Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Thursday, March 6, 2014
Tanong
Dahil ang tao ay maraming katanungan.
Dahil maraming walang sagot sa maraming katanungan.
At dahil ang buhay ay isang malaking tanong.
Minsan ipinipikit natin ang ating mga mata hindi upang ipahinga ito o para itulog ang ating pagod nang katawan kundi para kalimutan panandali ang dinaranas na walang patid na suliranin at problema, ninanamnam ang pait at sakit na nadarama dulot ng biro ng tadhana.
Pigilan mo mang pumatak at dumaloy ang mga luha sa mugto mong mata ay hindi mo ito kayang labanan.
Sugatan ka na'y hindi ka pa rin lubayan ng walang humpay na dagok ng buhay.
Sugat na mas masakit pa sa punyal na itinarak sa iyong laman.
Pilitin mo mang iwaksi ang kalungkutan sa pamamagitan ng tawa, ngiti o anumang pagkukunwari hindi pa rin maitatago ang bigat na nadarama. Marami ng mga tanong ang naglalaro sa'yong ligaw na isipan, mga tanong na walang katapusan at walang tiyak na kasagutan. Naisin mo mang sumigaw o tumakas sa trahedya hindi mo na ito magawa para kang isang presong nakabilanggo at ang nanlilimahid na mga kamay ay may posas.
Ginawa mo na ang lahat ng naisip mong paraan pero lahat ng ito'y walang silbi. Walang gamit. Para itong tubig na nasa iyong palad na nakikita mo nga subalit hindi mahawakan.
Kahit na alam mong walang solusyon sa pagtingin sa kawalan ngunit ginagawa mo pa rin ito, anumang pakunswelo o pampalakas ng loob galing sa ilang kaibigan ay hindi pa rin maibsan ang nadarama.
Hindi na nga maibabalik pa ang panahon at oras, pero ano ba ang silbi nito kung maibalik mo man ito?
Saan na nga ba ako patungo?
Ano pa ba ang dapat kong gawin?
Kailan matatapos ang ganitong pasakit?
Bakit kailangan pa itong danasin?
Sadya bang ako'y makasalanan para anihin ko ang ganitong uri ng bunga?
Kabayaran ko ba ito sa mga nagawa kong pagkakamali?
Ang sinasabing liwanag sa kabila ng dilim ay hindi mo masilayan, ang sikat ng araw na iyong hinahanap ay hindi pa rin sumisilay, ang bahaghari pagkatapos ng ulan ay isa lamang bang kathang-isip?
Lahat ng iyong nakikita ay kadiliman, nakakasawa na, desperado na ang iyong isip sa paghanap at pagtugis ng solusyon. Naiisip mo na para kang isang taong dagliang nawalan ng hininga, walang buhay at walang pakinabang na hindi ikaw ang iniiyakan kundi ikaw ang tumatangis, naghihintay nang suwerte, biyaya, tulong, himala sa kung kanino.
Alam mong bahagi ng buhay ng tao ang masugatan, magkaroon ng suliranin, ang mabigo, makaranas ng kalungkutan, pero sino ba ang gustong masanay sa ganitong negatibong aspekto ng buhay?
Hindi ito maiiwasan ninuman para itong alon na humahampas sa bato ng dalampasigan.
Walang pusong-bato sa delubyo ng buhay.
Walang maton sa hamon ng tadhana.
Walang matipuno ang hindi napapagod.
Walang matalino sa komplikadong sitwasyon.
Walang bakal ang hindi matutunaw.
Walang matatag na hindi nagugupo.
Ilang beses ba tayo dapat na malunod para malaman nating tayo'y nananatili pa rin sa dagat?
Ilang beses ba tayo dapat na masugatan para malaman nating tayo'y hindi pa pala manhid?
Ilang beses ba tayo dapat na madapa para malaman nating tayo'y nasasaktan pa rin?
Ilang beses ba tayo dapat na mamulat sa ingay at gulo para malaman nating tayo'y wala palang katahimikan?
Ilang beses ba tayo dapat na bangungutin para malaman nating hindi pa pala tayo makagising?
Ilang beses ba tayo dapat mamatay para malaman ang kahalagahan at kahulugan ng buhay?
Ang mga dating nagdudulot sa'yo ng saya ngayon ay nag-aayuda sa dinaranas mong lungkot, ang musika na dati mong kaibigan ngayon ay gumagatong sa pagtulo ng iyong luha, ang alaala na noon ay nagpapangiti sa iyo, ngayon ay dumadagdag sa pagiging desperado mo.
Naisip mo na baka mas masayang mabuhay ng mag-isa kaysa mabuhay na may lungkot at trahedya kasama ang mahal mo sa buhay.
Naisip mo na ba mas mabuting habangbuhay nakapinid ang 'yong mga mata kaysa masaksihan ang bawat pagdurusa?
Naisip mo na ba mas mabuting wala kang pandinig para hindi mo maringgan ang nakakatulilig na mga daing at hinanakit?
Naisip mo na ba mas mabuting habang-buhay kang paslit para hindi mo naramdaman ang lupit ng tadhana?
Nasaan na ang inaasahan mong dadamay sa'yo sa ganitong kalagayan? Abala rin ba sila sa pakikipaglaban o gusto lang nila'y puro kasiyahan?
Nasaan na ang mga tapat mong kaibigan? Marami ba silang mahalagang gawain kaya ikaw ngayon ay hindi naalala?
Nasaan na ang dinamayan at natulungan mo noong sila'y nangailangan? Hindi pa ba sila handa para ikaw naman ang damayan?
Nasaan na ang noo'y palalo na mag-aabot ng kalinga sa ganitong sitwasyon? Huwag mo ng itanong sapagkat abala pa rin siya sa pagiging palalo...
Maging ang sarili mo'y hindi mo na pinagkakatiwalaan dahil ang iyong isip ay may ulap ng kalituhan, hindi mo na kayang ipagbukod ang tama sa kamalian. Ang tangi na lamang nalalabi na dapat pagkatiwalaan at asahan, bakit kung kailan lang tayo nagigipit saka lang natin Siya naaalala?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment