Thursday, March 13, 2014

Very Teleserye



Ang titulo ng teleserye ay karaniwang hango sa lumang kanta; pipiliting magkaroon ito ng koneksyon sa lulutuing istorya, walang problema kung ingles man ito o tagalog ang mahalaga may dating ito sa masa. O di kaya para maiba gagawing ang titulo ay may pagkakontrobersiya 'yung tipong titulo pa lang alam mo na ang daloy ng istorya.


Kadalasan, inuumpisahan ang eksena kung saan ipanganganak ang bida ng istorya. Kahit anong higpit pa ang security ng ospital makakalusot ang isang karakter sa pagswitch ng isang sanggol. Ang sanggol na ito ang isa sa magiging bida ng teleserye.
Bilang alternatibo, maaari din namang ipakita kaagad ang masalimuot na buhay ng mga magulang ng bidang pobre kailangang i-highlight ang pagsisikap, ang panggigipit at ang pagmamaltrato sa kanila dahil ito ang bebenta at kalulugdan ng mga manonood.


Sa teleseryeng bagong-lumang aabangan ay hindi papansisin ang paulit-ulit na plot ng istorya dahil ang bidang artista ay sikat at maraming tagahanga. Lalahukan siyempre ng mayamang pamilya at tulad ng nasabi na, mga nagdarahop naman sa kabilang pamilya, mayroong wagas na mag-iibigan ngunit tututol ang pamilya ng mayaman dahil patay-gutom at oportunista ang mahirap!


Ang mayamang pamilya kailangang may tunog mayamang apelyido ikaw nang bahala kung alin sa mga ito ang magugustuhan mo: Monteverde, Montenegro, Montevista, Montero, Villavicencio, Esquivel, Esquillo, Sanvictores, Quintana, Buenavista, Buenaventura, Gonzales, etc.
May negosyo itong tila hindi nalulugi sa umpisa, na kaya nilang bilhin ang anumang kompanyang naisin nila, anumang bagay na gustuhin nila at sinumang tao ay kaya nilang api-apihin. Dahil mayaman sila kailangang mapangasawa ng anak nila ay kapwa mayaman din at kung tututol ito ipadadala ito sa mayamang bansa tulad ng Amerika, Canada, Italya o Inglatera. Kalaunan kahit anong laki at unlad ng kanilang negosyo patungo ito sa pagkalugi dahil sa hindi malinaw na factor basta sa isang iglap malulugi nang ganun na lang. Karaniwang negosyo ng mayamang pamilya ito ay shipping, wine industry, factory ng garments o canned products, big time exporter, may mall at iba pang estabilisadong negosyo.


Kung ang mayayamang karakter ay nakahiga sa salapi na walang pakundangan sa pagbili ng bagay at buhay, ang mahihirap at patay-gutom na pamilya ay halos walang pambili ng pagkain, walang matinong hanapbuhay ang haligi o ilaw ng tahanan at baon sila sa utang sa tindahan. At dahil mahirap sila tampulan sila ng tukso at pang-aapi ng lahat lalo ng mayaman at kahit ng kapwa nila mahirap. Magmula sa kahirapang ito ay magsusumikap ang bidang karakter hanggang sa maging matagumpay ito at gagantihan ang lahat ng mga letseng umapi at umabuso sa kanila. Sa umpisa, pangmahirap nga ang kanilang mga suot na damit ngunit sa katagalan mapapansin mo nang matitino na ang mga damit nila at take note: HINDI sila nag-uulit ng damit kahit mahirap sila.


Panaka-nakang patutugtugin ang themesong ng teleserye na hinango sa lumang kantang pinasikat ng dati ring sikat na singer; kakantahin ito ng bagong-lumang singer na kalahok sa Sunday noontime variety show ng network, lalandiin ang tono, may mga kulot-kulot sa dulo para kunwari'y may kakaibang areglo ang kanta. Presto may 'kakaibang' themesong na ang teleserye!


