Nagkukumahog na (halos) lahat ng pulitikong kakandidato sa 2016
election. Ang itinakdang petsa para sa campaign period ay nagsisilbing
payo lang para sa kanila dahil ang katotohanan kanya-kanya na silang
diskarte kung papaano sila magkakaroon ng sapat na pondo, kung papaano
sila makakaungos sa kanilang mga kalaban at kung paano sila magiging
“mabango at mabait” sa mga botante.
Nakakatawang nakakainis lang,
na ang plataporma at slogan ng (halos) lahat ng mga pulitikong ito ay
may kinalaman at kaugnayan sa pagmamahal sa mahihirap na kababayan at sa
bayan.
Isa-isahin natin.
1. Pagmamahal sa mahihirap – Sa
papaanong paraan ba nila minamahal ang mahihirap? ‘Yun ba ‘yung
pagmamahal na gagamitin, babayaran at pagtutuunan sila ng pansin sa
tuwing may halalan? O sa tuwing may pangsarili silang motibo? ‘Tangna
‘wag na tayong maglokohan, kailan ba nila niyakap, minahal at binigyan
ng pansin at importansiya ang mga nasa ibaba? Kung papaano nila
binibigkas ang concern nila sa mga nagdarahop ganunding pagkamuhi ang
kanilang sinasambit pagkatapos nilang manalo sa halalan. Dahil kung
totoong may malasakit sila sa mga mahihirap, may matino sana silang
programa para sa pabahay, trabaho at kaayusan. Hindi maikakaila na sa
ilang dekadang nakalipas ang bahagdan ng mahihirap sa bansa ay hindi
nababawasan bagkus patuloy itong lumulobo habang tumatagal. Ang
programang 4P’s, nakakatulong ba talaga ito sa kanila? Wala bang
anomalyang nakakubli dito?
Maaaring nakakatulong nga ito pero
hindi ito ang sagot para maibsan ang kahirapan, ika nga sa kasabihang
ingles: “Give a man a fish and you feed him for a day; teach a man to
fish and you feed him for a lifetime.” Trabaho ang kailangan ng mga tao
hindi ‘yung pansamantalang pagbibigay sa kanila ng kung ilang libo.
‘Wag nila sabihing wala silang kakayahan, talino at pondo para dito
dahil unang-una (halos) lahat silang nasa puwesto ay may sapat na
kaalaman at talino, kung hindi ba naman ay papaano sila naging
matagumpay at mayaman sa kanilang napiling larangan? Pondo? ‘Tol,
trilyong piso ang kabuuang pondo ng gobyerno taon-taon – nararamdaman mo
ba ito? ‘Yung milyon o bilyong dolyar na donasyon sa Yolanda, ano na
nga ulit ang nangyari dun? Ewan, baka kulang pa. Kung tototong may
pagmamahal sila sa mga hikahos sa buhay hindi sana aabot sa 13 milyong
pilipino ang walang sapat na makain at walang matinong natitirhan.
2. Pagmamahal sa bayan – Paano ba natin bibigyan ng bagong kahulugan
ang pagmamahal sa bayan? Hindi na ba akma at pasok ang pagmamahal sa
bayan na ginawa noon nina Bonifacio, Rizal, mga bayani ng digmaan, atbp.
Sila na hindi nagdalawang-isip na magbuwis ng buhay para sa kalayaan
pero heto lang pala ang mapapala nila. Sa’n ka ba naman nakahanap ng
bansa na ang mga presidente nila’y hinahabla dahil sa katiwalian? Mga
mambabatas na may kanya-kanyang diskarte ng kickback sa bawat kontrata o
scam na maiisip nila. Mga kasapakat o kasabwat na paminsan-minsan
nakakasuhan pero shet naman, hayun VIP treatment at tila inuupuan ang
kaso. At kung sakaling mapatunayan ang pagnanakaw at pandarambong,
mababawi ba natin ang mga ninakaw nila? Putsa, siyempre hindi. May
nangyari/mangyayari ba sa mga kinurakot noon ng Pamilya Marcos? O sa
perang kinulimbat ni Erap? Ni Bong. Ni GMA. Ni Enrile. Ni Jinggoy. Ni
Jocjoc. Ni Binay. Marami pa ‘yan kayo na lang magdagdag. ‘Yang mga
pangalan na ‘yan sooner or later, sa maniwala ka’t hindi maghahari at
maghahari pa rin sa kaawang-awang Pilipinas.
