Thursday, December 27, 2012

Blind Items




Kung may mga bagay na kaya mong sabihin nang harapan sa mga taong malapit sa'yo may mga bagay din namang hindi mo kayang sabihin o ayaw mong sabihin nang harapan sa mga taong kinaiinisan mo o sa mga taong sadyang 'di mo gusto ang asal at pag-uugali.  May kasabihan tayong mga Pilipino kung wala ka rin lang sasabihing maganda sa isang tao mas mabuting tumahimik ka na lang at sarilinin na lang ito. Pero kung hindi mo mapigilan ang sarili mo na gawin ito idaan mo sa ganitong pamamaraan at 'wag mong pangalanan. Hindi mo man lubos na nakontrol ang sarili mo hindi ka naman nakapanakit ng tao.

Ang post na ito ay halo-halong emosyon na naglalaman ng rant, papuri, pacute, pagmamahal, pagkainis, pasasalamat at iba pa na magpapakilig o makakasira ng iyong mood kung ikaw ang pinatamaan.

Paunawa: Hindi ko kailangan nang anumang disclaimer para sa mga taong na-offend ng post na ito. Gagawin ko ito ng bukal sa loob at walang halong pagsisisi at kung sa pakiramdaman mo ikaw ang tinutukoy sa isa sa mga item na ito sinadya ko talaga iyon.

Umpisahan na natin. Ready, set, go!

