirational story at napakakaunti o limitado ang mga personalidad na naghahatid sa atin nito hindi tulad sa mga mga mauunlad na bansa o kanluraning nasyon na maraming kababayan nila ang nagdadala ng tagumpay at karangalan para sa bansa nila. Ika nga siksik, liglig at nag-uumapaw ang personalidad na nagiging matagumpay sa iba't ibang uri ng larangan; sports, singing, acting, business, science, technology o art. Hindi matatapos ang listahan kung ito'y iisa-isahin at hindi ito gaanong big deal sa kanila.


Ang sinumang pilipino na nag-uuwi ng karangalan sa kanyang bansa ay kinikilala natin ng sobra-sobra dahil bibihira dumating ang ganitong pagkakataon. Tila nagkakasya na lang tayo sa kung anong success ng iba, success din natin at nakikisakay na lang tayo dito. Ang nakakalungkot pinipili lang natin ang dapat nating ikaproud kahit nagdudumilat ang napakaraming bagay at ugali na dapat nating baguhin at iimprove. Mga pilipinong proud sa tuwing nananalo ang isang pilipino pero patay-malisya naman sa hindi kagandahang ugali ng marami sa ating kababayan at wala ring pakialam kung nasasangkot ang pilipino sa mga kabalastugan, kulang na lamang ay itakwil nila ang kanilang pagiging pinoy.


Paano na lang kung magretiro na si Manny, wala na bang dahilan para tayo maging proud? Paano na lang ang Filipino Pride?
Mayroon pa, dahil may mga pilipino pang magiging tanyag at uusbong sa iba namang katauhan pero 'wag sana nating iwaglit na ang husay at talento ng sisikat na ito ay hindi repleksyon sa buong lahing pilipino. Marami pa tayong dapat patunayan at baguhin para hangaan hindi lang isang indibidwal na pilipino kundi ang buong bansa natin. Sa ngayon, sa halip na maging hambog at mayabang tayo sa tagumpay ng iba mas maganda na maging humble muna sa kabila ng tinatamasang karangalan at pagkilala ng mundo sa ating kababayan, si Manny Paquiao man ito o ibang pangalan.

* * *
Ang KAPALALUAN, kasama ng kasakiman, kahalayan, galit, katakawan, inggit at katamaran ay kabilang sa pitong kapital na kasalanan. Hindi madaling gawin ang lahat nang ito pero kung kaya naman nating mapigilan pilitin sana nating ito'y maiwasan.

Monday, November 18, 2013

Pilipinismo 2.0



Kuntento ka na ba sa katayuan ng bansa mo ngayon? 
Kuntento ka na ba sa estado ng buhay na iyo ngayong kinalalagyan?
Kung 'oo' ang sagot mo mabuti pero batid mo bang mayroon pang igaganda at ibubuti iyan kung naging tapat at progresibo lang sana ang puso at mentalidad ng mga namumuno sa atin? Ngunit kung 'hindi' naman 'wag kang mag-alala dahil kabilang ka sa napakalaking porsyento ng mga pilipino na umaasa na aangat at aasenso ang kanilang pamumuhay sa 'itinakdang' panahon.

Silang mga pilipinong nabubuhay at kinakamatayan na ang pag-asang siglo na nilang kinakapitan at inaasahan.

Hindi lingid sa atin na ang Pilipinas ay tanyag sa maraming bansa hindi lang dahil sa husay, determinasyon at galing ng mga pilipino sa maraming bagay o sa ganda ng ating mga karagatan o yaman ng ating kabundukan kundi dahil sa malawakang katiwalian at korapsyong nagaganap sa ating pamahalaan at kahit tayong pilipino nga mismo ay hindi buo ang ibinibigay na tiwala sa mga opisyal na namumuno sa atin. Kasaysayan ang nagmulat sa atin kung gaano kalala ang katiwalian sa ating gobyerno kaya't hindi natin masisisi ang sinuman (pilipino man o dayuhan) na magduda sa anumang pondong kanilang hinahawakan. Kung gaano kaliit ang ibinibigay nating tiwala sa mga opisyal na namamahala sa atin halos ganun din ang respetong iginagawad natin sa kanila ngunit kahit anong gawin nating protesta o pagpapahayag mistula silang mga manhid at walang pakialam sa ating mga pakiusap at hinaing.