Halimbawa, sa
Batasan. Bakit walang quorom palagi ang mga congressmen? Kasi ang mga
ulol hindi nagsisi-attend. Busy-busyhan sa kung ano-anong proyekto na
may kinalaman at kaugnayan sa pagmamahal sa bayan. (Mahal niyo your
face!) Naghahagilap sila ng mga pagkakakitaan nila para may panggastos
sila sa Mayo, daig nang maagap ang masipag ‘di ba? Kaya hayun siyam na
buwan pa bago ang eleksyon nagtatrabaho na sila – hindi ‘yung trabaho
bilang mambabatas ha, ‘yung trabahong magkakapera sila. Yung trabahong
may mapapala sila. Kaya nga binubutas ang mga kalsadang hindi naman
dapat butasin para mayroon silang kitain. Kung totoong may pagmamahal
sila sa bansa hindi dapat ganiito ang ugali nila, dapat may ginagawa pa
sila doon sa Batasan, may hinahain, pinag-aaralan, pinagdedebatehan at
pinagbobotohang batas. Pero ‘tangna (ulit) sino bang maniniwala na mahal
nila ang Pilipinas? Ako? Ikaw? Bolahin niyo lelong niyo.
May mga
hinahangaan din naman akong mga pulitiko sa bansa, na kakikitaan mo nang
pagpupirisigi at pagiging masigasig na kahit papaano’y makikita mong
ginagawa ang kaya nila kahit alam nilang maliit ang tsansa at kahit na
matigas ang ulo ng karamihan sa atin. Sayang si Raul Roco –siya ‘yung
dapat na presidente natin na hindi naging presidente. Si Bayani Fernando
pero tinalo siya ni Haring Binay, tsk ganun talaga. Si Duterte at si
Hagedorn na istrikto ang pamamahala. Okay din sana si Gordon, kaya
lang…Si Salceda ng Bicol na walang pinipiling panahon ang serbisyo.
Marami pa ‘yan suriin niyo na lang ‘yung iba. Saka pala si Governor
Vilma ng Batanggas napanood ko kasi sa sine ‘yung pelikula niyang “Anak”
– ang husay niya dun, napaiyak ako sa pelikulang ‘yun ng dalawang
beses. Ganun siya kagaling.
Mayo 2016. Mangangarap na naman tayo
na sana magkaroon ng isang messiah na mag-aahon sa bansa sa
kinasasadlakan niyang kahirapan. Pangarap na isang siglo ng pinapangarap
na hanggang ngayon ay pinapangarap pa rin.
Mamili na lang tayo: Binay o Roxas?
Ayos. Mabuhay ang Pilipinas.
Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Showing posts with label pulitika. Show all posts
Showing posts with label pulitika. Show all posts
Thursday, September 3, 2015
Thursday, August 13, 2015
Guni-guni
At ang lahat ay magyayabang na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula sa kawalan.
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'
kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang pangako.
Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman? Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka? Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila? Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi? Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil
sa pagkadismaya sa mundo,
sa sarili,
sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi. Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan? Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
Mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka,
sinadya mo man o hindi gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.
Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa. Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitiwan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa
o lupaypay sa tambak na problema
o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing kasama ang syota,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan. Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat.
Kahit ang pasasalamat.
Paano kung ang rapture ay sa isang linggo?
O bukas?
O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi? Mainit daw doon.
Ewan.
Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan... Madami.
Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa.
Pare-pareho ang katuwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko.
Ikaw rin.
At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao,
ng masama at mabuti,
ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal,
ng pagmamagaling at
ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina.
May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano'y) naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan. Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan,
ang prediksyong bulaan,
parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak,
ng takot.
Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.
At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax',
ng panggagago,
ng pang-uuto sa mga tao.
Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating.
Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan,
lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan,
lalo't may kasamang pangsuhol na bigas
o de-lata
o noodles
o tatlong daang piso
o rosaryo na may letrang B.
Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Ampatwan, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan. Ah, muntik ko nang malimutan ang VP na may maitim na balak. Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan. Marami pa sila.
Hindi na mabilang dahil nagkukubli
sa ganda ng ngiti,
sa mabuting salita,
sa talumpati,
sa pagkalinga,
sa huwad na surbey,
sa pagiging makatao,
sa pagiging maka-Diyos.
Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.
Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot.
Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari.
Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng satirical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan.
Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan,
ang mga pabebe,
ang magnae-nae
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong
sa alak,
sa droga rin,
sa kontrobersiya at
sa kababuyan.
Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos;
iiyakan,
ipaglalaban,
hahagilapin,
tutunguhin,
sasambahin.
Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto.
May dangal.
May karangalan.
Isa na lamang itong panaginip.
Isang guni-guni.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula sa kawalan.
Kung papaano naging makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'
kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang pangako.
Ano't lagi nating niyayabang ang ating yaman? Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang mayroon ka? Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging alkade ng Maynila? Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga ba ang hindi? Hindi mo kilala ang iyong sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng kamatayan,
dadausdos ang karera sa pulitika,
nabigo sa pangarap ng kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil
sa pagkadismaya sa mundo,
sa sarili,
sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat na pagsisisi. Nasubukan na ba nating mamuhay ng may kapayapaan? Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit ang mundo. Salbahe ang tao.
Mabibigo ka kung kailan ka pursigido,
dadalaw ang trahedya sa panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak ka,
sinadya mo man o hindi gagaguhin ka kung kailan nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo gustong magpakabait.
Nakalimutan na ng tao ang respeto.
Lahat na nga ay walang paggalang sa kapwa. Ang 'putangina' ang humalili sa 'po' at 'opo' bibitiwan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa
o lupaypay sa tambak na problema
o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba (kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing kasama ang syota,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya, hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan. Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat.
Kahit ang pasasalamat.
Paano kung ang rapture ay sa isang linggo?
O bukas?
O mamaya?
Paano tayo haharap sa Lumikha?
Kung right minus wrong ang batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi? Mainit daw doon.
Ewan.
Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang aking mga kasalanan... Madami.
Hindi na ako nagulat.
Tama ba na isipin nating higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa.
Pare-pareho ang katuwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko.
Ikaw rin.
At sa iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao,
ng masama at mabuti,
ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal,
ng pagmamagaling at
ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina.
May mga propeta na magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero (umano'y) naniniwala.
Na walang alam ngunit nagdudunong-dunongan. Ikakalat ang kabobohan sa madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa pang kabobohan,
ang prediksyong bulaan,
parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak,
ng takot.
Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang katangahan.
At nabuhay ang alamat ng mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax',
ng panggagago,
ng pang-uuto sa mga tao.
Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan ng rating.
Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan,
lalo na ang boladas ng mga nanunungkulan,
lalo't may kasamang pangsuhol na bigas
o de-lata
o noodles
o tatlong daang piso
o rosaryo na may letrang B.
Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Ampatwan, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't ibang lalawigan. Ah, muntik ko nang malimutan ang VP na may maitim na balak. Marami pa sila. Na hindi naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa kanilang yaya ay may katungkulan. Marami pa sila.
Hindi na mabilang dahil nagkukubli
sa ganda ng ngiti,
sa mabuting salita,
sa talumpati,
sa pagkalinga,
sa huwad na surbey,
sa pagiging makatao,
sa pagiging maka-Diyos.
Tayo'y paurong. Hindi pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi paabante.
Tayo'y palubog. Hindi paahon.
Parang ang lahat ng nagaganap ay guni-guni o bangungot.
Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan, bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari.
Ngayon na ang panahon na ang isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip na ipunin,
interesado sa bugbugan ng palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip na libro o kwaderno.
Binobobo ng satirical na balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan.
Dose oras sa harap ng kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan,
ang mga pabebe,
ang magnae-nae
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong
sa alak,
sa droga rin,
sa kontrobersiya at
sa kababuyan.
Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo, ituturing na parang diyos;
iiyakan,
ipaglalaban,
hahagilapin,
tutunguhin,
sasambahin.
Lipas na nga ang panahong ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto.
May dangal.
May karangalan.
Isa na lamang itong panaginip.
Isang guni-guni.
