Friday, June 13, 2014

Maraming Salamat at Paalam 2/2



Walk the talk.
Pinipilit kong isabuhay ang lahat ng aking sinusulat pero minsan sumasala ako, hindi rin pala madali. May mga pagkakataong susubukin ka ng panahon kung gaano ka katatag at katibay minsan gusto mong isambulat ang magic word na "putangina!" pero dahil kailangang pigilan mo ang iyong sarili magpapasensiya ka ngunit sa mga oras na namali ang gising mo sa umaga mawawala ka sa katinuan at ultimo drayber ng pedicab na sumalubong sa'yo ay kakasahan mo, pagkatapos ng limang minuto saka mo mari-realize ang maling ginawa mo. Hihingi na naman ako ng tawad, nakakahiya na kay Bro. Ngayon, mas malaki na ang responsibilidad ko at medyo sumisikip na rin ang turnilyo ng pag-uutak kong puro latak at sabihin na nating sa pagdagdag ng taon sa iyong edad ay dapat sumasabay din sa pagmature ang iyong pagkatao.

Kahit na medyo may pagkamaangas ang ugali ko at hindi ako madaling i-approach marunong akong magpasalamat. Na kahit na maliit na bagay lang ang nagawa mo sa akin ay magpapasalamat ako, kahit marami na ang nakakalimot sa salitang ito hindi ako magsasawang magpasalamat kahit sa ganitong paraang man lang ay pipilitin kong nakatapak sa lupa ang aking mga paa. Makita man ako ng mga tao na nakangiti at nakatawa pero madalas kumukuha ako ng lakas sa lihim kong anting-anting pagtitimpi. Madalas kong sabihin na "life is short enjoy it" pinipilit at ginagawa ko naman ito sa paraang alam ko pero at the end of the day may pagkakataong naiisip kong may kulang pa rin pero katulad nang tanong ng marami hindi ko alam kung ano ito.

Multo ng kahapon.
Life goes on no matter what pero malaki ang naging epekto ng kahapon sa kasalukuyan nating buhay. Maaari tayong magbigay ng kapatawaran pero hindi mo kailanman malilimot ang sakit na hinatid ng nakaraan. Minsang sasagi sa isip mo ang alaala ng malungkot na kahapon at bigla ka na lamang isasadlak nito ng walang pasintabi. Kahit astig ako naigugupo pa rin ako ng suliranin at ng ilang alalahanin.

Dahil nga hindi ako friendly, gusto kong magpasalamat sa aking iilang kaibigan sa kabilang kasarian itatago ko na lang sa pangalang Lilibeth, Maryann, Evelyn, Jen at Lucy. Sa kanila ko nasasabi ang mga bagay na hindi pwedeng pag-usapan ng mga katulad kong barubal at barako. Sa kanila ko naipapakita ang soft side ko at ang pagiging ako na hindi batid ng mas marami. Kahit minsan "winalanghiya" ko sila itinuring pa rin nila akong kaibigan.

Kay Lilibeth na dekada na ang binilang na pero nandiyan pa rin at nauunawaan ang aking pagiging moody at toyoin bagamat alam kong mas mabigat ang kanyang kinakaharap na suliranin kaysa sa'kin matapang niyang hinaharap ang mundo ng nakangiti at hindi nagpapagapi sana 'pag ako ang sinubok ng panahon maaambunan niya ako ng kanyang pagiging matapang.

Kay Maryann na linya lang ng teknolohiya ang nagdudugtong sa aming dalawa. Malayo na ang narating natin mula sa ating pagiging uhugin noong panahon ng ating kolehiyo. Sa likod ng bawat paglubog ng buwan ay ang pagsikat ng araw na puno ng pag-asa. Alam kong may bahid ng lungkot ang iyong pag-ngiti, unti-unti lang matatapos din ang lahat ng iyan. Hindi man palagi ang bahaghari sa paglipas ng ulan pero siguradong titila ito at ngingiti ang masayang araw, kasama mo.

Kay Evelyn na hanggang ngayon ay nauunawaan ang pagiging weirdo ko. Kolehiyo pa nang tayo'y magkakilala ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nandiyan ka handang makinig at umunawa sa mga kashitan ko sa buhay.

Kay Jen na alam kong handang mag-abot ng tulong kahit walang kapalit tunay ngang hindi sinusukat sa haba ng panahon ang pagiging tunay na magkaibigan. Nadamay man kita sa kalokohan ko doon naman natin napatunayan na hindi lang kaseryosohan sa buhay ang dapat na umiiral. At ang kalokohang iyon ang magpapaalala sa'yo na minsan ay naging biktima ka ng Dugo-dugo gang!

