Friday, June 6, 2014

Bachelor of Science



(click)
Naglilingkisang mga dila ang bumungad sa akin nang buksan ko ang TV sa kasagsagan ng hapong maalinsangan. Agad ko itong nilipat sa noontime/afternoon show na paborito ng marami.

"Putsa! Akala ko ba may censorship? Bakit may nagpapalitan ng laway sa katanghaliang tapat? Bakit nakabikini lang ang mga sumasayaw sa noontime show? Nasaan ang mga self proclaimed na moralista?" tanong ng utak kong malisyoso.

Ang hirap ng ganito. Lahat napapansin ko e, alam naman ng lahat na pangkaraniwan na senaryo lang naman ito sa telebisyon araw-araw. Siguro dahil na rin ito sa labis na inip at pagkabugnot. Mag-iisang taon na kasi akong nagpapagod at nagsasayang ng pawis at pamasahe para maka-apply ng trabaho na aakma sa kursong pinatagpusan ko pero hanggang ngayon hindi pa rin ako nakakatanggap ng tawag mula sa mga kompanyang pinagpasahan ko ng aking sangkatukak na resumé.

'Di hamak na mas masarap pala talaga ang buhay noong estudyante pa ako. Kain-tulog at bahay-eskwela lang ang aking ginagawa dati pero ngayon daig ko pa ang kalabaw na nag-aararo sa napakalawak na bukirin sa gitna ng tirik na araw, makahanap lang ng mapapasukan.


Heto pala 'yung sinasabi ni Tatay na ang tunay na inog raw ng buhay ay wala sa loob ng eskwelahan kundi nasa labas kung saan ang lahat ng taong nagmamadali ay pinababagal ng tila walang solusyong mga suliranin ng lipunan. Tama nga si Tatay, malayo pa ang semana santa pero parang nagpipinitensya na ako sa hirap at bagal ng sistemang umiiral sa halos lahat ng aking establisimyentong tunguhin. Tila walang katapusang sakripisyo para sa tulad kong naghahagilap ng espasyo sa progresibo ngunit masalimuot at masikip na daigdig ng corporate world.


Nagmamadali at nagkukumahog kang makatapos sa gusto mong gawin pero kahit anong gawin ko parang ganun pa rin resulta. Isang pagsubok para sa katulad naming aplikante ang pagcomply at pagkumpleto ng mga sandamakmak na mga documetary requirements. Halimbawa na ng NBI clearance kulang ang isang maghapon para makakuha ka nito idagdag mo pa ang police clearance, pagsecure ng SSS ID, medical certificate saka ng kung ano-ano pang shit.

Sa milyon-milyong pilipinong nangangailangan ng trabaho, ano ba ang chance na pipiliin nila ako? Sa qualification pa lang na 'pleasing personality' disqualified na yata ako. E, nanay ko lang yata ang nakakatanggap at nakakaappreciate sa pagmumukhang 'to. Sino ba kasing gago ang nagpasimuno na dapat matangkad ka, dapat hindi ka mukhang kriminal, dapat hindi ka pa gurang at marami pang 'DAPAT' na puro lang namang kalokohan para makakuha ng trabaho?
Bakit, mag-o-audition ba kami sa Starstruck? O sa Starcircle? Tapos, pinoprotesta natin ang diskriminasyon ng ibang bansa laban sa atin e tayo nga may double standard na pinaiiral.


Aba, hindi biro ang nakasuot ka ng longsleeve at balat na sapatos pero tagaktak naman ng pawis 'yung singit at kilikili mo. Nakakasawa na rin ang mga paulit-ulit na tanong ng mga interviewer sa akin halata ko naman na 'yung iba e nagpapowertrip lang naman. Sa katunayan, bago ako matulog naririnig kong umaalingawngaw sa tenga ko ang monotonous nilang mga interview question na: "What is your strength and weaknesses?" "Tell me a little about yourself" saka "Why should we hire you?". Pakiramdam ko para akong contestant sa isang beauty pageant na palaging umuuwing luhaan at talunan sa tuwing itinatanong ito sa akin.