Thursday, June 19, 2014
Immigrant na si Elena
Immigrant na si Elena
Hindi ko na naisalang-alang
ang napakahabang labing-anim na taon na karanasan at hindi ko na rin nabigyang
halaga ang isang pagkakaibigan dahil ang nais ko lang ngayon ay ang makaalis sa
'bansang' ito. Datapwa't walang rehas akong
nakikita dinaig naman nito ang mga presong tinanggalan ng karapatang makalaya. Hindi nga nakaposas ang
aking mga kamay at paa pero tila nawalan naman ako ng kakayahang igalaw ang mga
ito ayon sa gusto ko. Wala ring busal na nakapasak
sa aking bibig ngunit ano bang silbi ng aking sasabihin kung walang sinuman ang
nais makarinig nito? Ang mga mata ko nga'y walang
piring subalit kailangan kong magbulag-bulagan sa lahat ng kamaliang aking
namamalas.
Hindi ko man mabago ang
sistema na aking nakagisnan may pagkakataon pa akong baguhin ang aking sarili
at kinabukasan.
Kailangan ko nang umalis
hindi dahil sa hindi naibigay ang aking mga gusto at pribilehiyo, kailangan ko
nang magpaalam hindi dahil namamayani ang panibugho sa aking puso.
Kailangan kong lumisan dahil
hindi ko na kayang sikmurain ang masakit sa matang kaliwa't kanang
kabalastugan, korapsyon, power tripping, palakasan, takipan, pagmamalabis,
pang-aabuso, pagbibida, pulitika, kayabangan at pagpapanggap na namamayani
rito. Ang bawat oras na pananatili ko sa lugar na ito ay parang katumbas ng
isang araw sa purgatoryo. Tila ba ngayon pa lamang ay pinarurusahan na ako ng
langit sa mga kasalanang nagawa ko sa lupa.
Subalit buo na ang aking
pasya dapat na nga akong magpaalam. At kalakip ng pamamaalam na ito ang
paglibing ko sa lahat ng mga daing at hinaing na nanatili sa aking puso sa
mahabang panahon. Oo, may bahagyang pagkadismaya at selos na nanahan sa akin
ngunit ang pagkadismaya at selos na ito ay hinubog ng patuloy na pagwawalang
bahala sa aking kakayahan ngunit ang mga ito ay unti-unti ko nang ikinakahon.
Isa akong neglected sa lugar
na aking kinagisnan. Isa akong taken for granted sa lugar na aking
pinahalagahan.
Kasabay rin ng pamamaalam na
ito ay ang lubos na pasasalamat sa iilang kaibigang naging tapat at nagbigay ng
walang pagkukunwaring mga ngiti. Ang labing-anim na taong karanasan ko sa
'bansang' ito ay aking babaunin at magiging sandata at pananggalang sa
kakaharaping mga pagsubok at suliranin samantalang ang masasayang alaala nama'y
gagawin kong pamatid-lungkot sa oras na ako'y dalawin ng pagkainip at
kapighatian.
Ang paglisan kong ito'y
mahahalintulad sa paglipat ng isang higaan sa malambot at komportableng kutson
patungo sa banig na may kalumaan na nakalatag sa matigas na sahig o paglipat ng
isang pasahero sa maalinsangan at kakarag-karag na karitela mula sa malamig
ngunit napakasikip na sasakyan.
Maaring hindi ito madali
ngunit hindi naman kailangang maging madali upang maging masaya, maaring hindi
ito praktikal ngunit kailan pa ba naging batayan ng kaligayahan ang
praktikalidad?
Akala ko noon okay na ako at
walang problema, akala ko dati'y masaya na ako at hindi na maghahanap ng bagong
tahanan ngunit gaya ng gamu-gamong namatay dahil naharuyo sa liwanag na galing
sa apoy ng gasera, mali ang lahat ng aking sinapantaha. Mayroon pa palang ibang
tahanang handang tumanggap sa aking kaalaman, kahinaan at kababawan. May
kakaiba palang kasiyahang hatid ang pagiging payak at simple. May kapayapaan
pala sa likod ng mapangahas na pagpapasya kong ito.
Sa halos kalahati ng kabuuan
ng aking buhay huli na ng natuklasan kong tama pala ang kasabihang 'hindi
lang pera ang nagpapaligaya sa tao'. Aanhin mo nga ba ang pera kung
walang kapayapaan ang iyong puso at walang katiwasayan sa iyong isip? Ngunit
batid kong may pag-asa pang nalalabi. Alam kong sa bawat pagtatapos ng istorya
ay may bagong kasaysayang muling maisusulat, ang bawat pamamaalam ay may
katumbas na bagong panimula at ang lahat ng tampo at hinagpis na lumukob sa
akin ay mapapalitan ng ligaya at kakuntentuhan.
