Wednesday, June 18, 2014

Sa Pagbukas ng Pinto



Lima ang naging anak nina Aling Vilma at Mang Bernard. At ang lima na ito ang makukulit na mga paslit na nakaantabay, naghihintay at nagmamadaling buksan ang pinto ng kanilang bahay sa tuwing ang mag-asawa’y kumakatok. Silang lima na sasalubong sa kanilang pagdating mula sa maghapong pagpapakapagod sa opisina, sa pagbukas ng pinto.


Ang lima'y sina Joel, Rene, Ram, Remnard at ang bunsong si Romeo. Tatlo lang sanang anak ang plano ng mag-asawa ngunit dahil sa kahahabol na magkaroon ng babaeng anak ay umabot ito ng lima. Ngunit kahit hindi natupad ang plano'y wala ni kaunting pagsisi ang mag-asawa dahil lumalaking mababait at masipag mag-aral ang kanilang mga anak. Talaga naman ganoon hindi lahat ng ating naisin ay makukuha natin, tanging nasambit ng haligi ng tahanan na si Mang Bernard.


Araw-araw pagkagaling mula sa opisina ng mag-asawa, nag-uunahan na ang lima sa pagbukas ng kanilang pinto. Kanya-kanya silang kwento at pagbibida sa magulang. Ang panganay na si Joel at ang sumunod sa kanyang si Rene, hindi pa man nakakapagpalit ng pambahay na damit ang mag-asawa'y atubili na sa pagkwento nang naging activities nila sa school. Habang ang nasa kinder na si Remnard at ang grade 1 na si Ram ay ibinibida ang mga star na nakamarka sa kani-kanilang mga braso. Samantalang ang bunsong si Romeo ay mangungulit at maghahanap ng pasalubong sa ina, tatlong taon pa lamang ito kaya hindi pa nag-aaral ngunit balak na rin ng mag-asawang papag-aralin ito sa susunod na school year.

- - -

Nasa grade six ang ikalawang anak na si Rene nang magkaroon ito ng malubhang karamdaman. Ilang buwang naratay sa ospital dahil sa lumulubhang sakit sa bato, sa buong panahong iyon ay hindi nakapasok sa opisina ang inang si Aling Vilma - ginugol ito sa pag-aaruga sa anak. At tanging ang ama ng pamilya na lang muna ang solong kumakayod para sa mga anak at sa gastusin para sa doktor, ospital at medisina ng may sakit na si Rene. Ilang buwan rin sa ganoong kalagayan si Rene. Kahit malaki-laki na ang ginagastos ng pamilya sa kanyang pagpapagamot ay tila walang senyales na bumubuti ang lagay nito. Hindi na natapos ni Rene ang elementarya at tuluyan na rin itong ginapi ng kanyang sakit. Nagluksa ang pamilya ngunit kailangang umikot ang mundo at magpatuloy sa buhay hindi man tayo ayon sa gusto nitong mangyari.

Naging apat na lang ang mga anak na sumasalubong na magbukas ng pinto para sa mga magulang nang lumisang tuluyan ang batang si Rene.

- - -

Nang nagkolehiyo na ang panganay na si Joel ay mas maraming oras ang inilalagi nito sa labas ng bahay kaysa sa oras na kasama ang pamilya. Pagkatapos ng kolehiyo nito'y agad itong nag-asawa. Biniyayaan ng tatlong apo (isang lalaki at dalawang babae) ang mag-asawang sina Aling Vilma at Mang Bernard na nagigisnan lamang nila tuwing araw ng pasko. Naging matagumpay na seaman ang anak  na si Joel, nagkaroon ng maganda at malaking bahay. Ngunit ito rin ang naging dahilan ng kanyang maagang pagkamatay sa loob pa mismo ng barkong pinagsisilbihan. Beinte-nuwebe anyos lang ito nang maaksidente at sinawing-palad. Ikalawang dagok sa ikalawang anak ang sumubok sa katatagan ng pamilya. Oo nga't walang sinuman ang dapat na masanay sa kalungkutan at pagluluksa ngunit kahit gaano pa kalupit at kapait ang inihahain sa atin ng buhay kailangan natin itong tanggapin at lunukin kahit puno tayo ng hinanakit at katanungan.

Naging tatlo na lang ang sumasalubong at nagbubukas ng pinto sa mag-asawa sa tuwing sila'y dumadating mula opisina.

- - -

Hindi nakatapos ng pag-aaral ang ikaapat na anak na si Remnard, isa sa dahilan ay ang pabago-bagong isip nito kung anong kurso ang nais niyang tapusin sa kolehiyo at ang ikalawang dahilan ay dahil maaga itong nakabuntis ng nobya. Hindi man gaanong  maganda ang naging hanapbuhay ni Remnard ay masaya naman ito sa piling ng kanyang asawang si Lena at dalawang anak (isang babae at isang lalaki). Naninirahan sila ngayon sa Angeles, Pampanga. Dahil sa medyo may kalayuan ang tinitirhang bahay sa Maynila ay napakadalang na lang kung ito'y bumisita sa mga magulang.

Simula nang bumukod si Remnard upang bumuo ng sarili niyang pamilya'y naiwan ang dalawang magkapatid na sina Ram at Romeo bilang tagabukas ng pinto ng kanilang magulang galing mula sa trabaho.

- - -

Bago pa sumapit ang edad ng maagang pagreretiro ng ilaw ng tahanang si Aling Vilma, nakatapos na ng kolehiyo ang ikatlong anak na si Ram na siya na ring tumayong bilang panganay ng pamilya. Nakapasa sa board exam at makalipas ang dalawang taon ay bumukod na rin at bumuo ng sariling pamilya sa Bulacan. Paminsan-minsan dumadalaw siya at ang pamilya nito sa kanyang ama at ina, kasama ang tatlong makukulit na apong katulad ng mga anak nina Aling Vilma at Mang Bernard ay pulos mga lalaki din. Kasabay nang paglagay sa tahimik ng ikatlong anak ay ang pagretiro ng kanilang ina sa paghahanapbuhay.

At sa pag-iwan ng anak na si Ram sa mga magulang ay tanging ang bunsong si Romeo na lang ang sumasalubong at nagbubukas ng pinto para sa amang si Mang Bernard na galing mula sa opisina. Habang si Aling Vilma ay hirap na maglakad at sa marami pang bagay.

- - -

Mahina na nga ang ina nilang si Aling Vilma. Si Mang Bernard naman ay malapit na ring magretiro, nakararamdam na rin ito ng madalas na paninikip ng dibdib dahil sa epekto ng paninigarilyo noong kanyang kabataan. 
Hindi naglaon ay nag-asawa na rin ang bunsong si Romeo at sa parehong taon ay tuluyan na ring nagretiro sa paghahanapbuhay ang amang si Mang Bernard. Nagpakalayo-layo ang bunsong anak na si Romeo kasama ang asawa at nag-iisang anak na babae. Maaring sabihing hindi naging maganda ang kapalaran ni Romeo sa Maynila kaya't nagdesisyon itong manirahan sa Batanggas na kinalakhan ng asawang si Cheche. Minsan sa loob ng dalawang taon o kapag napapasyal sa Maynila ay saka lamang nakadadalaw ang bunso at kanyang pamilya sa mga magulang na sina Aling Vilma at Mang Bernard.


Naiwan ang mag-asawa sa lumang bahay na tulad din nila’y puno ng kalungkutan.
Naghihintay sila na may kakatok sa kanilang pinto, bubuksan nila ito at aasang isa sa mga anak nila ay dadalawin at bibisitahin sila.
Makailang ulit na bubuksan, makailang ulit na isasara.
Kung ilang ulit silang umasa ‘yun din ang bilang ng kanilang pagkadismaya.
Ganunpaman, hindi sila nauubusan ng pag-asa kahit ilang ulit pa silang mabigo.


Kay bilis lumipas ng mga taon, kailan lang ay may limang batang nakaantabay sa pinto, nag-uunahan, naghaharutan, nagkukulitan.
Kung gaano katibay ang pinto noon, ngayon naman ay kasinghina na ito ng kanilang bayukos na katawan.
Kung gaano kaingay ang bahay nila noon, ngayon naman ay mas tahimik pa ito kaysa sa kanilang hinaing at nararamdaman.


