Tuesday, July 26, 2016

Tuloy Pa Rin



Lunes.
Katulad ng nakaraang Lunes inaasahan kong pangkaraniwang araw lang ito para sa akin.
Humihigop ng matapang at mainit na kape sa opisinang malungkot at nag-uumpisang lumamig. Hindi lang dahil sa hanging nagmumula sa simoy ng aircon, kundi dahil sa pangungulila ng ‘yong masasaya at magagandang alaala at ng ‘yong presensiya.

Tila nakasanayan ko na ang ganito; ang aasa na isang umaga’y magri-ring ang telepono at ikaw ang nasa kabilang linya, na isang araw ay tutunog ang aking cellphone at mababasa ko ang isang mensaheng mula sa’yo at tatanungin ako kung ‘kumusta na?’ na sa pagbukas ng aking e-mail ay hindi na imbitasyon o spam letter ang aking matatanggap mula sa kung kanino kundi isang liham mula sa’yo at doon mo ikukuwento ang lahat ng saloobin mo sa akin at ang paliwanag kung bakit bigla mo na lang ako iniwan, kung bakit bigla ka na lang nawala. 

Hindi ko namalayan – higit isang taon na pala ang lumipas. Pero parang kailan lang ito para sa akin. Madilim noong nawala ka at nasa gitna ako ng kadilimang ito. Ang liwanag ay kasabay mo noong naglaho na matagal ko rin bago ko naaninagan. Hindi ko alam kung papaano muling mag-uumpisa dahil hindi ko naman alam kung tayo nga’y  tapos na. 

- - - - -

Maraming Lunes ang lumipas. Hindi ko na mabilang.
At sa bawat Lunes na dumadaan ay unti-unti kong nararamdaman na tila ako na lang ang may pakialam, ako na lang ang naghahanap ng mga dahilan at tila ako na lang ang gumagawa ng paraan.
Ang bakas ng kahapong matagal at paulit-ulit kong binabalikan ay tila isang malungkot na kulungang pinipiit ang aking kinabukasan. 

Ang awit ng buhay kong may ritmo at himig sa isang kisapmata’y tila nawalan ng tono at tinig. Ang naglapat ng melodiya ng ating awit ay ‘di mga salita at letra sa alpabeto kundi ang pag-ibig at pagmamahal na binuo nating dalawa.  

Ang sandali nang iyong paglisan, ang siyang paglamlam ng aking awit na inakala kong habangbuhay kong maririnig.

Napaos nga ang tinig, melodiya man ay nawaglit.
Hindi ko man lubos na nabatid kung ang mundo ay tumigil dahil aking pinigil o ito’y huminto dahil ninais ko ang sumuko –ang mahalaga ngayon para sa akin ay ang ipagpatuloy ang awit ng aking buhay na wala ka at ang harapin ang katotohanan na ‘di na kita makakasama.

Nagbago man sa aking paningin ang pag-ikot at hugis ng ‘yong mundo kabilang na ang pintig at hugis ng ‘yong puso, haharapin at pipilitin kong muling maging handa sa bagong hamon na ihahain ng tadhana, hindi na ko aasang ikaw’y babalik pa, sisikaping iwan ang nalalabing pag-asa at ang ‘yong alaala.
Itutuloy ko ang awit ng buhay ko kahit wala ka na, magbabakasakaling may ibang nais makarinig.

- - - - -

Lunes.
Katulad ng nakaraan at nagpadaan pang mga Lunes inaasahan kong pangkaraniwang araw lang ito para sa akin.
Humihigop ng matapang at mainit na kape sa opisinang nag-uumpisang lumamig. Hindi dahil sa pangungulila ng ‘yong masasaya at magagandang alaala at ng ‘yong presensiya kundi dahil sa hanging nagmumula sa simoy ng aircon.
Ang inaasahan kong mangyari sa isang umaga ay ‘di ko inaasahang darating pa.

Hanggang isang Lunes ay nagring ang aking telepono. Hindi ako maaaring magkamali – ikaw ang nasa kabilang linya.


Monday, June 13, 2016

Gusto Kong Gumawa Ng Nobela

Gusto kong gumawa ng nobela.

