"Sino ka?!? Paano kang nakapasok dito?" Napabalikwas mula sa
pagkakatulog sa kanyang kama ang nagtatakang si Congressman Revillame sa
lalaking nasa loob ng kanyang kwarto, nakatutok sa kanya ang hawak na baril -
isang kalibre .45.
Nakaposisyon ang mama sa
madilim na bahagi ng kwarto, malapit sa bintanang nakatindig sa gawing gilid ng
malaking kurtina na kung hindi pumasok ang bahagyang liwanag galing sa labas ay
hindi ito maaaninag ni Congressman.
"Marami akong pera! Kung sino man ang nag-utos sa'yo na ipapatay ako'y
wala na kong pakialam pero kung magkano man ang ibinayad niya sa'yo handa akong
magbayad ng doble o triple 'wag mo lang akong patayin!" Tila pautos na
susog ng Congressman sa hired killer. Ngunit paano niyang nalaman na bayarin
ang taong nasa kanyang harapan gayong ngayon niya lang ito nakaharap?
Paanong hindi niya malalaman
na hired killer ang nasa kanyang harap ngayon e ilang beses na ba siyang
nakipagtransaksyon sa mga tulad nito? Ilan na nga ba ang kanyang ipinapatay? Ilang
pamilya na nga kaya ang binawian niya ng haligi ng tahanan? Ilang pangarap na
nga kaya ang kanyang sapilitang ninakaw?
At ang huli nga ay isang
whistleblower sa kinasasangkutan niyang scam.
Si Congressman Revillame
kung ilalarawan ay isang tipikal na pulitiko. Sa simula'y mabuti ang hangarin,
punong-puno ng pangarap para sa bayan, pagbabago ang adhikain, kaunlaran sa
ekonomiya, trabaho para sa nakararami, edukasyon para sa lahat, matinong
tahanan para sa nagdarahop at gawing kasaysayan na lang ang kahirapan. Isa rin
siyang aktibong artista na sa tuwing kapaskuhan ay humahakot ng pera ang
kanyang pelikulang may temang kabayanihan - ililigtas niya ang isang bayan sa
tulong ng kanyang angking galing, katapangan at anting-anting.
"Magkanong kailangan mo? Kalahating milyon? Isang milyon? Dalawang
milyon? Mayroon ako niyan 'wag mo lang akong patayin! May pamilya ako, may mga
nagmamahal sa akin, kailangan nila ako!" Parang sirang plaka ang
Congressman, paulit-ulit niyang sinasabi ang kanyang yaman sa hired killer na hindi naman malaman kung
siya'y naririnig o hindi. Kumbinsido siya sa kanyang sarili na maaakit niya ng
kanyang pera ang taong gustong pumatay sa kanya at tuluyan na siyang iiwan
nito. Nasa isip niya: Sino ba naman ang tatanggi sa dalawang milyon? Hindi niya
ito kikitain sa buong buhay niya kahit ilang ulo pa ang kanyang itumba, kahit
ilang punglo pa ang kanyang maiputok, kahit hanggang sa pagtanda niya.
Mukhang mabait ang
Congressman. Gwapo. May lingguhang programa sa telebisyon at may sariling
produksyon ng pelikula. Galing sa mayamang angkan ng mga Revillame sa siyudad ng Dumaguete dahil ang kanyang ama ay dati ring sikat na artista at pulitiko.
Kaya nakapagtatakang sa dami ng kanyang pera, sa taas ng posisyon niya sa
gobyerno at sa ganda ng kanyang trabaho, ilang beses na siyang nasangkot sa
iba't ibang krimen at katiwalian. Sa dumi ng pulitika, ang sinumang yumapak
dito'y tiyak na marurungisan ngunit sa kaso ni Congressman Revillame hindi lang
siya basta naputikan kundi tuluyan niya pang inilublob ang sarili sa putikan
mula talampakan hanggang ulo at isinama niya pa sa putikang ito ang halos lahat
ng kanyang angkan - na pawang mga pulitiko na rin.
Nakalalasing nga siguro sa
itaas, nakalulula nga siguro ang tagumpay, nakakabaliw nga siguro ang
kapangyarihan kundi ba naman, ang dating kanyang matinong hangarin para sa
bayan ay tuluyan nang nagapi ng kanyang pagkagahaman at katulad ng lahat ng
sumabak at nakipagsapalaran sa larangan ng pulitika lahat sila'y nilamon ng buo
ng nakasusukang sistema.
Patungo sa kanyang malaking
vault ang conressman. Binuksan muna ang switch ng ilaw. Inikot ang combination. Tumambad sa mata ng
hired killer ang napakaraming bungkos ng pera halos hindi ito magkasya sa loob
ng vault at halatang isiniksik lang ang ilang mga bugkos para maisara ang
pinto. Bumilang ng pera, mabilis na ibinukod ang dalawampung bungkos ng
tig-isandaang libong piso. Dalawang milyon! Ngunit tila hindi man lang naantig
ang hired killer, tila walang reaksyon sa nakitang napakaraming pera.
