Showing posts with label langit. Show all posts
Showing posts with label langit. Show all posts

Monday, June 2, 2014

Ulan at Pag-ibig



Kailangan ng araw upang umulan.
Tulad ng ulan kailangan natin ng pag-ibig at pagmamahal.
- - - - -

Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay 'di napipigilan.
Sila na anumang sandali ay bigla na lamang darating, asahan mo man o hindi. 'Di nila alintana kung 'di ka sabik na sila'y maranasan o kung magdulot man sila sa'yo ng pagkadismaya. Kahit sa kalagitnaan ng tag-araw o sa gitna ng iyong kasiyahan, bubuhos ng marahas o papatak ng marahan.
'Pag ikaw ay sanay na sa kanyang kandungan saka bigla na lang ikaw'y iiwananan.


'Di mo ba alam na ang ulan ay pag-iisang dibdib ng langit at ng lupa?
Sa pamamagitan ng ulan, na luha ng kalangitan magaganap ang tanging sandaling hahalik at katatagpuin ng langit kahit ang lupang maputik.


Tulad ng ulan, ang pag-ibig ay makapangyarihan. Kaya nitong bumuo o sumira ng 'sang sagradong buhay, lunurin ka sa taglay niyang lakas o akayin ka sa magandang bukas. Ang ulan at pag-ibig ay maaaring iwasan ngunit hindi naman maiwawaksi ang damdaming iyong nararanasan. Ang pagsuong sa ulan ay gaya ng pagsugal sa pag-ibig, sa kagustuhan mong ito'y sundin at tupdin kahit batid mong ikaw ay madadarang sa tubig o malagay sa alanganin - tutuloy ka pa rin. Kahit minsan katumbas nito'y lungkot at kabiguan.


'Di mo ba alam na ang ulan ay 'di lamang sanhi ng bagyo o nagbabantang sama ng panahon?
Dahil naniniwala akong ito'y pakikiramay ng langit sa mga binigo ng pag-ibig. Ang ulan ay luha ng langit at ang luha ay ulan sa buhay nating puno ng pasakit at hinanakit. Datapwa't ang ulan at ang pag-ibig ay kapwa may hatid na ligaya at pag-asa.


Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay walang oras na itinatakda at walang panahong pinipili.
Maari mo itong paghandaan subalit kailanman'y 'di sila magpapaalam o makikiraan.
Hindi magpapasintabi. Hindi mag-aatubili.
Walang sariling pag-iisip at lubhang makasarili.
Pinipilit na manghimasok sa buhay ng kahit sino masunod lamang ang gusto.


Minsan, mapipilitan kang umindak sa dikta ng kanyang tiyempo
o magtampisaw sa mga patak at tilamsik na kanyang ritmo
o umindayog sa himig ng hanging may malakas na kumpas
at 'pag dumating ang sandaling nasanay ka na sa melodiyang kanyang nilikha,
gaya ng pag-ibig ay walang sabi-sabing titigil at lilisanin kang basa at luhaan.


Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay dumarating kahit na walang dahilan.
Gagawin nitong magulo ang buhay mong noon ay may ngiti o pilit na pasisiyahin ang buhay mong may tampo at pighati.
Ang ulan tulad ng pag-ibig may kasiyahang dulot o may hatid na lungkot.

Nakakainip. Nakakainis.
Nakamamangha. Nakabibighani.
Nakakaaliw. Nakakabaliw.
Nakakalibang. Nakakahibang.


Ang ulan kayang pawiin ang pagkauhaw at pagkatuyo ng lupa. Ang pag-ibig may kakayahang tigibin ang damdaming uhaw sa pagmamahal at kalinga.
Ang ulan pakakalmahin ang lupang nakapapaso sa init habang ang pag-ibig ay may kakayahang patitigilin ang damdaming nagpupuyos sa ngitngit at galit.

Sa muling pagsapit ng ulan o pagkatok ng pag-ibig, maaring bukas o maaaring mamaya ngunit 'di maiiwasan ang pagkabigo kahit sa oras na ito'y tiyak na at iyong inaasahan.


Ang pagtugis sa pag-ibig ay tulad ng walang kapagurang paghahanap ng kasiyahan sa gitna ng balakid, susuwayin ang lahat masunod lamang ang damdamin.
At gaya ng ulan, susuong siya kahit pa taglay ng araw ang sinag niyang mainit.
Sa panahon ng tagtuyot may mananalangin sa pagbuhos ng ulan habang ang iba'y magdarasal naman ng tunay na pag-ibig.


Ang ulan at pag-ibig ay may diwang nais na sabihin, may tinig kang sa kanila'y maririnig. Ibubulong nila sa iyong isip ang kanilang gustong ipahiwatig hanggang maunawaan ito ng iyong puso't damdamin, na madalas ay may ligalig.