  1. Sa edad mong lampas kwarenta dapat may pinagkatandaan ka na. Huwag mong isisi sa ibang tao ang lahat ng kamalasan ng buhay mo. Kung dati kang nakakatulong sa mga kamag-anak mo hindi ito dahilan para isumbat ito sa kanila nang paulit-ulit. Wala akong atraso sa'yo, wala akong utang sa'yo at sa tingin ko wala rin akong naging utang na loob sa'yo, kung hindi kita kinakausap at pinapansin choice ko 'yun at simple lang ang dahilan ko: Hindi ko kaya sikmurain ang ugali mo. Isang tip lang sa'yo: Don't burn bridges. 'Wag mong siraan ang mga taong nakakaaway mo (nang walang dahilan) dahil posible pa ring makabati mo ito sa darating na panahon. Isa kang forty years old something na may pag-uutak ng isang teenager na walang pokus sa buhay. You are growing old but not growing up, sa tagalog nag-matured ang edad mo pero hindi ang utak mo.
  2. 'Wag mo kong yabangan ng mamahalin mong damit, pantalon, relo o gadget dahil alam ko, kung gaano kamahal ang mga gamit mo ganoon din kalaki ang pagkakautang mo sa opisina mo. Kahit Bench lang ang pantalon at damit ko o Timex lang ang relo ko o tatlong libong piso lang ang halaga ng celphone ko (ayoko mang sabihin pero sasabihin ko na rin) may sarili akong Bahay at Lupa (nakikitira ka lang di ba?), may dalawa akong sasakyang binili ko ng brand new ('yung sa'yo second hand 'di ba?). Ikaw ang isang magandang halimbawa na living beyond the means. Wala ako sa posisyon para pagsabihan ka pero minsan nakakairita na ang mga banat mo dahil alam ko namang hikahos ka rin. Sa susunod na yabangan mo ako isasampal ko sa'yo ang titulo ng bagong bili kong lote na 192 sqm na patatayuan ko ng malapalasyong bahay sa taong 2015 para kumalma at tumahimik yang pagkamaangas mo. Umayos ka kasi.
  3. Oo, crush kita pero hanggang doon lang 'yun dahil alam nating nakagapos na ang puso ko at mahal ko ang asawa ko at pamilya ko at hindi ko iyon maipagpapalit sa isang maganda at matamis na ngiti lang. Pakiusap, 'wag ka lang tumawa baka ikatunaw ko iyon. Sus, ang arte. :-)
  4. Isa ka sa iilan kong kaibigan, kaya nating magmurahan ng harapan pero kaya rin nating maunawaan ang isa't isa pagkatapos ng isang alitan. Alam kong may reserbasyon ka sa pagkakaibigan natin pero ganun talaga kasi ganoon din ako sa'yo. Kung nagkaroon man tayo ng hindi pagkakaunawaan dati hindi ito naging hadlang para muling bumalik ang ating friendship (naks!). 'Pag may sinasabi ako sa'yo sigurado para sa ikabubuti yun ng ating kompanya; pagtulungan at pag-usapan natin ang mga bagay na pwedeng ikaunlad at ikaasenso pa ng ating opisina. Gusto kong sabihin sa'yo: Pre, I value our friendship 'though sometimes it just doesn't show.
  5. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang piktyuran mo ang lahat ng aktibidades mo sa buhay, oo wala akong pakialam doon pero pare minsan ipakita mo namang lalake ka at nakakapagdesisyon ka rin ng hindi kailangan ng consent ng asawa mo (may konek?). Maaring ang asawa mo ang nagpro-provide ng maraming needs sa bahay ninyo pero nagiging katawa-tawa ka na sa paningin ng iyong mga kaibigan. Nahihiya akong sabihin sa'yo ito ng harapan pero dahil blog ko 'to gusto kong itanong sa'yo: Sa'n na napunta ang b*y@g mo?
  6. Masaya ako na nakilala kita at sobrang nag-enjoy ako sa pag-alaga mo sa amin noong pumasyal kami sa Bicol. Simula sa araw na iyon itinuring na kitang kaibigan sa ayaw mo man o sa gusto. Kung marunong magbiro ang tadhana ako rin marunong hintayin mo lang at may darating sa'yo. Surprisa na lang,
  7. Pasensya ka na sa mga biro kong sagad sa buto, pasensya ka na dahil natrauma ka sa mga kalokohan ko pero alam mo...sa mga kalokohan kong ito parang ako rin ang naging biktima nito sa bandang huli. Tunay ngang ang karma ay mabilis at digital. Pero hindi ko hinayaan ang sarili ko na patuloy na maging biktima ng sarili kong kagaguhan ginamit ko ang  natitira kong superpowers at nanaig naman ang aking pagiging Superhero. :-) Sa iksi ng panahong tayo'y naging magkakilala katulad ng lumubog at sumikat na buwan manatili sana tayong magkaibigan.
  8. Nag-iba ang landas na iyong tinahak at simula noon hindi na kita nasundan. Maaring nag-bago ka na ng tuluyan pero sa sandaling kailanganin mo ako iaabot ko ang kaliwang kamay ko sa'yo habang ang kanang kamay ko naman'y nakapulupot sa lubid na nakakapit sa puno; handa kitang tulungan at alalayan kung sa tingin mo'y hindi mo kayang sagupain ang mga balakid na nakahambalang sa harapan mo dahil ginawa mo sa akin 'yun noong ako'y gusgusin pa lang.
  9. Huwag mong ipamukha sa mga kasama mo sa trabaho ang pagiging propesyonal mo dahil hindi lang ikaw ang matalino sa mundo at kahit ikaw pa ang pinakamatalinong tao hindi pa rin ito karapatan para ipagyabang kung ano ka. Hindi ka naman dating ganyan pero sa hindi malamang kadahilanan biglang-bigla nagkaroon ka ng malalang Meningitis kung idi-describe kita naiisip ko ang babaeng tinutukoy ni Chito sa kantang Silvertoes. Wala namang masama kung hindi kagandahan ang itsura eh, ang masama ay ang pag-uugali mong sagad sa pagkamaangas. Kung iba ang relihiyon mo igalang mo naman sana ang ibang relihiyon, kung may nagbibigay papuri o nagdarasal 'wag ka nang mag-ingay o gumawa ng eksena BASTOS ka eh nakakaisip ng hindi maganda ang dapat sanang nagsisisi at taitimtin na nanalangin. Isang PAALALA: maging natural at simple ka lang sigurado marami ang kagigiliwan ka, hindi mo kailangan ng braces, ng makulay na dress at blouse na sleeveless. Makinig ka minsan sa mga taong nagbibigay sa'yo ng magandang advise dahil higit pa ang ating leksyong matutunan sa labas ng eskwelahan. Kung hindi ka pa magtino...mag-ingat ingat ka baka ikaw ay sagasaan ko.
  10. Nag-uumpisa lang magkaroon ng balahibo ang aking mga pakpak nandiyan ka na, ngayong sabay tayong sumasahimpapawid nandiyan ka pa rin at hindi nag-iba ng landas 'di tulad nang iba na halos nakalimutan na pati ang pangalan ko. May pagkakataong naitabla kita dahil sa letseng conflict of interest pero kailanman hindi ko tinabla ang pagkakaibigan natin. Kayong mag-asawa ang aking naging sandigan nang kailangang lunasan ang lumundo kong bagwis, kayo ang aking naging tainga sa panahong kailangang marinig ang aking alingawngaw.
