Hindi ko ugali na magpost ng personal issues sa buhay pero dapat ninyong mabasa ito.
---------
June 12. Holiday. Isang araw bago pormal na umalis ng opisina ang misis ko, may natanggap akong text mula sa hindi ko kilalang numero.
+69151964633 (12-Jun-2014 1:15 AM): Pare gudmorning. May nabalitaan lang ako na ung anak nio daw na bunso ay d mu daw anak kay kumare, eto lang naman ay narnig ko lang dn. Bkt madalas my kinakatagpo rn daw c kumare at katxt.
Natanggap ko ang text ng bandang alas-siyete ng gabi pero ang rumehistrong oras mula sa kanya ay 1:15 AM indikasyon na hindi niya naadjust ang oras, marahil bagong insert ang simcard at hindi nag-abala pang baguhin ang petsa.
Hindi ko pinansin ang text sa pag-aakalang random message lang ito at aksidenteng nai-send sa number ko.
Makalipas lang ang isang minuto muli itong nagtext.
+69151964633 (12-Jun-2014 1:16 AM): Xnxa na kumpare tagal ko na kc nari2ng to. tas my kinikta p daw. mas mganda observe mu xa kht cguro sa txt.
Muli, hindi ko pinatulan ang text. Subalit ilang saglit lang nirisend nya ang huling kanyang itinext ngunit iba na ang oras.
+69151964633 (12-Jun-2014 5:46 PM): Xnxa na kumpare tagal ko na kc nari2ng to. tas my kinikta p daw. mas mganda observe mu xa kht cguro sa txt.
Sa puntong ‘yon medyo napikon ako. Sinubukan ko siyang i-bluff sa painosenteng reply.
+0925888__ __ __ __ (12-Jun-2014 7:38 PM): Gago kulit mo. 4th year highschool pa lang ako may anak na ko?
Buong akala ko ay matatahimik na siya at marirealize nyang siya’y nawrong send. Mali ang akala ko. Dapat pala hindi ko na pinatulan ang text.
Muli siyang nagreply, ambilis segundo lang ang pagitan.
+69151964633 (12-Jun-2014 5:46 PM): Hndi ko yan sa2bhn kung hindi ko yan nalaman tlaga.
Dapat hindi ako nainis, dapat hindi ako nagpadala. Pero nareplyan ko siya.
+0925888__ __ __ __ (12-Jun-2014 7:58 PM): Tangina mo po.
Hindi siya nagpadaig at siya’y nagreply ng may paggalang.
+69151964633 (12-Jun-2014 7:36 PM): Concern lang pare.
Siguro sa kagustuhan ng nagtitext na magkagalit kami ng misis ko at tuluyan kaming magkaaway pursigido siya sa kanyang ginagawa. Kinacareer ika nga. Naiisip ko lang paano kung ang makakatanggap ng text niya ay ang mga lalakeng madaling mapaniwala sa mga sabi-sabi? Hindi ba’t away at posibleng hiwalayan ang resulta nito?
+69151964633 (12-Jun-2014 7:57 PM): Nasau yan pare kung d mu rn observe c misis. Mahrap may ipot sa ulo. Kea sa cel plang tignan mu na.
Hindi ko na pinatulan ang text. Kung mapapansin niyo ang oras niya tama na (ang oras ng cellphone ko ay advance ng sampung minuto). Ayoko nang maabala sa panonood ko ng 24 Oras kaya isinilent ko ang phone ko.
Pero mayamaya pa muli itong nagtext ng dalawang magkasunod ngunit malayo ang pagitan ng oras at sa text niya na ‘yun ay pinatunayan niyang kilala niya ako at hindi lang aksidente ang pagkakasend niya sa akin ng text.
+69151964633 (12-Jun-2014 8:02 PM): Kaw bahla pare, minsan gulatin mu c misis kc
+69151964633 (12-Jun-2014 10:45 PM): Pre. Try to observe ur wife Lcb ka pa naman tas wife mo may tinetext na lalaki rn. Minsan mgcheck ka rn kc. Hndi mu sa email txt naman.
