Monday, March 24, 2014

Angas



Tanghaling tapat.
May kaluwagan ang kalsada.
Rumaragasa ang isang 2002 Honda Civic sa kahabaan ng Abad Santos Avenue sa Maynila. Sa takbo nitong aabot sa 80-90kph mabilis na ito kung titingnan dahil sa kitid ng kalsada.
Matikas ang sasakyan. Kulay itim ito na may tribal design decal stickers. Naka-19 inches chrome plated na mags, may agaw-pansing spoiler at maingay na muffler. Nakakapagdagdag angas sa sasakyan ang kintab ng repleksyon nito sa tuwing masisinagan ng araw.


Hindi maikakaila na mahusay ang driver ng Honda Civic na 'yon dahil halos gahibla lang ng balahibo ng manok kung i-cut nito ang mga sasakyang kanyang nais na singitan. Kahit na minumura na ang driver nito ng iba pang motorista dahil sa pagiging arogante at kaskasero nito wala itong pakialam, wala itong naririnig dahil sa lakas ng volume ng radyo nito na yumayanig sa paligid.


Sa di kalayuan ay nakatanaw lang ang binatang si Yñigo Soriano, anak ng muti-milyonaryong business tycoon na exclusive dealer ng mga luxury cars sa Kalakhang Maynila. Sakay siya ng bagong-bagong 2014 BMW X5 na wala pang plaka.


"Let me drive. I will go after him" relax lang si Yñigo sa pagbanggit nito sa kanyang driver/bodyguard. Patungkol ito sa maangas na Honda Civic na kina-cut ang lahat ng nadadaanang sasakyan.

"Sir?!..." alanganin ang driver na si Ambo kung susundin niya ang utos ng amo.

"Sabi ko habulin ko 'yun, hayaan mong akong magmaneho" ulit ni Yñigo.

Walang nagawa si Ambo kundi ang sumunod, itinabi niya ito. 
Agad na inapakan ni Yñigo ang accelerator ng BMW nang makaupo siya sa driver's seat, sa isang iglap lang umakyat na sa 100kph ang bilis nito. Sa may bandang Hermosa St. na inabutan nina Yñigo ang Honda Civic.

Ilang metro na lang ang layo nito sa kanila nang akmang babanggain ni Yñigo ang hulihang bahagi ng Honda Civic.

"Sir, bago lang po itong sasakyan natin..." may pagtutol sa boses ni Ambo na nahulaan ang gagawin ng amo.

"Yes, I know" tugon ni Yñigo sa driver na walang bahid ng pagkabahala.


"BLAG!" Malakas na kalabog ang narinig sa kasagsagan ng init ng araw. Tunog ito ng pagkakabangga ng brand new BMW sa maangas na 2002 Honda Civic. Nagulantang ang lahat ng kasabayang sasakyan ng dalawa. Sa mga eksperto sa pagmamaneho mahahalatang sinadya ang pagkakabangga ng BMW sa Honda.


Agad na bumaba ang driver ng maangas na itim na Honda Civic.
Kabataan ito na higit lang marahil sa beinte ang edad. May katangkaran sa taas nitong 5'11, skinhead ang buhok at may nakaburdang makulay na mga tatoo sa magkabilang braso. Naka-Oakley shades, checkered na polo shirt, nakaskinny jeans at medyo manipis ang pangangatawan. Kung gaano kaangas ang kotse nito, ganoon din kaangas ang hilatsa ng driver nito.


Kinompronta ng driver ng Honda Civic ang BMW.

Malakas na kinatok ang hood.

Limang beses na sunod-sunod.


Hindi nagpasindak ang mga sakay ng BMW.
Sadyang naunang bumaba ng sasakyan si Yñigo. Sinenyasan ang driver na si Ambo na maghintay sandali. Ilang segundo pa'y bumaba na rin ito. Hindi mahahalata sa suot ni Yñigo na isa itong multi-milyonaryo. Naka T-shirt na puti lang ito, khaki shorts, topsider na sapatos at Ray-Ban na shades. Ngunit mapapansin na kakaiba ang kilos nito kung ikukumpara sa driver ng Honda. Kalmado lang si Yñigo samantalang ang driver nang nabunggo niyang oto ay halos pumutok na ang mga litid sa leeg sa galit.


"There's some people just richer than others." ang tanging sinabi ni Yñigo sa putak ng putak na driver ng Honda Civic.


"Contact the police and other authorities. I will pay whatever damages I caused." iniabot ni Yñigo ang kanyang tarheta sa kausap.


"Talk to my lawyer or you can call me on this number." pahuling salitang binitiwan ni Yñigo habang tinawag niya ang kanyang driver/bodyguard. 

"Kindly assist him, you know what to do. Magkita na lang tayo later sa office." bilin ni Yñigo kay Ambo na napakamot na lang sa ulo bago ito sumakay patungong Monumento. Sa pampasaherong jeep.


Naiwang nakatanga ang driver ng Honda Civic.

Nakatingin ito sa iniabot na caling card ng kausap:


YÑIGO G. SORIANO
President, Prestige Cars Makati
Vice-President, International Container Terminal Services Inc.
Chairman, Landscape Realty Development Corp. 
Director, Purefoods-Hormel Co., Ltd.

6 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  2. pasensya na po, maling profile ang nagamit ko sa unang komento

    ayos ang kwento, simple pero bato, tunay po ba ito? o hinango lang sa tunay na kwento?


    ReplyDelete
    Replies
    1. Partly fiction and partly non-fiction.
      Fiction ang make ng car at 'yung name and occupation ni Yñigo pero non-fiction ang pagbunggo sa kotse.
      Salamat sir sa bisita

      Delete
  3. Sa kwentong ito I can't really say who the bigger jerk is LOL

    ReplyDelete
    Replies
    1. Parang pareho lang. Ang pagkakaiba lang ng isa maraming pang-arya.
      Sa Abad Santos sir nangyari talaga yan, wayback 2012.

      Napadalaw ka sir glentot - ang celebrity blogger na pang-'angas' namin sa blogging world. :) tnx!

      Delete
  4. habang binabasa ko tong parang Fast n the Furious yung umaandak sa utak ko with matching makabasag tengang sound.. ang nabingi ako sa angas nila pareho :P

    ReplyDelete