Tuesday, August 31, 2010

Animal Idiom


Ang mga negatibong ugali ng tao'y madalas na hinahalintulad natin sa mga hayop. Sang-ayon man o hindi ang mga hayop na ito wala na silang magagawa. Hindi naman sila pwedeng mag-aklas at iparating sa atin ang kanilang saloobin. Ano ba ang isisigaw nila? Makibaka o Makitao? Hehe. Kung ikaw ay nasabihan ng HAYOP! Ibig sabihin nito'y masama ang ugali mo katumbas ito nang salitang P.I. sa mas malambot na pamamaraan. May mga taong makahayop ang ugali pero mas maraming hayop na makatao naman ang asal. Gumugulo na naman ang usapan. Heto ang ilan sa mga halimbawa ng mga sinasabi ko.


Langgam - (Nilalanggam) - pang-uri; 1. dinagsa; Dahil sa ang langgam ay nagti-tipon sa iisang lugar kung may natagpuan silang pagkain dito natin hinahalintulad ang pagdagsa ng mga tao sa iisang tao, lugar o okasyon.

Halimbawa ng pangungusap: Parang mga langgam ang ating magigiting na Kongresista nagpupuntahan sa Malacañang sa tuwing may pinapatawag na pulong si Gloria na ang tunay na dahilan ay pamumudmod ng pera.


Langaw - (Nilalangaw) - pang-uri; 1. hindi dinagsa; Kabaligtaran naman ang kahulugan nito sa nilalanggam. Kapag sinabing nilalangaw ang ibig sabihin nito'y hindi naging mabenta o walang appeal sa nakararami.

Halimbawa ng pangungusap: Nakakatawang pagmasdan ang Kongreso dahil sa tuwing sila'y may sesyon madalas na ito'y nilalangaw.


Kalabaw - (Kayod kalabaw, balat-kalabaw) pang-uri; Dalawang ugali ng Pinoy ang hinahalintulad sa kalabaw; Ito ay ang kayod-kalabaw na ang ibig ipakahulugan ay ang pagiging masipag at balat-kalabaw naman na ang ibig sabihin ay hindi kaagad tinatablan ng hiya.

Halimbawa ng pangungusap: Ang masang Pilipino ay kayod-kalabaw sa araw-araw makatawid lang sa gutom habang ang mga nanunungkulan naman ay balat-kalabaw naman sa kanilang mga problema at hinaing.


Talangka - (utak-talangka) pang-uri; 1. inggitero; Malalim ang kahulugan ng isang ito. Ang kahulugan ng utak-talangka ay pagpipilit ng isang tao na hilahin pababa ang isang taong matagumpay o umaasenso sa pamamagitan ng paninira o pagkakaroon ng insekuridad sa taong umasenso.

Halimbawa ng pangungusap: Utak-talangka ang isa sa mga problema nating Pinoy dahil hindi tayo masaya kung umaangat ang kalagayan ng iba.


Kabayo - (Hingal-kabayo) pang-uri; 1. sobrang pagod; Bihira man nating makitang humihingal ang kabayo madalas naman tayong makakita ng taong hingal-kabayo. Sobrang pagod at pata ang katawan ng kahulugan ng isang ito.

Halimbawa ng pangungusap: Hingal-kabayo na ang karamihan sa Pilipino pero hindi pa rin umaasenso.


Pagong - (Usad pagong) pang-uri; 1. makupad, mabagal; Madali itong maintindihan at ipaliwanag. Ang kahit na uri ng pagong ay makupad ang kilos kaya nga sabi ng matatanda 'wag daw tayo mag-a-alaga ng pagong dahil babagal daw ang ating pag-asenso.

Halimbawa ng pangungusap: Ilang dekada na rin ang lumipas pero usad-pagong pa rin ang ekonomiya ng Pilipinas.


Ipis - (utak-ipis) pang-uri; 1. bobo, mang-mang; Ang ipis ay isang salot na insekto bagamat sila ay may maliit na utak hindi rin siguro sila ganun kabobo. Sa layman term kapag sinabihan ka ng utak-ipis ang kahulugan nito'y utak-bobo.