June 13. May pasok na kinabukasan, wala na sa isip ko ang malisyosong text. Napakababaw ng sinuman na maniniwala sa kung ano mang sabihin/itext ng malisyoso at may insecurity na tao. Lumipas ang maghapon na wala na kong nareceived na text.
June 14. Sabado. Ifinoward ko ang mga text at numero ng gagong mapanira ng buhay sa isang kaibigang itatago natin sa pangalang Louise na nagtatrabaho rin sa kompanyang inalisan ng wife ko.
Nagkausap kami at pinasubukan kong pag-ringin ang numerong 09151964633. Nagring. Ngunit hindi sinagot. Ibig sabihin active pa ang simcard at siguro’y nag-eexpext siya ng reaction ko o nagbabalak siyang muling manggulo sa text.
Ang hinala ni Louise at hinala ko na nagtitext ay iisang tao lang.
Walang sinuman ang nagsasabi sa akin ng “KUMPARE” at iisang tao lang ito, binasa ko rin ang previous text message ng taong pinaghihinalaan ko at pareho ang way nila ng pagtitext ngunit kailangang may mabigat na ebidensya. Kailangang malaman ang bigat ng kanyang dahilan para gawin niya iyon sa akin at sa aking pamilya.
June 16. Lunes. Nagtama ang paningin ni Louise at ng taong sa tingin nami’y nagtitext ng paninira. Masama ang tingin nito kay Louise parang nakakatunaw, parang papatay. Nakwento na rin ni Louise na dati ay may kumalat ding tsismis na ‘yung anak niya raw ay hindi niya anak sa kanyang asawa at isa sa nagpakalat ng mapanirang tsismis ay ang taong ‘yun.
Para lang matapos ang lahat ia-unfriend ko na lang siya sa Facebook. Ngunit laking gulat ko, nang nauna na pala siyang i-unfriend ako.
Coincidence? No.
Feeling of guilt? Maybe.
Inisip ko, ano ba ang posbleng dahilan bakit niya ako dinelete as a friend? Wala. Unless na may sama ka ng loob sa akin at sa mga pinupost ko sa FB at sa mga blog ko.
Ang taong ito nakakatakot. May kakayahan siyang manira ng pamilya ng hindi nakokonsensiya. Minsan ko na rin siyang itinuring na kaibigan pero hindi ko ito dapat panghinayangan dahil mas masahol pa siya sa mga sumusulat ng tsimis sa tabloid o sa umiibento ng kapalaran sa horoscope.
Sa sama ng loob niya at galit niya sa akin o sa misis ko sa hindi ko alam na kadahilanan, gumawa siya ng ganoong karahas na move. Nakakakilabot. Nakakainis. Nakakagalit.
Anong motibo at plano ko? Wala. Sabi nga, kung binato ka ng bato batuhin mo ng tinapay. Hahayaan ko lang. Gusto ko lang sana marealize niya kung mababasa niya man ito ay sana masaya siya sa ginagawa at ginawa niya at pagpalain pa siya at mabuhay ng pagkatagal-tagal upang makatulong siya sa mga nangngailangan.
Nang pinabasa ko sa wife ko ang mga text message ng gagong 'yun sa akin, nagtawanan lang kami. Haha. Dapat daw hindi ko na pinatulan.
'Tangina nun. Kalalaking tao, tsismoso. DAMN.
Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Saturday, June 28, 2014
Monday, June 23, 2014
Clinic (Rated SPG)
"Yosi?" alok sa akin ng katabi kong
babae na tila pareho ko ring balisa at blangko ang isip.
Nasa mahabang monobloc chair
kami; ako, siya at isa pang babaeng may kanipisin ang pangangatawan. Wala kang
mababanaag na kaunting kasiyahan na rumerehistro sa aming mukha, hindi kami
magkakakilala pero iisa ang layunin namin sa 'clinic' na ito.
Kinuha ko ang inalok niyang
yosi.
At kahit alam kong masama sa
kalusugan ng batang nasa sinapupunan ko hindi ako nagdalawang-isip na sunggaban
ito.
