Thursday, June 19, 2014

Immigrant na si Elena



Immigrant na si Elena

Hindi ko na naisalang-alang ang napakahabang labing-anim na taon na karanasan at hindi ko na rin nabigyang halaga ang isang pagkakaibigan dahil ang nais ko lang ngayon ay ang makaalis sa 'bansang' ito. Datapwa't walang rehas akong nakikita dinaig naman nito ang mga presong tinanggalan ng karapatang makalaya. Hindi nga nakaposas ang aking mga kamay at paa pero tila nawalan naman ako ng kakayahang igalaw ang mga ito ayon sa gusto ko. Wala ring busal na nakapasak sa aking bibig ngunit ano bang silbi ng aking sasabihin kung walang sinuman ang nais makarinig nito? Ang mga mata ko nga'y walang piring subalit kailangan kong magbulag-bulagan sa lahat ng kamaliang aking namamalas.


Hindi ko man mabago ang sistema na aking nakagisnan may pagkakataon pa akong baguhin ang aking sarili at kinabukasan.
Kailangan ko nang umalis hindi dahil sa hindi naibigay ang aking mga gusto at pribilehiyo, kailangan ko nang magpaalam hindi dahil namamayani ang panibugho sa aking puso.
Kailangan kong lumisan dahil hindi ko na kayang sikmurain ang masakit sa matang kaliwa't kanang kabalastugan, korapsyon, power tripping, palakasan, takipan, pagmamalabis, pang-aabuso, pagbibida, pulitika, kayabangan at pagpapanggap na namamayani rito. Ang bawat oras na pananatili ko sa lugar na ito ay parang katumbas ng isang araw sa purgatoryo. Tila ba ngayon pa lamang ay pinarurusahan na ako ng langit sa mga kasalanang nagawa ko sa lupa.


Subalit buo na ang aking pasya dapat na nga akong magpaalam. At kalakip ng pamamaalam na ito ang paglibing ko sa lahat ng mga daing at hinaing na nanatili sa aking puso sa mahabang panahon. Oo, may bahagyang pagkadismaya at selos na nanahan sa akin ngunit ang pagkadismaya at selos na ito ay hinubog ng patuloy na pagwawalang bahala sa aking kakayahan ngunit ang mga ito ay unti-unti ko nang ikinakahon.


Isa akong neglected sa lugar na aking kinagisnan. Isa akong taken for granted sa lugar na aking pinahalagahan.


Kasabay rin ng pamamaalam na ito ay ang lubos na pasasalamat sa iilang kaibigang naging tapat at nagbigay ng walang pagkukunwaring mga ngiti. Ang labing-anim na taong karanasan ko sa 'bansang' ito ay aking babaunin at magiging sandata at pananggalang sa kakaharaping mga pagsubok at suliranin samantalang ang masasayang alaala nama'y gagawin kong pamatid-lungkot sa oras na ako'y dalawin ng pagkainip at kapighatian.


Ang paglisan kong ito'y mahahalintulad sa paglipat ng isang higaan sa malambot at komportableng kutson patungo sa banig na may kalumaan na nakalatag sa matigas na sahig o paglipat ng isang pasahero sa maalinsangan at kakarag-karag na karitela mula sa malamig ngunit napakasikip na sasakyan.
Maaring hindi ito madali ngunit hindi naman kailangang maging madali upang maging masaya, maaring hindi ito praktikal ngunit kailan pa ba naging batayan ng kaligayahan ang praktikalidad?


Akala ko noon okay na ako at walang problema, akala ko dati'y masaya na ako at hindi na maghahanap ng bagong tahanan ngunit gaya ng gamu-gamong namatay dahil naharuyo sa liwanag na galing sa apoy ng gasera, mali ang lahat ng aking sinapantaha. Mayroon pa palang ibang tahanang handang tumanggap sa aking kaalaman, kahinaan at kababawan. May kakaiba palang kasiyahang hatid ang pagiging payak at simple. May kapayapaan pala sa likod ng mapangahas na pagpapasya kong ito.


Sa halos kalahati ng kabuuan ng aking buhay huli na ng natuklasan kong tama pala ang kasabihang 'hindi lang pera ang nagpapaligaya sa tao'. Aanhin mo nga ba ang pera kung walang kapayapaan ang iyong puso at walang katiwasayan sa iyong isip? Ngunit batid kong may pag-asa pang nalalabi. Alam kong sa bawat pagtatapos ng istorya ay may bagong kasaysayang muling maisusulat, ang bawat pamamaalam ay may katumbas na bagong panimula at ang lahat ng tampo at hinagpis na lumukob sa akin ay mapapalitan ng ligaya at kakuntentuhan.


Mahirap palang masanay sa maling sistema at nakagawian dahil sa katagalan ay magsasawa ka sa pagpapanggap, maiirita ka sa paulit-ulit na pangako, makokonsensya sa nasasaksihang pulitika at korapsyon, makararamdam ka ng galit sa palihim na panggagamit at magrerebelde ang iyong katinuan dahil sa pagnanakaw ng iyong mga pribilehiyo at karapatan.


Sa isang iglap mag-iiba na ang aking kapaligiran dahil sa kakaharapin kong bagong kultura at bagong sistema ngunit hindi ko ito iindahin kahit 'libong milya' man ang aking tunguhin. Batid kong magbabago na ang aking makakasalamuha, maninibago sa bagong mundong gagalawan, makikibagay at makikisama sa mga estranghero at 'ibang lahi' ngunit alam kong ito'y aking kakayanin. 


Kailangang kayanin hindi dahil sa pera o ambisyon kundi para sa matagal nang pinapangarap na kapayapaan ng puso at isip.


Alam ko na ang desisyon kong ito ay ang magsisilbing aking pasaporte patungo sa isang paglalakbay na naghahanap ng tunay na katiwasayan, ang magiging susing magbubukas at magsasara sa pintuan ng nagpapagal kong katawan, ang magsisilbing damit na magsasaplot sa hinubad kong pagpapanggap at ang magiging lapis na guguhit ng aking magandang kinabukasan.


Ako si Elena at isa na akong 'immigrant'.

No comments:

Post a Comment