Showing posts with label ulan. Show all posts
Showing posts with label ulan. Show all posts

Monday, June 2, 2014

Ulan at Pag-ibig



Kailangan ng araw upang umulan.
Tulad ng ulan kailangan natin ng pag-ibig at pagmamahal.
- - - - -

Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay 'di napipigilan.
Sila na anumang sandali ay bigla na lamang darating, asahan mo man o hindi. 'Di nila alintana kung 'di ka sabik na sila'y maranasan o kung magdulot man sila sa'yo ng pagkadismaya. Kahit sa kalagitnaan ng tag-araw o sa gitna ng iyong kasiyahan, bubuhos ng marahas o papatak ng marahan.
'Pag ikaw ay sanay na sa kanyang kandungan saka bigla na lang ikaw'y iiwananan.


'Di mo ba alam na ang ulan ay pag-iisang dibdib ng langit at ng lupa?
Sa pamamagitan ng ulan, na luha ng kalangitan magaganap ang tanging sandaling hahalik at katatagpuin ng langit kahit ang lupang maputik.


Tulad ng ulan, ang pag-ibig ay makapangyarihan. Kaya nitong bumuo o sumira ng 'sang sagradong buhay, lunurin ka sa taglay niyang lakas o akayin ka sa magandang bukas. Ang ulan at pag-ibig ay maaaring iwasan ngunit hindi naman maiwawaksi ang damdaming iyong nararanasan. Ang pagsuong sa ulan ay gaya ng pagsugal sa pag-ibig, sa kagustuhan mong ito'y sundin at tupdin kahit batid mong ikaw ay madadarang sa tubig o malagay sa alanganin - tutuloy ka pa rin. Kahit minsan katumbas nito'y lungkot at kabiguan.


'Di mo ba alam na ang ulan ay 'di lamang sanhi ng bagyo o nagbabantang sama ng panahon?
Dahil naniniwala akong ito'y pakikiramay ng langit sa mga binigo ng pag-ibig. Ang ulan ay luha ng langit at ang luha ay ulan sa buhay nating puno ng pasakit at hinanakit. Datapwa't ang ulan at ang pag-ibig ay kapwa may hatid na ligaya at pag-asa.


Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay walang oras na itinatakda at walang panahong pinipili.
Maari mo itong paghandaan subalit kailanman'y 'di sila magpapaalam o makikiraan.
Hindi magpapasintabi. Hindi mag-aatubili.
Walang sariling pag-iisip at lubhang makasarili.
Pinipilit na manghimasok sa buhay ng kahit sino masunod lamang ang gusto.


Minsan, mapipilitan kang umindak sa dikta ng kanyang tiyempo
o magtampisaw sa mga patak at tilamsik na kanyang ritmo
o umindayog sa himig ng hanging may malakas na kumpas
at 'pag dumating ang sandaling nasanay ka na sa melodiyang kanyang nilikha,
gaya ng pag-ibig ay walang sabi-sabing titigil at lilisanin kang basa at luhaan.


Gaya ng ulan, ang pag-ibig ay dumarating kahit na walang dahilan.
Gagawin nitong magulo ang buhay mong noon ay may ngiti o pilit na pasisiyahin ang buhay mong may tampo at pighati.
Ang ulan tulad ng pag-ibig may kasiyahang dulot o may hatid na lungkot.

Nakakainip. Nakakainis.
Nakamamangha. Nakabibighani.
Nakakaaliw. Nakakabaliw.
Nakakalibang. Nakakahibang.


Ang ulan kayang pawiin ang pagkauhaw at pagkatuyo ng lupa. Ang pag-ibig may kakayahang tigibin ang damdaming uhaw sa pagmamahal at kalinga.
Ang ulan pakakalmahin ang lupang nakapapaso sa init habang ang pag-ibig ay may kakayahang patitigilin ang damdaming nagpupuyos sa ngitngit at galit.

Sa muling pagsapit ng ulan o pagkatok ng pag-ibig, maaring bukas o maaaring mamaya ngunit 'di maiiwasan ang pagkabigo kahit sa oras na ito'y tiyak na at iyong inaasahan.