Sinindihan ko ang yosi gamit
ang isa pang yosi. Hinithit ko ito nang madiin saka ibinuga ang usok paitaas,
lumikha ito ng bilog saka naglaho at tinangay ng hangin.
Naalala ko 'yung gagong
boyfriend kong si Jericho para siyang usok ng yosi na matapos akong pagsawaan at
paulit-ulit na kantutin biglang naglaho at tinangay na yata ng masamang hangin
nang malamang bumibilog na ang tiyan ko.
Jericho. Higit sa maganda
niyang pangalan ay ang tikas ng kanyang katawan at ang lambing ng kanyang
pagsuyo, ang aking nagustuhan sa kanya. Mabait siya noong panahong ako'y
kanyang nililigawan kaya't hindi ko inaasahan na hahantong din pala sa ganito
ang lahat. Hiwalayan. Tulad ng tipikal na kwento ng pag-iibigan. Parang
teleserye. Parang gago.
Putangina naman kasi ang
sarap-sarap niyang humagod. Gustong-gusto ko 'yung nagpapalitan kami ng laway
sa tuwing kami'y naghahalikan. Hindi ko alam kung matamis ang laway niya o
malibog lang ako talaga. 'Yung lagkit ng pawis niya sa tuwing magkadikit ang
hubad naming katawan ay parang amoy ng pambatang cologne para sa akin. Hindi ko
siya malimutan, lahat ng ginagawa niya sa akin ay gusto ko; ang paghimod niya,
ang pagkadyot niya, ang malutong niyang pagmumura, ang kanyang kahindigan - ang
kanyang kabuuan.
Siguro ganoon talaga 'pag
umiibig. Bulag ka sa nakikitang kamalian ng isang tao na ultimo 'yung
kapintasan at kahambugan niya ay kaya mong yakapin at tanggapin.
Alam ko namang minahal niya
ako gaya rin ng pagmamahal ko sa kanya. Hindi niya 'yun pwedeng ipagkaila dahil
lahat ay ginawa ko para sa kanya 'wag niya lang akong iwan. Lahat-lahat.
Mistula akong alipin na sunod-sunuran sa lahat ng ipinagagawa niya sa akin.
Minsan nandidiri na ako, nakakaramdam na ako ng pambababoy pero pikit-mata ko
lang itong sinisikmura dahil 'yun ang kagustuhan niya. Pero minsan lang 'yun.
"Tangina ka, iiwan kita
'pag 'di mo 'yan ginawa!" boses ni Jericho. Hanggang ngayon
umaalingawngaw pa sa utak ko ang mga katagang iyan. Noong una nasasarapan ako.
Nag-eenjoy pa ako. Pero minsan parang gusto ko nang sumuko, hindi na kinakaya
ng mura kong katawan ang pambababoy niya sa akin. Siya na lang ang nag-eenjoy,
ako? Pakiramdam ko, para na lang akong lumang basahan na ihahagis sa kung saan
pagkatapos gamitin at maghihintay kung kailan ulit pupulutin. Pero minsan lang
'yun.
Sa loob ng halos dalawang
taon, nakasanayan ko na. Minanhid na ako ng pagmamahal ko kay Jericho.
Pinagbibigyan ko siya sa anumang gustuhin niya. Sa limang araw meron ang isang
linggo sa eskwelahan, dalawa o tatlong araw na lang ang pinapasok sa klase, 'yung
natitirang mga araw ibinibigay ko sa kanya. Graduating pa naman ako. Ganoon
lang palagi. Para akong prosting nagpapakangkang kay Jericho sa halos
araw-araw. Tila ako ang nagsilbi niyang tagakamot sa lahat ng kati na kanyang
nararamdaman. Pero mabuti pa nga ang prosti may matatangap na pera pagkatapos
tirahin, ako wala. Gustuhin ko mang magreklamo hindi ko magawa.
Mahal ko siya. Mahal na
mahal.
Nasa sistema ko na si
Jericho at hindi ko kakayanin kung sakaling mawawala siya sa akin.