Gusto kong gumawa ng love story tungkol sa pagmamahal ng mga pilipino sa Pilipinas na kanyang bansa. Ikukuwento ko dito ang wagas na pag-ibig ng sinaunang Pilipino sa kanyang bansang sinilangan at kung papaano nila ibinubuwis ang kanilang buhay nang walang pag-aalinlangan para lang makamit ang kalayaan. Ikukuwento ko hanggang sa nakalulungkot na unti-unting paglamlam ng pag-ibig na ito, ilalahad ko rin kung bakit naging huwad ang pagmamahal nang makabago at moderno umanong Pilipino sa Pilipinas - dahil sa makasariling kadahilanan.


May karakter at sangkap ang istorya ng iba’t-ibang uri ng drama na katulad nang isang teleseryeng napapanood ng marami tuwing hapon at gabi; may ganid, suwail, gahaman, bait-baitan, may pangangalunya, pang-aapi, paghihiganti, at siyempre may pagtataksil – katulad nang pagtataksil ng maraming pilipino sa kanyang kapwa at kanyang pinakamamahal na bansa.


Hahaluan ko rin ito ng “horror” na genre. At gaya ng mga nobela o pelikula na may pagka-horror ang tema. Imbes na matakot ang mga tao sa mga aswang, maligno, masasamang ispiritu, demonyo o multo; sila’y matatakot sa mga taong naghahasik ng krimen at lagim sa mga mahihina, matatakot sila sa mga tiwaling militar at pulis, sa mga naglipanang kriminal sa lansangan, sa mga tarantadong pulitko, sa mga walang pusong opisyal ng gobyerno, at sa mga lider na walang ginawa kundi ang magpakasasa sa puwesto.


Hindi dapat mawala ang elemento ng “aksyon” sa gagawin kong kuwento. Ngunit hindi gaya ng aksyon sa mga malulupit na hollywood movies na malaki ang budget, may plot twist, takbuhan pagsabog o barilan; ang gagawin ng mga karakter ko sa istorya ay ang pagtakbo sa reponsibildad at kawalan nila nang aksyon sa panahon ng sakuna o trahedya, kawalan nila nang aksyon sa pangangailangan ng mga tao, kawalan nila nang aksyon sa mga taong nangangailangan ng katarungan at hustisya, kahit na ang katotohanan ay may malalaking budget na hawak-hawak ang mga bida/ kontrabida sa istorya.


Dapat ay mayroon din itong kaunting adventure. Isasaad ko ang adventure ng isang pultikong nagmula sa kahirapan, na dahil sa kanyang pagsisikap na makaahon mula rito ay gagawin niya ang lahat-lahat. Ang mapangahas na adventure ay magsisimula na may magandang adbokasiya ngunit kalaunan ay lalamunin ng sistema, matututong magnakaw, magiging gahaman, susupilin ang maliliit, kokontrolin ang lahat at magtatagumpay sa buhay. Kahit gaano pa karami ang ebidensiya, malulusutan niya ang batas.


Ang magiging climax ng aking istorya ay Komedya. Ilalarawan ko roon kung papaano tayo palaging tampulan ng katatawanan ng ibang lahi, kung papaano tayo pinagtatawanan ng ibang bansa at kung papaano tayo nagiging katawa-tawa sa paningin nila. Na sa kabila sana ng mahuhusay na mga batas, ng ating mayaman at magandang likas-yamang gubat, kabundukan, kapatagan at karagatan ay nananatili pa tin tayong hikahos at kabilang sa pinakamahihirap na bansa sa loob ng mahabang panahon.


Tatapusin ko ang istorya sa pamamagitan ng Trahedya. Katulad ng magaganda ngunit masasaklap na mga pelikula gaya ng Gladiator, Titanic, Black Swan at marami pang iba, mabibigo ang masa na makamit ang pinapangarap na kapayapaan, kaunlaran at katiwasayan. Mabubuhay at mamamatay silang nilulunod ng kanilang pangarap, pangarap na pinigilang matupad ng mga bida/ kontrabidang may kakaibang taglay na kapangyarihan – sila na mga naghahari, imortal at walang kamatayan sa mundong tila sila lamang ang may karapatang mabuhay ng masagana.