  11. Eh ano ngayon kung mataas ang posisyon mo sa trabaho? Katwiran na ba iyon para gipitin at diskriminahin ang ibang mga empleyado? Maliit pa ba ang sweldo mo para pagdamutan ng mga pribelehiyo ang ibang mga empleyado? Huwag mong ipagkait sa kanila ang nararapat na sa kanila at 'wag mong itago ang dapat na ipinamamahagi sa maliliit na kawani. Marami ang kinakaibigan ka lang dahil sa impluwensiyang taglay mo, sana mauri mo kung sino-sino ito. May mga ibang taong karapatdapat-dapat na makatanggap ng benepisyo hindi 'yung parang mata ng kabayong may piring ang iyong paningin na may limitasyon ang nakikita, lawakan mo ang iyong paningin kasama ng iyong pag-iisip. Kung sa tingin mong hindi alam ng mga empleyado ang mga kalokohan diskriminsayong ginagawa mo nagkakamali ka dahil hanggang sa Canada nabalita na ito. Pero hindi pa huli ang lahat may pagkakataon pa para baguhin ang kamaliang ito.
  12. Hindi ko kayo (dalawa sila) lubos na kilala pero isa kayo sa mga unang nag-appreciate ng ginagawa ko. Isa akong tao na bihira magpakita ng emosyon pero walang halong biro itinuring ko kayong kaibigan kahit anonymous ang isa sa inyo, kahit hindi ko alam ang background niyo, kahit wala akong sapat na detalye at impormasyon sa buhay niyo. Teka kailangan ba iyon para makapag-establish ng isang Friendship?
  13. Hindi ko mararating ang kinalalagyan ko ngayon kung hindi dahil sa'yo. Awkward mang sabihin dahil pareho tayong lalake pero sasabihin ko pa rin: Mahal kita. Lahat ng success at achievement ko sa buhay ay kaagapay at kasama kita at tinatanaw ko itong utang na loob na hindi mababayaran ng anumang materyal na bagay. Maaring hindi tayo nagkakasundo sa ibang bagay pero ang mahalaga nareresolve natin ang problema ng smooth at walang kontrabida. Muli maraming salamat at sana patuloy tayong maging successful sa pagpapatakbo ng opisina.
  14. Ang pagpi-Facebook sa loob ng opisina at sa oras ng trabaho ay isang pribelihiyo lang at hindi natin karapatan. Kaya magpasalamat ka dahil kahit papaano'y nakakasilip ka sa account mo at nakikicomment sa mga walang kakwenta-kwentang post na puro pagmamayabang. Ngayong inabuso mo ito at nakarating sa kinauukulan marami ang naapektuhan at hindi na nila masilip ang FB nila kahit lampas na ng alas-singko. Magpokus ka sa trabaho mo at bawasan ang pangtsitsimis sa ka-officemate mong hindi mo makasundo. Pag umaapoy na ang isang bagay 'wag mo na lagyan ng gaas, pasaway ka din eh!
  15. May iba kang adhikain at pananaw na taliwas sa akin ngunit hindi kahulugan nun na hindi kita igalang at irespeto. Taas ang kamay ko sa'yo at nakayukod ang ulo kong nagbibigay galang sa ugali at polisiya mo sa buhay. Hindi ko man makayang abutin ang mga success mo sa buhay ikaw naman ang inspirasyon at modelo ko ng salitang TAGUMPAY. Alam kong isa ka sa dagliang aalalay sa sandaling mabali ang bagwis ng aking mga pakpak o sa panahong lumipas ang panahon ng aking Tag-Libog.
  16. Sa kabila ng iyong pagiging friendly alam kong may sarili kang agenda at bago pa magningas ang kumakalam mong pagnanasa kailangan na itong apulahin at buhusan ng malamig na tubig. Sa kabila ng iyong pagiging mabait alam kong may kakaiba kang motibo, hindi ko kailangan ng mga regalo mo kung sa likod nito ay ang ngiti na galing sa isang mapagkunwari. Isawsaw mo ang ulam mo sa sarili mong sawsawan at 'wag ka nang magbaka-sakali dahil bistado ko na ang diskarte mong bait-baitan. 
  17. Kung ipapa-define sa'kin ang salitang Tunay na Kaibigan ikaw ang pumapasok sa isip ko. Alam mo ang likaw ng bituka ko mula small intestine hanggang large intestine, ganun tayo ka-close. Milya man ang distansiya natin sa isa't-isa hindi pa rin nagbabago ang pagtingin ko sa'yo. Kahit hindi ka nakikinig sa mga positibo kong payo okay lang 'yun ang importante napapangatawanan mo kung ano ang naging desisyon mo. 'Wag mo akong tingalain dahil nakaapak pa rin akong nakatuntong sa lupa; hanggang ngayon tulad ng dati. Ang angas ay inilalabas lamang sa panahon ng kagipitan. Gusto kong bumalik sa pagkabata na kasama kita hawak mo ang alak na lapad habang ako ay sumusuka.
  18. Kinilabutan at kinilig ako ng sabihan mo ako ng: "Idol mo Ako!" Hindi sa ayaw kong ako'y hangaan pero mas natatakot ako sa responsibilidad na nakakabit dito, paano kung hindi ko magampanan ang inaasahan mo? Kidding aside, okay ka sa akin mula noon hanggang ngayon; isa't kalahating dekada na tayong magkaibigan pero ganun ka pa rin LOW PROFILE. May talento ka ayaw mo lang lubos na ipakita at ipagmalaki at 'yun ang kinabibiliban ko sa'yo. Pre, ngayong ilang kwarto na ang layo mo sa akin, naaalala ko ang masasayang sandali nating tayo'y "nagniniig". Sana ay muli itong maulit.
  19. Minahal kita hindi lang dahil maganda ka, minahal kita hindi rin dahil mayaman ka, minahal kita lalong hindi dahil mahinhin ka minahal kita sa taglay mong pambihira. Sa maniwala ka't sa hindi mahal kita. Walang pangako, walang palabok. Hindi kita kayang mahalin ng forever dahil habang sinusulat ko ito hindi pa ako imortal pero kaya kitang mahalin hanggang sa makakaya ko. Kung minahal kita noon higit pa ang pagmamahal na nararamdaman ko sa'yo ngayon; madalas mang may magulo akong pag-iisip, may weird na pag-uugali at may paranoid na kadiwaan mas nananaig pa rin ang pagmamahal kong singtibay ng bato at singtatag ng isang bloke ng semento. Isa kang ordinaryong babae na may pambihirang kakayahang magpa-ibig ng isang lalake sa walang kaeffort-effort na paraan. Hindi ako santo na sa tingin ng mga tao'y mabait ngunit hindi rin naman ako demonyo na pumapaslang sa ngalan ng pag-ibig, isa akong mortal na tao na pagsusumikapang mahalin ka hanggang sa huling hibla ng aking hininga, hangga't nariyan ka.