Halos tatlong buwan na ang
nakararaan, nang malaman niyang hindi ako niriregla hindi na rin siya
nagpakita. Hindi ko na makontak ang dati niyang numero. Wala na rin siya sa boarding house na kanyang tinutuluyan. Hindi ko na rin alam
kung ano ang gagawin ko kaya ako napadpad sa 'clinic' na ito, sa rekomendasyon
ng isang kakilalang nagtungo na rin dito. Isang clinic kung saan tinatanggalan
ng karapatang mabuhay ang mga anghel na wala pang muwang at kasalanan.
"O, ikaw na!" pasigaw na singhal ng
masungit na aleng mataba na sa tantiya ko'y nasa edad singkwenta pataas.
Alanganing tumayo ang
tinawag na babaeng nasa aking tabi, 'yung kaninang nagbigay sa akin ng yosi.
Tila nagdadalawang-isip.
Umupong muli.
"Hoy, 'wag niyong
sayangin ang oras ko ha?! Marami pa akong gagawin. Punta-punta kayo dito hindi
pala kayo desidido!" galit na ang ale sa tonong 'yon.
Sa puntong 'yon ay bigla na
lang humagulgol ang babaeng hindi ko man lang natanong ang pangalan. Lumabas at
tumakbo palayo ng 'clinic'.
"Ako na lang po
muna..." boluntaryong tumayo ang kanina pang tahimik lang na babaeng may
kanipisan ang katawan. Marahil nasa isip niya 'kung hindi makapagdesisyon ang babaeng iyon...ako, buo na ang pasya ko.
Ipalalaglag ko ang bata.'
Pumupunit sa katahimikan ng
'clinic' ang eskandalosong daing at impit na sigaw ng pasyenteng nasa loob ng kabilang kwarto. Hysterical. Dinig na dinig ko
'yun mula sa aking kinauupuan. Para bang hinihiwa ang himaymay ng kanyang bawat
kalamnan. Humihiyaw, sumisigaw at nagmamakaawa. Lahat na yata ng santo'y kanya
nang nabanggit. Habang ang dibdib ko'y halos sumabog na sa labis na kaba at dagundong tila ba nawala
ang kaninang baon kong lakas ng loob at tapang.
Matagal na katahimikan.
Makalipas ang
humigit-kumulang labinglimang minuto, pawisang lumabas ang masungit na aleng
mataba. Umiiling-iling.
Kahit suot pa niya ang
kanyang facemask alam ko ang gusto niyang ipahiwatig, alam ko ang gusto niyang
sabihin.
Patay na ang bata. Patay na
rin ang pasyente.
At sa sandaling 'yon, ako na
ang susunod.
Pero gusto kong magbago ng
pasya.
Kung sabihin ko na lang kaya
kina papa at mama ang kalagayan ko?
Siguro matatanggap nila ako,
saka ang magiging apo nila.
Ewan. Bahala na.
Labels:
abortion,
clinic,
maikling kwento,
pag-ibig,
pagdadalang-tao,
panloloko
Thursday, June 19, 2014
Immigrant na si Elena
Immigrant na si Elena
Hindi ko na naisalang-alang
ang napakahabang labing-anim na taon na karanasan at hindi ko na rin nabigyang
halaga ang isang pagkakaibigan dahil ang nais ko lang ngayon ay ang makaalis sa
'bansang' ito. Datapwa't walang rehas akong
nakikita dinaig naman nito ang mga presong tinanggalan ng karapatang makalaya. Hindi nga nakaposas ang
aking mga kamay at paa pero tila nawalan naman ako ng kakayahang igalaw ang mga
ito ayon sa gusto ko. Wala ring busal na nakapasak
sa aking bibig ngunit ano bang silbi ng aking sasabihin kung walang sinuman ang
nais makarinig nito? Ang mga mata ko nga'y walang
piring subalit kailangan kong magbulag-bulagan sa lahat ng kamaliang aking
namamalas.
Hindi ko man mabago ang
sistema na aking nakagisnan may pagkakataon pa akong baguhin ang aking sarili
at kinabukasan.
Kailangan ko nang umalis
hindi dahil sa hindi naibigay ang aking mga gusto at pribilehiyo, kailangan ko
nang magpaalam hindi dahil namamayani ang panibugho sa aking puso.
