Showing posts with label sanaysay. Show all posts
Showing posts with label sanaysay. Show all posts

Monday, January 16, 2017

Tagumpay At Pagbabago

Sa tuwing sasapit ang bagong taon marami ang namamanata nang pagbabago. Pagbabago na makalipas ang labingdalawang buwan ay wala namang nabago, pagbabago na tila sa unang mga buwan lang ng taon ginagawa. Marahil dahil kulang sa pagpupursigi, pananalig, puso at dedikasyon ay palaging hindi naisasakatuparan ang pagnanais na magbago. Hindi madaling sila'y sisihin, hindi madaling sila'y husgahan dahil minsan tayo mismo ay may pagbabagong nais na mangyari sa ating buhay pero hindi natin magawa. Maraming dahilan at maraming dapat na ikonsidera ngunit ang pinakamahalaga kung nais mo nang pagbabago dapat handa ka para rito; may sakripisyo para makuha mo ang iyong gusto at hindi darating ang pagpapala kung wala kang gagawin para makuha mo ito.

Lahat tayo ay may pagnanais na makamit ang tagumpay, tagumpay na kadalasan ay ginagawa ang lahat kahit na makasakit/ makaagrabyado ng iba. Ang tagumpay kasi para sa marami ay katumbas ng kapangyarihan, kasikatan at kuwarta. Naalala ko 'yung isang quote sa isang pelikula na 'sa pagnanais nating maging magaling kinakalimutan natin ang pagiging mabuti'. Kung bakit ba kasi obsessed ang mga tao sa kapangyarihan, kasikatan at kuwarta, kung bakit na naman kasi ang batayan ng pagiging matagumpay ay ang pagiging mataas ng iyong estado sa buhay kumpara sa nakararami.

Kadalasan, ang pananaw natin sa pagiging matagumpay ay ang magwagi sa hangganan ng buhay -- ang siyang tugatog o pedestal na dapat nating abutin. Sa karera ng buhay hindi dapat tayo nakatanaw sa may dulo lang para magtagumpay dapat ang tagumpay ay nakasalalay sa bawat hakbang ng ating buhay, sa bawat araw na ating nilalakbay. Ang maging masaya sa bawat araw ay isang tagumpay hindi ang magmukmok dahil hindi nakamit ang isang materyal na bagay. May oras at panahon sa bawat bagay at kung ang bawat araw ay iyong kinayayamutan mahirap hanapin ang tagumpay sa mga araw na darating pa.

Minsan, ang tagumpay ay gaya rin ng pagkabigo -- natatanaw.
Anong tagumpay ang mayroon ka kung ikaw ay tatamad-tamad sa buhay? Gaya ng pagkabigo madaling mawari kung ikaw ay magtatagumpay o hindi.

