Walang nakakaalam ng kanyang katapusan (unless of course may taning na
ang iyong buhay) kaya kukunin ko ang oportunidad na ito upang makapagpaalam at
makapagpasalamat sa lahat; sa mga taong nararapat, sa mga taong sumalubong,
sumalungat at sumabay sa lakbay ng aking buhay na walang gaanong kulay.
Marami ang nawi-weirdohan at hindi komportable kung pamamaalam sa buhay
ang pinag-uusapan, morbid daw kasi. Pero hindi pa naman ako mamamatay dahil
wala naman akong cancer o anumang malalang karamdaman (malay ko pa rin ' di
ba?) Masarap mabuhay kahit minsan hindi ito madali kaya't nakakalungkot malaman
na may taong may pagnanais na mamatay samantalang ang iba naman ay ginagawa ang
lahat ng paraan mabuhay lang.
Ako? Sinusulit ko ang anumang sarap ng buhay na kaya kong lasapin at
walang pumipigil sa akin para tikman ang masasarap na pagkaing gusto kong
kainin at gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa akin.
- - - - -
Masiyahin ako kahit madalas
gusto kong mapag-isa at isa sa nagbibigay sa 'kin ng mumunting kasiyahan ay ang
pagsusulat. Kahit alam kong walang saysay ang marami sa aking ginagawa walang
sinuman sa ngayon ang kayang pumigil sa bisyo hilig kong ito. Okay din
ang Facebook kahit madalas na ito ay inaabuso pero natuklasan kong magkaiba ang
kasiyahang hatid ng blogging at FB. Sa pagbablogging ay kaya kong ipakita,
isigaw at iparamdam ang aking tunay na sarili ng walang kontrabida, sa
pamamagitan ng aking mga "obra" sa LIHIM na paraan. Kaya mong
linlangin at sabihin sa mga mambabasa mo na ang iyong isinulat ay isang
kathang-isip pero hango pala ito sa tunay mong karanasan. Hindi ako takot sa
maaanghang at radikal na maaring ikomento kung nagalit ka at nais mo akong
murahin dahil hindi mo nagustuhan ang isang akda ko malaya mong magagawa ito
'pagkat hindi ko sinasala ang anumang komentong nais sumambulat. Kung kaya kong
pumuna ng maling gawi na nakikita ko sa paligid dapat kaya ko ring tanggapin
ang anumang puna sa aking ginawa, positibo man ito o negatibo.
Hindi ko sinasabing
kaplastikan at puro pretensyon lang ang mga 'kaibigan' ko sa Facebook pero iba
pa rin ang ligayang hatid ng blogging; dito walang kayang pumigil sa iyong
saloobin, mas kaya mong ibulalas ang iyong nararamdaman ng walang pag-aalalang
may masasaktan, lumalabas ang iyong pagiging creative kahit hindi naman. Minsan
nagiguilty rin naman ako dahil kahit nasa worksheet ako at nagtatrabaho,
naka-minimize naman ang FB o ang aking weblog sa aking desktop, it's unfair na
sa "laki" ng sweldo ko ay suma-sideline lang pala ako sa ibang
gawain. At dahil dito naobserbahan kong mas simple ang buhay kung wala nito
ngunit hindi ibig sabihin nito na muli akong magdi-deaactivate ng aking FB
account o ititigil ang pagsusulat sa oras ng trabaho. At tama na ring minsan ay
nasubukan at nagawa kong hindi mag-FB ng halos isang buwan at natuklasan ko
ring hindi naman pala ganun kahirap datapwat hindi din naman ganun kadali
lalo't sa mga social media na ito na (halos) umiikot ang mundo ko.
Masaya ako sa blogging at
wala pa sa isip ko ang magretiro at magpaalam dito sa ngayon at sa
susunod pang ilang buwan o taon (ang totoo hindi ko rin alam) pero kung wala
akong bagong post ng higit sa tatlo o apat na buwan malamang may nangyari sa
aking hindi maganda. Maaaring walang kwenta ang ibang mga post ko pero hindi
ito dahilan para tumigil ako at kung sakaling titigil man ako sa pagsusulat
malumanay akong magpapaalam sa iilan kong taga-basa. Marami-rami na ring mga
blogger ang "nagpahinga" pansamantagal sa pagsusulat sa iba't ibang
personal nilang kadahilanan at sana hindi muna mangyari sa akin ito.