Ang pagtugis sa pag-ibig ay tulad ng walang kapagurang paghahanap ng kasiyahan sa gitna ng balakid, susuwayin ang lahat masunod lamang ang damdamin.
At gaya ng ulan, susuong siya kahit pa taglay ng araw ang sinag niyang mainit.
Sa panahon ng tagtuyot may mananalangin sa pagbuhos ng ulan habang ang iba'y magdarasal naman ng tunay na pag-ibig.


Ang ulan at pag-ibig ay may diwang nais na sabihin, may tinig kang sa kanila'y maririnig. Ibubulong nila sa iyong isip ang kanilang gustong ipahiwatig hanggang maunawaan ito ng iyong puso't damdamin, na madalas ay may ligalig.


Ang ulan gaya ng pag-ibig, pansamantala lang.

Ang pag-ibig gaya ng ulan, tiyak na may hangganan.

Monday, April 29, 2013

Unang ulan ng Mayo



Naririnig kong pumapatak ang ulan. Dahan-dahan.
Naririnig ko ring may tumatakbong isang paslit sa gitna ng ulan. Walang pakialam, walang pagsidlan ang kasiyahan.
Masaya ba siya dahil umuulan o masaya siya dahil siya'y naglilibang?
Sa pagtila kaya ng ulan ay titila rin ang kanyang pagtawa?
Alam kaya niya na ang kahulugan ng ulan ay ang sandaling paghalik at pagtatagpo ng langit at ng lupa?
* * *
Tulad mo'y isang ulan na iglap na dumating at iglap ding lilisan.
Sa panahong kailangan kong magtampisaw, ikaw ay naroon. Naglibang at naputikan ngunit katulad ng isang paslit; walang pakialam.
Sa panahong nais kong mabasa gamit ang tubig na galing sa iyong ulap, higit pa sa tubig ang iyong ibinigay. Mas lamang ang pagkasiya sa tuwing ikaw ay bumubuhos kahit alam kong ikaw ay isang panandalian; pilit ko pa rin itong itinanggi.
Pinatid mo ng iyong ulan ang uhaw kong panaginip, hindi ka nagdamot at hinayaan akong magtampisaw sa iyong bawat patak at tilamsik.
Ang bawat anggi at ihip ng iyong hangin ay nagdulot sa akin ng kakaibang ritmo ng musika na aking inawit at sinayawan.
Hinalikan mo ng iyong tubig ang lupang natuyot ng balat-kayo at pagkukunwari.
Kung maari lang sanang hindi ka na tumila, kung maari lang sanang hindi ka na tumigil, kung maari lang sanang hindi ka na lumisan. Ngunit nakalulungkot na hindi ito ang itinakda.

Tulad ng sa ulan, ikaw ay lilisan at kasabay mong lilisan ang kapilas ng aking kasiyahan na hindi kayang tumbasan ng anumang libangan. Nalulunod ako sa tuwing ikaw ay bumubuhos ngunit nais ko pang ilublob ang aking sarili upang mabatid ko pa kung gaano ito kalalim.
Gaya ng sa ulan, ikaw ay titila at kasunod din nito ang pagtila ng kakaibang ngiting iyong idinulot sa noo'y nagulumihanan kong pag-iisip. Kaligayahan ang hatid ng iyong bawat patak at kahit batid ko nang ito'y titigil hindi ko pa rin hinanda ang aking sarili, 'di nagpapigil.

Ngunit...
Paano ba ihahanda ang sarili sa kalungkutan?
Paano ba itatakwil ang kaligayahan?
Paano ba pagtaksilan ang kasiyahan?
Ah, siguro'y ayoko pang magpasagip, ayoko pang umahon. Kung kasalanan ang lumangoy sa iyong tubig hayaan mo nang tuluyan akong malunod at kagyat na mahusgahan ng Langit.