Ang ulan gaya ng pag-ibig, pansamantala lang.

Ang pag-ibig gaya ng ulan, tiyak na may hangganan.

Thursday, May 23, 2013

Agam-agam




Isa ka rin ba sa nag-aalala kung makakarating ka ng Langit?
Nagtatanong ka rin ba kung ang lahat ng kabaitan at kabutihan mo ay sasapat upang papasukin ka sa napakagandang paraisong ito?
O hindi ka lubos na kumbinsido na mayroon ngang Langit at ito ay isa na namang kathang-isip lang ng mga sinaunang tao?

Gaano kaya ako kasama? Ikaw, gaano ka ba kabuti?
Ano ba ang mas katanggap-tanggap sa Langit; ang makabuluhang pamumuhay o ang makabuluhang kamatayan?
Makakarating kaya tayo sa langit o makatuntong o mamalas man lang kahit ang pintuan nito?
Ano kaya ang batayan para magkaroon ng isang buhay na walang hanggan?

Bagamat hindi pa naman ako nakakapatay ng tao hindi pa rin yata kasiguruhan ito para hindi ako ihagis sa nagngangalit na apoy ng impiyerno. Isang kakatwa na lahat tayo ay may pagnanais na makarating sa langit pero iilan lang naman ang sinasabuhay ang pagiging mabait, lahat tayo ay gustong makarating sa langit pero wala naman sa atin ang may pagnanais na mamatay.

Ang Ten Commandments ay hindi multiple choice na pipiliin lang natin kung ano ang gusto nating gawin o sundin ngunit dahil sa tayo'y tao at sadyang mahina at marupok parang ganun na rin ang ginagawa natin. Pinipili natin ang ilang madali at kaya nating tupding utos pagkatapos ay ikukumpara at ibibida natin ang ating kabaitan sa ibang mga tao at walang prenong kondenahin ang mga tao na sa tingin natin ay mas makasalanan kaysa sa atin. Hindi porke sa tingin natin mas mababa ang level ng kasalanan natin sa ibang tao sapat na ito upang husgahan natin ang iba; sabi nga kung sino ang walang kasalanan siya lang ang may karapatang pumukol ng unang bato.

Pero bakit ganun?
Bakit masidhi ang pagnanais nating makarating sa langit eh hindi naman natin maiwasan ang magkasala? Ano ba ang mayroon sa isang kasalanan at lagi lang tayong nabibiktima nito o tayo mismo ang salarin sa sarili nating krimen? Sadya yatang itinakda na tayo ay magkasala. Kung bakit ang mga tao ay napakarupok paglabanan ang anumang temptasyon ay hindi ko rin kayang ipaliwanag.
Ang nakakabanas lang minsan ay pag-abuso ng mga tao sa katwirang: "Pasensya na tao lang" upang tanggapin at patawarin mo ang nagkasala sa iyo. Muli, minsan alam nating kasalanan pero winawalang bahala lang natin dahil sa enjoyment na hatid nito. At kapag nagkaroon ng problema saka na lang hihingi ng 'sorry', nasaan ang pagsisisi dito? Kung sakaling hindi nagkaproblema baka patuloy lang ito sa enjoyment.

Nakakapag-alala at nakakatakot ang mamatay pero mas higit na nakakatakot para sa akin ang pagtanda. Iniisip ko pa lang na uugod-ugod na ako maglakad o hirap ako sa pagsubo ng pagkain o pagluyloy ng aking balat o ang pag-aalala na walang mag-aalaga sa akin sa ganoong kalagayan ay nababalisa na ako!
Madalas kong itanong ng pabiro; 'Hindi kaya ang pagtanda ay kaparusahan ng langit sa sangkatauhan?' Pagpaparusa ito sa ating mortal na katawan pagkatapos ng maraming taong pag-abuso dito, makalipas ang ilang dekadang kasalanan, pagkatapos ng panahong puro kabalastugan, pagkukunwari, pagsisinungaling, pagiging makasarili, pagkamayabang, pagkakaroon ng maruming isip, pagtataksil, pag-abuso sa katawan at kabataan, pagkalimot sa Kanya, pag-iisip at paninira ng masama sa kapwa, pang-uumit, pagmumura at marami pa.

Hindi kaya pagpaaalala ito na tinatapos na ng langit ang paghahari ng kabuktutan sa ating kamalayan at oras na para ang katawan mo naman ang siyang maghirap at maparusahan?
At oras na rin ito sa isang taimtim na pagsisisi, panahon nang isuko ang katawan at ihingi ng kapatawaran ang lahat ng nagawang pagkakamali noong tinatamasa ang kabataan. Ngunit gaya mo, hangga't maari hindi na natin hihintayin ang ganitong kalagayan, paano?
Tara, sabay-sabay nating alamin.