Silang hindi natitinag sa kanilang kinatatayuan, silang hindi naaantig ang mga kalooban.

Biyernes, Nobyembre 8, 2013.
Habang may isang Napoles na lantaran ang pagsisinungaling sa hearing ng senado, sa mismong sandali namang iyon ay binabayo nang napakalakas na pwersa ng bagyo ang malaking bahagi ng Pilipinas. Habang ginagago at niloloko niya ang buong sambayanang pilipino tila nagpupuyos naman sa galit at lupit ang kalangitan. Maaring ito'y isang aksidente o nagkataon lang ngunit ito'y kakatwa kung ating iisipin at tila may ibig itong ipahiwatig at ipakahulugan.

Bumubuhos ng mga tulong, ayuda, suporta, donasyon at pera ng iba't ibang nasyon sa mga biktima ng super bagyong Yolanda at habang isinusulat ang akdang ito aabot daw ang halaga nito ng mahigit sa tatlong bilyong piso! Nakakalula ang halaga, nakakasilaw ang pigura. At dahil dito kabi-kabila ang panawagan at panalangin ng buong mundo na huwag naman sanang kulimbatin, nakawin o kupitan kahit na katiting na bahagi ng mga donasyong nakalap.
May mga radikal na panawagan, may mga lantaran ang pagtuligsa, may naghayag ng sama ng loob at sintimyento sa mga social network ngunit mas marami ang piniling manahimik ngunit hindi kahulugan nito na buo ang kanilang tiwala sa mga taong hahawak ng napakalaking suportang patuloy na dumarating at dumarami.

May kasabihan tayo noon na madaling maging tao pero mahirap magpakatao maari na nating idagdag ngayon na: 'hindi madali ang buhay lalo't nabubuhay kang isang pobreng pilipino'. Hindi madali dahil tila para tayong mga sugatang kuting na hinayaan ng ating iresponsableng ina na mamuhay sa madilim at masukal na kagubatan. Nagtatanong kung hanggang kailan ba tayo mananatili sa kagubatang ating kinasadlakan? Hanggang kailan ba tayo kayang tikisin at tiisin ng ating inang namumuhay sa kaginhawaan?

Mababait sana ang pilipino kaya nga mayroong tinatawag na 'filipino hospitality' ngunit dahil sa labis na kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa matinong hanapbuhay marami ang napipilitang kumapit sa patalim. Ngunit naniniwala pa rin ako na kahit kailan 'the end does not justify the means' ang kasalanan ay kasalanan kahit para sa kabutihan pa ang layunin ng ginawang kasalanan. Unti-unti, naglalaho ang ating pagiging filipino hospitality at napapalitan ito ng takot at pangamba. Takot at pangamba na mamuhay ng payapa sa sarili niyang bansa.
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa iyong kaligtasan sa tuwing ikaw ay naglalakad sa alinmang kalsada sa Pilipinas lalo na sa Kamaynilaan?
Ikaw ba'y hindi nangangamba sa kinabukasan ng iyong mga anak at magiging apo sa mahal nating Pilipinas?

Sa kabila ng kayamanan at kagandahan ng ating likas-yaman, sa napakaraming buwis na pumapasok sa kaban ng bayan, aabot sa bilyong dolyar na remittances ng mga masisipag na bagong bayani daw ng ating bansa - heto tayo kaawa-awa sa paningin ng mga banyaga.

Noong panahong hindi pa talamak ang kahirapan kapansin-pansing higit na mababa ang naitatalang kriminalidad dito sa atin ngunit kalaunan habang padausdos ang ekonomiya ng Pilipinas at nang mag-umpisang makaranas ng gutom, paghihirap at kawalan ng pagkakataong magkatrabaho ang maraming pilipino tila sumabay na rin sila sa pagiging malupit ng mundo, gradually nagiging malupit na rin sila.
Sa kagustuhang malamanan ang sikmura ng bawat miyembro ng kanyang pamilya at tila nawalan ng kapag-asahang matutulungan silang maiahon ng gobyerno mula sa pagkakalubog sa kumunoy ng kahirapan nagiging mapangahas ang marami nating hikahos na kababayan.