Hindi sa nagrerklamo ako pero hindi na nakakatuwa ang gumising ng napakaaga at humingi ng perang pamasahe at allowance sa magulang para sa walang katiyakang resulta. Nakakahiya na. Siguro pampalubag-loob na lang para sa akin na marami sa mga classmate at kabatch ko sa kolehiyo ay wala pa ring mga trabaho. Shet na buhay 'to, oo. Para saan ba 'tong pinaghirapan at pinagsumikapan kong diploma kung ganito rin lang ang magiging buhay ko? Ano bang silbi ng Bachelor of Science para sa lipunang kailangang may koneksyon at impluwensiya?


(click)
Sa kabilang channel.
Hollywood movie na tagalog ang lenggawahe. Ayos.
Proud to be Filipino ang salita pero imported ang pelikula.
Naalala ko dati nang paslit pa ako ang tanging tinatagalog lang yata na palabas noon e, 'yung Marimar. 'Yun 'yung palabas na ang bida e si Thalia na wala yatang hindi nakakakilala noong kanyang kasikatan. Sa sobrang popular niya at ng kanyang telenovela lahat na yata ng babaeng sanggol na ipinanganak ng taong 'yon kundi Marimar e Thalia ang pangalan. Pero ngayon que cartoons o kahit anong foreign film pa 'yan o kahit hatinggabi pa ang airing ng isang pelikula tagalog na ang salita, hindi ka na mag-eeffort na intindihing mabuti ang palabas. Nakakatawa lang na ang mga katulad nina Optimus Prime, John McClane, Peter Parker, Bruce Wayne at Tony Stark ay napakatatas magtagalog! Galing 'di ba?


Given na 'yung mga Asia Novela e, majority ng mga pilipino talagang hindi kayang unawain ang dialect ng mga Korean, Chinese, Taiwanese o Mexican kaya kailangan talagang tagalugin para maintindihan at masubaybayan. Pero hindi mawala sa isip ko ang tanong na: "Isinadlak ba nito ang kaisipan at kamalayan ng mga pilipino? O pilit na inaabot at hinahabol ng mga higanteng istasyon na ito ang mas nakararaming masa?"
Siguro ganito na lang, sa mga gusto ng Hollywood Film na walang tagalog dubbing nandiyan ang HBO, Starmovies at Cinemax at 'pag foreign film na makabayan ang salita dito ka sa local channel.

(click)
Lipat ulit.
Hanep ang music channel. Sa Top 10 ng pinakapopular nilang kanta, tatlo rito ay kinanta ng American singer samantalang tatlo lang din ang sariling atin, magugulat ka pa ba kung ang natitirang apat ay kanta ng mga Koreano? Mga koreano na 'yung suot at itsura ay dinaig pa ang karakas ng nagmumurang-kamyas na matrona. Para silang extreme version ni Gary V. sa halos lahat ng aspekto; sa pananamit, sa estilo ng pagkanta, sa pagsasayaw at sa pagkilos. Tinapos ko 'yung number one song nila kanta ng Exo at kahit may lyrics kang mababasa sa kanilang music video hindi ko naintindihan ang mensaheng gusto nilang sabihin. Parang 'yung mga tagahanga rin lang nila, mahirap maintindihan. Malay ko ba kung tungkol sa malanding puta ang kanta nila o 'di kaya ang langit na kanilang narating habang sila'y nakadroga.
Ganun talaga die-hard fan e. Mga proud to be filipino kuno pero gumagastos ng libo-libo sa konsyerto ng mga foreign artist.
Ewan ko. Basta. Bahala sila sa trip nila, bahala ako sa trip ko.


Siguro kung inipon ko na lang na ang lahat ng ipinagmatrikula sa akin nina Tatay at Nanay sa loob ng walong semestre, nakapagpundar na ako ng maganda-ganda at matino-tinong negosyo. Sa kagustuhan nila na makapagtapos ako ng pag-aaral talagang literal na iginapang ni Tatay ang pambayad ko sa matrikula. Sundalo kasi si Tatay. Paano kasi ako daw ang tanging maasahan nilang makapagsasalba sa lintek na century old na yatang kahirapan, saka ako rin daw dapat ang magtutustos sa pag-aaral ni Henry na aming bunso pagtuntong niya ng kolehiyo.