Upang magtagumpay at makamit ang nais na pagbabago dapat mapanatili ang tatlong bagay:
  • Puso - sa lahat ng bagay na iyong gagawin at nanaisin dapat ito'y laging nasa puso. Hindi maaring gawin mo ang isang bagay dahil ito'y nais ng iba, para ma-please ang iba at para sa kapakanan ng iba, gawin lang motibasyon ito para sa gagampanan at gagawin ngunit higit sa lahat ang iyong puso ay 'di dapat mawawala. Ang anumang bagay na hindi ginampanan mula sa puso ay siguradong may kakulangan na tanging sinseridad lang ng puso ang makapupuno.
  • Layunin - kung walang layunin mong gagawin ang isang bagay hindi ito matatawag na tagumpay. Kung ang nais mo lang ay makipagkumpitensiya sa mga taong gusto mong makita na nasa ilalim mo anong uri ng tagumpay ang dapat ditong itawag? Ang layuning tinutukoy dito ay ang 'mabuting layunin' hindi ang layuning ipamukha sa iba kung gaano ka naging makapangyarihan, kung gaano na karami ang iyong pera at kung gaano ka naging kasikat. Ang layuning magtagumpay at ang layunin para sa pagbabago ay dapat sa kapakanan ng ikabubuti ng pamilya at para sa sarili.
  • Disiplina - sa likod ng isang tagumpay ay ang pagiging disiplinado. Kailangan mong kontrolin ang iyong sarili sa mga bagay na magpapabagal sa iyo sa pagkamit ng tagumpay at pagbabago. Ang lahat ng mga taong naging matagumpay sa buhay ay tiyak na dumaan sa puntong ito. Papaano mo makakamit ang mala-Adonis o mala-Venus na katawan kung wala kang kontrol sa pagkain? Papaano mo mabibili ang pangarap na bahay at lupa kung laman ka ng mall sa tuwing ito'y may Sale? Ang pagkamit ng tagumpay ay kakambal ng disiplina at sakripisyo. 
Sa paglalakbay mo patungo sa Tagumpay hindi maaring hindi ka magkakamali. Dahil bahagi ito ng pagiging tao, bahagi ito ng pagiging sino ka sa darating na panahon. Hindi maiiwasan ang pagkakamali ngunit ang mahalaga ay maging leksyon ang pagkakamaling ito para sa inaasam nating tagumpay. May tatlong uri raw ng tao pagdating sa pagkakamali; Ang Taong Tanga, Ang Taong Matalino, at Ang Taong Mautak.
Ang taong tanga sila 'yung nga tao na nagkakamali ngunit hindi nagsisisi at hindi natututo sa kanilang pagkakamali. Ang taong matalino sila 'yung nagkakamali pero sinasabuhay nila ang leksyon sa likod ng kanyang pagkakamali. Samantalang ang taong mautak sila 'yung mga taong sinasabuhay ang leksyon sa likod ng pagkakamali ng iba.

Hindi madaling maging taong mautak sa lahat ng pagkakataon pero sana sa tuwing tayo'y magkakamali maharap natin ang naging resulta ng bawat pagkakamaling ating ginawa. Hindi tayo perpekto pero hindi natin kailangang maging perpekto para maging mabuting tao, hindi tayo anghel pero hindi natin maging santo para gumawa ng mabuti para sa ibang tao, hindi lahat tayo matalino pero hindi tayo bobo para malamang ang tagumpay ay wala sa pag-apak sa ibang tao.



Monday, November 3, 2014

"Ang Bansang Nagpapanggap Na Mahirap"

Ang image ay galing sa: tbhsbca.net
Taon-taon may trilyong pisong nakalaang budget ang ating pamahalaan na ina-allocate sa iba't ibang programa ng bawat kagawaran, bukod pa rito ay mayroon din tayong 8 billion dollar reserves mula sa naipong remittances ng ating mga OFW, gold holdings, revaluation adjustment at iba't ibang investments at sa export industry. Kada taon ay pinagsamang daan-daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue, ang bawat mambabatas at opisyal na nanunungkulan sa gobyerno ay may milyon-milyong pisong pondong kanilang pinangangalagaan at pinangangasiwaan.

Sa laki at nakalululang mga halagang nabanggit nais ko tuloy paniwalaan na ang bansang Pilipinas ay isang mayamang bansa na nagpapanggap lang na mahirap -- na tayo'y hindi kapos sa pera kundi sa katapatan at disiplina.
-----


Ilang dekada na ring kabilang ang bansang Pilipinas sa listahan ng mga developing countries, sa listahan ng walang pagpapahalaga sa kalikasan at sa listahan ng mga bansang may malalang katiwalian. Ito ay sa kabila ng pagsisikap at sandamakmak na mga pangako at programa ng mga nanunungkulan na pauunlarin at didisiplinahin nila ang bansang ito, lokal man o nasyonal. At sa paglipas pa ng panahon ay tila lumulubha pa ang ating sitwasyon; ilang mga beteranong pulitiko ang nasangkot sa iba't ibang kontrobersiyang may kinalaman sa paglustay sa kaban ng bayan, ilang mga anomalya at katiwalian ang nabunyag at kabi-kabilang opisyales ang naakusahan ng pamahalaan at pati nga ang kalikasan at agrikultura ay napabayaan ng husto.