Sa dami ng perang iniaalok
sa hired killer iisipin mong kukunin na niya ito. Malaking tulong na ito sa
kanyang pamilya. Makakapagbago na siya at tuluyan nang makakaalis sa kanyang
maruming trabaho. Ngunit mas nanaig sa kanya ang kagustuhang mapatay ang
congressman. Sa di matapos-matapos na krimeng kinasasangkutan ng congressman
ituturing niyang hustisya at katarungan para sa bayan ang kamatayan nito. At
ang dalawang milyong nasa kanyang harapan ngayon ay bahagi ng bilyon-bilyong
pisong ninakaw sa mamamayang pilipinong karamihan ay nagdidildil ng asin at
nagpapaalipin sa mga katulad ni congressman na mapaniil. Ang dalawang milyong
pisong ito ay maliit na porsyento lamang sa nakulimbat na salapi ni congressman
kasabwat ang ilan pang mambabatas at ang napakapopular na si Mrs. Napoleon.
Nasa isip ng hired killer
kung kukunin at tatanggapin niya ang dalawang milyong pisong ito naging bahagi
na rin siya ng pandarambong at pagtataksil sa bayan. Ganito nga ang kanyang
trabaho pero ang kanya namang pinapatay ay mga taong nagpapahirap sa nga taong katulad
niyang walang kakayanang lumaban sa mga matataas at mga gahamang kapitalista at
ganid na makapangyarihan. At ang katulad ni Congressman Revillame ay dapat nang
tapusin ang kabuktutan.
Hindi maikakaila sa likod ng
napakaamong mukha ng congressman, sa kinis at puti ng kanyang kutis, sa tamis
at ganda ng mga ngiti nito nagkukubli ang isang pusakal na ang binibiktima ay
ang nagdarahop na taumbayan. Kung hindi niya gagawin ang dapat niyang gawin ay
baka mawalan na siya nang pagkakataon na maisakatuparan ito.
"Ito na ang dalawang milyon, sa iyo na lahat ito!" Alok ng
Congressman sa hired killer habang itinutulak sa lamesitang palayo sa kanya ang
perang makapagsasalba ng kanyang buhay. Napatingin ang congressman sa hired
killer.
"I-iikaw?" lumaki ang matang nagtatanong.
"Oo ako nga." sagot ng hired killer, sa wakas nagsalita na ito.
"Papaanong..?!? Hindi maari ito binayaran kita para pumatay pero
hindi ko iniutos sa'yong ako ang patayin mo!"
"Tingnan mo ang larawang ito!" inihagis ng hired killer ang
isang envelope na may nakapaloob na larawan.
Binuksan ng congressman ang
envelope at tiningnan ang larawang nasa loob. Larawan niya nga ang nasa loob!
Dagli niyang kinuha ang iba pang mga envelope na nasa drawer ng kanyang
sidetable. Nandoon nga ang litrato ng kanyang nais na ipatumba, ang larawan ni
Mrs. Napoleon!
Dalawang linggo na ang
nakalilipas, sa isang bakanteng lote sa bayan ng Imus kausap niya ang lalakeng
ito sa loob ng kanyang magarang sasakyang Brentley kasama ng limampung libong
piso at isang kalibre .45 na baril ay iniabot niya ang isang envelope na
naglalaman ng larawan ng kanyang nais ipapatay. Ngunit sa halip na files ni
Mrs. Napoleon ang kanyang naibigay, ang kanyang larawan ang kanyang naiabot sa
hired killer. Larawan na gagamitin sana sa promo at stills ng bago niyang
pelikula sa Filmfest.
Samakatuwid, siya mismo ang
umupa ng taong papatay sa kanya! At sa napakaliit na halagang limampung libong
piso! Halagang halos katumbas lang ng kanyang ibabayad sa isang gabing pananatili sa
hotel na kanyang pabortong tuluyan sa tuwing mayroon siyang inuupahang bayaring
modelo at artista.
"Hindi maari ito! Nagkamali lang ako, hindi maaring ako mismo ang
magpapatay sa aking sarili. Hindi ba't limampung libong piso ang ibinigay ko
sa'yo? Tanggapin mo na ang iniaalok kong dalawang milyon at pareho tayong
lalabas sa kwartong ito nang masaya." wala pa rin sa tono ng
kongresista ang pakiusap dahil tiwala siyang tatanggapin ng kanyang kausap ang
pera.
"Ilang doble ng limampung libo 'yan, hindi mo na 'yan kikitain sa
buong buhay mo" dagdag pa nito.
"Baka nakakalimutan mo Congressman kaya mo ako kinuha sa trabahong
ito dahil ako ang taong hindi tumatalikod sa isang usapan. At alam mong
ikakasira ko ang hindi ko pagtupad sa isang napagkasunduang trabaho. Hindi ako
katulad mo Congressman na walang dignidad, walang bayag at walang
paninindigan!"
Kung tutuusin maaari na
niyang kunin ang napakalaking perang nasa kanyang harapan ngunit mas nanaig sa
kanya ang pagpatay sa kongresistang nagpapahirap sa bayan, ang isa sa mga
dahilan kung bakit dumadami ang kriminal. Para sa kanya hindi lang ito basta
trabaho ito ay pagtatanggol, ito ay pagkamit ng hustisya, ito ay katarungan
para sa mga posible pang maging biktima ng kanyang kabuktutan at pagmamalabis.
Katulad ng napagkasunduan,
ubusin ang lahat ng bala sa bibiktimahin.
At walong magkakasunod na putok ang umalingawngaw sa gitna ng gabi.
Natagpuang bangkay ang isang kongresista, nakasubsob sa nagkalat na perang may bahid ng dugo at katiwalian.
Hindi nasalba ang buhay ng congressman
nang pangsuhol na pera at ng kanya umanong taglay na anting-anting.