Ngayon, mapangahas ko ring ipapahayag na sa kasalukuyan nating kalagayan walang sinuman ang may KATIYAKANG makapagsasabing may magandang kinabukasang naghihintay ang susunod na henerasyong pilipino. Kaya nga marami ang nagpapasyang maghanapbuhay sa ibang bansa dahil napakaliit ng tsansa na ikaw ay umasenso dito sa Pilipinas liban na lang kung ang iyong pamilya ay may labis na kayamanan o may matatag kang negosyo at palarin na magkaroon ng napakagandang oportunidad (ngunit kung susuriing mabuti ang liit ng odds para dito). Ang ordinaryong empleyado dito sa atin ay HALOS walang pagkakataong umunlad at umasenso.

Ang ating mga lider at pinuno ay ating mga magulang na sana'y gagabay at magpapalaki sa atin ng may respeto at pagmamahal sa kapwa subalit ang mga magulang nating ito, sa halip na maging magandang halimbawa sa atin sila pa ang nagtuturo at nagtutulak sa mga mahihina para makagawa ng mga bagay hindi kanais-nais. Walang nagnanais na mangholdap kung mayroon itong matinong pagkakakitaan, walang nagnanais na maghalungkat ng napakabahong basura kung may sapat na kalinga at programa ng edukasyon para sa mga kabataan, walang nagnanais na magpakaputa kung mayroong matino at magandang mga hanapbuhay na nakalatag. Bakit hinahayaan natin ang lantarang diskriminasyon sa lahat ng requirements ng mapapasukang trabaho? Bakit dapat may pleasing personality ang halos lahat ng available na trabaho? Bakit may age limit, paano na ang may edad na ngunit may kakayahan pang magtrabaho?
Isang katotohanan na kapag walang permanenteng trabaho tumataas ang bilang ng krimen.

Maraming krimen ang hinayaan na lang nating hindi maresolba, maraming krimen ang hindi na lang nirireport ng mga biktima, maraming krimeng pagnanakaw ang winawalang bahala at itinuring na lang na ordinaryong kaganapan sa Pilipinas, maraming krimen ang hindi talaga ginawan ng paraang malutas lalo't kung ang taong sangkot ay mayaman, maimpluwensya o makapangyarihan.
Lahat ng krimen ay kailangan ng hustisya ngunit iilan lang ang kayang lutasin ng ating batas at pulisya?

Kaya ba hinahayaan at pinababayaan na lang natin ang mga tsuper na lantaran kung walanghiyain ang batas trapiko?
Kaya ba handa nating tiisin ang mga minor o petty crime tulad ng snatching o holdapan?
Kaya ba okay lang sa atin ang magtapon ng basura kahit saan natin gustuhin?
Kaya ba ang prostitusyon ay tila tanggap na ng lipunan?
Kaya ba patuloy na lumalala sa bansa natin ang drug trafficking?
Siguro nga...dahil kung ano ang nakikita nating madalas 'yun ang ating nakakasanayan at ang mga kinasanayan nating ito habang tumatagal ay mahirap nang pigilan at supilin.

Pilipino sa pilipino walang tiwala at respeto. Banyaga sa pilipino ang tingin ay biktima ng sarili nilang pamahalaan. Nakakahiya pero iyan ang nagdudumilat na katotohanang sumasampal sa bawat isa sa atin at kahit anong pagsusumikap ng pinakamataas na namumuno sa atin o ilang may tunay na pagmamalasakit sa bansa na maging matapat at matino marami higit na marami pa ring gahaman at ganid sa pera at kapangyarihan kumpara sa matino at maaasahang pinuno.

Habang milyong tao ang labis na naapektuhan at ngayo'y nahihirapan ang kalagayan dahil sa nakalipas na kalamidad, ang mga nahalal ng tao na nangako noong nakaraang eleksyon ng pagbabago at pagmamahal sa bayan ay hindi makita at hindi mahagilap. Tila iniasa na ng mga pulitiko sa mga higanteng network sa bansa ang pagtulong at pagkalinga sa mga sinawing-palad na biktima ng sunog, lindol, sakuna, baha, landslide, storm surge at ang huli nga ay ang mapaminsalang bagyong si Yolanda. Ang nakakalungkot, sa susunod na eleksyon sila ang ulit ang mahahalal.