Tila ba hindi natatapos ang mga ganitong suliranin at kontrobersiya na nagiging dahilan ng pagkaantala ng progreso ng ating bansa. At sa ganitong kalagayan kung kulang sa oportunidad ang mamamayan nagreresulta ito sa 'dog-eat-dog' situation na ang malalakas ang siyang nagpupunyagi na minsa'y nababalewala at nawawalang bahala ang mga nakahaing batas. Kung kalam ang sikmura ng mga tao madalas nawawala ang kanilang disiplina ngunit kahit kailan hindi naman talaga dapat gawin itong katwiran at dahilan para lumabag sa polisiya at batas.


Sa patuloy na paglayo ng agwat ng mga mayayaman sa mahihirap hindi rin naman nagpapabaya ang ating pamahalaan at katulad ng marami sa ating mga kababayan hindi kailanman nawawala ang pag-asa at kaisipang ang Pilipinas ay aasenso at uunlad. Minsan na tayong tinaguriang 'Tiger Economy of Asia' at 'di malayong makakamit natin ito sa pagbalangkas ng mga posibleng solusyon para tuluyan na tayong makaaahon sa pagkakalubog na ito. At kung hindi ito agad na maagapan ng mga nanunungkulan maaaring tuluyan na tayong mapag-iwanan. Hindi tayo dapat makontento na hanggang pangarap na lang ang kaunlaran at hanggang inggit na lang ang mararamdaman natin sa paglago ng ekonomiya ng mga kapitbahay nating South Korea, Japan, Singapore, Hong Kong, China at ang papausbong na ekonomiya ng Vietnam, Malaysia, Indonesia, Thailand at iba pa.


Bukod sa intensibong pagpapatupad ng batas dapat din natin isaalang-alang ang ibang bagay na makatutulong para makahulagpos tayo sa tanikala ng kahirapan. Ang mga sumusunod na suhestiyon kung mabibigyan pansin ng husto ay makatutulong sa unti-unting kaginhawaan kung hindi man lubos na kaunlaran ng bansa:

l  epektibong edukasyon para sa lahat
l  karagdagang ayuda sa sektor ng pangingisda at agrikultura
l  pagpapakalat ng ekonomiya at industriya sa buong kapuluan
l  karagdagang sahod sa kawani ng gobyerno
l  mabilis na transportasyon at komunikasyon
l  makataong paglilikas sa mga iskwater
l  oportunidad na mapagkakakitaan sa mga ni-relocate na mahihirap
l  mababa at maaasahang source ng kuryente
l  permanenteng solusyon sa lumalalang port congestion


Ayon sa pag-aaral, tinatayang 1 sa bawat 5 limang pilipino ay mahirap (conservative pa ang bilang na ito) ibig sabihin mahigit sa 12.1 milyong pilipino ang pinagkakasya ang maliit na kinikita para lamang maka-survive sa bawat araw. Sa dami ng bilang na ito, ito rin ang naging dahilang kung bakit lumobo sa mahigit 11 milyong pilipino ngayon ang naghahanapbuhay sa iba't ibang panig ng mundo. Sila 'yung binansagan nating 'Bagong Bayani' pero hindi naman bayani kung ating ituring. Sa ngayon, napakalaki ng kanilang naiaambag sa ekonomiya pero hindi dapat 'yon lang ang solusyon at dapat nating asahan dahil marami pang paraan kung ito'y matutukan lang ng pamahalaan.