Kay Lucy na laging handang makinig sa lahat ng aking hinaing at kapilyuhang pwede kong sabihin. Alam ko makailang beses na kitang "sinalbahe" pero hanggang ngayon naniniwala ka pa rin sa kalokohan ko. Hindi na ko hihingi ng patawad baka ulitin ko pa ulit sayang naman ang sorry ko. Salamat sa pagbigay permiso na gamitin ko ang iyong anak na si Zoe sa paghabi ng istoryang napagwagian ko sa 2012 PEBA ng 2nd place, salamat sa iyong pangalang "Lucy" na ginamit kong pangalan sa isa sa character sa maiksing istoryang "Pluma at Kwaderno" na nagkamit ng unang karangalan sa Bagsik ng Panitik 2013. Sa iksi ng panahong magkakilala tayo tingin ko kilala mo na ako mula paa hanggang ulo baka nga mas may alam ka pa sa buhay ko kesa sa misis kong maganda. :-) P.S. Magpakabait ka na.
- - - - -

Dumaan din ako sa hindi madaling pagsubok ng buhay bago ko nakamtan kung ano ang mayroon ako ngayon. Bagamat malaking bahagi nito ay ang pagsisikap ko mismo hindi ko naman itinatanggi na marami ang tumulong, umalalay at gumabay sa akin para kahit papaano'y umalwan ang aking buhay.

Kay Ninong Jojo na aking kapartner sa negosyo at nagbigay ng magandang oportunidad sa aming itinayong brokerage business na hanggang ngayon ay established pa rin. Marami tayong ups and downs pero na-survive nating lahat ng ito.

Kay Sir Ding na siya namang nagbukas ng oportunidad at nagpayong iwanan ang dati naming employer. Siguro kung hindi dahil sa'yo malamang empleyado pa rin ako.

Kay Ninong Rannie na nagbahagi ng kanyang kaalaman at talento noong mga panahong magkasama tayo. Hindi porke hindi na kita kasama sa trabaho nakalimutan ko na ang lahat ng nagawa mo para sa akin.

Kay Sir Alan na minsang nakapartner ko sa isang korporasyon. Salamat.
At sa lahat ng aming mga naging empleyado noon at ngayon, malaking bahagi ng success ng anumang kompanya ang empleyado at dapat na ibigay sa kanila ang appreciation sa anumang nagawa nila.

Malaking bahagi ng tagumpay ng buhay ang pamilya at nais kong pasalamatan si Tatay (SLN), si Nanay, ang dalawa ko pang kapatid, ang matiyaga at maunawain kong BFF at misis na si Arlene na literal na nakasama ko sa hirap at ginhawa, sa lungkot at tawa, sa itaas at sa ibaba, sa kaseryosohan at kalokohan, sa pag-uumpisa at sana hanggang sa katapusan. Sa tatlo kong anak na magsisilbing legasiya ng aking 'katalinuhan' at katauhan.
- - - - -

Sa himig ng pagkakasulat ko sa blog entry na ito para talagang nagpapaalam na ako at kulang na lang ay ihabilin ko dito ang mga ari-arian at kagamitang maiiwan ko kung sakaling ako ay mawawala na. Pero hindi, dahil para sa akin ito ay isang manipesto ng aking pagpapasalamat sa mga taong nag-angat at nagbigay saya sa aking buhay. Hindi ko maisip kung ano ang kinahinatnan ko kung sakaling wala sila at hindi ko nakilala.
Alam ko marami pa akong nakalimutang pasalamatan pero hindi kahulugan nito na hindi ko sila dapat mabigyan ng pagpapahalaga, lahat ng dumating, umalis at nanatili sa aking buhay ay naging mahalaga hindi ko man maisatinta ang inyong mga pangalan sa napakahabang akdang ito maraming salamat sa pagiging saksi ng mga "krimen" ng buhay ko.

Pasalamatan natin ang mga taong naging bahagi ng ating buhay hangga't hindi pa huli pa ang lahat; mga kaibigan, kamag-anak, pamilya, guro, kalaro, nobya, asawa, kaaway, karamay, kainuman, at iba pa baka bukas o sa makalawa mangyari na ang predictions ng end of the world. Haha.

Muli, maraming salamat at lahat kayo ay naging bahagi ng buhay ko at sa pamamagitan nang pagbasa ng napakahabang kdang ito, ako ay panandaliang naging bahagi ng buhay ninyo.

Paalam at hanggang sa muli.

4 comments:

  1. sana po sir ay makabalik din kayo, mahirap din po na iwanan ang nakasanayan at minsan ay nagpasaya sa iyo.

    pero kung hindi na talaga, maraming salamat sa iyong mga naibahagi

    ReplyDelete
  2. Anong meron? Hahaha. Grabe ang iyong pamamaalam, lubos na lubos lols.
    Hihintayin ko ang iyong pagbabalik...

    ReplyDelete
  3. I've read the first part as well. Ngayon ko lang nalaman na published author ka pala. At nasa Amazon pa huh. Wow.

    Is this for real, Kuya Ramil? Kung kelan naman ako bumalik. :'(

    ReplyDelete
  4. Paglilinaw: Hindi ko (pa) lilisanin ang pagsusulat! Ang inyong nabasa ay isang manipesto ng pasasalamat.

    ReplyDelete