Mahirap palang masanay sa
maling sistema at nakagawian dahil sa katagalan ay magsasawa ka sa
pagpapanggap, maiirita ka sa paulit-ulit na pangako, makokonsensya sa
nasasaksihang pulitika at korapsyon, makararamdam ka ng galit sa palihim na panggagamit
at magrerebelde ang iyong katinuan dahil sa pagnanakaw ng iyong mga pribilehiyo
at karapatan.
Sa isang iglap mag-iiba na
ang aking kapaligiran dahil sa kakaharapin kong bagong kultura at bagong
sistema ngunit hindi ko ito iindahin kahit 'libong milya' man ang aking
tunguhin. Batid kong magbabago na ang aking makakasalamuha, maninibago sa
bagong mundong gagalawan, makikibagay at makikisama sa mga estranghero at 'ibang lahi' ngunit alam kong ito'y aking kakayanin.
Kailangang kayanin hindi
dahil sa pera o ambisyon kundi para sa matagal nang pinapangarap na kapayapaan ng puso at isip.
Alam ko na ang desisyon kong
ito ay ang magsisilbing aking pasaporte patungo sa isang paglalakbay na
naghahanap ng tunay na katiwasayan, ang magiging susing magbubukas at magsasara
sa pintuan ng nagpapagal kong katawan, ang magsisilbing damit na magsasaplot sa
hinubad kong pagpapanggap at ang magiging lapis na guguhit ng aking magandang
kinabukasan.
Ako si Elena at isa na akong
'immigrant'.
Labels:
career change,
employee,
immigrant,
metapora,
pulitika,
resignation,
sentiments
Monday, February 10, 2014
Pagwangis
"Mukhang ang saya-saya niyo ser ah!" paglilibang na sabi ng taxi
driver*1 sa pasaherong kanyang
naisakay sa NAIA Terminal 1*2. Si
Philip*3 ang kanyang tinutukoy,
isang OFW mula Qatar na pagkalipas ng halos labingdalawang taon*4 ay ngayon lang muling
makakabalik sa bansang kanyang kinalakhan.
Si Philip na isang
balikbayan o bagong bayani kung tagurian ng ating pamahalaan; bagong bayaning
nagsasakripisyo para sa pamilya at nagpapalakas ng ekonomiya ng bansa ngunit
saan man mapadako ay 'di magawang maprotektahan at mabigyan ng tulong kung
siya'y nangangailangan.
Pasado alas dose na ng
hatinggabi*5 nang lumapag ang eroplanong kanyang sinasakyan mula
Qatar. Bitbit ang malalaking bagahe laman ang iba't ibang pasalubong sa
pamilya; gadget, cellphone, damit, chocolates at lahat ng perang kanyang inipon
at kinita sa loob ng labingdalawang taon. Sabik na sabik ang balikbayan, hindi
ito maikakaila sa taglay niyang ngiti sa kanyang labi na kita rin sa kanyang
mga mata. Kaya ganun na lamang ang pagbati sa kanya ng driver ng taxi na
kanyang sinasakyan.
"Opo. Masaya talaga ako kasi pagkatapos ng labingdalawang taon
ngayon ko lang muli makikita ang pamilya ko, galing po kasi akong Qatar OFW po
ako dun." sagot ni Philip sa driver.
"Ah, ganun ba? Naku eh di tiyak nang matutuwa din sila niyan! Sa
tagal mong nawalay sa pamilya kung ano ang pagkasabik mo sa kanila sigurado
akong ganun din ang pagkasabik nila sa'yo. Ganyan din ang naramdaman ko noong
nagtrabaho ako bilang machine operator sa Saudi kahit higit lang isang taon*6 ako doon. Bumalik na agad ako sa 'Pinas kasi hindi ko kaya ang lungkot
dun. Kaya heto ako matagal-tagal na ring nagtitiyaga bilang isang taxi
driver."
kumpisal ng driver sa pasahero.