Dahil sa sunod-sunod na kalamidad na nagreresulta sa pagkalugi at tila hindi seryosong pagtulong sa sektor ng agrikultura napipilitan ang ating mga magsasaka na ibenta ang kanilang ekta-ektaryang lupain at bukirin sa mga higanteng kapitalista at ilang taon lang ang bibilangin ang mga bukiring ito'y magiging dambuhalang mall o 'di kaya'y magiging malawak at magarang subdivision. Sa dami ng ating populasyon na umaabot sa mahigit isandaang milyon nakakatakot isipin ang posibilidad na kakapusin tayo ng pagkaing mula sa dagat/tubig, ito ay sa kabila ng pagiging arkipelago ng ating bansa. Kapansin-pansin na unti-unting nababawasan na ang bilang ng nahuhuling mga isda sa dagat na nagiging pangunahing dahilan kung bakit mas mahal pa ang halaga ng mga ito kaysa karne ng manok at baboy. Kung maagapan, naniniwala ako na maisasalba pa ang umaandap na sektor na ito kung mabibigyan lang ng pansin at tutok ang mga batas na nagawa para dito.


Samantala, katulad ng mga magsasaka at ating mangingisda, ang mga maliliit na entrepreneur kung mapagkakalooban lang ng oportunidad at kahit maliit na kapital ay posibleng makapag-ambag ng kahit na kaunti sa ekonomiya ng bansa. Subalit hindi pa naman ganap na huli ang lahat, dahil may ilang panukalang batas na may layong tulungan ang mangingisda, magsasaka at maliliit na negosyante na kalauna'y magbibigay ng karagdagang produksiyon ng pagkain at karagdagang trabaho sa mga hikahos na mga pilipino subalit mga masisipag at masisikap. Hangarin ito ng mga sumusunod na mga (panukalang) batas:

l  The Go Negosyo Bill
l  The Microenterprise Development Bill
l  National Land Use Act
l  Comprehensive Agrarian Report Law
l  Agriculture and Fisheries Modernization Act
l  The Philippine Fisheries Code
l  Corporate Farming Act
l  Tulong Kabataan Sa Agrikultura at Kabuhayan Act


Pansamantala, nakatutulong ang programa ng pamahalaan na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Pagkaing Pinoy Para Sa Batang Pinoy Program sa pamilya ng kabataang pinoy na mahihirap. Ang mga programang ito'y nasa ilalim ng pamamahala at pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development. Layunin nitong maibsan ang gutom ng mahihirap nating mga kababayan sa pamamagitan ng pagbigay pagkain/pera sa kanila. Ang ganitong programa ay naka-pattern sa ibang bansang may ganito ring sistema gaya ng Brazil at Mexico. Sa programang ito higit sa tatlong milyong bilang ng mga pilipinong mahihirap mula sa 79 probinsiya ng Luzon hanggang Mindanao ang nakikinabang sa programa ngunit kung ang malaking bilang na ito ay naiko-convert into manpower higit sanang kapaki-pakinabang sila sa halip na patuloy na umaasa.


Marami ang nag-aakala na maliit na bagay lamang ang kalikasan sa pag-unlad ng bansa. Sa ganitong konsepto tila ba nahuhuli sa prayoridad ang programa para sa pangangalaga ng kalikasan. Ngunit napatunayan ding nararapat na ngang aksyonan at ipatupad ng husto ang batas na magpoprotekta sa kalikasan at natural resources; mga batas na nakatengga lang at dapat ng full implementation dahil kung hindi baka maulit pa ang trahedyang idinulot ng habagat at ng malalakas na bagyong gaya nina Ondoy, Sendong, Yolanda at iba pa. At sa pagwawalang bahala sa kalikasan, walang humpay at walang pakundangan ang marami sa atin sa pagbuga ng maruming usok (pabrika o sasakyan), sa pag-abuso sa kabundukan at kagubatan, sa pagtapon ng kani-kanilang kalat at basura sa kung saan-saan. Resulta nito'y: baha, kalamidad, polusyon at trapik. Sa tulong ng mga sumusunod na batas/programa nakatulong na rin tayo sa pag-recover ng papanipis na ozone layer at muling pagbabalik ng ganda ng kalikasan at posibleng kabawasan ng biktima ng natural disaster na hindi naiiwasan.


l  Total Plastic Bag Ban Act
l  Climate Change Act
l  Illegal Logging Prohibition Act
l  Philippine Mining Act
l  Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act
l  Renewable Energy Act
l  Solid Waste Management Act
l  Environmental Awareness Education Act
l  National CFC Phase-out Plan