Wednesday, December 19, 2012

Brutal



"Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue".
Linya ito sa isang kanta ni Billy Joel na may titulong "Honesty".
Isang napakalungkot at brutal na deklarasyon na ang lahat ng tao'y hindi matapat.
Nasaan na nga ba ang honesty?
Sino ba ang maaring sabihing matapat? Sino ang may lakas ng loob na sabihing siya'y matapat? Ako? Ikaw? Sila? Guro? Ang ating mga Pari o Pastor? May natitira pa bang matapat sa panahon ng mapagkunwaring mundong ito?
Huwag magmalinis. Dahil lahat tayo hindi man madalas ay minsang hindi naging tapat; matino man o hindi ang katwiran at mabigyang katarungan ang anumang dahilan ng hindi pagiging tapat, ang punto rito: walang nabuhay na matapat kahit gaano ka pa katalino, kahit gaano ka pa kagaling, kahit gaano pa kabanal ang tingin sa'yo ng mga tao, kahit gaano pa kataas ang posisyon mo at kahit gaano ka pa kabait.

Hindi ako malinis at mapagkumbaba kong aaminin at sasabihing sumuway din ako sa katapatan dahil katulad ng halos lahat minsan sa kasaysayan ng aking buhay ako ay naging suwail at hindi naging matapat. Kailanman ay hindi ito dapat ikarangal at ipagmalaki ngunit ang pinakamahalagang nadulot nito ay ang natutunang leksyon sa pagkakamali at ang pagsusumikap na huwag na muling maulit pa ang kamaliang ito kaakibat nang pagtanggap at pag-amin ng kasalanan.

