Showing posts with label old age. Show all posts
Showing posts with label old age. Show all posts

Wednesday, June 18, 2014

Sa Pagbukas ng Pinto



Lima ang naging anak nina Aling Vilma at Mang Bernard. At ang lima na ito ang makukulit na mga paslit na nakaantabay, naghihintay at nagmamadaling buksan ang pinto ng kanilang bahay sa tuwing ang mag-asawa’y kumakatok. Silang lima na sasalubong sa kanilang pagdating mula sa maghapong pagpapakapagod sa opisina, sa pagbukas ng pinto.


Ang lima'y sina Joel, Rene, Ram, Remnard at ang bunsong si Romeo. Tatlo lang sanang anak ang plano ng mag-asawa ngunit dahil sa kahahabol na magkaroon ng babaeng anak ay umabot ito ng lima. Ngunit kahit hindi natupad ang plano'y wala ni kaunting pagsisi ang mag-asawa dahil lumalaking mababait at masipag mag-aral ang kanilang mga anak. Talaga naman ganoon hindi lahat ng ating naisin ay makukuha natin, tanging nasambit ng haligi ng tahanan na si Mang Bernard.


Araw-araw pagkagaling mula sa opisina ng mag-asawa, nag-uunahan na ang lima sa pagbukas ng kanilang pinto. Kanya-kanya silang kwento at pagbibida sa magulang. Ang panganay na si Joel at ang sumunod sa kanyang si Rene, hindi pa man nakakapagpalit ng pambahay na damit ang mag-asawa'y atubili na sa pagkwento nang naging activities nila sa school. Habang ang nasa kinder na si Remnard at ang grade 1 na si Ram ay ibinibida ang mga star na nakamarka sa kani-kanilang mga braso. Samantalang ang bunsong si Romeo ay mangungulit at maghahanap ng pasalubong sa ina, tatlong taon pa lamang ito kaya hindi pa nag-aaral ngunit balak na rin ng mag-asawang papag-aralin ito sa susunod na school year.

- - -

Nasa grade six ang ikalawang anak na si Rene nang magkaroon ito ng malubhang karamdaman. Ilang buwang naratay sa ospital dahil sa lumulubhang sakit sa bato, sa buong panahong iyon ay hindi nakapasok sa opisina ang inang si Aling Vilma - ginugol ito sa pag-aaruga sa anak. At tanging ang ama ng pamilya na lang muna ang solong kumakayod para sa mga anak at sa gastusin para sa doktor, ospital at medisina ng may sakit na si Rene. Ilang buwan rin sa ganoong kalagayan si Rene. Kahit malaki-laki na ang ginagastos ng pamilya sa kanyang pagpapagamot ay tila walang senyales na bumubuti ang lagay nito. Hindi na natapos ni Rene ang elementarya at tuluyan na rin itong ginapi ng kanyang sakit. Nagluksa ang pamilya ngunit kailangang umikot ang mundo at magpatuloy sa buhay hindi man tayo ayon sa gusto nitong mangyari.

Naging apat na lang ang mga anak na sumasalubong na magbukas ng pinto para sa mga magulang nang lumisang tuluyan ang batang si Rene.

- - -

Nang nagkolehiyo na ang panganay na si Joel ay mas maraming oras ang inilalagi nito sa labas ng bahay kaysa sa oras na kasama ang pamilya. Pagkatapos ng kolehiyo nito'y agad itong nag-asawa. Biniyayaan ng tatlong apo (isang lalaki at dalawang babae) ang mag-asawang sina Aling Vilma at Mang Bernard na nagigisnan lamang nila tuwing araw ng pasko. Naging matagumpay na seaman ang anak  na si Joel, nagkaroon ng maganda at malaking bahay. Ngunit ito rin ang naging dahilan ng kanyang maagang pagkamatay sa loob pa mismo ng barkong pinagsisilbihan. Beinte-nuwebe anyos lang ito nang maaksidente at sinawing-palad. Ikalawang dagok sa ikalawang anak ang sumubok sa katatagan ng pamilya. Oo nga't walang sinuman ang dapat na masanay sa kalungkutan at pagluluksa ngunit kahit gaano pa kalupit at kapait ang inihahain sa atin ng buhay kailangan natin itong tanggapin at lunukin kahit puno tayo ng hinanakit at katanungan.

Naging tatlo na lang ang sumasalubong at nagbubukas ng pinto sa mag-asawa sa tuwing sila'y dumadating mula opisina.

- - -

Hindi nakatapos ng pag-aaral ang ikaapat na anak na si Remnard, isa sa dahilan ay ang pabago-bagong isip nito kung anong kurso ang nais niyang tapusin sa kolehiyo at ang ikalawang dahilan ay dahil maaga itong nakabuntis ng nobya. Hindi man gaanong  maganda ang naging hanapbuhay ni Remnard ay masaya naman ito sa piling ng kanyang asawang si Lena at dalawang anak (isang babae at isang lalaki). Naninirahan sila ngayon sa Angeles, Pampanga. Dahil sa medyo may kalayuan ang tinitirhang bahay sa Maynila ay napakadalang na lang kung ito'y bumisita sa mga magulang.

Simula nang bumukod si Remnard upang bumuo ng sarili niyang pamilya'y naiwan ang dalawang magkapatid na sina Ram at Romeo bilang tagabukas ng pinto ng kanilang magulang galing mula sa trabaho.

- - -

Bago pa sumapit ang edad ng maagang pagreretiro ng ilaw ng tahanang si Aling Vilma, nakatapos na ng kolehiyo ang ikatlong anak na si Ram na siya na ring tumayong bilang panganay ng pamilya. Nakapasa sa board exam at makalipas ang dalawang taon ay bumukod na rin at bumuo ng sariling pamilya sa Bulacan. Paminsan-minsan dumadalaw siya at ang pamilya nito sa kanyang ama at ina, kasama ang tatlong makukulit na apong katulad ng mga anak nina Aling Vilma at Mang Bernard ay pulos mga lalaki din. Kasabay nang paglagay sa tahimik ng ikatlong anak ay ang pagretiro ng kanilang ina sa paghahanapbuhay.

At sa pag-iwan ng anak na si Ram sa mga magulang ay tanging ang bunsong si Romeo na lang ang sumasalubong at nagbubukas ng pinto para sa amang si Mang Bernard na galing mula sa opisina. Habang si Aling Vilma ay hirap na maglakad at sa marami pang bagay.

- - -

Mahina na nga ang ina nilang si Aling Vilma. Si Mang Bernard naman ay malapit na ring magretiro, nakararamdam na rin ito ng madalas na paninikip ng dibdib dahil sa epekto ng paninigarilyo noong kanyang kabataan. 
Hindi naglaon ay nag-asawa na rin ang bunsong si Romeo at sa parehong taon ay tuluyan na ring nagretiro sa paghahanapbuhay ang amang si Mang Bernard. Nagpakalayo-layo ang bunsong anak na si Romeo kasama ang asawa at nag-iisang anak na babae. Maaring sabihing hindi naging maganda ang kapalaran ni Romeo sa Maynila kaya't nagdesisyon itong manirahan sa Batanggas na kinalakhan ng asawang si Cheche. Minsan sa loob ng dalawang taon o kapag napapasyal sa Maynila ay saka lamang nakadadalaw ang bunso at kanyang pamilya sa mga magulang na sina Aling Vilma at Mang Bernard.


Naiwan ang mag-asawa sa lumang bahay na tulad din nila’y puno ng kalungkutan.
Naghihintay sila na may kakatok sa kanilang pinto, bubuksan nila ito at aasang isa sa mga anak nila ay dadalawin at bibisitahin sila.
Makailang ulit na bubuksan, makailang ulit na isasara.
Kung ilang ulit silang umasa ‘yun din ang bilang ng kanilang pagkadismaya.
Ganunpaman, hindi sila nauubusan ng pag-asa kahit ilang ulit pa silang mabigo.


Kay bilis lumipas ng mga taon, kailan lang ay may limang batang nakaantabay sa pinto, nag-uunahan, naghaharutan, nagkukulitan.
Kung gaano katibay ang pinto noon, ngayon naman ay kasinghina na ito ng kanilang bayukos na katawan.
Kung gaano kaingay ang bahay nila noon, ngayon naman ay mas tahimik pa ito kaysa sa kanilang hinaing at nararamdaman.


Kasabay nang pagpapalit ng kulay ng kanilang buhok ay ang pagpapalit ng prayoridad ng kanilang mga anak.
Kasabay ng kanilang pagiging makakalimutin ay ang tila paglimot na rin ng kanilang mga anak sa higit nilang pangangailangan.
Kasabay nang panghihina ng kanilang katawan ay ang unti-unti ring pagtamlay ng mga anak sa kanila.
Kasabay nang paglabo ng kanilang paningin ay ang tila lumalabong pag-asa na makapiling ang mga anak ng mahaba-habang sandali.
Kasabay nang masidhi nilang pagnanais na dalasan ang pagbisita ng mga anak sa kanila ay ang tila paglayo ng mga ito sa kanila.

* * *

Ang dating mga makukulit na mga bata wari'y tuluyan na silang kinalimutan, ang dating mga bata na halos ayaw humiwalay sa kanilang tabi ay halos hindi na rin sila mabigyan ng importansya, pansin at pag-alala, na kung hindi pa sumasapit ang espesyal na araw ng pasko ay tila walang makakaalala, na higit sa buwanang kanilang padala ay mas kailangan ng magulang ang kanilang pagkalinga at presensya.


Ilang pasko na lang ba ang kanilang ilalagi pa?
Ilang pasko pa ba ang kanilang hihintayin pa?
“Sana araw-araw ay pasko na lang”, anila.


Sa paglipas ng panahon ay ang paglipas ng mga alaalang patuloy nilang binabalik-balikan. Alaalang bubuhay sa kanilang diwa na minsan sa kanilang buhay ay may limang mga makukulit na paslit na naghihintay, nag-uunahan at nagmamadaling buksan ang pinto ng kanilang bahay.


Alaalang minsan ay may limang anak na sumalubong sa kanilang pagdating mula sa maghapong pagpapakapagod sa opisina, sa pagbukas ng pinto.



Monday, February 14, 2011

Gerontophobia

Gerontophobia - The fear of getting old.

"Habang tinitingnan ko ang aking sarili sa salamin hindi ko maiwasang umiling. Habang nagkakaedad ang mundo unti-unting nakikita sa mukha ko ang aking edad. Tsk tsk. Hindi na talaga ito maiiwasan."

Hindi ako matapang na tao at katulad ng karamihan marami rin akong kinatatakutang mga bagay kabilang na ang pagkatakot sa pagkakasira ng pamilya, sa pagkakawala ng isang mahal sa buhay, sa kamatayan at marami pa. Kinatatakutan ko ang mga bagay na ito dahil marami pa kong gustong gawin, mga plano ~ sa buhay, sa pamilya, sa trabaho, sa mga anak, sa kinabukasan at dahil na rin sa mga kasalanang hindi ko pa naikukumpisal. Ngunit ang pinaka sa mga kinatatakutan kong ito ay ang gerontophobia o ang takot na tumanda o ang aking kalagayan sa pagtanda. Lumalaro sa isip ko ang aking kalagayan kung ako'y sumapit na sa old age.

Nakalulungkot pero lahat tayo'y papunta doon sa ayaw man natin o hindi. Kung ang pangkaraniwang edad ng isang tao ay 75 to 80 na taon medyo ilang dekada na lang pala ay papunta na ako doon. Sa pagsapit ng aking kaarawan ngayong araw ako'y tatlumpu't-walong taong gulang na ibig sabihin papunta na ako sa pangalawang bahagi ng aking buhay ~ ika nga.

Parang kailan lang na ako'y isang maharot, pasaway, makulit at malikot na estudyante ng Mataas na Paaralang Torres na walang inaalalang problema bukod sa bagsak na grado pero heto ako ngayon may Gerontophobia. Bagama't alam natin na lahat tayo'y tatanda pero mas nakararami ang may ganitong kalagayang nadarama. Ako pa naman na napakaemosyonal at maiksi ang pasensya sa halos lahat ng bagay, paano ko i-o-overcome ang fear ko na ito kung alam kong ito ay hindi maiiwasang mangyari?

Sa paglipas ng panahon at pagdagdag ng taon sa aking edad nakikita ko na ang aking inaalagaan ay magkakaroon ng sariling buhay, sariling mundo; sila'y parang mga inakay na unti-unting natutong lumipad sa kalawakan at handang sagupain ang lakas ng hangin sa taglay nilang bagwis. Na sa pag-usad pa ng ilang taon ay hindi mapipigilang maiwan ako ~ maiwan nang panahon, maiwan nang teknolohiya, lisanin ng enerhiya sa katawan, lumabo ang paningin, mabawasan ang pandinig, mawala ang tikas, mawala ang pagka-astig at higit sa lahat ang maiwan ng mga anak upang sila naman ang sasagupa sa digmaan ng buhay...

Aking namasdan isang matandang hirap sa paglakad
Utal na salita hindi maisaad ang ibig ilahad
Tungkod na hawak ay upod na at nanlillimahid
Salamin na makapal katulong sa pagmasid
Ilang dipa lang ang layo pero animo'y kilometro
Habol ang hininga pupunta lamang sa banyo

"Sa'n na nga ba aking panulat na pluma?"
Sakit na kalimot ay lumalala na
Nais nang kumain subalit 'tikom naman ang bibig
Hanggang nahulog kaning may sabaw sa sahig
Bitamina at gamot hindi na yata epektibo
Ubos na rin kahit ang naisubing sandaang piso

Isa nang pasaway wala na yatang pakinabang
Huwag naman sanang itapon sa ampunan
Kahit nangangatog kamay at mga tuhod
Pipilitin pa ring bumangon sa tulong ng tungkod
Buhok na abuhin, katawang walang tikas
Malayo sa noo'y... bawat sabihin ay batas

Sabado't Linggo mga inaasahang araw
Baka sakali mga apo't anak ay dumalaw
Lagi mang bigo ay patuloy pa rin sa pag-asa
Hanggang sakit na malala 'yun pa ang nauna
Sa wakas nakita rin ang mga inaasahan
Pero bakit dito pa sa banig nang karamdaman?

Hindi namalayan may luhang bumagsak
Bagama't walang tunog kay lakas ng lagapak
Malapit nang mapinid malamlam na mata
Isusunod na rin ang pagpantay ng paa
Patay na ang apoy, upos na ang kandila
Tapos na ang lahat, paalam gerontophobia...