Napakahusay nating mambara at mambatikos sa sinumang nagbibigay puna sa ating lahi o sa ating mga ginagawi pero hindi naman tayo sensitibo sa nararamdaman ng iba. Bakit hindi natin maamin na ubod nang bagal ng ating pamahalaan sa pagresponde sa lahat ng klase ng kriminalidad, sakuna at kalamidad? Tanggapin sana natin ang ating kahinaan at magmula rito ay pagbutihin ang mga puna at kritisismong hindi naman kasinungalingan ngunit bilang ganti may magtatangka pang batikusin ang taong naghatid ng isang balidong ulat. Hindi sapat ang pagmamalasakit lang dahil mas mahalaga ang kagyat na pagkilos sa panahong ito. Hindi sapat ang nakatingin ka lang o nakikinig ka lang sa mga ulat dapat ay magtulungan tayo sa anumang paraang alam mo.

Napakabilis din nating sumigaw ng "Proud to be Filipino!" sa tagumpay ng iilang piraso nating kababayan pero itinatakwil at ipinagkakanulo naman natin ang ating kabuuan. Ang tagumpay ng ilang pilipinong indibidwal ay hindi sumasalamin sa kabuuan ng ating lahi dahil ang nakikita at namamalas sa atin ng mundo ay negatibo. Lantaran man o hindi, marami sa ating 'bagong bayani' ay nakararanas ng diskriminasyon dahil ayon sa kasaysayan tayo ay alipin ng mga dayuhan at hanggang sa kasalukuyan hindi pa natin nababago ang kasaysayang ito. Hanggang kailan tayo makakahulagpos sa konotasyong ito? Kung maaari lang, ngayon na sana. Hindi sa susunod na henerasyon, hindi sa susunod na salinglahi.

Bakit ba hindi tayo makahanap o makapaghalal ng matino at matalinong pinuno? O merong nagtatangka ngunit mas nais nating mamuno sa atin ay mga taong sikat at popular kahit salat sa sinseridad at kaalaman. Kung maari lang sanang i-clone ang mga katulad na pamumuno, tikas, astig, diskarte at abilidad nina Miriam, Duterte, Gordon, Robredo, Bayani, Hagedorn, Bonifacio, Rizal at iba pa. Marami pa ang tulad nila na handang umaksyon, tumugon at magmalasakit sa bayan pero madalas hindi natin nakikita o ayaw nating pansinin siguro'y hindi tayo sanay o ayaw nating magpasaway dahil mas nananaig ang katigasan ng ulo ng marami sa atin. Ang popular na pulitiko ay hindi katumbas na magiging magaling din siyang manungkulan, ang popular na magdeliver ng kanyang bawat speech ay hindi kahulugan na natutumbasan niya ng aksyon ang kanyang bawat sinasabi. Hanggang sa siya'y bumaba sa panunugkulan mananatiling siya'y Popular President lang kung mas marami pa ang kanyang paninisi kaysa karampatang aksyon.

Sana sapat na ang mga tulad nina Pablo, Pedring, Ondoy, Sendong, Habagat, Yolanda, Marcos, Revilla, Enrile at Napoles para matuto at magbago na, hindi lang ang mga lider natin kundi tayo mismong mga pangkaraniwang tao. Sana hangga't hindi pa huli ang lahat at may pagkakataon pa tayong baguhin ang mga mali sa ating kasaysayan. Sana hangga't hindi pa lubos na nasasaid ang papaunti na nating kabundukan, kabukiran at likas na yaman. Sana hangga't may mga nagtitiwala at tumutulong pa sa ating kasalukuyang kalagayan.

Madali ang manisi, madali ang mag-akusa ngunit pagkatapos ng napakahabang panahon ito pa rin ang ating mga katanungan.
Ano na ba ang napala natin?
Ano pa ba ang aasahan natin?
Ilang kalamidad pa ba ang kailangan natin para lang tayo maging matino at matutong magmalasakit at magmahal sa kapwa? O kahit siguro judgment day na ay hindi pa rin matitinag sa pagkamanhid ang mga suwail sa ating bayan. Kaawa-awang Pilipinas.

