Muli nating pagniningasin
ang gabing ito.
Muli nating sasamantalahin
ang pagkakataong tayo'y magkasama.
Ubusin natin ang oras na
tanging mga mata lang natin ang siyang nag-uusap, hahayaang ang ating mga labi
ang gagawa ng paraang sila'y magkalapit at 'di pipigilan ang ating mga katawan
ay magkasupong sa buong magdamag.
Pag-ibig ang lenggwaheng
ating naiintindihan at ito rin ang dahilan upang tayo'y hindi nagkaunawaan.
Pag-ibig ang nagtagpo sa
ating dalawa at ito rin ang siyang nagpahiwalay sa ating kapalaran.
Pag-ibig ang nagbigay
kahulugan sa ating buhay datapwat ito ngayon ang naglalagay sa atin sa
posibleng kapahamakan.
Mahal kita. Mahal mo ako.
Minahal kita. Minahal mo
ako.
Ngunit sadyang may mga bagay
na hindi natin kayang panghawakan.
Ginawa mo nang lahat ngunit
hindi pa rin sumapat.
Pinilit mong unawain ngunit
lalo lang gumulo ang sitwasyon.
Nagpakumbaba ngunit hindi pa
rin nagtagumpay.
Hindi ito mali noon subalit
ngayon, ito'y isang malaking kasalanan.
Gaya ng isang lulong at
sugapa sa droga, hindi nagpapapigil sa paggawa ng kamalian.
Hinihiram natin ang gabing
hindi naman sa atin. Ninanakaw natin ang sandaling nararapat na para sa iba.
Tila lahat ay ating kalaban,
tila lahat sa atin ay 'di sumasang-ayon.
Balakid ang oras, hadlang ang mga tao, katunggali ang mundo,
tutol sa'tin ang tadhana.
Higit pa sa sugal ang ating
ginagawa dahil buhay at dangal ang atin ngayong ipinauubaya. Ngunit hindi natin
ito alintana dahil mas nangingibabaw ang ating pagnanais na tigibin ang uhaw
nating pagmamahal. Wala tayong pakialam dahil mas ninanais nating umumit ng
kaligayahang panandali sa daigdig nating balot ng kalungkutan at pagsisisi.
Minsan tayo mismo ay hindi
na sumasang-ayon, minsan tayo mismo ay nagtatanong, ngunit madalas pinababayaan
lang nating tayo'y magpatianod sa agos ng kapangahasang ito.
Masarap nga siguro ang bawal
dahil sa tuwing ating ito'y nilalasap hindi tayo nag-aalala sa panganib na sa
atin'y haharap. Ngayon, nauunawaan na natin kung bakit marami ang nalulubog sa
kasalanan, kung bakit marami ang hindi makatanggi sa pagkakamali at kung bakit
hindi sila nararapat na husgahan.
Batid ko noon, ako'y
nakatakda para sa iyo at ikaw ay itinakdang makasama ko.
At katulad ng pangako ng
kapayapaan, isa lamang itong kasinungalingan.
Marami ang nangyaring hindi
natin ginusto ngunit ginawa pa rin natin.
Maraming sandali ang ating
sinayang ngunit hindi natin ito pinanghinayangan.
Maraming pagkakataon ang
nagbukas ngunit hindi man lang tayo nagparaya.
Kaya tumungo ang lahat sa
ganito.
Gago ako nang mga sandaling
hinayaan kitang umiyak.
Bobo ako nang mga sandaling
pinabayaan kitang lumisan.
Tanga ako nang mga sandaling
hinayaan kitang masaktan.
Naging manhid ako sa lahat
ng iyong pakiusap at paghihirap.
Ngunit pagkatapos nang lahat
ng ito...nandito ka.
Pinagsasaluhan natin ang
isang bawal na kailanman'y hindi naman nararapat, kailanman'y tila walang
katumbas na kapatawaran.
Lipas na ang aking 'patawad'
dahil sinasang-ayunan mo ang isang kamalian.
Lampas pa ito sa pag-ibig
dahil umabot na ito sa pagiging makasarili.
Lunas sa pagsisisi ang
sapantaha natin sa ganitong uri ng kapangahasan.
Ngunit,
Alam pa ba natin ang mali?
Batid pa ba natin ang tama?
Tila pareho na lang ito sa
paningin ng tulad nating patuloy na binubulag ng bawal na pagmamahal. Wala na
itong pagkakaiba sa tulad nating patuloy na minamanhid ng labis na pag-iibigan.
Habang pinagniningas natin
ang ating gabi.
Habang sinasamantala natin
ang pagkakataong tayo'y magkasama.
Habang inuubos natin ang mga
oras na mga mata natin'y nag-uusap.
Habang abala ang ating mga labing 'di
tumitigil na maglapit.
Habang 'di nagsasawa ang ating mga katawang
magkasupong sa kabuuan ng magdamag.
May mga buhay na winawasak dahil sa ninanakaw
na sandali.
May mga pusong umiiyak dahil sa pag-ibig na
pinagtataksilan.
Paulit-ulit.
Walang pagkasawa.
Walang pagsisisi.
Paulit-ulit.
Walang pagtigil.
Walang paglubay sa pagsuway sa sagradong ika-sampung
utos.
Matagal ko nang napapansin na karamihan ng post mo sa FB ay tungkol sa cheating. I can't help but think na you experienced this na, and in a very bad way. Is this post fiction or not? Anyway, solid pa rin ang pagsusulat mo Kuya Ramil. :)
ReplyDeleteAy hindi naman, ang dami lang kasing pwedeng maisulat tungkol sa pagtataksil parang unli ang ideas. Napanood ko kasi last week yung movie na 'iisa pa lamang' ni dawn at richard, tungkol 'yun sa cheating husband more or less 'yan ang mga nasa isip nila, siguro.
DeleteIt's a fiction pero we're sure nangyayari ito in real life.
'Wag ka na gaano mag-isip hindi ito nangyari sa akin. Hehe.
Thanks geosef hanggang sa muling pagtataksil! Haha
Ah buti naman at wala kang ganong experience. Lusog talaga ng utak mo. *nyahaha*
DeleteHusay talaga...parang nangilid ang luha ko habang nagbabasa. Tila nakikita ko sa harapan ako ang lahat. Kumirot ang puso ko doon ah. :D
ReplyDeleteSiguro may naiisip kang tao na nakakarelate dito. Haha.
DeleteSalamat sa dalaw ms jemaima itigil ang pagluha muling damputin ang pluma at sumulat ng kumnwari'y makata.
Kidding aside, ang mga taong involve sa pagtataksil walang pakialam sa tama o mali basta mapunan lang ang tinatawag nilang 'pag-ibig' kahit makasakit sila ng iba, patuloy pa rin sila.
P.S. Magiging defensive ako ulit, hindi ko story yan. :) haha
hahahaha. Defensive nga. :P
DeleteKailangan lang baka mabatukan eh. :-)
DeleteNaghigpit ang kalamnan ko. Kating-kati akong magyosi pagkatapos nito upang pigilin lamang ang pagtakas ng mga luha. Bago ako tumayo, isang malaking P****I** po, Sir. Pwede mo akong pektusan pag nagkita tayo, pero sa ngayo'y hayaan niyo lamang ako ----
ReplyDeleteMay pinagdadaanan eh.
Ilang beses ko bang sasabihin na sakit at pagdurusa ang naguugnay sa karamihan? Mas malalalim ito sa mga panahong puno ng kasiyahan, dahil ang kalungkutan ay mga butong tatanim at iinid sa puso ng isa, tutubo at aabot sa utak ng iba.
Kinakanti ako ng post mong ito, nakanang p*ta.
Pasensya sa umuulang mura. Kelangan ko pa bang sabihin na masyado kang mahusay tumapik ng mga damdaming pilit ikinukubli sa araw? Alam mo na siguro iyon, Sir.
oks lang magmura, alam ko naman hindi 'yan patungkol mismo sa akin.
Deletepansin kong marami ang may pinagdadaanan ngayon, sana hindi umaayuda sa kalungkutan ang post na ito. may mensahe pa sa likod ng sanaysay na magmumulat sa nakakarelate sa paksang ito.
may utang ka sa aking isang pektus, ms essay. haha. biro lang.
salamat sa dalaw :)
sabi nila walang mali sa Pag-ibig... nagiging mali lamang to pag may nasasaktan ka, may inaagawan at may winawasak. Ika sampung utos, nasusuway to gamit ang isip lamang, o ang salita ngunit ang mabigat ang pagsasanid ng isip at gawa. Galing mong humabi Sir Ramil.. wala ka pa ring kupas.
ReplyDeletepara sa akin may mali sa pag-ibig, lalo na 'pag ito ang ginagawang dahilan para makapangloko at makapag-take advantage ng kapwa.
Deletepara sa akin may mali sa pag-ibig, ayaw lang nating aminin.
siguro dahil ang salitang pag-ibig kahit di sya isang bagay, kung makabulag wagas.
ReplyDelete