Sa iyong paglisan, aalalahanin ko ang iyong tinig na minsa'y naglagay ng ngiti sa nagtatanong kong nakaraan. Gagawin kong sandigan ang iyong positibong pananaw sa buhay at 'di kailanman marunong magalit. Tatawa ako kasama ng iyong mga tawa at halakhak na ngayo'y isa na lamang pangarap. Babaunin ko ang kislap ng iyong ngiti na minsa'y naging inspirasyon ng aking panaginip.
Isa kang panaginip na naging totoo at bumalik sa pagiging panaginip.
Ayoko sabihing madamot ang tadhana kahit saglit ka lang niyang ibinigay sa akin.
Ayoko sabihing sinungaling ang mundo kahit minsan ka lang naging katotohanan.
Ayoko sabihing pinagkaitan ako ng pagkakataon kahit sandali lang nang tayo'y pinagtagpo.

Totoo palang masaya ang mundo at higit pa itong sumaya nang minsa'y sinamahan mo akong hakbangin at lakbayin ang isang landas patungo sa kasiyahan. Hindi ko na itatanong kung bakit sa isang kisap lang ikaw ay maglalaho dahil mas nararapat ang isang pasasalamat kaysa anumang panunumbat. Minsan ko na ring sinabi, na sa ating buhay ay may pagkakataong hindi sasapat ang salitang SALAMAT para masuklian ang lahat ng buti at kasiyahang idinulot sa atin ng isang tao. At ikaw, ay higit pa sa isang salamat lang. Higit pa sa iniisip ko noon, higit pa sa inaakala ko dati, higit pa sa isang panaginip ko ngayon.

Kung lahat ng bagay ay may dahilan, ikaw ang aking dahilan.
Kung lahat ng bagay ay may kasagutan, ikaw ang aking kasagutan.
Kung lahat ng bagay ay may katapusan, haharapin ko ito nang may paggalang.
Maraming salamat at hanggang sa muli.
* * *
Naririnig kong pumapatak ang ulan. Dahan-dahan.
Isa akong paslit na nagtatakbo sa gitna ng ulan. Walang pakialam, walang pagsidlan ang kasiyahan.
Masaya ako dahil umuulan hindi dahil sa ako'y naglilibang.
At sa pagtila ng ulan ay titila na rin ang aking pagtawa.
At sa iyo ko nalaman na ang kahulugan pala ng ulan ay ang sandaling paghalik at pagtatagpo ng langit at ng lupa.

Oo, ako 'yung paslit at ikaw ang aking ulan.


Wednesday, December 19, 2012

Brutal



"Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue".
Linya ito sa isang kanta ni Billy Joel na may titulong "Honesty".
Isang napakalungkot at brutal na deklarasyon na ang lahat ng tao'y hindi matapat.
Nasaan na nga ba ang honesty?
Sino ba ang maaring sabihing matapat? Sino ang may lakas ng loob na sabihing siya'y matapat? Ako? Ikaw? Sila? Guro? Ang ating mga Pari o Pastor? May natitira pa bang matapat sa panahon ng mapagkunwaring mundong ito?
Huwag magmalinis. Dahil lahat tayo hindi man madalas ay minsang hindi naging tapat; matino man o hindi ang katwiran at mabigyang katarungan ang anumang dahilan ng hindi pagiging tapat, ang punto rito: walang nabuhay na matapat kahit gaano ka pa katalino, kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano pa kabanal ang tingin sa'yo ng mga tao, kahit gaano pa kataas ang posisyon mo at kahit gaano ka pa kabait.

Hindi ako malinis at mapagkumbaba kong aaminin at sasabihing sumuway din ako sa katapatan dahil katulad ng halos lahat minsan sa kasaysayan ng aking buhay ako ay naging suwail at hindi naging matapat. Kailanman ay hindi ito dapat ikarangal at ipagmalaki ngunit ang pinakamahalagang nadulot nito ay ang natutunang leksyon sa pagkakamali at ang pagsusumikap na huwag na muling maulit pa ang kamaliang ito kaakibat nang pagtanggap at pag-amin ng kasalanan.

Ang anumang nangyari sa ating buhay noon ay may koneksyon sa ating buhay ngayon maging maganda man ito o kasawian, maging kabutihan man ito o kasalanan dahil ito ang nagbibigay kahulugan kung sino tayo ngayon. Ito ang huhubog sa ating ganap na pagkatao ngunit masasayang ang lahat ng ito kung wala kang pinagsisihan sa mga kasalanan,  kung wala kang itinama sa mga kamalian at kung hindi mo isinapuso ang mga ibinigay na leksyon at aral.