Ang anumang nangyari sa ating buhay noon ay may koneksyon sa ating buhay ngayon maging maganda man ito o kasawian, maging kabutihan man ito o kasalanan dahil ito ang nagbibigay kahulugan kung sino tayo ngayon. Ito ang huhubog sa ating ganap na pagkatao ngunit masasayang ang lahat ng ito kung wala kang pinagsisihan sa mga kasalanan,  kung wala kang itinama sa mga kamalian at kung hindi mo isinapuso ang mga ibinigay na leksyon at aral.

Datapwat may mga bagay na hindi madaling sundin ang katapatan mas marami pa ring pagkakataon na kaya nating maging tapat. Nakakadismaya lang malaman na sa lahat ng antas ng buhay ay talamak na ang pagiging suwail at hindi tapat. At alam nating marami nito sa pulitika, sa pamahalaan, sa opisina, sa gobyerno at saan mang antas ng lipunan.

Bakit marami ang suklam na suklam sa nanunungkulan ngunit ni hindi man lang nila nakikita ang kalokohang ginagawa nila?
Bakit sa taas ng posisyong nakaatang sa balikat tinutumbasan naman ito nang mababang uri ng pag-aasal?
Sa kabila ng ganda ng trabaho, posisyon at sweldo, nakakadismaya na hindi pa rin napuputol ang paghahangad ng kalabisan.
Sadya bang nakalulula sa itaas o wala lang talagang kakuntentuhan ang paghahangad na mapunan ang pagkagahaman?

Bukod sa pera, ang dishonesty ang mortal na kalaban ng mundo. Napakaraming uri ng dishonesty ang kayang gawin ng mga tao na kahit simpleng bagay na lang ay sinusuway pa. Sana kung hindi rin lang ganoon kahirap na tupdin maging tapat tayo kahit walang nakamasid at kahit walang parusang nakaamba. Kung sakali mang dumating sa puntong sinusubok ang iyong katapatan piliting ito'y paglabanan 'wag masilaw sa sandaling kasiyahan hindi mo man lubos itong pagsisihan may katumbas itong kaparusahan nang hindi mo namamalayan.

Kung ang lahat ay hindi na matapat dapat bang tayo'y magbigay ng tiwala?
Kung ang lahat ay may kakayahang basagin ang tiwala dapat ba ang isang pagpapatawad?
Kung ikaw ay minsan nang nagpatawad dapat bang magbigay ng ikalawa at isa pang pagkakataon?
Oo nga na ang lahat ay hindi tapat, maaring ang iyong mga ginawang kamalian ay hindi na nalaman at nasiwalat pa ng iba, ngunit naitanong mo ba sa sarili mo kung dapat ka rin bang pagkatiwalaan? Marami ang humihingi ng kapatawaran ngunit ang masaklap ang mismong may gawa ng sala ay 'di mapatawad ang sarili.
Ang hindi raw maasahan sa maliit na bagay ay hindi rin maasahan sa malaking bagay. Kung ang simpleng bagay lang ay 'di mo matupad paano ka pa mabibigyan ng isang malaking responsibilidad?

Madalas na hindi buo ang tiwala natin sa mga tao, madalas na kahit nagbigay tayo ng tiwala ay may kalahok pa rin itong pagdududa pero minsan nakakalimutan natin kahit ang sarili natin ay hindi natin kayang pagkatiwalaan. Kaya tayong ipagkanulo ng ating sarili anumang oras, anumang pagkakataon. Sa panahong akala natin ay kaya nating paglabanan at mapagwagian ang lahat ng uri ng temptasyon doon ka pa susubukin at saka mo malalaman na marupok ka pa rin at hindi sasapat ang lahat ng iyong nakaraan at karanasan, lahat ay mababale-wala sa isang kisapmata lang.

Kung sa tingin mo'y naging tapat ka sa buong panahon ng iyong buhay 'wag kang magpatawad pero kung hindi ka rin naging tapat, sino ka para hindi maggawad ng kapatawaran?
Ngunit hindi ibig sabihin nito na dapat kang alipinin at abusuhin nang paulit-ulit at gawing lisensiya at karapatan ang iyong pagpapatawad para ikaw ay maging katawa-tawa at maging tanga sa patuloy niyang hindi pagiging tapat.