Ang kaunlaran ay hindi lang nasusukat sa dami ng pera ng isang bansa -- dahil ang bansang may kaunlaran ay may kaakibat na disiplina sa mamamayan at tagapagpatupad nito, may pagmamahal at pagpapahalaga sa kanyang bayan, may magandang programa para sa edukasyon, agrikutura, industriya at kalikasan.
Hindi madaling gawin ang mga ito ngunit hindi rin naman ito imposible. Magandang maging inspirasyon sa atin ang mga bansang Japan at South Korea dahil sa kabila ng pinagdaanan at naranasan nilang destruction at pagbagsak ng kanilang ekonomiya noong panahon ng digmaan sila ngayon ang isa sa mga hinahangaan, tinitingala at magandang ehemplo ng pag-unlad at disiplina ng maraming nasyon.


Marami na tayong mga batas na may kinalaman at kaugnayan sa pagsulong at pag-unlad ng ating bansa. Batas para sa pagdidisiplina ng mga tao, para sa ekonomiya, sektor ng agrikultura, mangingisda at manggagawa, pagproteksyon sa likas-yaman at kalikasan, para sa maliliit na negosyante, industriya, transportasyon, komunikasyon at elektrisidad. At ang mga batas na ito kung susuriing mabuti ay kapaki-pakinabang para sa lahat maging sa pinakamaliliit na tao ng lipunan.

Eksakto labinglimang taon mula ngayon o sa taong 2030 kung maipatutupad lang ang lahat ng programa at mga batas na ito at maibalik lang ang disiplinang tila naglalaho sa mga pilipino, hindi malayong maging ganap na tigre ng ekonomiya na tayo sa kontinente ng Asya. At ang kaisipan ng lahat na maganda at mabuting Pilipinas ay hindi hanggang pangarap na lang at para matamasa ang tagumpay na ito kailangan ng sakripisyo hindi lang ng gobyerno kundi ng bawat pilipino.



Sakaling makamit natin ang tunay na kaunlaran at kaayusan, ang katagang 'Proud to be Filipino' na madalas ipangalandakan ng marami nating kababayan ay hindi na occasional at magiging huwad lang kundi bukal at taas noo mong sasambitin ito hindi dahil sa talento, talino at galing ng iilang pilipino kundi dahil sa pag-asenso at disiplina ng Pilipinas na hindi matatawaran at matutumbasan.


------
Ang akdang ito ay aking pakikiisa at opisyal na lahok sa 2014 Saranggola Blog Awards 6 sa kategoryang Sanaysay:
Sa pakikipagtulungan ng mga sumusunod na sponsor:

Tuesday, October 1, 2013

Checkmate






Mahal kong Tatay,

Hindi ko na itatanong kung maayos ba ang lagay mo diyan dahil alam ko namang mas mabuti ka ngayon kumpara sa dati mong kalagayan bago mo kami iwan.


Sa napakahabang tatlumpu't anim na taong nagkasama tayo ito lang yata ang natatandaan kong liham na nagawa ko para sa'yo samantalang ikaw ang isa sa mga unang taong nagturo sa akin kung paano ang gumuhit at sumulat. Sa napakahabang panahong ito iilang beses lang ba ako personal na nakapagpasalamat sa'yo samantalang ikaw ang unang taong nagmulat sa akin sa maraming bagay nang nag-uumpisa pa lamang akong humawak ng lapis at papel? Sa ilang dekadang inilagi mo sa ating tahanan iilang beses mo lang ba narinig mula sa akin ang salitang "Mahal kita"?


Bagama't napakadalang kong marinig mula sa'yo na mahal mo ako, sa ibang paraan mo naman sa akin ipinaramdam ito. Sa katunayan, hindi ka tumigil sa pagsisikap at pagpapakahirap sa hanap-buhay para lang matustusan ang pag-aaral naming magkakapatid, na ang lahat ng naipon mong pera ay nasaid at nasimot, ganundin ang lahat ng mga naipundar mong mga alahas ay iyong naisangla at tuluyang nailit sa sanglaan para lang makapagtapos ako at ng mga kapatid ko ng pag-aaral.



At nakalulungkot na may pagkakataon ngang pati ang ilang alaga nating mga kalapati ay kailangang katayin para lamang mayroon tayong hapunan dahil nang araw na iyon lahat ng hawak mong pera ay ibinayad ko ng aking matrikula. Kahit alam kong hindi mo gusto ang eksenang iyon pilit mo pa ring in-enjoy ang ating hapunan at hindi ka nagpakita ng kahit na katiting na kalungkutan.


Naaalala ko pa noong aking kabataan, siguro’y nasa pagitan ako ng pito hanggang walong taong gulang, nang turuan mo ako ng larong ahedres, hangang-hanga ako sa sarili ko noon dahil madalas kitang ma-checkmate! Biruin mo sa murang edad kong iyon  kayang-kaya kitang talunin, ikaw na nagtiyaga sa akin kung paano ito laruin eh tinatalo ng katulad kong paslit lang. Pero nung nagbinata ako saka ko napagtanto na sinadya mo lang palang pinatatalo ang iyong laro dahil mas tuwang-tuwa ka sa tuwing pinagtatawanan at inaasar kita sa pagkaka-checkmate ko sa iyo kaysa manalo ka pero nakasimangot naman ang mukha ko. Haha, akala ko pa naman napakahusay ko nang maglaro ng chess.


Ang isa sa mga hinahangaan ko sa'yo noon ay ang iyong pagiging 'jack of all trades' o malawak na kaalaman sa halos lahat ng bagay at sa panahon nga ng aking pag-aaral sa elementara'y ilang beses mo rin akong ginawan at tinahian ng costume tulad ng damit ni 'Lapu-lapu', 'policeman', 'arabo' at 'cowboy'. Tandang-tanda ko pa noon kung paano ka nakisimpatiya sa 'mabigat kong problema' nang graduation ko sa Kinder, wala kasi akong medalyang natanggap at masyadong ikinasama ng loob ko iyon at para lang tumahimik ako sa kangangangawa ko dahil sa walang kwentang dahilan daglian mo akong ibinili ng isang bola, award ko umano sa pagkakagradweyt ko.


At kahit may sarili na akong tahanan, sa tuwing may sirang kasangkapan o may kukumpunihin sa bahay o kailangang sementuhan at pinturahan hindi na ako kumukuha pa ng tubero, mason, pintor o karpintero dahil ikaw na mismo ang nagkukusang gumawa nito para sa sarili kong pamilya at lalo ka pang ginaganahang magkumpuni kung kinukulit ka ng mga apo mo hanggang sa itigil mo na ang iyong ginagawa dahil sa labis nilang pagkapasaway. Pero ngayon napipilitan na akong magbayad ng ibang tao para gawin ang mga ito dahil lumisan ka na nga.


Dala ng aking kabataan hindi ko noon naiintindihan kung bakit napakahigpit mo sa aming magkakapatid na sa bawat pagkakamali namin ay may katumbas na itong pagalit minsan pa nga'y may kasama pa itong palo. Sabi nga ng ibang kapitbahay natin, ibang klase ang pagdidisiplina mo sa amin. Pero may dahilan pala ang lahat ng ito, minsan naitatanong ko sa aking sarli:

- Ano kaya ako ngayon kung hindi mo ako piningot sa tuwing ako'y nakikipag-away?
- Sino kaya ako kung hindi mo ako pinagalitan dahil sa maghapon kong paglalaro sa kalsada?
- Ano kaya ako kung hindi mo ako napalo sa tuwing nakababasag o nakasisira ako ng ating kasangkapan?
- Sino kaya ako kung pinabayaan mo lang akong gumastos sa mga bagay na hindi naman gaanong kailangan?
- Malusog pa kaya ako kung hindi mo ako pinangaralan at pinagsabihan na huwag na huwag akong magsigarilyo?
- Nasaan kaya ako ngayon kung hindi mo pinagtiyagaan ang aking pag-aaral?
- Naging sino kaya ako kung hinayaan mo lang ako sa mga aking pagkakamali?