Datapwat may mga bagay na hindi madaling sundin ang katapatan mas marami pa ring pagkakataon na kaya nating maging tapat. Nakakadismaya lang malaman na sa lahat ng antas ng buhay ay talamak na ang pagiging suwail at hindi tapat. At alam nating marami nito sa pulitika, sa pamahalaan, sa opisina, sa gobyerno at saan mang antas ng lipunan.

Bakit marami ang suklam na suklam sa nanunungkulan ngunit ni hindi man lang nila nakikita ang kalokohang ginagawa nila?
Bakit sa taas ng posisyong nakaatang sa balikat tinutumbasan naman ito nang mababang uri ng pag-aasal?
Sa kabila ng ganda ng trabaho, posisyon at sweldo, nakakadismaya na hindi pa rin napuputol ang paghahangad ng kalabisan.
Sadya bang nakalulula sa itaas o wala lang talagang kakuntentuhan ang paghahangad na mapunan ang pagkagahaman?

Bukod sa pera, ang dishonesty ang mortal na kalaban ng mundo. Napakaraming uri ng dishonesty ang kayang gawin ng mga tao na kahit simpleng bagay na lang ay sinusuway pa. Sana kung hindi rin lang ganoon kahirap na tupdin maging tapat tayo kahit walang nakamasid at kahit walang parusang nakaamba. Kung sakali mang dumating sa puntong sinusubok ang iyong katapatan piliting ito'y paglabanan 'wag masilaw sa sandaling kasiyahan hindi mo man lubos itong pagsisihan may katumbas itong kaparusahan nang hindi mo namamalayan.

Kung ang lahat ay hindi na matapat dapat bang tayo'y magbigay ng tiwala?
Kung ang lahat ay may kakayahang basagin ang tiwala dapat ba ang isang pagpapatawad?
Kung ikaw ay minsan nang nagpatawad dapat bang magbigay ng ikalawa at isa pang pagkakataon?
Oo nga na ang lahat ay hindi tapat, maaring ang iyong mga ginawang kamalian ay hindi na nalaman at nasiwalat pa ng iba, ngunit naitanong mo ba sa sarili mo kung dapat ka rin bang pagkatiwalaan? Marami ang humihingi ng kapatawaran ngunit ang masaklap ang mismong may gawa ng sala ay 'di mapatawad ang sarili.
Ang hindi raw maasahan sa maliit na bagay ay hindi rin maasahan sa malaking bagay. Kung ang simpleng bagay lang ay 'di mo matupad paano ka pa mabibigyan ng isang malaking responsibilidad?

Madalas na hindi buo ang tiwala natin sa mga tao, madalas na kahit nagbigay tayo ng tiwala ay may kalahok pa rin itong pagdududa pero minsan nakakalimutan natin kahit ang sarili natin ay hindi natin kayang pagkatiwalaan. Kaya tayong ipagkanulo ng ating sarili anumang oras, anumang pagkakataon. Sa panahong akala natin ay kaya nating paglabanan at mapagwagian ang lahat ng uri ng temptasyon doon ka pa susubukin at saka mo malalaman na marupok ka pa rin at hindi sasapat ang lahat ng iyong nakaraan at karanasan, lahat ay mababale-wala sa isang kisapmata lang.

Kung sa tingin mo'y naging tapat ka sa buong panahon ng iyong buhay 'wag kang magpatawad pero kung hindi ka rin naging tapat, sino ka para hindi maggawad ng kapatawaran?
Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat kang alipinin at abusuhin nang paulit-ulit at gawing lisensiya at karapatan ang iyong pagpapatawad para ikaw ay maging katawa-tawa at maging tanga sa patuloy niyang hindi pagiging tapat.