Tuesday, November 8, 2011

Hindi pwedeng walang Diyos

Kasabay ng patuloy na pagiging abnormal na pagsama at paglala ng panahong nararanasan ngayon ng mundo ay ang pagiging abnormal din ng kawalanghiyaan ng tao. Animo'y pinapantayan ng tao ang mga matitinding pag-ulan at pagbaha, mga nakakatakot na lindol at tsunami, ang masisidhing tag-tuyot at tag-init. Tinutumbasan ito ng tao ng kanyang kakaibang kasalbahehan; mga ugaling hindi mo lubos maisip kung tao pa ba ang may gawa o hayop o demonyo; mga nakagigimbal na pangyayaring nakabalandra sa pahayagan, radyo, internet at TV; mga nakapanggigil na iba't-ibang uri ng krimen na 'di mo aakalain na kaya palang gawin ito ng mga tao sa ngayong panahon.

Bukod pa ito sa pangkaraniwang kaganapan ng krimen na nangyayari sa araw-araw at tila nasanay na rin tayo sa kasamaan at kawalanghiyaan ng tao dahil bahagi na lamang ito ng balita sa araw-araw. At iniakyat pa ito ng tao sa mas mataas na antas, hindi ito dapat. Hindi naman tayo nilikha para pumatay o magmasaker, magnakaw o maging mandarambong, mandaya o maging utak ng malawakang election fraud, mangmolestiya o manghalay ng mahihinang biktima, magbenta ng droga o mambugaw ng kababaihan, lalo't ang menor-de-edad. Sa kadahilanang pera lang ba kung bakit ang tao'y nalulubog sa kumonoy ng kasamaan? O pagiging sakim sa kapangyarihan at wala na tayong pagrespeto at pagkilanlan sa ating kapwa at higit sa Diyos. Mas masahol pa tayo sa hayop.

Tila walang pinipiling kasarian, estado, nasyonalidad, propesyon, kalagayan sa buhay ang gumagawa ng krimeng ito. Magmula sa maliliit na tao hanggang sa "nirerespeto" ay capable na gawan tayo ng krimen. Mga taong ikinukubli ang kawalanghiyaan, mga taong nag-aanyong anghel sa kabila ng kademonyohan, mga taong walang inisip kung 'di ang manglamang sa kapwa. Kung kagyat na mamamatay ang mga may masisidhing kasalanan...baka mga sanggol na lang ang matira sa mundo. Nakakatakot.

Heneral, presidente, pari, doktor, abogado, pastor, pulitiko, pulis, pulubi, militar, sibilyan, kapatid, kaanak, kapitbahay, kabataan, mayaman, mahirap, lahat na. Tila wala nang ligtas na lugar tayong masisilungan at kahit ang mismong ating tahanan na dapat ay tahimik at payapa ay anumang oras ay maaaring pasukin at looban ng mga taong tila nasaniban ng kademonyohan o mga taong halang ang kaluluwa o sadyang wala nang kaluluwa. At ang mga alagad ng batas na dapat ay magtatanggol at magpo-protekta sa atin ay minsan na ring kwestyonable ang katauhan, ang mga gwardiyang nasa paligid at inaakalang magbabantay sa'tin ay nasasangkot na rin sa krimeng panghahalay, ang mga tagapagdala ng magagandang balita na dapat ay naggagabay sa atin sa tamang landas ay nagkukubli rin pala sa salitang kabanalan, ang mga abogadong nagtatanggol ay hindi na lang nagtatanggol kundi umaayuda na rin upang pagtakpan ang kasamaan. Oo, hindi lahat ay ganito kasama pero lahat ay may posibilidad. Sinong mag-aakala na sa panahong ito ay laman sa laman ang magpapatayan? Kapatid pinapatay ng kapatid dahil sa inggit, Ina pinatay ng anak dahil nairita, Amang minartilyo dahil sa sermon. Nakakalungkot. Nakakawindang.

Ang mas nakabibigla madalas na ring hindi nahuhuli ang mga may sala; mga salarin. Walang naparurusahan, walang katarungan. May pagkakataong nangingibabaw ang kasamaan laban sa kabutihan, may pagkakataong pera ang matimbang kaysa hustisya, may pagkakataong ang mga may kapangyarihan ang siyang batas, ang mga may impluwensiya ang pinapanigan kaysa ang biktima. At minsan naman, hindi kumikilos ang batas kung walang padulas. Kung masawi man tayong lahat na mahanap ang mailap na katarungang ito dito sa lupa asahan natin ang pantay na hustisya ang igagawad sa kabilang mundo. Kaya para sa akin at sa maraming biktima ng lipunan sasabihin ko: Hindi pwedeng walang Diyos.