Higit na masakit ang sugat na wala sa balat.
Kahit bukal sa loob mo ang pagpapatawad hindi maiwawaglit sa isip mo ang sugat na nalikha nito sa iyong damdamin. Kahit bukas sa puso mo na ibigay ang kapatawaran hindi kailanman malilimot ang sakit na dinulot nito. Ang alaala ng kasalanan ang magiging sanhi ng hindi lubos na pagtitiwala; ito ang pilat na magpapaalala sa sugat na minsang naging makirot na nanunuot hanggang sa iyong panaginip. Kahit napakaraming taon na ang lumipas hindi tuluyang maglalaho ang gunita ng nakaraan na mumulto sa nagpupumilit na tumiwasay na damdamin at kaisipan.

Wala ngang nabuhay na matapat ngunit...
Pagsumikapang maging tapat kahit na marami ang hindi ito ginagawa.
Piliting magpakatatag kahit walang nakakakita.
Pag-isipan nang maigi bago magdesisyon dahil kaakibat nito ang paglala o pagbuti ng sitwasyon.

Ang pagsusumikap na maging tapat ay parang pagsuong sa isang malakas na buhos ng ulan hindi ka man lubusang mabasa dahil sa dala mong pananggalang, kaya ka pa rin niyang basain sa taglay niyang hanging brutal at walang pakudangan.

Thursday, December 13, 2012

Kathang-isip



 
"Sa kathang-isip ikaw ay aking katotohanan, sa katotohanan ikaw ay aking kathang-isip."

Sana maibalik ko ang panahong hindi kita nakilala.
Mali. Sana maibalik ko ang panahong hindi ka lubos na nakilala ~ hindi na lumalim pa ang ating samahan. Sana nanatili lang tayong magkakilala ~ alam mo ang pangalan ko at ganun din ako sa'yo. Hindi na sana tayo naging magkaibigan ~ hindi sana nagising at nagulo ang damdamin na ngayo'y lito. Sana nanatili na lang ako kung saan ako naroon at hindi ka na rin lumapit kung saan ako nagtungo.
Hindi ko alam kung dapat akong magpasalamat nang makasalubong ka sa landas na tinatahak pero ang iyong mabining ngiti ay lihim kong kinagagalak.

Mainam ang daloy ng aking mundo bago mo pa ko datnan; sumasabay sa agos, nililipad ng hangin; nalulubog ngunit umaahon, nadadapa ngunit bumabangon.
Isang maling akala na isipin kong ako'y lubos na matatag; na pinatatag ng iba't ibang unos na dumaluyong at matapang na sinalubong ngunit wala rin pala akong ipinagkaiba sa iba, isa rin pala akong marupok na hikahos paglabanan ang nararamdaman. Ngunit kailangang ito'y ikubli at ipinid dahil 'di ko nais ang pagkakaibigan ay magkalamat.

Matatawag bang kasinungalingan kung hindi sasabihin ang buong katotohanan?
Paano kung ang katotohanang ito ang siyang maghahatid sa tiyak na kapahamakan?
Matatawag bang kasalanan kung pananatilihing lihim ang nararamdaman? O ang suwail na damdamin ang siya mismong kasalanan?
Itatakwil ba ako ng langit kung ilalahad ang saloobin ng puso? O itatanggi ako ng impiyerno kung itatakwil ko ang iyong pagkatao?

Ikaw ang dikta ng puso, ikaw ang naglalaro sa isip. Hindi ko ito gusto pero hindi madali na ito'y sagupain. Iniisip pa lang kita nasasabik na ako. Naaalala ko pa lang ang tinig mo ay naririnig ko agad ang mumunting tinig na saki'y umuusig. Tumatangis ako kasama ng aking mga gabi ngunit sumasaya habang naaalala ang iyong ngiti. Sumisigaw ang aking diwa at alingawngaw lang ng iyong ngalan ang siyang naghahari. Naliligaw ang kaluluwa, hinahagilap ka at ang iyong alaala.
Panaginip ko'y ikaw, pangarap ko'y kasalanan.

Gusto kong samahan ka sa isang paglalakbay ngunit nakagapos ang aking mga paa, 'di makalapit, 'di makahakbang.
Gusto kong hawakan ang iyong mga kamay ngunit ako ay mahigpit na nakaposas, walang susi, 'di makatakas.
Nais kang bulungan ng nangungulila kong tinig sasambitin ang mga salitang mula sa aking dibdib ngunit ako'y isang pipi na nais lang ay nakamasid.
Gusto kong kulungin ka sa aking mga bisig yayapusin at sasamantalahin ang bawat sandaling ikaw'y kapiling ngunit ang maling panahon ang siyang ating balakid.
Nais kong gawin ang mga bagay na magpapaligaya sa'yo ngunit anong aking gagawin hindi ako itinakda para sa'yo.
Alam kong dumating ka hindi para sa akin ngunit labis ko nang ikinasiya na minsan sa aking panahon ikaw ay nakapiling.

Higit na mapalad nga ang ating paningin dahil maari nitong piliin ang nais nitong mamasid ngunit hindi ang ating puso dahil ang nararamdaman niya'y hindi niya kayang uriin at piliin. Isa lang akong anino sa kadiliman na kasiping ang kalungkutan.
Naiisip ko pa lang ang iyong ngiti nadadagdagan na ang aking kasalanan. Ngunit higit naman ang saya sa tuwing nakikita kitang nakatawa. May magagawa ba ako kung hindi ako inilaan para sa'yo? May magagawa ka ba kung mas pipiliin ko ang lumayo?

Para kang kriminal na ginagahasa ang aking pag-uutak.
Para kang pusakal na tinutugis ang aking mga gabi.
Ako nama'y pulubi na nag-aalangang lumimos ng iyong pagtingin.
Mahal kita pero hindi kita kailangan. Umalis ka na dahil hindi ako handa sa isa pang kasalanan.

Sunday, December 9, 2012

Manny Pacquiao and the Filipino Pride



At lahat ng pagbubunyi'y naglaho.
Natahimik ang lahat. Hindi makapaniwala. Nawindang nang sa bihirang pagkakataon si Manny Pacquiao ay humalik sa lona. Walang sumisigaw at nagshout-out ng "I'm Proud to be Filipino!". Kung bakit ba naman kasi nakadepende ang Filipino Pride sa iilang tao lang, katulad ni Manny Pacquiao. Paano kung dumating ang sandaling hindi na niya makuhang maipagtanggol ang Filipino Pride? Paano kung kabiguan ang kanyang maihatid sa kanyang kababayan sa halip na katagumpayan? Paano kung lahat nang inasaahan sa kanya ay 'di na niya matupad? Tila dumating na nga ang araw na iyon, gabi ng Disyembre 8, 2012 nang malasap ni Manny ang sinasabing pinakamalalang talo niya sa kasaysayan ng Boksing.

Nasaan na ang dati'y nagbubunyi at nang-aalipusta sa lahi ng Mexicano noong sunod-sunod ang tagumpay ni Manny? Dahil ba sa pagkakataong ito na nabigo si Manny ay aalipustahan na rin nila ang dating idolo? Anong lohika ba meron ang mga Pilipino at dapat nating ipangalandakan at ipagyabang sa mundo ang ating lahi sa tuwing mayroong isang ating kababayan na pumapaimbulog sa kanyang larangan? Sila na mas mayabang at mas maangas pa kaysa sa nag-uwi ng tagumpay at karangalan. Paano kung sila'y matalo at mabigo...ibig bang sabihin nun na wala na tayong dapat na ikarangal? In the first place, dapat bang tayo'y magmayabang? Hindi ba't mas kapuri-puri ang may mababang kalooban at mapagkumbaba? Sino ba kasi ang nag-imbento ng slogan na "I'm proud to be Filipino!"? Uulitin ko, ang karangalan ng lahi ay hindi dapat nakasalalay sa iilang taong matagumpay dapat ito'y pinagsama-samang mabuting asal, talino, talento o tagumpay ng isang lahi katulad ng tagumpay ng mga Hapon sa larangan ng teknolohiya, ang tunay na pagmamahal at pagtangkilik ng mga Koreano sa kanilang bansa, ang progresibong mentalidad ng mga Briton at solidong pagpoprotekta ng batas ng mga Amerikano, at marami pang iba. May naisip ka bang pwedeng ipangtapat dito?

Si Manny Pacquiao ay itinuring ng marami nating kababayan na Superhero. Superhero na hindi nadadaig at hindi nagagapi ng mga kalaban, handang tumulong anumang oras, hinahangaan at tinitingala ng ninoman. Subalit nakalimutan natin na siya'y tulad din natin, mortal; na anumang oras ay maaring magapi at masawi. Ang sinumang nasa itaas na nasa kalagitanaan ng rurok ng tagumpay ay nakatakda at wala nang ibang pupuntahan kundi ang bumaba at iba pa nga'y malakas ang pagbasak. Katulad ng paglagapak ng napakaraming tao na inakalang habangbuhay ang tinatamasang tagumpay. Lahat ng bagay na nasa atin ay hiram lamang magmula sa anumang suot mo hanggang sa mga ari-arian mo hanggang sa posisyong kinalalagyan mo ngayon. Darating ang panahon na tayo'y kukupas at lilipas kasama rin dapat ito sa ating inaasahan at pinaghahandaan.