Halimbawa ng pangungusap: Marami ang nagtatalino-talinohan na mga politiko, matataas naman ang pinag-aralan pero utak-ipis naman ang pinapairal at pinapakita.


Bulati - pangalan o pang-uri; 1. Malikot o magulo; hindi mapakali sa isang pwesto.

Halimbawa ng pangungusap: Ang dati naming pangulo ay parang bulati na hindi mapakali dati nang mataas ang posisyon pero gutom pa rin sa kapangyarihan.


Aso - pangalan o pang-uri; 1. palagiang nakasunod; Dahil ang aso ay loyal sa kanilang amo lagi itong nakasunod saan man magpunta ang kanilang amo na kapag sinabihan kang parang aso ibig sabihin nito'y lagi kang nakasunod sa isang tao.

Halimbawa ng pangungusap: Dahil sa pansariling interes ang Kapitan ng aming baranggay ay parang asong nakabuntot sa kanyang Mayor.


Pusa - pangalan o pang-uri; 1. matagal ang buhay; Ang pusa hindi man literal na may siyam na buhay dito pa rin hinahalintulad ang mga taong may kung ilang beses nang nakaligtas sa panganib.

Halimbawa ng pangungusap: Ang aming congressman ay may sa-pusa yata dahil ilang beses na syang tinambangan pero hanggang ngayon ay nananatiling buhay.


Tuko - (kapit-tuko) pangalan o pang-uri; 1. mahigpit ang pagkakakapit; Napakahirap tanggalin ang isang tuko sa pagkakakagat o pagkakakapit kaya madalas itong hinahalintulad sa mga taong ayaw umalis sa pwesto.

Halimbawa ng pangungusap: Kaya nagkaroon ng Political Dynasty sa Pilipinas dahil kung sinumang nakaposisyon at naka-upo say kapit-tuko sa pwesto.


Palaka - (boses-palaka) pangalan o pang-uri; 1. pangit na boses; Nakakairita ang mga palaka at ang boses nito sa tuwing umuulan kaya ito'y ginagamit sa mga taong may boses ding nakakairita.

Halimbawa ng pangungusap: Ang mga kongresista sa Batasan ay mahilig mag-privilige speech tungkol sa walang kakwenta-kwentang bagay; nakakairita at nakakainis marining ang kanilang tinig na mga boses-palaka.


Manok - (putak ng manok) pang-uri; 1. madaldal, matabil; Maiingay ang mga manok sa tuwing sila'y pumuputak gayundin ang ibang mga taong may ganitong uri ng ugali.

Halimbawa ng pangungusap: Tuwing eleksyon, pangkaraniwan na lamang sa'ting mga Pinoy makarinig ng walang hanggang pangako ng pagbabago galing sa ating mga magigiting na pulitiko para lang silang mga manok na putak ng putak tuwing umaga.


Daga - pangalan o pang-uri; 1. aba, mahirap; Sadyang mahirap ang buhay ng isang daga kaya dito hinahambing ang mga mahihirap nating mga kababayan.

Halimbawa ng pangungusap: Ayon sa statistics, 4.4 Milyong Pilipino ang nabubuhay na parang daga dahil sila ay kinukonsiderang mahirap at nagugutom sa kasalukuyan.


Kambing - pangalan o pang-uri; 1. mapanghi, mabaho, nakakasulasok na amoy; Amoy-Kambing ang tawag sa mga taong umaalingasaw ang baho.

Halimbawa ng pangungusap: Bagaman mukhang maganda ang mga damit hindi pa rin nila maitago ang amoy-kambing na pagkatao ng mga nasa Kongreso.


Butiki - (butiking Pasay) - pangalan o pang-uri; 1. payat, hindi-kalusugan; Hindi ko rin alam kung bakit mga butiki pa sa Pasay hinahalintulad ang mga taong payat.

Halimbawa ng pangungusap: Dahilan sa kahirapan sa buhay ang mga batang pulubi sa kalye ay mistula ng butiking-Pasay sa pagkapayat.


Ahas - pangalan at pang-uri; 1. traydor; Sadyang mapanganib ang ahas pero mas mapanganib daw ang taong may pagka-ahas ang ugali.

Halimbawa ng pangungusap: Walang permanenteng kaibigan sa Pulitika dahil halos lahat ng mga pulitiko ay parang ahas na manunuklaw kung may pagkakataon.