Sa End Credits lalagyan ko ito ng disclaimer, sasabihin kong ang lahat ng inyong nabasa ay fiction lang at kung mayroon mang pagkakahawig sa mga karakter, lugar, pangyayari at kaganapan, noon man o sa kasalukuyang panahon iyon ay nagkataon lamang at hindi sinasadya ng may akda.

Thursday, April 28, 2016

Oplan: Pagbabago



Urat na urat na ako sa katagang “nasa atin ang pagbabago” at “ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili” etcetera, etcetera. Nakakaurat hindi dahil sa ayaw ko nang pagbabago o hindi ko inaakto ang pagbabago, nakakaurat dahil hindi naman talaga ito ang nangyayari. Dahil ang totoo, marami sa ating mga pilipino ang ayaw magbago, ayaw tumino at ayaw magpadisiplina. Kadalasan pa nga saka pa lang ito magbabago o magtitino ang isang tao ‘pag hindi na umubra ang kanyang palusot o ‘pag may nangyari ng masama sa kanya o sa kanyang pamilya.

Magmula (siguro) sa pinakamapera hanggang sa pinakawalang-wala ay mahirap sawayin at supilin dito sa atin, kung sasabihan at sisitahin mo sila na kailangan nilang magbago para sa kapakanan ng bansa ay taingang-kawali lamang ang mga ito. Kasi nakasanayan na natin ang mga ganung bagay; na kahit mali basta marami ang gumagawa okay lang, na kahit labag sa batas basta walang sumisita okay lang, na kahit hindi tama basta walang nagbabawal okay lang. Astig kasi tayo.



Harapin na natin ang totoo, na wala o kulang ang inisyatibo ng maraming pilipino para sa disiplina at pagbabago – kaya panahon na para makaranas tayo ng lider na magdidisiplina sa mga pinoy na walang galang sa batas.
Iba na ang henerasyon ngayon, ibang iba sa nakagisnan ko noon. Dati, mas mahigpit at mas disiplinado ang mga magulang sa anak; (paminsan-minsan) sila’y namamalo, nananakit at kinagagalitan ang mga anak kung ito’y nagiging suwail at matigas ang ulo samantalang ang mga guro ay namimingot, nangungurot at namamato ng eraser sa mga estudyanteng sobra ang kulit at likot. Ngayon, hindi mo na magagawa ang mga ‘yan dahil child abuse umano. 



Minsan akong nakagalitan, napalo, nakurot, napikot at nasaktan ng aking magulang kabilang na rin ang aking mga guro – ang mga ‘yon kung hindi rin lang pagmamalabis ay kasama sa proseso ng pagdidisiplina ng bata. At ni minsan, hindi ako nagtanim ng galit sa aking mga guro o magulang. Ngunit nabaligtad na yata ang sitwasyon ngayon, ang mga kabataan na ang terror at hindi mo sila pwedeng kastiguhin o isuplong kahit na ang mga ito’y nakapanakit, nagnakaw, nangholdap o nakapatay, salamat sa Juvenile and Justice Act of 2006.
Ipinamumulat natin sa mga bata ang disiplina pero nakalulungkot na tayong nasa tamang edad at pag-iisip ay tila nakaligtaan ito. Alam naman ng lahat kung para saan ang kulay ng ilaw-trapiko, ang role ng footbridge at underpass, na hindi tama ang magkalat, na kakupalan ang magparada ng basta sa kalsada, na pagpapakita ng katarantaduhan ang sumalubong sa kalsada, na iligal ang magtinda at harangan ang daanan ng tao (marami pa ‘yan dagdagan mo na lang) – pero dahil nakasanayan na, tila naging pangkaraniwan na lang ito. Tapos, may ‘change is coming’, ‘change is coming’ pa tayong nalalaman e, karamihan nga sa nananawagan nito ang dapat unahin na disiplinahin.


Walang pagbabago kung mananatili tayong gago.
Walang mag-iiba kung lahat ay umaastang tanga.
Walang pag-usad kung walang disiplinang ipinatutupad.



