At ang lahat ay magyayabang
na kilala nila ang kanilang sarili.
Sa tuwi-tuwina, bibigkasin
ang angking talino at iwawagayway ang kakayahan sa mga bagay-bagay.
Kung papaano umunlad mula sa
pagdarahop.
Kung papaano umasenso mula
sa kawalan.
Kung papaano naging
makapangyarihan mula sa pagiging busabos.
Kung papaano binubusog ang
tiyan ng masasarap na pagkain.
At tulad ng dalaga sa
kanyang mangingibig paniniwalaan ang katagang 'mahal kita' at 'magpakailanman'
kahit paulit-ulit na lokohin,
kahit paulit-ulit sa pagsisinungaling,
kahit paulit-ulit ang
pangako.
Ano't lagi nating niyayabang
ang ating yaman?
Ang talino?
Ang karangalan?
Ilang milyong piso na ang
mayroon ka?
Summa cum laude ka ba?
Pangarap mo bang maging
alkade ng Maynila?
Pera, talino at kapangyarihan.
Kombinasyong patungo sa kapalaluan kung walang pagtitimpi, kung hindi
ikikimkim.
Hambog ka, hindi mo lang
alam o ayaw mo lang tanggapin.
Sinungaling ka, hindi mo
lang maamin.
Ipokrito ka, ngunit sino nga
ba ang hindi?
Hindi mo kilala ang iyong
sarili sa tuwing
may mabigat na suliranin,
may pamilyang nasa bingit ng
kamatayan,
dadausdos ang karera sa
pulitika,
nabigo sa pangarap ng
kanyang paslit,
babagsak ang multi-milyong
pisong negosyo,
kumalat ang sex video sa
internet,
mabibigo sa pag-ibig,
o kahit may motoristang
sumalubong sa one-way na kalsada.
May bubunot ng baril o
kikitil sa ngalan ng kahambugan o isusugal ang buhay dahil sa pagkadismaya sa
mundo, sa sarili, sa tadhana at doon sa nasa Itaas.
Magpapasya ng may kaakibat
na pagsisisi.
Nasubukan na ba nating mamuhay
ng may kapayapaan?
Ewan. Malamang hindi.
Wika ng pilosopong matanda; buhay
ay nilikha hindi para sa kapayapaan kundi para sa walang hanggang paghagilap sa
mailap na tagumpay kesehodang makasagasa ng iba.
Oo. Malupit ang buhay. Malupit
ang mundo. Salbahe ang tao.
mabibigo ka kung kailan ka
pursigido,
dadalaw ang trahedya sa
panahong ayaw mo,
aangat ka kung mang-aapak
ka, sinadya mo man o hindi
gagaguhin ka kung kailan
nais mong magpakatino,
masasaktan ka kung kailan mo
gustong magpakabait.
Nakalimutan na ng tao ang
respeto.
Lahat na nga ay walang
paggalang sa kapwa.
Ang 'putangina' ang humalili
sa 'po' at 'opo' bibitawan ito tulad ng paglura sa kalsada,
magtataksil sa taong ubod
mong mahal,
kukupit ng mula sa kaunti
patungo sa malaki,
pagtatawanan ang may
kapansanan,
kakamkamin ng ganid ang
lahat pati na ang langit,
sisiraan ang kaibigan para
sa kapirasong tawa,
pupurihin ang mga taong
umaaglahi.
Kalilimutan ang nasa Itaas.
Saka lamang Siya maaalala tuwing sadsad na ang nguso sa lupa o lupaypay sa
tambak na problema o nakikita na sa guni-guni ang anghel ng kamatayan.
Minsan. Minsan lang. Sasamba
(kunwari) naman sa bahay dalanginan
tuwing Pasko,
tuwing Bagong taon,
tuwing kaarawan,
tuwing Pasko ng pagkabuhay o
tuwing Miyerkules ng abo
para magpakuha ng litrato at ipaskil sa librong hindi naman libro.
Dadalangin ng biyaya,
hihingi ng kapatawaran o katuparan sa pangarap o magandang kalusugan.
Makalipas na mapagbigyan.
Wawaglitin ang lahat. Kahit
ang pasasalamat.
Paano kung ang rapture ay sa
isang linggo? O bukas? O mamaya?
Paano tayo haharap sa
Lumikha?
Kung right minus wrong ang
batayan patungo sa dambana ng kalangitan, papasa ka kaya?
Paano kung hindi?
Mainit daw doon.
Ewan. Bahala na.
Inisa-isa kong bilangin ang
aking mga kasalanan...
Madami. Hindi na ako
nagulat.
Tama ba na isipin nating
higit na marami ang mas makasalanan kaysa sa atin?
Kakatawa. Pare-pareho ang
katwiran ng mga taong makasalanan.
Tulad ko. Ikaw rin. At sa
iba pang babasa nito.
Aasang tutungo sa Langit
kahit ang ginagawa'y pulos kagaguhan.
Ah, siguro malapit na nga
ang katapusan.
May delubyo na sa lahat ng
dako ng daigidig.
mapaminsalang lindol,
nagngangalit na alon,
naghuhuramentadong bulkan,
bagyong kumikitil ng buhay
at kabuhayan,
digmaan ng tao sa tao, ng
masama at mabuti, ng relihiyon at paniniwala,
pagbaha ng literal, ng
pagmamagaling at ng kasakiman,
karamdamang walang lunas,
walang medisina.
May mga propeta na
magdedeklara ng katapusan, may lider ng relihiyon na walang takot na aariin ang
kaligtasan.
At may makukumbinsi.
Na tanga o takot lang.
Na kulang ang tiwala pero
(umano') naniniwala.
Na walang alam ngunit
nagdudunong-dunongan.
Ikakalat ang kabobohan sa
madla, magpapaskil sa librong hindi naman libro.
Pupulutin ng media ang isa
pang kabobohan, ang prediksyong bulaan, parang maligno na maghahasik ng lagim,
ng sindak, ng takot. Sa lahat.
Kahit ang demonyo'y kanyang
tatakutin, susubuking mag-ulat ng nakakasindak; suot ang costume nang parang sa
astronaut. Hindi niya batid na ang kanyang hinahasik ay ang mismong kanyang
katangahan.
At nabuhay ang alamat ng
mahusay na pulitiko sa pamamagitan ng 'hoax', ng panggagago, ng pang-uuto sa
mga tao. Hindi sinunod ang protocol sa kagustuhang maging trending, sa ngalan
ng rating. Kung pinaniwalaan ang isang kalokohan, lalo na ang boladas ng mga
nanunungkulan, lalo't may kasamang pangsuhol na bigas o de-lata o noodles o
tatlong daang piso. Makakakuha ng isang boto ang nagmamalasakit kuno.
'Wag mo nang pagtakhan kung
bakit patuloy ang pagwawagi ng kawangis nina Pogi, Sexy, Tanda, Komedyanteng
Plagiarist, Apo Makoy, Gloring, Binoy, Abnoy at iba pang panginoon ng iba't
ibang lalawigan.
Marami pa sila. Na hindi
naniniwala sa political dynasty ngunit magmula sa apo sa tuhod hanggang sa
kanilang yaya ay may katungkulan.
Marami pa sila. Hindi na
mabilang dahil nagkukubli sa ganda ng ngiti, sa mabuting salita, sa talumpati,
sa pagkalinga, sa huwad na surbey, sa pagiging makatao, sa pagiging maka-Diyos.
Tayo'y paurong. Hindi
pasulong.
Tayo'y paatras. Hindi
paabante.
Tayo'y palubog. Hindi
paahon.
Parang ang lahat ng
nagaganap ay guni-guni o bangungot. Guni-guning totoo ngunit ayaw paniwalaan,
bangungot na dati'y sa pagtulog lang nangyayari. Ngayon na ang panahon na ang
isang sandali'y mas pinapangarap ang mahimbing kaysa ang gumising.
Tayong nabuhay sa maling
henerasyon, sa maling pagkakataon.
Kabahagi ka o tayo ng
lipunang kumokonsumo ng magastos na teknolohiya sa halip na mag-ipon ng
kaalaman.
Uubos ng oras sa android sa
halip na sa pamilya,
uubos ng salapi sa alak sa
halip na pagkain,
isusugal ang barya sa halip
na ipunin,
interesado sa bugbugan ng
palikerong artista kaysa kasaysayan,
magbubukas ng porno sa halip
na libro o kwaderno.
Binobobo ng saritical na
balita, magkokomento at ibabalagbag ang kamangmangan. Dose oras sa harap ng
kwadradong monitor ngunit walang natutunan, walang nadagdag na kaalaman kundi
scandal,
tsimis sa idolo,
kalibugan
at kahalayan.
Tanungin mo kung ano nang
balita sa kababayan (bagong bayani raw) na hahatulan ng kamatayan sa gitnang
silangan, walang pakialam.
Ngunit saulado ang mga awiting pinasikat ng
amerikanong teenager na lunod sa kasikatan ngunit lulong sa alak, sa droga din,
sa kontrobersiya at sa kababuyan. Dadakilain at sasambahin ang (mga) idolo,
ituturing na parang diyos; iiyakan, ipaglalaban, hahagilapin, tutunguhin,
sasambahin.
Lipas na nga ang panahong
ang bayani ay tunay na dinadakila at ang mga dakila ay tinatanghal na bayani.
May respeto. May dangal. May karangalan.
Isa na lamang itong
guni-guni. Isang panaginip
No comments:
Post a Comment