Ayoko nang isipin pa dahil siguradong hindi kagandahan ang kinahinatnan nito.


Labis lang akong nagtataka noon dahil sa paulit-ulit mong paalala na huwag na huwag kaming magbibisyo lalo na ng sigarilyo datapwat ikaw mismo ay nakauubos ng halos dalawang kaha ng yosi sa isang araw lang! Hindi ko makuha ang logic mo doon, gusto kong sabihin at itanong sa'yo kung bakit ayaw mo pang itigil ang labis na pagkahumaling mo sa sigarilyo.


Kalaunan, ako na rin mismo ang nakahanap ng kasagutan sa tanong kong ito. Alam kong alam mo ang magiging resulta ng labis mong pagyoyosi pero hindi mo ito napigilan. Siguro kung may maituturing na kahinaan sa iyong mga katangian, iyon ay ang pagiging mahina mo na talikdan ang bisyo mong ito.


Isang dekada pagkatapos kong makamit ang pinapangarap nating PRC license at ako'y maging ganap na maging propesyonal, nangyari na nga ang ating pinangangambahan - unti-unting iginugupo ang iyong kalusugan ng labis mong bisyo. Saksi ako kung paano bumagsak ang iyong pangangatawan mula sa pagiging matikas, ang iyong tila batas-militar na boses ay tila napaos at ang iyong lakas na aking hinangaan ay kagyat na naupos.

Saksi ako kung paano ka nagsikap, nagtiyaga, sumaya, magalit, magpasensya, subukin, bumangon, magtagumpay, matalo at macheckmate ng tadhana.


Saka ko lang naisip na kaya masidhi ang pagbabawal mong 'wag kaming magyosi dahil  nais mong maitama namin ang naging pagkakamali mo, gusto mong mas matagal pa naming makasama ang aming mga pamilya kung hindi kami mahuhumaling dito.


Bagama't hindi mo napigilan ang iyong sarili sa pag-abuso sa bisyong ito, kailanman hindi nawala ang respeto at paghanga ko sa'yo, kailanman hindi ito naging hadlang upang ituring kitang idolo na sa kabila nang hindi mo pagtatapos ng pag-aaral, lahat kaming magkakapatid ay binigyan mo ng sapat na edukasyon na naging daan upang magkaroon kami ng komportableng buhay.


Mahal kita 'Tay at kahit batid kong huli na ang lahat, nais ko pa ring ipahatid sa iyo ang aking pasasalamat sa lahat ng nagawa mo para sa akin, salamat sa lahat ng mga alaala malulungkot man ito o masaya, salamat sa mga panahong iniukol mo sa akin simula ng aking pagkabata, salamat sa minsang pagiging mahigpit mo sa akin, salamat sa mga aral ng buhay, salamat sa lahat-lahat. 

Alam kong hindi sasapat ang salitang 'salamat' para masuklian ang lahat ng iyong kabutihan, alam kong kulang ito kaya sisikapin ko na lang na ako'y maging isang magandang halimbawa ng haligi ng tahanan para sa aking pamilya katulad nang ginawa at ipinadama mo sa amin sa loob ng mahabang panahon.


Maaring hindi ka naging perpektong tao sa paningin ng mundo pero itinuturing kong ikaw ang pinakaperpektong ama para sa akin, na kahit sa huling sandali ng iyong oras ay ipinakita at ipinaramdam mo ito nang walang halong pagkukunwari.


At kung may kahilingan lang akong kagyat na maibibigay ng Diyos, hihilingin ko  na makasama kitang muli kahit sandali, kahit ‘sang saglit, idudulog at susubukin kong hiramin kita mula sa Langit.


Patuloy na nagmamahal na iyong anak,


- Limarx



 --------------------------------------------------------
Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa taunang Saranggola Blog Awards sa kategoryang Sanaysay

Sa pakikipagtulungan ng: