Mahal kong Tatay,
Hindi ko
na itatanong kung maayos ba ang lagay mo diyan dahil alam ko namang mas mabuti ka
ngayon kumpara sa dati mong kalagayan bago mo kami iwan.
Sa
napakahabang tatlumpu't anim na taong nagkasama tayo ito lang yata ang
natatandaan kong liham na nagawa ko para sa'yo samantalang ikaw ang isa sa mga
unang taong nagturo sa akin kung paano ang gumuhit at sumulat. Sa napakahabang
panahong ito iilang beses lang ba ako personal na nakapagpasalamat sa'yo
samantalang ikaw ang unang taong nagmulat sa akin sa maraming bagay nang
nag-uumpisa pa lamang akong humawak ng lapis at papel? Sa ilang dekadang
inilagi mo sa ating tahanan iilang beses mo lang ba narinig mula sa akin ang
salitang "Mahal kita"?
Bagama't
napakadalang kong marinig mula sa'yo na mahal mo ako, sa ibang paraan mo naman sa
akin ipinaramdam ito. Sa katunayan, hindi ka tumigil sa pagsisikap at
pagpapakahirap sa hanap-buhay para lang matustusan ang pag-aaral naming
magkakapatid, na ang lahat ng naipon mong pera ay nasaid at nasimot, ganundin
ang lahat ng mga naipundar mong mga alahas ay iyong naisangla at tuluyang
nailit sa sanglaan para lang makapagtapos ako at ng mga kapatid ko ng
pag-aaral.
At nakalulungkot na may pagkakataon ngang pati ang ilang alaga nating mga kalapati ay kailangang katayin para lamang mayroon tayong hapunan dahil nang araw na iyon lahat ng hawak mong pera ay ibinayad ko ng aking matrikula. Kahit alam kong hindi mo gusto ang eksenang iyon pilit mo pa ring in-enjoy ang ating hapunan at hindi ka nagpakita ng kahit na katiting na kalungkutan.
Naaalala
ko pa noong aking kabataan, siguro’y nasa pagitan ako ng pito hanggang walong
taong gulang, nang turuan mo ako ng larong ahedres, hangang-hanga ako sa sarili
ko noon dahil madalas kitang ma-checkmate! Biruin mo sa murang edad kong iyon kayang-kaya kitang talunin, ikaw na nagtiyaga
sa akin kung paano ito laruin eh tinatalo ng katulad kong paslit lang. Pero
nung nagbinata ako saka ko napagtanto na sinadya mo lang palang pinatatalo ang
iyong laro dahil mas tuwang-tuwa ka sa tuwing pinagtatawanan at inaasar kita sa
pagkaka-checkmate ko sa iyo kaysa manalo ka pero nakasimangot naman ang mukha ko.
Haha, akala ko pa naman napakahusay ko nang maglaro ng chess.
Ang isa
sa mga hinahangaan ko sa'yo noon ay ang iyong pagiging 'jack of all trades' o malawak na kaalaman sa halos lahat ng bagay at sa panahon nga ng aking pag-aaral sa elementara'y ilang
beses mo rin akong ginawan at tinahian ng costume tulad ng damit ni
'Lapu-lapu', 'policeman', 'arabo' at 'cowboy'. Tandang-tanda ko pa noon kung
paano ka nakisimpatiya sa 'mabigat kong problema' nang graduation ko sa Kinder,
wala kasi akong medalyang natanggap at masyadong ikinasama ng loob ko iyon at
para lang tumahimik ako sa kangangangawa ko dahil sa walang kwentang dahilan
daglian mo akong ibinili ng isang bola, award ko umano sa pagkakagradweyt ko.
At kahit
may sarili na akong tahanan, sa tuwing may sirang kasangkapan o may
kukumpunihin sa bahay o kailangang sementuhan at pinturahan hindi na ako
kumukuha pa ng tubero, mason, pintor o karpintero dahil ikaw na mismo ang
nagkukusang gumawa nito para sa sarili kong pamilya at lalo ka pang
ginaganahang magkumpuni kung kinukulit ka ng mga apo mo hanggang sa itigil mo
na ang iyong ginagawa dahil sa labis nilang pagkapasaway. Pero ngayon
napipilitan na akong magbayad ng ibang tao para gawin ang mga ito dahil lumisan
ka na nga.
Dala ng
aking kabataan hindi ko noon naiintindihan kung bakit napakahigpit mo sa aming
magkakapatid na sa bawat pagkakamali namin ay may katumbas na itong pagalit minsan pa nga'y may kasama pa itong palo. Sabi nga ng ibang kapitbahay natin, ibang klase ang
pagdidisiplina mo sa amin. Pero may dahilan pala ang lahat ng ito, minsan
naitatanong ko sa aking sarli:
- Ano kaya ako ngayon kung hindi mo ako
piningot sa tuwing ako'y nakikipag-away?
- Sino kaya ako kung hindi mo ako
pinagalitan dahil sa maghapon kong paglalaro sa kalsada?
- Ano kaya ako kung hindi mo ako napalo
sa tuwing nakababasag o nakasisira ako ng ating kasangkapan?
- Sino kaya ako kung pinabayaan mo lang
akong gumastos sa mga bagay na hindi naman gaanong kailangan?
- Malusog pa kaya ako kung hindi mo ako
pinangaralan at pinagsabihan na huwag na huwag akong magsigarilyo?
- Nasaan kaya ako ngayon kung hindi mo pinagtiyagaan ang aking pag-aaral?
- Naging sino kaya ako kung hinayaan mo
lang ako sa mga aking pagkakamali?
Ayoko
nang isipin pa dahil siguradong hindi kagandahan ang kinahinatnan nito.
Labis
lang akong nagtataka noon dahil sa paulit-ulit mong paalala na huwag na huwag
kaming magbibisyo lalo na ng sigarilyo datapwat ikaw mismo ay nakauubos ng
halos dalawang kaha ng yosi sa isang araw lang! Hindi ko makuha ang logic mo
doon, gusto kong sabihin at itanong sa'yo kung bakit ayaw mo pang itigil ang
labis na pagkahumaling mo sa sigarilyo.
Kalaunan,
ako na rin mismo ang nakahanap ng kasagutan sa tanong kong ito. Alam kong alam
mo ang magiging resulta ng labis mong pagyoyosi pero hindi mo ito napigilan.
Siguro kung may maituturing na kahinaan sa iyong mga katangian, iyon ay ang
pagiging mahina mo na talikdan ang bisyo mong ito.
Isang
dekada pagkatapos kong makamit ang pinapangarap nating PRC license at ako'y
maging ganap na maging propesyonal, nangyari na nga ang ating pinangangambahan
- unti-unting iginugupo ang iyong kalusugan ng labis mong bisyo. Saksi ako kung
paano bumagsak ang iyong pangangatawan mula sa pagiging matikas, ang iyong tila
batas-militar na boses ay tila napaos at ang iyong lakas na aking hinangaan ay
kagyat na naupos.
Saksi
ako kung paano ka nagsikap, nagtiyaga, sumaya, magalit, magpasensya, subukin,
bumangon, magtagumpay, matalo at macheckmate ng tadhana.
Saka ko
lang naisip na kaya masidhi ang pagbabawal mong 'wag kaming magyosi dahil nais mong
maitama namin ang naging pagkakamali mo, gusto mong mas matagal pa naming
makasama ang aming mga pamilya kung hindi kami mahuhumaling dito.
Bagama't
hindi mo napigilan ang iyong sarili sa pag-abuso sa bisyong ito, kailanman hindi nawala
ang respeto at paghanga ko sa'yo, kailanman hindi ito naging hadlang upang ituring kitang
idolo na sa kabila nang hindi mo pagtatapos ng pag-aaral, lahat kaming
magkakapatid ay binigyan mo ng sapat na edukasyon na naging daan upang
magkaroon kami ng komportableng buhay.
Mahal kita
'Tay at kahit batid kong huli na ang lahat, nais ko pa ring ipahatid sa iyo ang
aking pasasalamat sa lahat ng nagawa mo para sa akin, salamat sa lahat ng mga
alaala malulungkot man ito o masaya, salamat sa mga panahong iniukol mo sa akin
simula ng aking pagkabata, salamat sa minsang pagiging mahigpit mo sa akin, salamat sa mga aral ng buhay, salamat sa
lahat-lahat.
Alam
kong hindi sasapat ang salitang 'salamat' para masuklian ang lahat ng iyong
kabutihan, alam kong kulang ito kaya sisikapin ko na lang na ako'y maging isang magandang halimbawa ng haligi ng
tahanan para sa aking pamilya katulad nang ginawa at ipinadama mo sa amin sa loob ng mahabang panahon.
Maaring
hindi ka naging perpektong tao sa paningin ng mundo pero itinuturing kong ikaw
ang pinakaperpektong ama para sa akin, na kahit sa huling sandali ng iyong oras
ay ipinakita at ipinaramdam mo ito nang walang halong pagkukunwari.
At kung
may kahilingan lang akong kagyat na maibibigay ng Diyos, hihilingin ko na makasama kitang muli kahit sandali, kahit ‘sang saglit, idudulog at susubukin kong hiramin kita mula sa Langit.
Patuloy
na nagmamahal na iyong anak,
- Limarx
--------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards sa kategoryang Sanaysay
Sa pakikipagtulungan ng:
naalala ko tuloy ang tatay ko.... okay ang entry mo... Goodluck ^^
ReplyDeletemaganda ang entry na ito... touching... gudlak!
ReplyDeleteMaganda :)
ReplyDeleteNa-homesick ako bigla ah! Goodluck! =)
ReplyDeleteGaling! Good luck sa contest! :)
ReplyDeleteSalamat muli.
ReplyDeleteAasa pero handang mabigo.
ahaha, tapat at touching ang akda. good luck sa entry mo... :)
ReplyDeleteNalungkot naman ako. May kurot talaga sa puso kapag tungkol sa ating mga ama or ina ang paksa. Mahusay po ang inyong pagkakasulat. Nakuha mo ang aking emosyon. Goodluck po sa inyong Sanaysay entry for SBA.
ReplyDeleteat salamat din po pala sa pagbisita/kumento sa aking SBA entry.
Goodluck po sa atin!