Walang hangganan ang paksang
pwedeng isulat kaya magsusulat pa rin ako kahit walang follower, kahit walang
active reader at sasali sa mga kompetisyon kahit hindi mananalo, kahit hindi
makilala. Maglalatag ng makabuluhang paksa kahit hindi magkaroon ng ikalawang
libro, kahit walang interesado. Masarap ang magsulat at kung hindi ka mahilig
magsulat maaring itanong mo sa akin kung bakit ako sulat ng sulat eh wala naman
akong napapala dito. Mahirap i-explain. Para kasing nagtanong ka lang sa isang
athlete kung bakit takbo siya ng takbo o sa isang singer na kanta ng kanta at
kung sakaling mayroong magtatanong ulit sa akin nun, itatanong ko sa kanya:
Ikaw, ba't ka kumakain?
Bagamat nasa estado ako
ngayon na medyo nahihirapang makasulat ng isang makabuluhan at mabigat
na blog entry hindi pa rin kahulugan nito na bibitiw na ko sa pagbablog. Siguro
kung hindi man lahat ay nararanasan ito marami ang makaka-relate na darating
talaga sa puntong halos hindi mo alam umpisahan kung paano ang sumulat. Sabi nga
ni Sir JKulisap ng Kayumangging Damdamin dapat daw 'pag blogger ka hindi ka
dapat ma-inlove or else wala kang maisusulat (basta more or less ganun ang
pagkakasabi niya), kung ganun nga ang katanggap-tanggap na palusot
dahilan, siguro in-love nga ako.
Mahal ko ang blogging, dati
nga mas malaking oras pa ang nasasayang naggugugol ko dito kaysa sa
pag-aasikaso sa mga mas importanteng bagay. Sa tulad kong weirdo loner
iilang bagay lang ang nagpapasaya sa'kin, kaya mo kong iwan ng buong maghapon o
magdamag basta't hawak ko lang ang aking tablet at magmula rito makakagawa ako
ng mga kwento, tula o sanaysay magmula sa inspirasyon sa kahit anong bagay
(dati). Hindi ako matalino at hindi ako nagpapanggap na matalino pero buhay ko
ang pagsusulat at minsan na rin akong nangarap na magkaroon ng sarili kong
libro. At natupad nga ito noong taong 2012, salamat kay Tatay Jobo Elizes na
nagbigay sa'kin ng oportunidad para matupad ang pangarap kong ito. Ngunit hindi
pala sapat ang mangarap kang magkalibro lang kailangan mangarap ka rin na
magkaroon ng interes ang mga tao na basahin ang sinulat mo. Hindi ko alam kung
ako ang problema o ang sinulat ko mismo. Hindi ko alam kung ang mga bumili ng
libro ko ay naawa lang sa akin o napilitan dahil kakilala nila ako. Haha,
bitter. Ewan ko. Ganunpaman, nagpapasalamat pa rin ako dahil hindi lahat ng
blogger ay nagkakaroon ng ganito kagandang oportunidad. Sa mga may pagnanais na
bumili ng "best selling" na libro ko, heto ang link: Poor ba us? By RAGubalane; ayos sa segue!
Malawak ang virtual na mundo
ng blogging at sa sobrang lawak nito iilan pa lang ang aking nakilala (personal
man o virtual) dito. Sila na nakakaunawa sa aking mga ginagawa at sila na
nakakaintindi sa mga kabaduyang binubulalas ng matabil na pag-uutak. Nangarap
ako noon ng maraming followers o magkaroon ng award sa isang kompetisyon. Pero
ngayon iba na ang pananaw ko, bagamat iilan pa lang naman ang masugid na
nagbabasa ng blog na ito hindi ito ang pumipigil at nagdidikta sa akin kung ano
ang isusulat ko bonus nang maituturing kung naibigan ng mga bumabasa ang nais
kong isulat. Mahirap mabuhay sa mundong puno ng rules, regulations at mechanics
na inimbento lang ng ating pag-iisip kung magsusulat ako para sa ikasisiya ng
iba mas kakaunti ang hatid na kasiyahan nito sa akin ngunit ibang usapan naman
kung ikaw ay sasali sa isang patimpalak.