Ang pagsakay sa kung ano ang uso at napapanahon (bandwagon) ay isang kaugalian ng pinoy, tila wala tayong disposisyon sa isang bagay at hindi natin kayang pangatawanan ang naunang desisyon. Ang mentalidad na kung sino ang popular at tanyag ang madalas nating tinitingnan at pinapaboran kesehodang ang iba ay mas kwalipikado at mas kakayahan. Hindi ba’t ‘yon ang dahilan kung bakit nagkaroon ng ‘Cory Aquino’, ‘Noynoy Aquino’, ‘Lito Lapid’, ‘Erap Estrada’, Tito Sotto’, ‘Jinggoy Estrada’, ‘Bong Revilla’ at iba pa sa mundo ng pulitika? Sinayang natin ang napakalaking pagkakataon na pagsilbihan tayo ng mas kwalipikadong tao para sa pagkapangulo. Hindi nagwagi at hindi ipinagkalooban ng mataas na posisyon ang mga gaya nina Jovito Salonga, Bayani Fernando, Gibo Teodoro, Dick Gordon, Miriam Defensor-Santiago at Raul Rocco. Nagbago na ang panahon, kasabay ng pagbabago ng klima ay ang pagluklok natin sa mga walang kakayahan, ang pagwalang bahala natin sa leksyon ng kasaysayan, mas pinipili ng marami ang maging agresibo kaysa maging matalino.


Sa pagluklok natin sa inaakala nating magsasalba sa bansa, sinasayang natin ang pagkakataon, nasasayang natin ang maraming taon. Eleksyon na naman, may pagkakataon tayong muli na maghalal ng isang taong magsasagwan sa isang lumang bangkang nagpupumilit na sumabay sa malalakas na alon ng karagatan. Ang pagbabago ay nasa ating mga kamay sa pamamagitan ng pangalang isusulat mo sa balota at ang magpapatupad ng inaasam mong pagbabago (umano) ay ang ating maihahalal. Ang desisyon mo’y hindi sana nakadepende sa kung sino ang sikat o sa kung sino ang pinakamagaling manghikayat o sa kung sino ay may pinakamagandang pangako o sa kung sino ang pinakamahusay na mang-uto.
 


Ayaw ng (halos) lahat sa kandidatong nanunuhol ng pera para lang sila’y maiboto pero nakakatawa na hindi naman nila kayang tanggihan ang groceries, bigas at pakimkim ng mga pulitikong ito. Galit na galit tayo sa korapsyon pero directly or indirectly nagiging bahagi naman tayo nito.

Wala na ang paninindigan basta may dal’wang kilong bigas.
Wala na ang dangal basta may ilang piraso ng noodle at sardinas.
Wala na ang dignidad basta may bayad.
Wala na ang prinsipyo basta may limandaang piso.


Lantaran at garapalan ang paggasta ng mga tumatakbo sa pulitika. Ang dami nilang pangako; magmula sa trabaho hanggang trapiko, magmula sa kagutuman hanggang mapunan nila ang ating mga tiyan, magmula pagsugpo ng kriminalidad hanggang sa pag-unlad, magmula kalikasan hanggang zero bill sa pagamutan, magmula ekonomiya hanggang sa tayoy ‘di na mabuwisan, magmula kapayapaan hanggang sa kaunlaran. Sa tingin mo, kung totoong lahat ng mga ito at kung tutuparin nilang lahat ng kani-kanilang mga pangako, may matitira pa ba kayang problema ang ating bansa?
 


Ang mga pangako ng maraming pulitiko ay ginawa lang para mayroon kang paniwalaan, ang marami sa mga slogan nila ay nilikha lang para magtugma ang mga salita. Pero teka pinaniwalaan mo rin yata ang mga ito:

- Erap para sa mahirap
- Kung walang corrupt, walang mahirap
- Tapusin ang gutom, hindi ang nagugutom
- Gusto ko happy ka
- Sa nagkakaisang Cavite, walang imposible
- ‘Pag pursigido ang tulong kapwa sigurado
- Kay Binay, giginhawa ang buhay
- Walang forever sa pagmamahal…ng kuryente



Swerte tayo dahil kahit papaano mayaman tayo sa likas-yaman, minalas nga lang tayo sa mga pulitikong yumayaman pero hindi naman likas na mayaman. Hindi na nakakapagtaka ‘yun dahil pansamantala lang (o hindi) na napipiit sa malamig at de-aircon na selda(?) ang mga tiwaling pulitiko pero pagkatapos maabsuwelto dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya, muli silang maghahari at maluluklok sa puwesto. Ayaw natin sa magnanakaw pero gusto natin silang iboto, ayaw natin sa walang alam pero lumalabas na tayo ang mas walang alam at pakialam.


