Tuesday, March 4, 2014

Hangganan (Para sa Mga Kaibigang Lilisan)



May mga taong darating na mag-iiwan ng alaala.
Parang pilat na mag-iiwan ng bakas.
May biglang aalis at hindi na makukuhang magpaalam.
May magtatagal, ngunit lilisanin ka pa rin.

Kahit anong pakiusap.


Mga taong dadaan sa 'ting buhay, minsan may layunin maaari ring wala.
Kadalasan may dahilan kung bakit sila naging bahagi ng iyong nakaraan, may dahilan din ang kanilang paglisan pero hindi mo naman talaga alam kung ano, mapipilitang tanggapin na lang.
Ngunit kahit anong gawin maapektuhan ka pa rin.

Kahit magpakatatag.


Para maiwasang masaktan o magkasakitan, hindi na lang papansinin.
Pipilitin ang sarili na iwaksi ang nagbabantang hinagpis na may kalakip na tampo sa daigdig at walang katapusang tanong na ‘bakit’.
Minamanhid ang isip ngunit hindi ang damdamin.

Kahit magbalatkayo.


Kung gaano kalalim ang samahang namagitan at nagbuklod sa sinuman, iyon din ang lalim na maghahatid sa pagkalunod ng pagkasabik at lungkot sa sandaling sumapit ang hiwalayan.

Masakit ang salitang 'Paalam' lalo't galing sa kapilas ng iyong katauhan, nagmula sa ikatlong bahagi ng kabuuan ng isang maghapon at magdamag.
Ngunit higit itong masakit kung patuloy na igagapos ang sarili sa alaala ng mapaglaro at pilyong nakaraan.

Kahit pasubalian.


Mag-iipon ng lakas saka titingin sa Langit.

Babasagin ang katahimikan saka uusal ng dalangin.

Bubuntong-hininga saka muling iiling.


Tatangkaing iwan lahat ng naipong alaala kasama ng gunitang nagpasayaw sa saliw ng palihim na mga ngisi at hagikgik.

Susubuking limutin ang tunog ng malulutong na mga halakhak na minsa'y naging musikang lumikha ng awit sa mga puso at labi.

Pipiliting lumakad nang mag-isa at wawaglitin ang lahat ng natutunang ritmo at indayog ng mga bulong at sikreto na sa mahabang panahon ay matagumpay na naikubli.

Lahat ng mga ito, di maglalaon ay patungo sa pagluluksa gaya ng pagkubli ng araw sa tuwing sasapit ang gabi, gaya ng pagkubkob ng dilim sa tuwing sisikat ang buwan.

Bahagya na lang ang malalabing liwanag.


Sa huling pagtatagpo ng mata...

Sa huling pagbanggit ng korning patawa…

Sa huling paglikha ng alaala...

May mga luhang papatak.

Kahit pa ikubli, kahit pa pigilan.


Bagama’t hindi sasapat ang salitang ‘salamat’ sa lahat ng masasayang sandaling pinagsaluhan, sa higit isang dekadang walang pagkukunwari, sa paggapi at pag-apula sa ningas ng pighati, ‘di pa rin maiiwasang mamutawi ang katagang ‘Salamat’.

Salamat dahil minsan tayo ay naging tunay na magkaibigan.


Paalam, ito na marahil ang hangganan.




No comments:

Post a Comment