Monday, June 9, 2014

Kwentong Crayola



Tao at Crayola

May maganda, may kahanga-hanga, may kakaiba.
May gamitin, meron 'ding pinapansin.
May mapupudpod dahil sa labis na paggamit.
May mananatiling matulis dahil ayaw siyang piliin.
May mabilis na mawawala o maagang papalitan.
May walang silbi na tila dekorasyon lang.

Kukulayan ng Crayola ang guhit ng isang bata.
Gaya ng ating buhay na kukulay at guguhit ng pangarap.
Ang tao'y tulad ng nang nasa loob ng Crayola.
May iba't-ibang kulay, may iba't-ibang pangalan.
Kahit tayo'y magkakaiba, KAHON lang ang ating tutunguhan.
Tulad ng nasa loob ng Crayola na kahon din lang ang tahanan.
- - - - - -
Crayola At Edukasyon

Makalipas ang medyo mahabang dalawang buwang bakasyon, isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit excited ang mga kabataang estudyanteng pumasok sa panibagong school year ay ang mga bagong school supplies and uniforms na kanilang gagamitin. Ang amoy at halimuyak ng bagong polo, medyas, sapatos, bag, books notebooks, papel, at siyempre ang crayola ay may kakaibang hatid na aromang nag-aanyaya sa mag-aaral na kung maari'y hilahin ang nalalabing araw ng bakasyon upang magbigay daan sa pasukan.

Ngunit gaya ng pangkaraniwang taong mabilis magsawa, ang pagkasabik sa pasukan ng isang estudyante ay unti-unting mawawala makalipas lang ang ilang buwan. Ang mabangong school supplies and uniforms ay maglalaho kasabay ng pagkawala at pagkapudpod ng paboritong crayola. At katulad ng maraming pilipinong may ugaling niñgas-cogon marami ring mag-aaral ang katatamaran ang pag-aaral sa kabila ng kumpletong gamit pang-eskwelahan ay kulang ang motibasyon para pagtiyagaan at pagsumikapan ang sampung buwang pag-aaral.

Kakatwang malaman na kung sino pang mag-aaral ang may kumpletong gamit sa eskwelahan at may magulang na may sapat na pambayad ng matrikula sila pa ang tamad na tamad na mag-aral at pumasok sa paaralan samantalang 'yung mga kabataang kabilang sa pinakamahihirap na pamilya, walang pambili ng supplies and uniform, walang pamasahe papuntang eskwelahano walang sapat na pambayad ng matrikula ay sila ang may masidhing pagnanais na makapagtapos ng pag-aaral.

Kung susumahin, humigit kumulang labing-anim na taon lang naman ang pag-aaral at kung hindi natin ito pagsusumikapan at pagtitiyagaan katumbas nito'y lima o anim na dekadang paghihirap at pagsisisi sa hinaharap. Kahit sabihin pang may mga taong yumaman at naging matagumpay sa buhay o walang sapat na edukasyon mas malaking bentahe at advantage pa rin ang mga degree holder kaysa nakapagtapos lang ng elementarya.

Oo nga't maraming mga bagay ang hindi natutunan sa loob ng paaralan pero para mahubog ang iyong personalidad, para maharap mo ang mapanghusgang mundo, para mas malaki ang tsansa mong makamit ang iyong tagumpay, para mas handa ka sa mga problemang tila unli, para hindi ka tawaging mangmang at hamakin ng mga (perpektong) tao, NAPAKALAKING tulong at kontribusyon ang pag-aaral dahil ito ang magiging sandigan at kalasag mo sa bawat pagsubok na sa atin ay sasalubong.

Dahil sa panahon ngayon ang pag-aaral ay tila itinuturing na ring dangal at karangalan ng tao. At ang Crayola ay bahagi ng anumang mapagtatagumpayan mo.
- - - - -
Kulay sa Crayola

Madalas hinahalintulad ng tao ang kulay sa maraming bagay na nagaganap sa ating buhay. May katumbas raw na kahulugan ang maraming kulay; mga positibong paghahalintulad at negatibong pagkukumpara na ating tinanggap at nakasanayan ng gamitin.
Heto ang ilan sa mga halimbawa ng kulay na karaniwang hinahambing sa mga tao:

Pula - espesyal na kulay ang pula. Hindi lang isa o dalawang bagay ang ina-associate natin sa kulay na ito. Pula ay kulay ng pag-ibig at panganib (red alert), pulang carpet ang inilalatag sa mga espesyal na taong lalakad sa isang okasyon at 'basag ang pula' ang bansag sa mga taong may sayad. Tumutukoy din minsan sa rebolusyon ang kulay na pula.

Berde - dalawang halos magkasalungat na bagay ang maiisip mo sa kulay na ito. Berde ay tumutukoy sa nature at kahalayan ang kahulugan ng taong may 'berde ang utak'. Berdeng dugo ay figuratively tumutukoy sa mga bading at maraming salapi ang ibig sabihin ng 'greener pasture'.

Asul - asul ang kulay ng dagat at ng kalangitan ngunit 'pag sinabing 'blue' sa hindi ko malamang dahilan ang kahulugan nito'y kalungkutan. 'Bughaw na dugo' ay para sa mga miyembro ng pamilya at ninuno ng monarkiya tulad ng hari, reyna, prinsesa at prinsipe. 'Blue collar job' ay tumutukoy sa mga trabahong nangangailangan ng malakas na katawang pisikal gaya ng mason, karpintero at basurero.

Puti - kulay at simbolo ng kalinisan. Kulay na hinahangad ng maraming morenang pilipino. Puting panyo para sa pagsuko, puting budhi para sa may malilinis na kalooban. White collar job ang tawag kung ang trabaho ay sa loob ng malamig na opisina, may malaking sweldo kumpara sa karamihan at kagalang-kagalang posisyong iyong pinaghahawakan.

Itim - madilim at malungkot na kulay. Kulay ng pagluluksa. Madalas negatibo ang katumbas ng kahulugan ng kulay na ito. Kung ang puti ay presence of all the color, ang itim naman ay absence of all the color. Ayon sa science, hindi raw ito kulay pero paano natin ito iuuri? Bahala sila. Hindi ko rin alam. 'Pag maitim ang budhi mo ibig sabihin sobrang walanghiya mo, 'black sheep' ang tawag sa pasaway ng pamilya at 'blackmail' naman ay may kahulugan na panggigipit.

Pink (rosas) - ang kulay na masyadong in-associate sa kababaihan. Ngunit maling isipin na kung kulay pink ang suot na damit ng lalake ay hindi na ito tunay na lalake. Kailan pa naging basehan ang kulay sa sekswalidad? Magandang paglalarawan ang katagang 'kulay rosas ang paligid' kahulugan nito'y positibo ang aura o may magandang nangyayari sa taong tinutukoy.

Mas maganda at mas exciting ang buhay kung ito'y may kulay kaya nga 'pag sinabing walang kulay ang iyong buhay kahulugan nito ay kawalan o kakulangan ng magagandang alaala, pagsubok at karanasan. Pasalamat tayo at tayo'y 'di tulad ng maraming hayop na colorblind ang paningin dahil kundi ay itim at puti lang ang mga kulay na ating nakikita.

Matalinghaga ang buhay, may talinghaga ang bawat kulay.
Ang kulay ay simbolismo ng maraming bagay na may kinalaman sa ating buhay.
Saang kulay ka man maihambing o anumang kulay ang iyong nararanasan katunayan lang na malaking bahagi ng ating buhay ang kulay.

Tulad ng kulay darating ang panahon na ang ating buhay ay kukupas, tulad ng alaalang iniwan ng crayola noong ating kabataan darating ang oras na ang buhay ay magiging isang alaala na lang.



No comments:

Post a Comment