Sobrang sarap sa pakiramdam
ang makilala at maparangalan ang iyong akda sa isang competition - malaki man
ito o maliit, unang karangalan man ito o pangsampu, para itong pangarap na pagkamit
ng best actor/actress award ng isang artista at kahit pang-ilang ulit mo nang
tatanggap nito ganun pa rin ang hatid nitong kasiyahan. Hindi maipaliwanag. Ang
nakakapangamba dito ay ang expectation sa iyo ng iyong mga kakilala kung
sakaling muli kang sasali sa isang patimpalak.
Paano kung wala ka nang
maisip na bago at sariwang ideya?
Paano kung walang kwenta ang
iyong entry kumpara sa iba?
Paano kung pagkablangko at
pagkatamad sa iyong pag-uutak ay nanahan ng matagal?
Baka isipin ng iba
nakatsamba ka lang dati o 'di kaya sa sarili mo nahihiya ka nang sumali dahil
hindi karapat-dapat ang gawa mo para sa isang kompetisyon. Kaya ang plano at
pangarap ko, bago pa dumating sa ganung punto ng paranoia ang isip ko
mag-oorganisa ako ng sarili kong Blog Awards tatawagin ko siyang: "Blog
and Poetry Awards" at ang mga premyo trip for 2 to HK Disneyland, trip for
2 to Underground River w/hotel accomodation at isang brand new Samsung Galaxy
Note 10.1. (siyempre joke lang yung papremyo.)Pero seryoso ako sa blog awards.
Isang mabilis na 'thank you'
ang gusto kong sabihin sa mga kapwa ko blogger na walang sawang nagbibigay at
nagbabahagi ng kanilang mga saloobin, sa mga blogger na naging friend ko sa
birtwal na mundo ng Facebook, sa mga blogger na sinubaybayan ko ang mga akda at
minsang nahihiraman ko ng ideya at sa iilang mambabasa ng hamak na Blog na ito;
Sir J.Kulisap ng Kayumangging Damdamin (na unang nag-gawad sa akin ng parangal
sa mundo ng blogging), Sir Joey Velunta ng Hiram na Kaligayahan, Sir Bernard
Umali ng Saranggola Blog Awards (sa pagmamahal niya sa literatura at sa pagpiga
ng utak naming mga blogger - na nagggawad naman ng ikatlong karangalan sa aking
tula noong nakaraang SBA), sa PEBA na kumikilala sa pagsusumikap ng mga OFW at
kaanak nito (na nagbigay sa akin ng ikalawang parangal), kay Sir Bino Bautista
ng Damuhan (na nagbigay sa akin ng unang karangalan sa huling Bagsik ng
Panitik), sa mga blogger na nasa likod ng blogroll sa weblog na ito, special
mention kay Sir Glen ng Wickedmouth na kinararangal ng mga blogger dahil sa success
na kanyang nakamit sa nakalipas na taon at kay Ms. Joy ng Joy's Notepad.
Salamat sa mga inspirasyon.
Papasadahan ko na rin ng
salamat ang iilang kaibigan kong nagtiyaga at nakaunawa sa pabago-bagong timpla
ng aking pag-uugali. Siguro kaya hindi ganon karami ang kaibigan ko dahil ako
mismo ang nagdesisyong dumistansiya o humiwalay sa kanila. Para kong isang
paranoid na masyadong nag-aalala sa mga bagay-bagay na nangyayari sa aking
paligid; minsan gusto kong mapag-isa, minsan gusto kong maraming tao, minsang
masaya ako pero sa isang iglap sumasanib ang kaluluwa ng lungkot, minsang
nakangiti pero marami dito ang pagkukunwari. Mabuti na lang at ang taong nasa
paligid ko'y hindi marunong bumasa ng isip dahil kung hindi malamang lagi akong
nasa bingit ng alanganin.
Nakaka-relate ako na minsan mas inuuna ko pa ang blogging kaysa sa mga mas importanteng gawain tulad ng sa trabaho hahaha, pero ganun talaga, minsan di mapigilan. Hindi naman dahil sa sobrang saya ng blogging... magaan lang talaga sa pakiramdam.
ReplyDeleteHahaha, muntik na akong ma-excite sa sarili mong "Blog and Poetry Awards" lols...
Para saan itong iyong pamamaalam? Nagsisimula pa lang kasi akong i-explore ang iyong blog...