Tuesday, July 18, 2017

Huwebes Noon

Huwebes noon.
Hindi ko alam kung dahil ba sa nakulitan ka lang sa akin o dahil ginusto mo na rin -- kaya ka pumayag na tayo'y mag-lunch out. Ilang beses ko na ring sinubok na ayain kang lumabas para kumain at ilang beses na rin naman akong nabigo. Sa maraming beses na 'yon hindi ako nagkaroon ng sama ng loob sa'yo, kahit kaunti. Nauunawan ko naman kasi at ang lahat nang sa iyo'y kaya kong maunawaan. Alam ko kasi ayaw mong malagay sa isang sitwasyong malalagay sa'yo sa alanganin, sa isang lugar kung saan mas lamang ang ligalig kaysa katiwasayan.
Ni minsan hindi ko sinabi sa'yo na masaya ako sa tuwing kausap ka. 'Yung saya na hindi ko kayang ipaliwanag, 'yung saya na 'pag tinanong mo ako kung gaano ito kasaya, ang isasagot ko lang ay "Basta". Siguro mayroon talagang mga bagay na hindi madaling ipaliwanag hindi naman kasi naisasalarawan ang lahat ng ating nararamdaman, sabi nga'y, minsan hindi sapat ang mga salita para mabulalas ang lahat ng nais sabihin ng ating puso.

Huwebes noon.
Walang pagsidlan ang kasiyahan ko dahil sa wakas, makalipas ang ilang pakiusap at pagbabaka-sakali ay tumango ka at pumayag na makasama ako sa isang tanghaliang sa aki'y magpapabusog hindi dahil sa pagsasaluhan nating pagkain kundi dahil sa humigit-kumulang na isang oras na ilalaan mo para sa akin. Hindi ko alam kung anong himala ang nanaog sa lupa at biglang-bigla na sagot mo'y "oo'' sa tanong kong "tara lunch tayo?" Hindi mo batid napangiti mo ako. Hindi lang basta ngiti na matatanaw mo sa labi ko kundi 'yung ngiti na pati ang puso ko'y nakaramdam ng kakaibang kasiyahan. Dumoble ang pintig nito at tulad ko'y tila hindi makapaniwala.

Huwebes noon.
Matapos ang ating pag-uusap ay iniisip ko na ang isusuot ko para bukas. Iniisip ko kung ano pa bang damit ang mayroon ako na magiging kaaya-aya sa paningin mo. Iniisip ko kung anong scent ng pabango kaya ang magugustuhan mo 'pag nagkaharap tayo. Iniisip ko kung anong klase ng pagkain kaya ang tiyak na masasarapan at magugustuhan mo. Iniisip ko kung anong paksa pa kaya ng usapan ang 'di pa natin napagkukuwentuhan ang dapat kong buksan. Gusto ko kasing sa kahit anong paraan ay hindi ka maiinip sa pagkikita nating ito, gusto ko kasing maibigay ang kung ano man ang nais mo. Gusto ko sanang... Basta.

- - - - - -

Biyernes noon.
Makalipas ang magdamagang pag-iisip sa'yo at sa nakatakda nating pagkikita lumipas din ang kaba at isang desisyon ang nabuo mula sa maraming piraso ng pag-alala at agam-agam.

"Pasensya na, hindi tayo matutuloy."  Wala na akong naidugtong pang ibang salita. Kung gaano ko kinasabikan at hinintay ang iyong pagsang-ayon ganun ko rin naman binigo ang dapat sana'y masayang tanghalian at kwentuhan. Hindi ko na dinetalye sa'yo ang dahilan ko para rito pero ang alam ko kasi mali ito. Ang totoo hindi ko talaga kayang maidetalye.

Hindi ko alam kung nalungkot ka rin nang sabihin ko sa'yo ang katagang 'yon pero sana nauunawaan mo kung bakit ko ginawa ang gano'n. Naisip kong baka nagalit ka sa akin dahil kapwa tayo umasa pero naisip ko rin kasi na napakahirap maglinis kung sakaling malublob sa putik ng kamalian.
:(