Kasabay nang pagpapalit ng kulay ng kanilang buhok ay ang pagpapalit ng prayoridad ng kanilang mga anak.
Kasabay ng kanilang pagiging makakalimutin ay ang tila paglimot na rin ng kanilang mga anak sa higit nilang pangangailangan.
Kasabay nang panghihina ng kanilang katawan ay ang unti-unti ring pagtamlay ng mga anak sa kanila.
Kasabay nang paglabo ng kanilang paningin ay ang tila lumalabong pag-asa na makapiling ang mga anak ng mahaba-habang sandali.
Kasabay nang masidhi nilang pagnanais na dalasan ang pagbisita ng mga anak sa kanila ay ang tila paglayo ng mga ito sa kanila.

* * *

Ang dating mga makukulit na mga bata wari'y tuluyan na silang kinalimutan, ang dating mga bata na halos ayaw humiwalay sa kanilang tabi ay halos hindi na rin sila mabigyan ng importansya, pansin at pag-alala, na kung hindi pa sumasapit ang espesyal na araw ng pasko ay tila walang makakaalala, na higit sa buwanang kanilang padala ay mas kailangan ng magulang ang kanilang pagkalinga at presensya.


Ilang pasko na lang ba ang kanilang ilalagi pa?
Ilang pasko pa ba ang kanilang hihintayin pa?
“Sana araw-araw ay pasko na lang”, anila.


Sa paglipas ng panahon ay ang paglipas ng mga alaalang patuloy nilang binabalik-balikan. Alaalang bubuhay sa kanilang diwa na minsan sa kanilang buhay ay may limang mga makukulit na paslit na naghihintay, nag-uunahan at nagmamadaling buksan ang pinto ng kanilang bahay.


Alaalang minsan ay may limang anak na sumalubong sa kanilang pagdating mula sa maghapong pagpapakapagod sa opisina, sa pagbukas ng pinto.



6 comments:

  1. Habang papatapos akong magbasa kinukurot ang puso ko. Oo nga, dumarating talaga ang ganoong panahon.
    Nagiging mabigat na ang pagdalaw sa matatianda, sana hindi mangyari samin, ito. Magandang paalala ito bro. Salamat

    ReplyDelete
  2. Teka, naguluhan ako sa kwento Kuya Ramil. Ano nangyari kay Rannie? At akala ko patay na si Rene? Bakit siya nakapag-asawa pa at nanirahan sa Batangas? At ilan ba talaga ang anak nila? Kasi anim lahat-lahat nung nabanggit... Ayun, napansin ko lang. :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ako rin naguluhan! Ayan na inayos ko na. Pasensya naman buti na lang nandyan ka Sep kundi nagkalat na ako ng husto, :)

      Delete
    2. Ayan mas okay na. Makakapag-comment na ko ng seryoso. :)

      BIlang isang bakla, ngayon pa lang iniisip ko na na ako ang mag-aalaga sa mga magulang ko kapag tumanda sila, since yung mga nakababata kong kapatid ay sigurado kong straight. Not that it's a bad thing though; malugod ko silang aalagaan pagdating ng panahon, kapalit ng mga nagawa nila for me.

      Delete
    3. 'pag may sarili ng pamilya ang mga anak (especially 'yung lalake) mas nag-iiba ang priority nila sa buhay 'pag dumating ang time na 'yun dapat ang pagmamahalan ng naiwang mag-asaw ay intact pa rin dahil sa bandang huli sila pa rin ang magkakasama.
      isa sa pinakahahangaan kong ugali ng nasa third sex ay mas maalaga sila compared sa mga straight syempre debatable 'yan pero it's just my opinion and observation. :)
      thanks ulit sa pagpuna.

      Delete
  3. isang kwento na nag mula sa realidad, pinapakita lang nito ang tunay at kalimitan na nangyayari. nagustuhan ko ang kwento dahil karamihan sa mga nagsusulat ngayon ay mga "anak" at hindi maatim na pag-usapan ang kanilang kapabayaan o "hindi sinasadyang" pagbalewala sa kanilang mga magulang dahil sa itininatakda ng sitwasyon o estado ng buhay nila sa kasalukuyan.

    welcome back limarx214, nakikiraan lang po. Salamat

    ReplyDelete