Hindi ko nakahiligang
magsubaybay ng walang kamatayang teleserye, soap opera, telepantasya o
telenobela kadalasan cable channel ang palabas sa amin TV kaya't sulit talaga
ang bayad namin sa aming Cable provider. Sa local channel, iilan lang ang
paborito kong panoorin kabilang na dito ang mga current affairs program ng GMA
News TV, news program na SONA, 24 Oras, TV Patrol, Bandila, etc.
Mahalaga ang balita at
impormasyon sa ating lahat kaya dapat kahit hindi madalas ay nakikinig, nagbabasa,
nanonood at well informed tayo sa mga importanteng bagay na nangyayari sa
paligid natin. Kailangan natin ang impormasyong ito dahil posibleng maging
bahagi ito ng kasaysayan higit sa paborito ng lahat na teleserye.
Sa kabilang banda, hindi mo
rin naman masisisi ang mga pilipinong maging updated sa mga balita dahil mas
nakakastress pa ang hatid nito kesa sa trabaho sa opisina. Sa araw-araw na
panonood at pakikinig ko ng balita alam ko tila matagal-tagal pa bago muli
tayong makarinig at makatanggap ng isang napakagandang balita. Pagbungad pa
lang ng mga headlines asahan mo nang bad news ang sasalubong sa iyo; PDAF scam,
Malampaya Fund Scam, corrupt government officials, Janet Napoles, fuel price
hike, power rate hike, fare hike, kabi-kabilang protesta laban sa maling
sistema, mga pulitikong nagpapapogi sa bawat isyu, OFW na nakatakdang bitayin,
mga hindi nasosolve na petty crimes at iba pa.
Sa dinami-dami ng mga
nagaganap bawat oras sa Pilipinas tila walang nakakaligtas sa mata ng media;
mga malalaking balita o malalaking kaganapan. Madalas nga kahit hindi gaanong
importanteng isyu o news worthy ay binibigyan ng malaking espasyo at oras sa
primetime news. Minsan naman ay sobrang atensyon ang ibinibigay ng media sa
isang istorya o kaya naman very predictable ang ulat dahil sa isang okasyon o
event.
Hindi naman gaanong
mahalagang balita ay nagiging sensational dahil sa over attention at over
exposure ng media. Kabaligtaran naman ito kung ang isang importanteng balita ay
hindi nabibigyan ng puwang sa balitang programang nabalewala. Kung ang involve
sa balita ay galing sa kabilang network lalo't good news, ay hindi iuulat ng
kalabang network kahit news worthy ito. Minsan naman mapapansin mong may
malisya ang pagbabalita kung hindi kaanib ng network ang tungkol sa balita.
Nakakalungkot malaman o
minsan nakakadismaya na rin na ang news program na dapat ay walang pinapanigan
o walang kinikilingan maging Kapamilya, Kapuso o Kapatid network man 'yan ay
puno ng komersyalismo, pagkukunwari o pagtatakip.
Ano ba ang kredibilidad ng
isang news anchor na dapat ay walang pinapanigan sa pulitika kung siya ay asawa
ng may mataas na katungkulan sa pamahalaan? O dating kinatawan ng isang
distrito sa probinsya? O dating senador at bise-presidente ng republika?
Makapangyarihan ang media na
kung ano ang nais nitong ipahayag at ibalita ay marami ang makakapanood at
tagapakinig na naniniwala. Kung oobserbahan at aanalisahin mo ang mga
pinapalabas ng mga programang ito tiyak mapapansin mo ito.
Sa tuwing may laban si Manny
pansin mo ba ang OVER attention na binibigay ng media dito? Halos buong oras ng
programa ay nakatuon sa kung ano-anong bagay na may kinalaman sa kanya. Wala
namang masamang ibalita ang tagumpay ng ating pambansang kamao pero pwede bang
tanggalin o bawasan ang mga walang kakwenta-kwentang bagay na hindi na dapat
pang isinasapubliko? Gaya ng pagbabalita sa kung anong ulam ang ihahanda para
kay Manny o mga walang sustansyang tanong para sa kanyang mga anak o kay Mommy
Dionisia. In the first place, sino ba ang interesadong malaman kung ano ang
uulamin ni Manny?
Ang kasalang Prince William
at Kate Middleton ng bansang Inglatera ay isa pang over-exposed na balita.
Napakaraming media personality ang personal na nagtungo dito upang i-cover ang
naturang 'once in a lifetime event' at upang maihatid ang detalyadong ulat para
sa mga 'excited' na pilipino. Bawat detalye ng kasal, damit na isusuot, istorya
ng pag-iibigan ay ibinabahagi pa kesehodang libo-libong dolyar ang gastusin ng
media giant na ito. Sino nga ulit ang excited sa kasalang Prince William at
Kate Middleton?
Pati ang murang pag-iibigan
ng kung sino-sinong artistang kabataan na nais mabigyan ng exposure ng TV
giants ay magkakaroon ng espasyo sa primetime news, mapapailing ka na lang
dahil sa kabila ng pagiging kabataan ng mga ito ay exposed na sila sa ganoong
bagay. Tapos iko-condemned / uunawain sila ng mga fans kung maaga silang
makakabuntis o mabubuntis.
Tuwing panahon ng Semana
Santa, kapaskuhan, summer, undas, unang araw ng eskwela, bagong taon at
valentines day; asahan mo na na ang pag-istasyon ng media sa NLEX o SLEX, sa
sementeryo, sa bilihan ng bulaklak (Dangwa), pier, terminal ng bus, sa Bocaue,
sa isang resort o sa isang public school. Uubusin ang oras ng pagbabalita sa
mga bagay na hindi naman kabali-balita na akala mo'y isang malaking event ang
pagbili ng bulaklak o firecrackers, ang pagpunta ng tao sa sementeryo o
swimming pool o terminal, ang exaggerated na pagbabalita sa lagay ng trapiko.
Minsan, sa dami ng OBV at service vehicle ng malalaking network na
nakahambalang sila ang nagiging dahilan ng mabigat na daloy mg trapiko.
Sa tingin ko, mas marami
pang pwedeng iulat kaysa sa presyo ng bulaklak.
Ang mga atletang pinoy na
sumasabak sa iba't ibang bansa madalas ay nababalita lang kapag nag-uuwi ng medalya
at karangalan pero kapag hindi sila nagwagi hindi rin sila makakatikim ng
espayo sa news program, halimbawa na sina Wesley So, Efren Reyes, Django
Bustamante, at iba pa. Tila hiyang-hiyang tayo sa pagbabalita 'pag sila'y talo
pero once na manalo, atubili naman sa pagbanggit ng 'Proud to be Filipino'.
Big deal din sa atin ang mga
half-filipino finalist ng mga international talent search pero sana maibalita
rin naman 'yung mga OFW na may karaingan at mabigat na suliranin, 'pag malala
na ang problema saka pa lang natin mababalitaan na may nangangailangan pala ng
tulong hindi natin napansin agad kasi busy tayo sa ibang mabababaw na isyu.
Mabuti na lamang at natutukan ng media ang kahusayan ni Michael Christian
Martinez sa figure skating kung hindi'y matutulad din ito sa ibang atleta na
hindi nabigyan ng suporta ng mga kinauukulan.
Kung ano ang trending, 'yun
ang laman ng balita. Kung ano ang pag-uusapan, 'yun ang mabibigyan ng espasyo
ng news program. Ilang linggo na ring laman ng balita ang sensational na isyu
nina Vhong Navarro, Deniece Cornejo, Cedric Lee, et al. dahil 'yun ang interes
ng mga tao for the moment 'yun din ang ibinibigay din sa atin ng media. Pero
sana naman mabigyan din natin ng pansin ang malungkot na kalagayan ng mga
kababayan nating nabiktima ng bagyo doon sa Visayas. Wala na ba silang
problema? Ayos na ba sila? Sa tingin ko hindi pa.
Galing kay Sir Lourd De Veyra ang larawan |
Para lang may mapag-usapan
at siguro'y para sa dagdag na rating, isang reporter ng panggabing news program
ang nagbalita na mayroon daw misteryosong flesh-eating skin disease na
kumakalat sa lalawigan ng Pangasinan at ikinonek ito sa isang prediksyon o
hula. Nagdulot ito ng panic, kalituhan at pagkabalisa sa marami dahil 'yung
reporter kuntodo suot ng proteksyon sa katawan mula ulo hanggang paa sa pangambang
siya ay mahawa. Kahit hindi siya humingi ng opinyon sa mga dalubhasang doktor
inulat niyang FLESH-EATING SKIN DISEASE ito na walang kalunasan at walang
kapaliwanagan. Ang ending: HOAX ang balita.
Halos wala na nga tayong
magandang balita tapos mag-uulat ka pa ng balitang haka-haka lang. Ano ito
biruan, lang?
Malaki ang responsibilidad
ng media bawat iuulat nila ay tila sandigan ng katotohanan ng marami kaya dapat lang na hindi
basta-bastang ilalabas ang isang balitang walang basehan at kuro-kuro lamang ng
mga nagdudunong-dunongan.
Kung bakit ang mga maliit na
isyu ng lipunan ay nagiging malaki at ang malalaking balitang dapat na
nasusubaybayan ay halos hindi na nabibigyang pansin ng media. Hindi ko
sinasabing palpak sila pero dapat mas may kabuluhan naman sana ang naririnig
natin mula sa kanila. Okay lang na magbalita tungkol sa mga artista pero 'wag
naman sanang mawaglit ang isyu tungkol sa kalagayan ng mga biktima ng iba't
ibang sakuna o kumusta na ang lagay ng kaban ng bayan o ng mga kababayan nating
nahatulan ng kamatayan at ng iba pang balitang may saysay, may laman at higit
na mas mahalaga.
Kaya hindi na ko mahilig manood ng TV eh. Lalo na ang showbiz news, nakakasira lang ng araw.
ReplyDeleteGaya ng gobyerno, wala nang pag-asa ang media, sa totoo lang...