Buwaya - pangalan o pang-uri; 1. ganid 2. magnanakaw; Ang hayop na ito ang ginawa nating simbolo ng korapsyon.

Halimbawa ng pangungusap: Talamak na ang mga buwaya sa hanay ng gobyerno ng Pilipinas gaya ng BIR, BOC, DPWH at marami pang iba.


Baboy - pangalan o pang-uri; 1. marumi; Taliwas sa pagkakaalam ng karamihan ang baboy ay hindi ganoon kababoy kagaya ng iniisip natin pero dito natin hinahambing ang kadumihan ng isang tao.

Halimbawa ng pangungusap: Baboy man sa paningin ng mga tao ang maging pulitiko hindi nila ito alintana dahil dito sila nagkakamal ng maraming pera.


Tigre - pangalan; 1. matapang2. mabagsik; May taglay na tapang ang mga tigre at sila ay hindi kayang pigilan kapag nagagalit.

Halimbawa ng pangungusap: Sa sobrang pagaalipusta at panlalait kay Juan na tsuper ni Mayor animo'y isa siyang tigre nang kanyang paslangin ang palalong alkalde.


Tupa - pangalan; 1. maamo, mabait; Ang hayop na ito ay parang hindi marunong magalit kaya dito ikinukumpara ang mga taong di-makabasag pinggan.

Halimbawa ng pangungusap: Parang maamong tupa ang isang gobernador ng Mindanao ng arestuhin sa kasong pagpatay sa mga mamamahayag.


(Matang)-Lawin - pangalan o pang-uri; 1. mapangmatyag; mapanuri; Ang lawin ay may matalas na mata kaya may matang-lawin ang tawag sa taong mapanuri o mapangmatyag.

Halimbawa ng pangungusap: Dahil sa wala namang naparurusahan sa mga tiwaling pulitiko sa palagay ko ay walang may matang-lawin sa Ombudsman o sadya lamang sila'y nabulag din ng pera.


Buwitre - pang-uri; 1. sakim o ganid; Isa kang sakim kung ikaw ay nasabihan na isang buwitre. Ang ibong buwitre ay kakaiba sa lahat ng hayop kung ang ibang hayop ay gusto nila na ang kanilang biktima ay kakainin nila ng buhay ang buwitre ay nagaabang ng mga patay o mga hayop na sadyang wala nang lakas na lumaban pa ganundin ang ibang mga tao.

Halimbawa ng pangungusap: Buwitreng maituturing ang mga kongresista dahil alam na nilang patay ang ekonomiya ng Pilipinas panay pa rin ang pananamantala nila.


Unggoy - pang-uri; 1. tuso 2. magulang; Madalas na sinasabi ng mga Pinoy na "tuso man daw ang matsing napaglalalangan din" pero hindi naaangkop sa ugali at pagkaunggoy ng ating mga kongresista.

Halimbawa ng pangungusap: Mas angkop na sabihin sa mga kongresista ang pangungusap na: Ang unggoy bihisan mo man ng alahas ay halatang unggoy pa rin.


Paru-paro - pang-uri; 1. pag-asa; Positibo ang kahulugan kung ang isang pangungusap ay ginamitan ng matalinhagang paro-paro. Ibig sabihin nito ay pag-asa at pagbabago. Ang paru-paro ay parang bahag-hari na sumisimbolo sa pagkakaroon ng pag-asa sa sinumang nakakita nito:

Halimbawa ng pangungusap: Animo'y nakakita ng paru-paro ang mga Pilipino sa katauhan ng bagong Pangulo sana nga lamang ay hindi itim na paru-parong ang ating nakita sapagkat kahulugan nito'y kabaligtaran.


19 comments:

  1. waah! nice, this blog really helped me a lot, thank you so much!!!

    ReplyDelete
  2. Salamat po sa gumawa ng blog na ito. Dahil po sa into makagagawa ng akong ng sarili kong pabula������❤

    ReplyDelete
  3. Salamat naman at alam ko na ang iba pang ibig sabihin nila ,kaya lang kawawa naman ang mga hayop nadadamay sa kagagawan natin mapabuti man o masama.

    ReplyDelete