Tuesday, April 1, 2014

Boses



"Ikaw naman kasi! Matagal ko ng sinasabi sa'yo na niloloko ka lang niya pero hanggang ngayon hindi ka pa rin naniniwala. Napakadali mong utuin, kaunting drama at isang 'please' lang ang katapat sa lahat ng pagiging matigas mo!" tila galit na naman ito.


"Makakatulong siguro na intindihin mo na lang ako. Oo, may pagkakataon na hindi ko na gusto ang ginagawa ko pero mas nananaig pa rin sa'kin ang pagnanais na makatulong. Unawain mo naman sana 'yun." pangangatwiran ko sa kanya.


"Oo nga na hindi masama ang tumulong pero hindi mo ba napapansin na inaabuso na ang kabaitan mo? Noong panahon na ikaw ang nangailangan ng tulong, natulungan ka ba nila? Ni hindi ka nga pinagbuksan ng pintuan kahit alam nilang umuulan sa labas. Hindi na yata kabaitan ang tawag diyan kundi katangahan!" ayaw talaga magpatalo ng aking kausap.


"Sige na, katangahan na kung katangahan! Kung ikaw ang nasa katayuan ko may magagawa ka bang iba? Makakatanggi ka ba sa kanila? Mga kamag-anak ko sila wala akong karapatang magdamot sa kanila. Naririnig mo ba ako?" tila sinabayan ko na rin ang kanyang galit.


"Pwede naman eh, ayaw mo lang talaga! Nasaan na ang lahat ng mga naipon mo mula sa pagtatrabaho mo sa Hong Kong? Magkano na ang natira sa savings mo? Minsan matuto ka namang tumanggi. Minsan hindi ito kadamutan lalo na kung obvious nang nagti-take advantage lang sila sa'yo. Nang mga panahong nangangailangan ka ng pangplacement fee 'di ba hindi man sila nag-effort na tulungan ka?" medyo iritable na ang kanyang boses.


"Ayoko nang makipagtalo sa'yo! Sigurado namang palagi kang may isasagot sa bawat katwiran ko. Pabayaan mo na lang muna ako. Ang importante nandiyan ka at hindi mo ako iniiwan katulad ng iba, doon pa lang panalo na ako. Salamat ng marami sa'yo." isinara ko na ang usapan.


Hindi ko na muling narinig ang boses niya. 
Ganun naman palagi, nagtatalo at hindi kami nagkakasundo sa ibang bagay pero sa huli kahit ayaw niya makikipagkasundo siya sa akin. Hindi tulad ng mga naaabutan ko ng tulong minsan mong tulungan lagi ka ng aasahan at 'pag tumanggi ka naman sasabihan at itsi-tsimis kang masama at madamot. 
Hindi ko na tuloy alam kung saan ako lulugar.


Mabuti na lang nandiyan palagi ang boses na nagpapaalala sa mga kalokohan at kamalian ko.


Mabuti na lang naririnig ko pa ang boses ng konsiyensya ko.

7 comments:

  1. LOL, psycho ata yung bida eh. *hehe* Kidding aside, naiinis rin ako sa mga parasite na relatives. Oks lang naman humingi ng tulong, lalo na kapag gipit talaga. Pero sana walang abuse na nagaganap. At kung pwede lang ay give and take din naman sana, hindi lang one-sided. Or bayaran yung utang na loob sa ibang paraan without money involve. *tsk tsk*

    ReplyDelete
    Replies
    1. ang mahirap, kalaunan nagiging obligasyon mo na ang pagtulong. parang hindi na yata 'tulong' 'pag sapilitan na. wala ng pinagkaiba ito sa mga pulis na nangongotong na kailangan mong mag-abot para hindi ka maabala.

      oo, may sayad ang bida pero at least may 'boses' pa siyang naririnig 'di tulad ng mga pulitikong ganid! haha, naipasok talaga ang GALIT sa pulitiko.

      Delete
  2. Masarap tumulong sa kapwa mo o sa kamag anak mo.. masaskit lang talaga ang katotohanan na pag wala ka nang maibigay sa 10 mong natulungan 1 lang dadamay sayo sa oras ng kagipitan. feel ko sya sobra.

    ReplyDelete
    Replies
    1. 'yung mga taong nakararamdam ng pag-abuso at inoobligang tumulong ay halos iisa ang sintimyento ngunit ang mga taong pala-asa hindi naman nila nararamdaman ito.

      Delete
    2. sinabi mo pa, at sila pa ang galit at kung makapag tampo ay sobra sobra pag di mo napag bigyan.

      Delete
  3. I can relate to this.

    May mga kamag-anak kaming ganyan. Akala nila, mayaman kami (eh ang dami naming gastusin dito sa bahay tapos may maintenance pang gamot both my parents) at anytime pwede nilang kwartahan. Tapos pag di mo napahiram, ayun todo ang tampo at malalaman mo na lng kinabukasan, i-chinismis ka na sa iba pa nyong mga kama-anak na kesyo madamot daw kami. Kapag kami naman ang may kailangang pabor sa kanila, ni hindi nga nila kami mapagbigyan. Kapal muks lang.

    Kaya, may hangganan ang pagtulong. Pag nararamdaman mong inaabuso ka na. Tama na. Dedma na lang sa kung anong sasabihin ng iba. Basta you know deep in your heart, marami ka rin naitulong sa kanila.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Bakit ganun, lahat ba ng nakakabasa ng post na ito eh inabuso ang pagtulong?
      Bakit ganun, iisa lang ba ang mga kamag-anak natin?

      Tama, na dapat ay bigyan ng hangganan ang pagtulong dapat nanf magkaroon ng batas para dito. :)

      Delete