May kanser ang lipunan at totoo yatang walang lunas para rito. Siguro magluklok na lang tayo ng lider na kayang ipa-chemotherapy ang bansa hanggang sa mabawasan o tuluyan nang mawala ang cancer cells na nanalaytay sa dugo ng mga suwail at ganid na pilipino. Siguro magluklok na lang tayo ng pinunong may ipinapakitang pruweba kung papano naging disiplinado ang isang lugar magmula sa pagiging magulo nito, may katiwasayan, may progreso, ipinapatupad ng maiigi ang batas, may kinabukasan at may ipinagmamalaki.

Tayo'y maghahalal ng pangulo, hindi ng ating magiging idolo at kung ang ibinoto mo ang siyang mananalo ngayong eleksyon lahat tayo'y dapat itong tanggapin.
At kung pagkatapos ng anim na taon na tayong lahat na bumoto sa kanya ay mabigo, muli tayong mauuwi sa pagkadismaya. Nakakasawa mang sabihin pero babalik na naman tayo sa umpisa. (Ang tagal na nating umaasa.)


(galing ang larawan kay Jed Asaph Cortes - How to offend all presidential candidates and their supporters with one poster)



Monday, January 11, 2016

Hindi Ako Nawala, Hindi Mo lang Ako Hinanap



Hindi ako nawala.
Dahil ang tinig ko'y nasa maraming pilipinong dumadaing
ng lungkot, ng pagluluksa,
ng pagkayamot, ng pagkadismaya,
ng pagkamanhid, ng pagkasawa,
ng pagkainip at ng kawalan ng pag-asa.


Hindi ako nawala.
Dahil ang presensiya ko'y nasa bawat pilipinong
bumabangon sa bawat umagang sagad sa pagsubok at hamon,
iminumulat ang mga mata sa kabila ng kadiliman na kanyang nakikita,
nagpapagal para sa iilang pisong magtatawid sa kanyang maghapon,
nagdiriwang ng kalayaaan at kasarinlan ngunit itatangging siya'y nakakahon.


Hindi ako nawala.
Dahil ang mga hinaing ko'y nakalimbag
(minsan) sa mga pahina ng librong hindi naman aklat,
nasa leksyon ng kasaysayang hindi naman natin inaral,
nasa lisya at isip (lang) ng mamamahayag na hindi naman naihayag,
at nasa ipinaglaban ng mga bayaning hindi naman (totoong) dinakila.


Hindi ako nawala.
Dahil ang nais kong isulat ay matagal nang nakahayag at mababasa
sa mga dokumentaryong hindi nabibigyan ng pansin at pakialam,
sa mga librong inaagiw at inaamag sa pampublikong aklatan,
sa mga pahina ng pahayagang nilalaos ng teknolohiya,
at sa mga boses ng iilang pilipinong desperado sa kaunlaran.


Hindi ako nawala.
Dahil ang wangis ko'y dismayado't iyong makikita
na nakamasid sa Silangan kung saan sumisikat ang may kapangyarihan,
na nakatungo sa Timog kung saan nasa nakatanghod ang patay-gutom at api-apihan,
na umiiling na nasa direksiyon ng Hilaga kung saan naroon ang tugatog ng mga hangal,
sa Kanluran inutil na minamalas ang paglubog ng araw kasabay ng lahat ng kapag-asahan.


Hindi ako nawala, hindi mo lang ako hinanap.
Dahil ng mga sandali'y tayo'y magkasama hindi mo naman ako binigyang importansiya. Tila ang mahalaga sa'yo ay ang mga huwad na ngiti at tawa na iginagawad sa 'yo ng gumagalaw na larawan na lumalason sa iyong isipan. Samantalang ikaw ay naglilibang batid ko ring pilit mong ikinukubli ang alingasaw ng nabubulok mong kamalayan sa pamamagitan ng mahalimuyak na samyo ng iyong walang pakundangang pagkukunwari.

Kalam ang iyong sikmura at kamalayan ngunit pinupunan mo ito ng mga kaalamang nagpapalusog ng iyong kahungkagan. Kung bakit hindi mo sinusubukang tikman ang pagkaing wasto at may sustansiya upang mabusog ang 'yong pagkatao't kaisipan ay hindi ko alam.

Sinasabi mong ako'y nawala pero ang totoo'y hindi mo naman ako hinanap. Hindi mo noon inalintana ang bulong kong tila sigaw na sa karamihan na dumadagundong sa lakas kung ikaw lang sana ay may pakialam. Minabuti mong pakinggan ang halinghing ng maimpluwensiyang mga makabagong imbensiyon kaysa marinig ang daing ng minaltratong biktima ng karahasan. Nasa harap mo ako ngunit hindi mo ako natanaw dahil binubulag ka ng kislap ng makamundong teknolohiyang iyong pinagpaparausan.


Kung ang nais mo lang ay marinig mula sa akin
na kuminis at pumuti na ang 'yong kutis,
na makisig ang hubog ng 'yong karakas,
na magara ang magarbo mong suot na kasuotan,
na mukhang masarap ang ipinaskil mong pagkaing nasa larawan.

Kung ang nais mo lang ay hangaan kita dahil sa bagong bili mong overpriced na gadget o kasangkapan o kainggitan kita dahil sa mga disyerto, karagatan o may niyebeng lugar na 'yong pinuntahan.
Hindi ako nawawala, 'wag mo na akong hanapin.

Wednesday, January 6, 2016

The Cursing of Direk Cathy Garcia-Molina



"Kalakaran na sa showbiz ang magmura at murahin ng direktor ang kanyang mga artista."

"Okay lang 'yan, masyado lang balat-sibuyas 'yung nagrereklamo na 'yan!"

"Kung hindi niya kayang sakyan ang ganyang sistema dapat hindi siya pumasok sa showbiz."


'Yan at iba pang mga komento ang mababasa mo sa thread nung nagtrending ang isang open letter para kay Direk Cathy Garcia-Molina. Si Cathy Garcia-Molina na successful sa field na kanyang pinasukan - film making. (Halos) lahat ng kanyang ginawang pelikula at teleserye ay tumabo ng maraming pera at masasabing siya ay maalam at dalubhasa sa kanyang craft; alam niya kung papaano mag-hihit ang isang obra -- alam niya ang kiliti ng masa. Sa laki ng kinita ng huli niyang movie (A Second Chance) isa siya ngayon sa pinaka-in demand na direktor ng industriya.


Sa kabila ng kanyang pag-akyat sa hagdan ng tagumpay, sa likod nang pagtahak niya sa kalsada ng kasikatan ay may mga nasa ibaba na kanyang natatapakan at may mga taong kanyang nasasagi; sinadya man niya 'yon o hindi, alam niya man 'yon o siya'y nagpapatay-malisya.


Ang korapsyon ay bahagi ng pulitika.
Ang pangongopya ay parte ng pagiging estudyante.
Ang pagsisinungaling ay mahirap iwasan.
Ang pambababae ay likas (daw) sa mga lalake.
Samakatuwid, tama bang sabihin na ang pagmumura sa set ng shooting/taping sa mga artista ng direktor ay maaari na nating palampasin dahil ito'y kalakaran sa industriya ng showbiz at pelikula?


Kahit saang anggulo natin tingnan ang mali ay mali at hindi natin ito mapapasubalian. Ang pagmumura sa isang indibidwal ay may malisyang makapanakit ng damdamin. Kung ang motibasyon ng isang tao ay magmumula sa pagmumura ibig bang sabihin nitong maaari tayong mura-murahin ng paulit-ulit ng mga opisyal na nakatataas sa atin sa trabaho o opisina para makatrabaho tayo ng mas matino at mas progresibo?


Maraming kaso ng pang-aapi at pag-aalipusta ang nagmitsa sa isang krimen. Maraming mga tao ang sensitibo ang damdamin at kung may kahalo pa itong depresyon dahil sa mabigat na problemang pinagdadaanan malamang na  hindi mo nananaising magmura sa taong ito. 'Wag nating sabihing 'kalakaran' na ito sa showbiz, 'wag nating sabihing balat-sibuyas ang taong nagawan ng kabastusan, 'wag nating sabihin na pangkaraniwan na lang ito sa panahon ngayon. Isipin mo, kung narinig ng mga magulang mo na ikaw ay minumura ng isang estranghero hindi ba't makikipag-away siya dahil sa ginawang 'yon sa'yo? O 'pag narinig mo ang iyong paslit na anak na nagmumura 'di ba pagsasabihin mo ito na mali ang kanyang ginawa? Bakit ngayon okay lang sa marami na magmura at mang-api ng isang ekstra sa pelikula?


Nakaka-pressure daw kasi sa set ng pelikula kaya nakakapagbitaw ng pagmumura ang isang direktor. Teka, ang pagmumura at pang-aalipusta na lang ba ang tanging pwedeng gawin ni Direk para mabawasan ang kanyang pressure? E, bakit hindi niya ito ginagawa sa ibang may pangalang artista?
Hindi dahil ang isang bagay ay ginagawa ng marami 'yon na ang tama.
Hindi dahil nakasanayan na nating gawin 'yon na ang ating susundin kahit na mali.
Hindi dahil hindi nagrereklamo ay katumbas na ito ng pagsang-ayon.
At ngayong may nagreklamo siya pa rin ba ang wala sa katwiran?


Aminin na nating (halos) lahat tayo ay nagmumura o nakakapagmura, minsan ekspresyon lang, minsan ay pabiro sa isang kaibigan, at ang iba naman ay bukambibig na ito pero ibang usapan na kung ang pagmumura mo ay patungkol sa isang tao na ang intensyon ay makapanakit ng damdamin o wala kang pakialam sa kanyang nararamdaman lalo na kung ang iyong minumura ay hindi mo naman (gaanong) kilala o nakakababa sa'yo --- isa itong pag-abuso sa kapangyarihan na hindi naman kailangan.


Okay, 'wag na tayong magplastikan, ako rin ay nakakapagmura minsan pero hindi ko iniintensyon na murahin ang isang tao dahil lang sa (tanginang) katwiran na pressure sa trabaho o kung saan man, maari pa siguro kung ang taong ito ay ang nangudyok sa akin para makapagmura pero ganunpaman sa pagsapit ng gabi o sa sandaling ako'y mahimasmasan nagkakaroon  ako ng guilt feeling dahil alam kong mali ang aking ginawa.

Gusto kong magmura dahil sa binababoy na pulitika ng mga inutil na maraming putanginang pulitiko, sa pagkalugmok ng ating bansa sa kahirapan at korapsyon, sa mga gagong binabalahura ang kalsada ng Maynila, sa mga opisyal ng pamahalaan na ang pagmamahal ay nasa kani-kanilang bulsa at wala sa kanyang bansa, sa mga putanginang pangulo na ang kanilang pangako ay kagyat na naglalaho sa kanilang pag-upo.


Marami pang bagay ang pwede nating gawin para mag-motivate sa isang tao at kung nagagawa ito ng ibang tao kaya rin itong gawin ni Direk Cathy Garcia-Molina at iba pa. Kung basag at disoriented na ang isang aggrieve individual maaasahan pa ba nating maibibigay niya ang pinakamahusay niyang kontribusyon? Maaari siguro pero malamang na ito'y hindi na galing sa kanyang puso.


At kung ipipilit mo at ni Direk Cathy Garcia-Molina na okay lang ang pang-aalipusta at pagmumura bilang bahagi ng isang motibasyon, gusto kong sabihin sa 'yo at kay Direk at para lalo pa kayong humusay sa inyong larangan: Putangina niyo! Magsama-sama kayo!


In fainess naman kay Direk at sa kanyang mga tagahanga, gustong-gusto ko ang dalawang pelikula nina Popoy at Basha at hindi ako mahihiyang aminin sa lahat na isa ako sa mga masugid na nakigulo at pumila sa takilya mapanood lang ang pelilukang ito. Putangina kasi, ang ganda.