Sa istorya ng pag-iibigan ng dalawang karakter na ang isa'y galing sa mahirap at ang isa'y galing sa mayaman, hindi maaaring walang mamagitan o third party na magkakagusto sa isang bida. Ito ang kadalasang kontrabida ng teleserye, siya ang magdadala ng anghang sa putahe, ito malamang ang may tunay na abilidad kung paano ang tunay na pag-arte. Muli, hindi kailangang magaling na artista ang dalawang bida ang importante lang ay cute/malakas magpacute, maaappeal, may commercial endorsements, may fans club na ang pangalan ay pinagdikit na pangalan ng dalawang artista halimbawa: Kief-Yas (pinagsamang Kieffer at Yasmin) at tinitilian saan man mapunta. Ang writer na ang bahala kung paano pahahabain ang istorya; pwedeng nagtitinda habang nag-aaral ang mahirap tapos 'yung mayaman nag-aaral sa exclusive school na sa murang edad ay may wagas na agad na pagmamahal at hindi siya mabubuhay ng wala ang kanyang kapartner sa teleserye.


Dahil hindi lang dapat sa pag-iibigan iikot ang istorya dapat may action din ito; may mamamatay sa mga kaanak ng mga bida (sigurado na iyon), dapat may conflict ito, dapat may twist (kahit pilit at expected na), dapat may kaunting komedya rin - karaniwang ginagampanan ito ng best friend/bff ng isa sa dalawang bida, hindi pwedeng mas sikat, mas gwapo/maganda pa ito sa bida dahil tiyak na masasapawan ito kaya ang kukunin nilang artista dito ay 'yung dating sikat o nais pasikatin ng network ang role ng bff ay tagapayo, tagasalo ng hinaing sa buhay ng bida, takapakinig at shock absorber ng problema - ito rin ang magiging kasabwat sa lahat ng kalokohan ng bida.


Depende sa dami ng commercials at sa taas ng rating ang itatagal ng teleserye dito sa atin hindi tulad sa ibang bansa na mas sinusunod ang daloy at takbo ng istorya. Pinakamatagal na dapat ang anim na buwan sa isang teleserye 'pag lumampas na dito'y siguradong malabnaw at matabang na ang pagkakaluto nito hindi na kapana-panabik at mahahalatang pinipilit na lang para sa kapakanan ng commercial na dumarating.


Kung matured ang target na audience magsisingit ng pailan-ilan na lovescene at bedscene - 'yung eksenang dapat na mapag-usapan at maging trending sa twitter kesehodang parang porno na ang laplapan para kunwari'y makatotohanan.
Kung kabataan ang target na audience asahan mo na ang panay pagpapacute ng dalawang bidang karakter - diyan magaling ang mga direktor ng teleserye ang pakiligin ang kabataang audience, 'wag na tayong magtaka kung bakit normal na sa teenager ang magkaroon ng isang intimate na relationship.


'Pag premiere ng bagong teleserye (Monday ito usually) asahan mo nang bongga ito para itong bagong manliligaw sa isang dalaga na paimpress, tatagal ito ng humigit-kumulang isang oras na kakainin ang kalahating oras ng teleseryeng kasunod. Karaniwan nang malaki ang budget nito dahil dito mag-uumpisang akitin ng producer/writer ng teleserye ang target na manonood, gagalingan ang mga linya ng bawat karakter na akala mo'y sumasali sa writing competition. Mataas man ang rating o hindi, asahan mo nang ibabalita sa primetime news program ng kanilang istasyon na trending ang premiere ng teleserye o di kaya'y pinag-usapan ng husto ang naturang unang episode. Hindi pa doon natatapos ang lahat dahil sa susunod na weekend may marathon pa ang premiere ng teleserye para umano sa mga hindi nakapanood at may pagnanais na muli itong panoorin.

Kahit anong ganda ng teleserye, kahit gaano kataas ang rating nito, kahit ilang month extension pa ang gawin ng network sa teleserye, kahit libong brainstorming na ang ginawa ng mga writer nito, darating ang panahon na kailangan nila itong tapusin. Mag-iisip ng kakaibang ending na kunwari'y hindi pa nagagawa ng ibang teleserye ngunit sila'y mabibigo dahil iexpect mo na ang mga sumusunod na ending:


  • kahit heavy drama ang teleserye karaniwang action ang katapusan nito   
  •  ang pinakamaldita o pinakawalanghiyang kontrabida sa teleserye it's either mamamatay, makukulong o mababaliw
  • ang less villain ay makukulong o magiging mabait o mapapatawad ng bida
  • ang mga bidang may wagas na pagmamahalan siyempre ay magkakatuluyan, mas kilig ang ending kung sa simbahan ito tatapusin o kaya naman ay wedding proposal ng bidang lalaki sa babae, hudyat na ito na patapos na ang teleserye
  • kung mag-asawa na ang dalawang bida sa teleserye tatapusin ito na payapa ang pagsasama ng dalawa na naninirahan sa tahimik na lalawigan o sa isang maunlad na bansa
  • kahit anong klaseng gulo pa na mayroon sila tiyak na magkakasundo ang dalawang magkatunggaling pamilya


Kung minsan ay nakapanood ka na ng koreanovela mapapansin mong kakaiba ang banat ng mga koreano sa kanilang teleserye. Hindi sila natatakot na patayin ang kanilang bida at biguin ang kanilang manonood hindi katulad sa atin na laging happy ending. Hindi isyu kung hindi sobrang gwapo ng kanilang bida dahil mas mahalaga na effective ang acting nito. May promotion ng kanilang local products na sadya man o hindi ay kanilang naiindorso di tulad sa atin na lantarang pinopromote ang de-kalibreng iPhone sa anumang teleserye. Once na mapanood mo ang isa,  dalawa o tatlong episode ng isang koreanovela mapapansin mong may kakaiba pa rin sa kanilang istorya. Halimbawa na ang mga tulad ng Lovers in Paris, Jumong, Full House, Stairway in Heaven, Endless Love, Boys over Flowers, etc.
Hindi maiiwasan ang pagkukumpara dahil bahagi na rin ang Koreanovela ng ating panggabi/panghapong programa sa telebisyon. Kaya nga iniimport ito sa atin dahil may potensyal itong pagkakitaan ng dalawang higanteng network.


Magagaling ang mga filipino writers/director/artists natin sa katunayan patuloy tayong nananalo sa iba't ibang kompetisyon abroad. Ang problema lang ay nilalamon sila ng sistemang kinagigiliwan at kinababaliwan ng pangkaraniwang pinoy audience. Isang malaking katunayan ang pagtangkilik ng commercial film na walang sustansya ang istorya kaysa sa mga pelikulang pilipino na nagwawagi sa iba't ibang bansa. Hindi na rin nakakapagtaka na mas naaappreciate ng mga foreigner ang mga de kalidad na filipino film ng mga katulad ni Brillante Mendoza at iba pang film director/writer kaysa sa moviegoers natin. Sumasalamin lang ito na hindi tayo gaanong naggrow pagdating sa pagsusuri ng matinong pelikula at teleserye. Ngunit hindi pa naman huli ang lahat dahil alam kong darating ang sandali na ang halos lahat ng gawa nating teleserye o pelikula ay lubos na hahangaan at tatangkililikin hindi lang ng bansang Korea at ng iba pang bansa sa Asya, Amerika at Europa. 'Yun ang marapat nating pakaabangan. Ngunit hangga't ang manonood ay patuloy na tinatangkilik ang tradisyonal na teleserye asahan na nating magiging paulit-ulit lang ang mapapanood natin sa tuwing gabi.

5 comments:

  1. Muntik na ko mabulunan dun sa 'KiefYas'! *hahahahaha* Kainis...

    Kapuso ka ba kuya Ramil? Kasi yung mga ni-recite mong Koreanovelas ay parang sa GMA7 lahat pinalabas eh. :P

    ReplyDelete
  2. 'Yung Lovers in Paris saka Boys over Flowers sa channel 2 'yun di ba?

    KiefYas ang tatalo sa tambalang DongYan at KatNiel, sure na 'yan. :)

    ReplyDelete
  3. Relate much ako dito sa post mo ngayon Kuya Ramil. Big fan din ako at ang buong pamilya ko ng mga teleserye ng Kapamilya network :))

    Iniisip ko na nga din gumawa ng ganitong type ng post, pero naunahan mo na ako ahaha.

    Dagdag ko na din sa list:
    Sa tuwing may habulan scene (hinahabol ni villain ang bida) lagi na lang nadadapa yung bida lol

    Bago matapos yung serye, akala ng lahat dedz na yung kontrabids kase nabaril tapos nahulog sa ilog yung katawan tapos hindi na nakita ng mga bopols na pulis. Then mga 3 or 5 days before mag-end yung serye, bigla yan magre-return of the comeback ng bongga with matching hostage taking/kidnapan/barilan/habulan ahaha!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oo nga, nawaglit ko 'yung mga sinabi mo. Ilang teleserye na nga ang may ganyang twist sa dulo. Marami na talaga ang nakakapansin ng ganyang mga ending. Hehe.

      Delete
  4. At 'yung mga asdfghjkl na pulis na talaga namang napaka-attentive sa kwento. Haha. Lagi silang grand entrance!

    ReplyDelete