Kailangan kong lumisan dahil
hindi ko na kayang sikmurain ang masakit sa matang kaliwa't kanang
kabalastugan, korapsyon, power tripping, palakasan, takipan, pagmamalabis,
pang-aabuso, pagbibida, pulitika, kayabangan at pagpapanggap na namamayani
rito. Ang bawat oras na pananatili ko sa lugar na ito ay parang katumbas ng
isang araw sa purgatoryo. Tila ba ngayon pa lamang ay pinarurusahan na ako ng
langit sa mga kasalanang nagawa ko sa lupa.
Subalit buo na ang aking
pasya dapat na nga akong magpaalam. At kalakip ng pamamaalam na ito ang
paglibing ko sa lahat ng mga daing at hinaing na nanatili sa aking puso sa
mahabang panahon. Oo, may bahagyang pagkadismaya at selos na nanahan sa akin
ngunit ang pagkadismaya at selos na ito ay hinubog ng patuloy na pagwawalang
bahala sa aking kakayahan ngunit ang mga ito ay unti-unti ko nang ikinakahon.
Isa akong neglected sa lugar
na aking kinagisnan. Isa akong taken for granted sa lugar na aking
pinahalagahan.
Kasabay rin ng pamamaalam na
ito ay ang lubos na pasasalamat sa iilang kaibigang naging tapat at nagbigay ng
walang pagkukunwaring mga ngiti. Ang labing-anim na taong karanasan ko sa
'bansang' ito ay aking babaunin at magiging sandata at pananggalang sa
kakaharaping mga pagsubok at suliranin samantalang ang masasayang alaala nama'y
gagawin kong pamatid-lungkot sa oras na ako'y dalawin ng pagkainip at
kapighatian.
Ang paglisan kong ito'y
mahahalintulad sa paglipat ng isang higaan sa malambot at komportableng kutson
patungo sa banig na may kalumaan na nakalatag sa matigas na sahig o paglipat ng
isang pasahero sa maalinsangan at kakarag-karag na karitela mula sa malamig
ngunit napakasikip na sasakyan.
Maaring hindi ito madali
ngunit hindi naman kailangang maging madali upang maging masaya, maaring hindi
ito praktikal ngunit kailan pa ba naging batayan ng kaligayahan ang
praktikalidad?
Akala ko noon okay na ako at
walang problema, akala ko dati'y masaya na ako at hindi na maghahanap ng bagong
tahanan ngunit gaya ng gamu-gamong namatay dahil naharuyo sa liwanag na galing
sa apoy ng gasera, mali ang lahat ng aking sinapantaha. Mayroon pa palang ibang
tahanang handang tumanggap sa aking kaalaman, kahinaan at kababawan. May
kakaiba palang kasiyahang hatid ang pagiging payak at simple. May kapayapaan
pala sa likod ng mapangahas na pagpapasya kong ito.
Sa halos kalahati ng kabuuan
ng aking buhay huli na ng natuklasan kong tama pala ang kasabihang 'hindi
lang pera ang nagpapaligaya sa tao'. Aanhin mo nga ba ang pera kung
walang kapayapaan ang iyong puso at walang katiwasayan sa iyong isip? Ngunit
batid kong may pag-asa pang nalalabi. Alam kong sa bawat pagtatapos ng istorya
ay may bagong kasaysayang muling maisusulat, ang bawat pamamaalam ay may
katumbas na bagong panimula at ang lahat ng tampo at hinagpis na lumukob sa
akin ay mapapalitan ng ligaya at kakuntentuhan.
Mahirap palang masanay sa
maling sistema at nakagawian dahil sa katagalan ay magsasawa ka sa
pagpapanggap, maiirita ka sa paulit-ulit na pangako, makokonsensya sa
nasasaksihang pulitika at korapsyon, makararamdam ka ng galit sa palihim na panggagamit
at magrerebelde ang iyong katinuan dahil sa pagnanakaw ng iyong mga pribilehiyo
at karapatan.