"Sometimes we win, sometimes we lose".
Ito ang pahayag ni Manny pagkatapos ng kanyang nakadidismayang laban. Mabuti pa ang taong ito na itinaya ang buhay at karangalan ay marunong tumanggap ng pagkatalo hindi tulad ng napakaraming mga tao na palaging nagrereklamo at nag-aalibi sa tuwing mabibigo. Maaring sa umpisa'y hindi muna lubos na matanggap ang kasawian pero hindi dahilan ito para mapako at malubog kung saan ka sumubasob. Ngunit ang higit na nakakadismaya ay ang biglaang pagkambyo ng dating masugid na taga-suporta ni Manny; sila na ubod-yabang sa tuwing mananalo si Manny pero ngayo'y puro pintas ang lumalabas sa bibig patungkol sa lifestyle ng asawang si Jinkee hanggang sa kanyang ina na si Mommy D. Palagi na lang tayong may dahilan, palagi na lang tayong naghahanap ng escape goat, palagi na lang tayong naghahanap ng pagkakatuwaan.

Tunay ngang ang tadhana'y merong trip na makapangyarihan. Sino bang mag-aakala na pagkatapos pasukuin at gibain ni Manny ang higit na malalaking kinalaban niya na tulad nina Dela Hoya, Cotto, Hatton at iba pa, isang hindi kalakihang si Marquez ang magpapabagsak at literal na magpapalugmok sa kanya. Sa panahong mayroon tayong inaasahan pag pinagtripan ka ng tadhana wala kang magagawa. Sa panahong labis ang iyong excitement biglang may sasalubong na masamang balita. Sa panahong labis ang iyong tiwala sa sarili mong kakayahan doon ka pa mabibigo at iyan nga ang nangyari kay Manny.

Maaring nakatakdang matalo si Manny para ipaalala sa atin na parati at palaging may nakahihigit sa taglay nating lakas, talino at talento. Habang tinitingnan o binabasa ko noon kung paano laiitin, murahin at alipustahin ang mga tinalo noon ni Manny, napapailing ako. Paano kung sa atin ito gawin? Higit na bayolenteng reaksyon ang ating igaganti dahil ang mga Pilipino ay balat-sibuyas; na kaunting puna lang ng mga kritiko ay agad tayong nag-aalburuto, kaunting pintas lang sa ating magaspang na ugali agad tayong magrereklamo samantalang ang hilig din nating mamintas, kaunting paglalahad lang ng kalagayan ng ating bansa o krimeng nagaganap pabubulaanan natin ito sa halip na aksyonan at solusyunan.

You can not serve two masters at the same time.
Kung hindi ka naniniwala dito, maniwala ka na. Isang malaking halimbawa dito si Manny Pacquiao. Simula nang siya'y mag multi-tasking bumababa ang kalidad ng kanyang paglalaro ng boksing dahil nga sa dami ng kanyang pinagkakaabalahan. Ninais niyang maging artista, recording artist, producer, host, all-around athlete, pastor, congressman o lingkod-bayan, pilantropo, negosyante, commercial endorser bukod pa sa pagmamahal niya sa pagbo-boksing. Sadya ngang ang tao'y walang kakuntetuhan. Kung ano ang hawak o taglay mo ngayon darating ang panahon na mag-aasam ka ng higit pa dito. Kung ano ang posisyon mo ngayon asahan mong aambisyonin mong higitan ito. Kung paano mo hawakan ang tagumpay na hawak mo ngayon ay mahirap panatilihin ngunit hindi naman talaga kailangang hawakan ng habangbuhay ang katagumpayan ang dapat lang ay maluwag sa dibdib nating ito'y bitawan at ipasa ito sa ibang may karapatan din. Walang panghabangbuhay lahat ay nakatakdang magwakas katulad ng posibleng pagwawakas ng karera sa boksing ni Manny Pacquiao. Ngunit sa pagtatapos na ito tiyak na may magbubukas ng isang bagong hamon at isang magandang simula.

Buksan ang bagong pahina ng libro mayroon ding iba pang ibang gumagawa ng bagong istorya at kasaysayan. Isantabi muna ang Filipino Pride na maangas. Moved on na Pilipinas.