Paano ba mangyayari 'yun e mag-iisang taon na akong tambay dito sa bahay? Mabuti nga mabait ang nanay, hindi ako sinesermunan at sinasabihan ng palamunin at batugan. Ngayon nauunawaan ko na kung bakit maraming mga magulang ang iniiwan kanilang mga anak upang magpaalipin sa ibang bayan. Alam ko na ang dahilan kung bakit may mga kababaihang napipilitang maging prosti. Batid ko na ang dahilan kung bakit maraming graduate student na lihis ang trabaho sa tinapos nilang kurso. Nakikisimpatiya na ngayon ako sa mga magulang na kinagagalitan ang mga anak dahil sa halip na nasa loob ng eskwelahan ay naglalakwatsa lang.


(click)
News channel naman.
Kung gaano nakakabuwisit ang gobyerno natin, nakakabuwisit din ang mga balita sa TV.  'Tangina kundi tungkol sa kasapakat ni Napoles sa korapsyon ang balita, tungkol sa kapalpakan ng serbisyo ng NBI, LTO, LTFRB, SSS, GSIS, MMDA, FDA, PNP, DepEd, DPWH, DOJ, DSWD at marami pang accronym na inimbento ng kung sinong opisyales natin. 'Yung balita noong nakaraang mga taon 'yun pa rin ang balita ngayon, naiiba lang ang pangalan ng involved. 'Yung problema ng ating bansa ilang dekada na ang nakararaan 'yun pa rin ang kinakaharap nating problema ngayon; baha, trapik, classroom, basura, scam, tubig sa dam, kidnapping, snatching, drugs, OFW, kalamidad, iskwater, riding in tandem, oil price hike, krisis sa kuryente, populasyon, polusyon pero 'wag ka hindi raw kasama sa problema ang ekonomiya! 'Tangina umuunlad na raw kasi ang 'Pinas.
Saan, bakit at sa papaanong paraan? Ang dami ko nang kasinungalingang naririnig pero 'yung kasinungalingan sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas, napakaconsistent at walang kagatol-gatol nilang pinagmamayabang mula sa panahon ng rehimeng Marcos, Cory, Ramos, Estrada, Gloria hanggang kay Pnoy pinangangalandakan nila sa buong daigdig na tunay ngang umuunlad ang ating ekonomiya. Ikaw, ramdam mo ba?


Ang mga palabas sa TV katulad ng serbisyo publiko ng ating gobyerno. Nakakasawa.
Sa halip na sayangin ko ang oras ko sa panonood mas okay siguro kung magpahinga na muna ako upang makatulong mamaya sa gawaing bahay - mapakinabangan man lang ako ng aking mga magulang. Mahaba pa ang kahaharapin kong araw bukas kailangang makaipon ng lakas para sa darating na panibagong pagsubok sa buhay ng katulad kong bagong graduate slash tambay ng lipunan.
Sa ngayon, hindi makakatulong sa akin ang panonood ng dramaseryeng mahalay - magdadagdag lang ito ng init sa aking katawan at kirot sa nararamdamang kong pananakit ng ulo.


Alam kong hindi madali ang makahanap ng matinong trabaho pero hindi ko inasahan na ganito pala ito kahirap. Siguro 'singhirap yata ito sa pag-akyat ng bundok ng isang taong may pisikal na kapansanan. Pero kailangang magtiyaga at wala naman akong ibang choice na pagpipilian pasasaan ba't may kompanya ring magtitiyaga sa karakas ko, sa talent ko kuno at sa talino kong pinilit lang ng mga exam at recitation.

(click)

1 comment:

  1. minsan naisip ko din na mas masarap ap rin ang buhay estudyante.... pero ngayon okay na rin na may work kasi wala ng exam o project na iisipin ... un nga lang... dami ding problemang haharapin pang nag work na...

    Naalala ko tuloy nung bagong graduate ako.... hirap din ako sa pag aapply....

    ReplyDelete