Sa kabila ng matinding kalamidad na ating kinakaharap nakakatuwa at nakakataba ng pusong malaman na ang kapwa Pilipino sa ganitong sitwasyon at kahit na ang buong mundo ay nagdadamayan, nagtutulungan at handa pang tumulong sa mga biktima at naapektuhan ng 'di pangkaraniwang bagyo. Hindi lang basta pinansiyal kundi personal na aalalay at nakikiisa sa mabilis na recovery ng bansa.
Sinasantabi pansamantala ang kulay, relihiyon, interes, lenggwahe, antas o estado ng buhay makapagbigay lang ng ayuda at pag-asa sa mga lubos na nasalanta.

Sana kahit walang emergency, krisis o kalamidad ang isang bansa magawa nating mahalin at tulungan ang bawat isa sa atin.
Sana kahit walang panawagan na tayo'y tumulong kusang loob nating ibigay ang nararapat na kalinga at pag-aaruga sa mga tunay na nangangailangan.
Sana kahit walang batikos at pumupuna magampanan natin ang ating tungkulin at obligasyon ng buong puso para sa bansa at sa mga tao.
Sana.

'Pag nangyari ito sigurado lahat tayo ay may kakayahang sabihin na: PHILIPPINES would be a better perfect place to live in.


Monday, November 11, 2013

Saglit lang, basahin mo naman ito...



Ang kalamidad daw ay walang pinipili; mayaman o mahirap, naghihikahos na bansa o progresibo basta kapag hinagupit ka nito walang sasantuhing kahit na sino. Walang kuwestiyon na wala ngang pinipili ang kalamidad pero tila naka-bookmarked or naka-marked as favorite ang Pilipinas sa bansang laging tinatamaan ng kalamidad o delubyo. Hindi pa nga tayo ganap na nakakarecover sa PDAF issue, sa giyera sa Mindanao, sa napakalakas na lindol at halos isang buwan pa lang ang nakalilipas ay mayroon na namang dumagok sa atin: ang bagyong si Yolanda na ayon sa NASA, PAGASA, etc. ay isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng mundo.

Katulad ng mga world record na pinanghahawakan ng Pilipinas na worst sea disaster in the world, one of the most corrupt country, most corrupt official at iba pa, kailanman ay hindi natin dapat itong ikatuwa.
Ano bang meron sa Pilipinas at lagi tayong may disaster (man made man o nature)?
Ano bang meron sa Pilipinas at paborito tayong dalawin ng kalamidad?
Ano bang meron sa Pilipinas at inaabot tayo ng iba't ibang klase ng delubyo?

Ang Pilipinas ay earthquake / landslide / storm / flood prone country. Sa katunayan, ayon kay Mang Tani na beteranong meteorologist ang average na bagyo natin sa isang taon ay aabot sa dalawampu at ngayong 2013 ay lampas na tayo sa quota. Hindi sa nagmamagaling ako, kung lagi tayong dinadaanan ng mga malalakas na bagyo at matataas na baha hindi ba dapat ay mayroong isang MATINONG EVACUATION CENTER sa bawat bayan o siyudad na ipinagawa ng local government? Para sa mga panahong may sakuna o kalamidad ay iyon na agad ang takbuhan ng mga biktima o nasalanta at hindi ang eswelahan ng mga mag-aaral sa elementarya ang nagiging pansamantagal na evacuation center. Pasensya na, nagtatanong lang.

Oo, nagkalat ang mga corrupt at ganid na pulitiko at government officials sa bansang ito pero 'wag naman sana nating isipin na 'karma' sa bansang Pilipinas ang mga nangyayaring lindol, digmaan, bagyo, landslide, baha at mga sakuna. Ang mga biktima ng kalamidad ay walang kinalaman sa pagiging walanghiya ng mga namumuno at kung maari nga na kung sino lang ang labis na nagpapahirap sa bansa 'yun lang ang maging biktima ng kalamidad.

Nakakalungkot na sa kabila ng kakapusan natin sa pera nangyayari pa sa atin ang mga ganito katinding kalamidad. Ninanakaw na nga ang malaking bahagi ng ating pondo mapupunta pa ang ilang bahagi nito sa mga nasalanta at sa halip na magagamit sa pagpapaunlad(?) ng bansa, daang milyong piso tuloy ang mailalaan para matulungan ang marami nating kababayan. At sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas hindi ka ba nag-iisip na may mag-iinteres pa rin na opisyal sa donasyon at tulong para sa mga biktima? Dahil hindi lingid sa atin na maraming bansa sa mundo ang nagpahiwatig ng tulong pinansyal sa mga nabiktima ng bagyo.