Sa isang iglap mag-iiba na
ang aking kapaligiran dahil sa kakaharapin kong bagong kultura at bagong
sistema ngunit hindi ko ito iindahin kahit 'libong milya' man ang aking
tunguhin. Batid kong magbabago na ang aking makakasalamuha, maninibago sa
bagong mundong gagalawan, makikibagay at makikisama sa mga estranghero at 'ibang lahi' ngunit alam kong ito'y aking kakayanin.
Kailangang kayanin hindi
dahil sa pera o ambisyon kundi para sa matagal nang pinapangarap na kapayapaan ng puso at isip.
Alam ko na ang desisyon kong
ito ay ang magsisilbing aking pasaporte patungo sa isang paglalakbay na
naghahanap ng tunay na katiwasayan, ang magiging susing magbubukas at magsasara
sa pintuan ng nagpapagal kong katawan, ang magsisilbing damit na magsasaplot sa
hinubad kong pagpapanggap at ang magiging lapis na guguhit ng aking magandang
kinabukasan.
Ako si Elena at isa na akong
'immigrant'.
Labels:
career change,
employee,
immigrant,
metapora,
pulitika,
resignation,
sentiments
Wednesday, June 18, 2014
Sa Pagbukas ng Pinto
Lima ang naging anak nina
Aling Vilma at Mang Bernard. At ang lima na ito ang makukulit na mga paslit na
nakaantabay, naghihintay at nagmamadaling buksan ang pinto ng kanilang bahay sa
tuwing ang mag-asawa’y kumakatok. Silang lima na sasalubong sa kanilang
pagdating mula sa maghapong pagpapakapagod sa opisina, sa pagbukas ng pinto.
Ang lima'y sina Joel,
Rene, Ram, Remnard at ang bunsong si Romeo. Tatlo lang sanang anak ang
plano ng mag-asawa ngunit dahil sa kahahabol na magkaroon ng babaeng anak ay
umabot ito ng lima. Ngunit kahit hindi natupad ang plano'y wala ni kaunting
pagsisi ang mag-asawa dahil lumalaking mababait at masipag mag-aral ang
kanilang mga anak. Talaga naman ganoon hindi lahat ng ating naisin ay makukuha
natin, tanging nasambit ng haligi ng tahanan na si Mang Bernard.
Araw-araw pagkagaling mula
sa opisina ng mag-asawa, nag-uunahan na ang lima sa pagbukas ng kanilang pinto.
Kanya-kanya silang kwento at pagbibida sa magulang. Ang panganay na si Joel at
ang sumunod sa kanyang si Rene, hindi pa man nakakapagpalit ng pambahay na
damit ang mag-asawa'y atubili na sa pagkwento nang naging activities nila sa
school. Habang ang nasa kinder na si Remnard at ang grade 1 na si Ram ay
ibinibida ang mga star na nakamarka sa kani-kanilang mga braso. Samantalang ang
bunsong si Romeo ay mangungulit at maghahanap ng pasalubong sa ina, tatlong
taon pa lamang ito kaya hindi pa nag-aaral ngunit balak na rin ng mag-asawang
papag-aralin ito sa susunod na school year.
- - -
Nasa grade six ang ikalawang
anak na si Rene nang magkaroon ito ng malubhang karamdaman. Ilang buwang
naratay sa ospital dahil sa lumulubhang sakit sa bato, sa buong panahong iyon
ay hindi nakapasok sa opisina ang inang si Aling Vilma - ginugol ito sa
pag-aaruga sa anak. At tanging ang ama ng pamilya na lang muna ang solong
kumakayod para sa mga anak at sa gastusin para sa doktor, ospital at medisina
ng may sakit na si Rene. Ilang buwan rin sa ganoong kalagayan si Rene. Kahit
malaki-laki na ang ginagastos ng pamilya sa kanyang pagpapagamot ay tila walang
senyales na bumubuti ang lagay nito. Hindi na natapos ni Rene ang elementarya
at tuluyan na rin itong ginapi ng kanyang sakit. Nagluksa ang pamilya ngunit
kailangang umikot ang mundo at magpatuloy sa buhay hindi man tayo ayon sa gusto
nitong mangyari.