Higit na masakit ang sugat na wala sa balat.
Kahit bukal sa loob mo ang pagpapatawad hindi maiwawaglit sa isip mo ang sugat na nalikha nito sa iyong damdamin. Kahit bukas sa puso mo na ibigay ang kapatawaran hindi kailanman malilimot ang sakit na dinulot nito. Ang alaala ng kasalanan ang magiging sanhi ng hindi lubos na pagtitiwala; ito ang pilat na magpapaalala sa sugat na minsang naging makirot na nanunuot hanggang sa iyong panaginip. Kahit napakaraming taon na ang lumipas hindi tuluyang maglalaho ang gunita ng nakaraan na mumulto sa nagpupumilit na tumiwasay na damdamin at kaisipan.

Wala ngang nabuhay na matapat ngunit...
Pagsumikapang maging tapat kahit na marami ang hindi ito ginagawa.
Piliting magpakatatag kahit walang nakakakita.
Pag-isipan nang maigi bago magdesisyon dahil kaakibat nito ang paglala o pagbuti ng sitwasyon.

Ang pagsusumikap na maging tapat ay parang pagsuong sa isang malakas na buhos ng ulan hindi ka man lubusang mabasa dahil sa dala mong pananggalang, kaya ka pa rin niyang basain sa taglay niyang hanging brutal at walang pakudangan.

Wednesday, August 8, 2012

Habagat



Agosto 6 - 7, 2012.
Mistulang umiiyak ang langit.
Nararamdaman ko ring siya'y nagagalit.
Lahat ng kanyang sama ng loob ay ibinuhos sa walang tigil na luhang kanyang hinatid. Tila sinisingil na ang tao ng kalikasan sa lahat ng kawalanghiyaang ginawa natin sa kanya. Matanda, bata, mahirap, mayaman, iskwater o pasosyal, salbahe o banal ay hindi pinatawad, hindi sinanto. Kaawa-awa. Kalunos-lunos. Mga hamak na nakatira sa ilalim ng tulay o prominenteng nasa subdibisyon ay wala ng pinag-iba. Mistulang mga basang sisiw na humihingi ng awa at kalinga.
Ang kulay ng umaga at gabi ay halos wala ng pinag-iba.
Ang gabundok na basura na ating itinapon sa kung saan-saan ay tinipon at ibinabalik na sa atin ngunit hindi pa rin tayo madadala, walang aral na makukuha.
Ang bawat patak ng ulan na dating ating nginingitian ay nagdudulot na nang takot sa bawat isipan, ang lagaslas ng tubig na karaniwang baha lang ang pinsala ngayo'y pumapatid na ng buhay at pag-asa, ang maruming tubig na noo'y nasa kanal at kalsada lang ay nakikisilong na rin sa loob ng maraming tahanan.
Idineklarang walang pasok hindi dahil upang ang mag-aaral ay maglaro o magsaya, hindi dahil upang ang empleyado'y gumimik o magpahinga kundi dahil upang masaksihan natin ang lupit at ganti sa'tin ng kalikasan at pagmasdan kung papaano humagupit ang nagngangalit na ulan; mapanood na maraming bahay at kagamitan ang inanod at tinangay, makitang maraming buhay at pangarap ang winasak at kinitil.
Ah, hindi na impormasyon lang ang hatid sa'yo ngayon ng balita kundi isang nakakahilakbot na bangungot sa marami nating kababayan.
Ang takot na tumimo at nanatili sa isip ng mga naging biktima na hinahatid sa tuwing sasapit ang ulan at huhuni ang hangin ay higit pa sa milyong pisong pinsala.

Nasaan ka araw? Sisilay ka pa ba?
Sana bukas muli kang magbigay ng init at pag-asa sa nanlalamig naming balat at isipan. Tulad ng dati.
Ano pa ba ang kaya nating gawing sa kalikasan? At ano pa ang kaya niyang iganti sa atin?
Sino ang tatawagan natin sa panahong parang may delubyo?
Sino ang magliligtas sa atin kung kasabay mo nang tumatangis ang langit?
Sino ang mahihingan natin ng tulong kung ang mismong mga tutulong ay nangangailangan nito?
Hindi lang si Mayor o ang MMDA, Red Cross o GMA, Pulis o Kapitan ng Baranggay na kanyang nasasakupan kundi ang minsang lumakad sa ibabaw ng karagatan.
Hindi kaya nakakalimot na tayo?