Dahil kung walang Diyos napakaswerte naman ng mga taong yumaman dahil sa panggigipit, pangungurakot o pagnanakaw...Paano na lamang ang ika-walong utos?

Paano na lamang ang hustisya sa mga biktima ng katulad ng Maguindanao Massacre o nang walang naparusahang Vizconde Massacre o ng iba pang karumal-dumal na massacre?

Paano na lamang ang hustisya sa mga biktima ng katulad ni Givengrace na matapos halayin ay wala pang awang pinaslang?

Sino na lang ang mananagot sa mga sanggol na anghel na walang dalawang-isip na kinitil ang buhay at sapilitang ipinalaglag?

Paano na lamang ang hustisya sa mga bikitma ng libo-libong dinukot tulad nina Bubby Dacer o Jonas Burgos, na biglang nawala at 'di na muling nakita?

Sino na lamang ang maghahabol sa mga taong matagumpay na nakapagkubli sa batas ng tao na utak sa pagpaslang sa katulad na krimen ng pagpatay kay Ninoy?

Sino ang uusig sa mga bayaring kriminal na hindi nagdadalawang-isip na pumatay sa ngalan ng pera katulad ng ginawa nila kay Augustus Cesar na opisyal ng PUP?

Kanino hihihingi ng matinong katarungan ang mga biktima ng panghahalay at panggagahasa? Lalo't higit ang iba rito'y mga walang muwang na paslit.

Sino ang kayang maggawad ng katarungan sa mga nagtutulak ng droga na lumalason sa isipan ng mga tao?

Paano na ang paghahanap ng hustisya ng mga biktima ng karahasan na pasimpleng natakasan ang makupad at mahinang batas ng tao?

Sino ang magbigigay hustisya sa mga taong dagliang kinitil ang buhay sa simpleng dahilan o walang kadahilanan?

Sino ang magpapataw ng katarungan sa mga makapangyarihang Husgado na pinapaboran ang maiimpluwensya't mayayaman sa halip na ipatupad ang patas na batas?

Sino ang maggagawad ng hustisya sa mga rebelde ng lipunan na umaastang may mabuting ipinaglalaban subalit ang layon pala'y maghasik ng takot at terorismo sa mga inosenteng nadadamay sa kanilang krimen?

Napakalaki na ng butas ng batas ng tao; ang ngipin nito'y tila unti-unti nang nalalagas. Ang simbolo ng hustisya ay nakapiring ngunit tila salapi ang ginawang panakip sa paningin. Ang timbangan ng katarungan ay animo kumikiling at pumapabor sa may kapangyarihan. Tsk tsk. Napakarami na ang nabubulag sa kislap ng pera. Ginagago na rin tayo ng mas matatalinong nasa pwesto. At tila nalulukuban na ng masasamang ispiritu ang mga taong gumagawa ng ganitong nakakahindik na krimen; ang iba'y kilala mo at ang iba nama'y nakatago. Kung marami na silang gumagawa ng krimen sa kapwa tao o sa kalikasan dalangin nating sila'y tumigil at kung maaari'y maparusahan. Ang Diyos ay mapagpatawad sa mga taong taos na humihiling nito. Inuulit ko hindi ako malinis, hindi ako nagmamalinis, hindi ako mabait pero pinipilit kong magpakabait pero sa maraming pagkakataon bigo ako. Gayunpaman, ayokong lumangoy at malunod sa dagat nang lumalagablab na apoy; kung dito pa lang sa lupa ay nakakapaso na init na ang nararanasan tuwing tag-init, sigurado ako higit pa ito sa iniisip mo.

Tulad mo ako'y nangangarap din ng payapang mundo dahil tila hindi ko na ito makakamit sa ating mundo dito. Pero para sa mga taong nag-astang demonyo dito sa lupa dapat lang siguro na pagbayaran nila ang lahat ng kanilang kawalanghiyaang ginawa upang maging ganap ang katarungan sa kanilang naging biktima. At para sa'kin hindi pwedeng langit, hindi pwedeng walang impiyerno, hindi pwedeng walang Diyos.


PAUNAWA: ANG INYONG NABASA AY PANANAW LAMANG NG MAY AKDA. KUNG NAAPEKTUHAN MAN KAYO NG AKING PANANAW AT PANINIWALA AY 'DI ITO SINASADYA. ANG DIYOS AY HINDI DIYOS NG PAGHIHIGANTI KUNDI DIYOS NG PAGPAPATAWAD, PAG-IBIG AT PAGMAMAHAL NGUNIT NASASAAD DIN NAMAN NA ANG MAKASALANAN AY MAGBABAYAD NG KANYANG MGA PAGKAKASALA. KUNG ANO MAN ANG AKING NAGAWANG PAGKAKAMALI AT PAGKAKASALA ALAM KO MAYROON DIN ITONG KAPARUSAHAN.