Naging apat na lang ang mga
anak na sumasalubong na magbukas ng pinto para sa mga magulang nang lumisang
tuluyan ang batang si Rene.
- - -
Nang nagkolehiyo na ang
panganay na si Joel ay mas maraming oras ang inilalagi nito sa labas ng bahay
kaysa sa oras na kasama ang pamilya. Pagkatapos ng kolehiyo nito'y agad itong
nag-asawa. Biniyayaan ng tatlong apo (isang lalaki at dalawang babae) ang
mag-asawang sina Aling Vilma at Mang Bernard na nagigisnan lamang nila tuwing
araw ng pasko. Naging matagumpay na seaman ang anak na si Joel, nagkaroon ng maganda at malaking
bahay. Ngunit ito rin ang naging dahilan ng kanyang maagang pagkamatay sa loob
pa mismo ng barkong pinagsisilbihan. Beinte-nuwebe anyos lang ito nang
maaksidente at sinawing-palad. Ikalawang dagok sa ikalawang anak ang sumubok sa
katatagan ng pamilya. Oo nga't walang sinuman ang dapat na masanay sa
kalungkutan at pagluluksa ngunit kahit gaano pa kalupit at kapait ang inihahain
sa atin ng buhay kailangan natin itong tanggapin at lunukin kahit puno tayo ng hinanakit
at katanungan.
Naging tatlo na lang ang
sumasalubong at nagbubukas ng pinto sa mag-asawa sa tuwing sila'y dumadating
mula opisina.
- - -
Hindi nakatapos ng pag-aaral
ang ikaapat na anak na si Remnard, isa sa dahilan ay ang pabago-bagong isip
nito kung anong kurso ang nais niyang tapusin sa kolehiyo at ang ikalawang
dahilan ay dahil maaga itong nakabuntis ng nobya. Hindi man gaanong maganda ang naging hanapbuhay ni Remnard ay
masaya naman ito sa piling ng kanyang asawang si Lena at dalawang anak (isang
babae at isang lalaki). Naninirahan sila ngayon sa Angeles, Pampanga. Dahil sa
medyo may kalayuan ang tinitirhang bahay sa Maynila ay napakadalang na lang
kung ito'y bumisita sa mga magulang.
Simula nang bumukod si
Remnard upang bumuo ng sarili niyang pamilya'y naiwan ang dalawang magkapatid
na sina Ram at Romeo bilang tagabukas ng pinto ng kanilang magulang galing mula
sa trabaho.
- - -
Bago pa sumapit ang edad ng
maagang pagreretiro ng ilaw ng tahanang si Aling Vilma, nakatapos na ng
kolehiyo ang ikatlong anak na si Ram na siya na ring tumayong bilang panganay ng pamilya. Nakapasa sa board exam at makalipas
ang dalawang taon ay bumukod na rin at bumuo ng sariling pamilya sa Bulacan.
Paminsan-minsan dumadalaw siya at ang pamilya nito sa kanyang ama at ina,
kasama ang tatlong makukulit na apong katulad ng mga anak nina Aling Vilma at
Mang Bernard ay pulos mga lalaki din. Kasabay nang paglagay sa tahimik ng
ikatlong anak ay ang pagretiro ng kanilang ina sa paghahanapbuhay.
At sa pag-iwan ng anak na si
Ram sa mga magulang ay tanging ang bunsong si Romeo na lang ang sumasalubong at
nagbubukas ng pinto para sa amang si Mang Bernard na galing mula sa opisina.
Habang si Aling Vilma ay hirap na maglakad at sa marami pang bagay.
- - -
Mahina na nga ang ina nilang
si Aling Vilma. Si Mang Bernard naman ay malapit na ring magretiro, nakararamdam
na rin ito ng madalas na paninikip ng dibdib dahil sa epekto ng paninigarilyo
noong kanyang kabataan.