"Sinabi niyo pa ho, talaga pong nakakalungkot kung hindi nga lang
sa kinabukasan ng lima kong anak hindi ako magtitiyaga bilang cook doon. Kahit
may diskriminasyon sa mga katulad natin hindi ko na inintindi at pinatulan.
Saka iba ho talaga kasi ang salary sa ibang bansa hindi tulad dito sa atin na
kahit anong pagsisipag at pagtitiyaga mo sa trabaho parang wala ka namang
mahihita." walang bakas sa mukha ni Philip ang pagkaantok at pagkahapo kahit halos
isang araw na siyang bumibiyahe, natatalo ng kanyang pananabik ang magkahalong
pagod at antok niya.
Patuloy itong nagkwento. "Mabuti na nga lang medyo malaki na ang
naipon ko siguro hindi na ako babalik doon magtatayo na lang kami ng misis ko
ng karinderya o maliit na restaurant tutal 'yun naman ang trabaho at experience
ko. Kahit hindi ganun kalaki ang kita at least wala akong amo, mairaraos naman
siguro namin ang aming araw-araw. Malaking bagay din na mabait ang asawa ko,
napakasimple niyang babae at hindi maluho napagkakasya niya ang buwan-buwan
kong pinapadalang pera at the same time nakakaipon pa rin ako."
"Magandang plano iyan kung meron ka rin lang ipon mas okay na
magnegosyo ka na lang dito sa atin. Sa labingdalawang taon mong pagkawalay sa
pamilya mo tiyak kong malalaki na ang mga anak mo. Hindi mo na maibabalik 'yung
mga panahong nag-uumpisa pa lang silang maglakad o magsalita at ang unti-unti
nilang pagiging makulit. Sabi nga sa ingles, priceless 'yun! Pero di bale hindi
pa naman huli ang lahat may mga masasayang araw pang darating na kasama ka ng
iyong pamilya." tila pagsang-ayon ng driver sa tinuran ng balikbayan.
Kahit nakatira sila sa
Meycauayan kung saan sila nakakuha ng lote at bahay, sa Fairview nagpahatid ang
balikbayan dahil tiyak niyang naroroon ang kanyang pamilya. Tuwing weekend kasi
hindi ito pumapalya na dumalaw at bumisita sa kanyang mga magulang na may sakit
at may edad na, bilin niya ito bago pa man siya makalipad papuntang abroad. Isa
rin ito sa mga dahilan kung bakit napagpasyahan niyang mangibang bansa kahit
nagtatrabaho siya bilang waiter sa isang chinese restaurant.
Lumalaki ang kanyang pamilya
kailangan nang mag-aral ng kanyang mga anak sa private school at ang kanyang
mga magulang naman ay kailangan ng maintenance medicine. Wala nang ibang
maasahan. Dalawa silang magkapatid pero ang kanyang kuya*7 ay matagal nang nawawala
sabi ng mga kapitbahay sinalvage daw ng mga pulis dahil sa atraso sa droga pero
walang sinumang makapagpatunay nito. Ayaw ni Philip na maghirap at maghikahos
ang pamilya kaya labag man sa kanyang kalooban napilitan siyang maging OFW.
Pagkatapos ng maraming
gabing hindi siya makatulog sa pag-aalala.
Pagkalipas ang maraming
tanghalian at hapunang wala ang kanyang pamilya.
Makaraan ang ilang libong
araw ng pagtitiis heto na si Philip kasama ang pag-asa at katuparan ng kanilang
mga pangarap sa buhay.
Hindi na siya nagpasundo.
Minabuti niyang sorpresahin ang kanyang mag-iina dahil iba ang hatid na
kasiyahan nito para sa asawang si Yna at kahit nga noong magnobya pa lang sila
ilang surpresa ang kanyang ginawa dito.
Patuloy sa kwentuhan ng
kanilang nakaraan at karanasan ang dalawa hanggang makarating sa kahabaan ng
Commonwealth Ave*8. Higit sa dalawang daang metro bago dumating sa
Ever Gotesco mall ay huminto ang taksing kinasasakyan ni Philip mabuti na
lamang at ito'y nasa gilid na bahagi ng kalsada. Makailang beses ini-start ng
driver ang sasakyan. Bahagyang nagrebolusyon lang ngunit 'di nagtuloy sa
pag-ikot ang makina nito.
"Ser, pumalya po yata ang baterya ko. Pwede bang pakitulak sandali
hanggang sa magstart lang itong taxi." pakiusap ng driver sa kanyang pasahero.