Partikular sa Visayas.
Aabot sa libo ang nasawi. 'Di mabilang na bahay ang nawasak. Libong ektarya ng pananim ang nasira. Milyong tao ang apektado. Bilyong piso ang damages. Libong kaluluwa ang naliligaw. Magsingdami ang baha at ang luha. At kung nababasa mo ang akdang ito mas maswerte ka sa kanila dahil may oras ka pang makapag-internet samantalang ang problema ng mga biktima ng bagyong Yolanda ay buhay at kabuhayan.  Walang puso lang ang hindi maaantig sa eksenang iniwan ng bagyo at kung sa mga bahay natin dumaan ang higit sa 200kph na lakas ng bagyong ito malamang wala na tayong mauuwiang tahanan.

Kalunos-lunos ang kanilang kalagayan katunayan sa sobrang hirap na kanilang dinaranas ngayon ay nagkaroon ng malawakang looting sa maraming establisimyento. Nakawan ng iba't ibang mga bagay tulad ng mga pagkain, damit, tubig at nakakadismaya na pati mga electrical appliances ay ninanakaw na rin. Sino ba tayo para manghusga? Pero noong kasagsagan ng tsunami sa Japan noong taong 2011 nakita ko ang mga hapong biktima nito disiplinado at matiyagang nakapila para sa rasyon ng pagkain sa kanilang evacuation center. Marahil sa kawalan ng sistema ng mga namumuno desperadong nagawa nila ang looting ng mga appliances.

Nasaan na kaya ang mga magigiting na pulitikong naghahangad ng pagbabago sa bansa sa panahon ng kalamidad? Ewan natin. Nakakadismaya lang na masyadong iniasa ng mga namumuno sa malalaking TV Network ang pagkalinga sa mga nasalanta ng bagyo. Sa halip na magpapogi sila sa harap ng telebisyon o ipangalandakan ang accomplishment/kagalingan nila sa print media ito ang tamang panahon para kumilos, magkaisa at tumulong hindi lang sa pagngawa kundi sa mismong paggawa. Sana kahit minsan magamit man lang ang kanilang pera at impluwensiya sa mabuting kaparaanan.

At sa kabila ng mga unlimited na trahedyang ito at katulad ng iba pang kalamidad na naranasan ng Pilipinas, sigurado bukas o sa makalawa ay makakabangon tayo mula sa muling pagkakadapang ito. Sana sa pagbangon nating ito ay matauhan na rin ang mga namumuno sa atin at maisip nilang itigil ang kanilang pangungulimbat sa bayan. Sana maisip nila na may mga taong higit na nangangailangan ng pondo ng bayan. Sana mahabag na sila sa kaawa-awang kalagayan nang nakabagsak na Pilipinas.

Hindi sapat ang awang ating inuusal sa tuwing sila'y napapanood natin sa balita.
Hindi sapat ang simpatiyang ating pinupukol sa kanila sa tuwing nakikita mo ang bakas ng trahedya sa internet.
Hindi sapat ang atensyon na makukuha nila sa atin sa tuwing may iniiyakang bangkay na biktima ng pagkalunod.
Hindi sapat ang dasal at panalangin na iyong sasambitin para sa mga naiwang biktima ng trahedya.
Hindi lang awa, simpatiya, atensyon at dasal ang kanilang kailangan. Kailangan nila ay damit, pagkain, medisina, pera at higit sa lahat pang-unawa. Sana kung may maitatabi kang pera o anumang pwedeng maitulong sa kanila makapagbigay ka naman kahit na kaunti lang. Maari kang magbigay o magdonate sa pinagkakatiwalaan mong NGO pwede rin sa KAPAMILYA o KAPUSO o KAPATID Foundation.

Hindi mo alam na ang kaunting halagang iyong naibigay ay makapaglalagay ng kakaibang ngiti sa kanilang labi o makakapagdugtong ng isang araw sa kanilang buhay o panibagong pag-asang kanilang babaunin sa pagmulat ng kanilang mata kinabukasan.