Hindi naglaon ay nag-asawa na rin ang bunsong si Romeo at sa parehong taon ay tuluyan na ring nagretiro sa paghahanapbuhay ang amang si Mang Bernard. Nagpakalayo-layo ang bunsong anak na si Romeo kasama ang asawa at nag-iisang anak na babae. Maaring sabihing hindi naging maganda ang kapalaran ni Romeo sa Maynila kaya't nagdesisyon itong manirahan sa Batanggas na kinalakhan ng asawang si Cheche. Minsan sa loob ng dalawang taon o kapag napapasyal sa Maynila ay saka lamang nakadadalaw ang bunso at kanyang pamilya sa mga magulang na sina Aling Vilma at Mang Bernard.
Hindi naglaon ay nag-asawa na rin ang bunsong si Romeo at sa parehong taon ay tuluyan na ring nagretiro sa paghahanapbuhay ang amang si Mang Bernard. Nagpakalayo-layo ang bunsong anak na si Romeo kasama ang asawa at nag-iisang anak na babae. Maaring sabihing hindi naging maganda ang kapalaran ni Romeo sa Maynila kaya't nagdesisyon itong manirahan sa Batanggas na kinalakhan ng asawang si Cheche. Minsan sa loob ng dalawang taon o kapag napapasyal sa Maynila ay saka lamang nakadadalaw ang bunso at kanyang pamilya sa mga magulang na sina Aling Vilma at Mang Bernard.
Naiwan ang mag-asawa sa
lumang bahay na tulad din nila’y puno ng kalungkutan.
Naghihintay sila na may
kakatok sa kanilang pinto, bubuksan nila ito at aasang isa sa mga anak nila ay
dadalawin at bibisitahin sila.
Makailang ulit na bubuksan, makailang
ulit na isasara.
Kung ilang ulit silang umasa
‘yun din ang bilang ng kanilang pagkadismaya.
Ganunpaman, hindi sila
nauubusan ng pag-asa kahit ilang ulit pa silang mabigo.
Kay bilis lumipas ng mga
taon, kailan lang ay may limang batang nakaantabay sa pinto, nag-uunahan,
naghaharutan, nagkukulitan.
Kung gaano katibay ang pinto
noon, ngayon naman ay kasinghina na ito ng kanilang bayukos na katawan.
Kung gaano kaingay ang bahay
nila noon, ngayon naman ay mas tahimik pa ito kaysa sa kanilang hinaing at
nararamdaman.
Kasabay nang pagpapalit ng
kulay ng kanilang buhok ay ang pagpapalit ng prayoridad ng kanilang mga anak.
Kasabay ng kanilang pagiging
makakalimutin ay ang tila paglimot na rin ng kanilang mga anak sa higit nilang
pangangailangan.
Kasabay nang panghihina ng
kanilang katawan ay ang unti-unti ring pagtamlay ng mga anak sa kanila.
Kasabay nang paglabo ng
kanilang paningin ay ang tila lumalabong pag-asa na makapiling ang mga anak ng
mahaba-habang sandali.
Kasabay nang masidhi nilang
pagnanais na dalasan ang pagbisita ng mga anak sa kanila ay ang tila paglayo
ng mga ito sa kanila.
* * *
Ang dating mga makukulit na
mga bata wari'y tuluyan na silang kinalimutan, ang dating mga bata na halos
ayaw humiwalay sa kanilang tabi ay halos hindi na rin sila mabigyan ng
importansya, pansin at pag-alala, na kung hindi pa sumasapit ang espesyal na araw
ng pasko ay tila walang makakaalala, na higit sa buwanang kanilang padala ay
mas kailangan ng magulang ang kanilang pagkalinga at presensya.
Ilang pasko na lang ba ang
kanilang ilalagi pa?
Ilang pasko pa ba ang
kanilang hihintayin pa?
“Sana araw-araw ay pasko na
lang”, anila.
Sa paglipas ng panahon ay
ang paglipas ng mga alaalang patuloy nilang binabalik-balikan. Alaalang bubuhay
sa kanilang diwa na minsan sa kanilang buhay ay may limang mga makukulit na
paslit na naghihintay, nag-uunahan at nagmamadaling buksan ang pinto ng
kanilang bahay.
Alaalang minsan ay may
limang anak na sumalubong sa kanilang pagdating mula sa maghapong
pagpapakapagod sa opisina, sa pagbukas ng pinto.
Subscribe to:
Posts (Atom)