Hindi nag-atubili ang
balikbayan. Agad itong tumalima, bumaba ng sasakyan upang itulak ang sasakyang
tumirik sa kalsada. Siguro'y sa kasabikan at kagustuhan na makauwi sa bahay
hindi siya nagdalawang-isip na gawin ito. "Sige
po, iwan ko lang itong bag ko para maitulak ko nang maayos." aniya pa.
Buo ang tiwalang bumaba si
Philip. Muling hinabilin sa driver ang kanyang bag bago inilapag sa likurang
bahagi ng upuan, inilapat ang pintuan.
Nang biglang humarurot ang
taxing inakala ni Philip na tumirik.
"Vrooom!"
Hindi pa nakakapwesto sa
likurang bahagi ng sasakyan ang bagong bayani'y kumaripas na ito ng takbo.
Mabilis itong nawala sa kanyang paningin. Sa kasamaang palad hindi niya man
lang nakuha ang pangalan ng taxi at ang plate number nito.
Kung gaano niya katagal
pinaghirapan ang kanyang naipon ganun kabilis naman ito nawala. Sa napakahabang
kalsada ng Commonwealth Avenue nilamon ng dilim at tuluyang naglaho ang
sasakyang naglalaman ng lahat ng kanyang bagahe, kagamitan, pasalubong at mga
inipong pera. Kasabay sa paglaho at pagkaripas ng taxi ay ang pagkawala ng
kanyang pananabik na makita ang pamilya at ang labis na kaligayahang kanyang
nadarama.
Sa isang iglap ang kanyang
pangarap ay ninakaw ng mapagsamantala.
Ang lahat ng masasayang
emosyong kanyang nadarama kanina ay kagyat na napalitan ng magkakahalong luha,
galit, pagkadismaya at kawalan ng pag-asa.
* * *
Legend:
1.
Kawangis ng mga lider na namumuno sa ating bansa. Lider na mahusay mangusap, lider
na dapat ay mahatid tayo sa destinasyong nais natin (ngunit iba ang kanyang
mithiin), lider na lubos nating inaasahan at pinagkakatiwalaan. Ngunit sa halip
na tumbasan ng matinong pamamalakad ang tiwalang iginawad at pagsusumikap ng
lahat ng mga 'Philip' ay magagawa nitong nakawin ng walang awa ang kanilang mga
pinagpaguran para sa kanilang sariling kasiyahan.
2.
Lugar na sumasalamin sa ating bansa kung saan matagal na siyang dapat
sumailalim sa rehabilitasyon at pagbabago ngunit dahil sa labis na korapsyon ay
hindi ito magawa at maisakatuparan.
3.
Isang balikbayang kawangis ng maraming pilipino. Pilipinong nagsusumikap para
sa kinabukasan ng pamilya na handang magtiis, magtiyaga, maghirap, magtiwala at
magsakripisyo para sa katuparan ng kanyang mga pangarap sa buhay. Mga Philip na
nananatiling nakasalalay ang mga pangarap sa umaandap na pag-asa.
4.
Bilang ng taon ng pagsisikap at pagtatrabaho ni Philip na sumisimbolo sa higit
isandaang taong paghihintay at pagtiis ng mga pilipino na makatakas sa pagdarahop
at paghihirap ng marami sa atin na sa kabila ng haba ng panahong lumipas ay
tila walang naging pagbabagong naganap.
5.
Kawangis ng kinalalagyan ng ekonomiya ng bansa, kalagitnaan ng gabi.
6.
Napakaikling panahong pagsisikap ng mga lider na magpakatino sa tungkulin
ngunit dahil sa talamak na katiwalian na kanyang nakikita kalaunan ay nilamon
na rin siya ng sistema.
7.
Sumisimbolo sa mga pilipinong napariwara ang buhay, kumapit sa patalim, naging
masalimuot ang buhay at walang tiyak na kinabukasan.
8.
Tiinaguriang isa sa pinakamapanganib na kalsada sa buong mundo, kawangis ng
Pilipinas hindi madaling mabuhay rito.
Labels:
balikbayan,
naia terminal 1,
ofw story,
pilipinas,
pulitika,
pulitiko,
taxi driver
Subscribe to:
Posts (Atom)