Tuesday, October 15, 2013

Message Sent 1/5: prequel

May kwento sa likod ng isang kwento, kung may ending dapat may simula, hindi ba't mas okay kung may prequel at closure ang relasyong walang label nina Christy at Geoff?
Nag-umpisa ang kanilang istorya sa simpleng "Hi!" na nauwi sa matatamis na tawagan sa telepono at komunikasyon sa text messages at palitan ng mga mensahe sa email. 
Saan kaya hahantong ang "walang label" na relasyon ng dalawa?



Halika basahin natin ang palitan ng kanilang mga sulat sa isa't isa, halika subaybayin natin ang serye ng kanilang relasyong... "Walang label".

----------------------------------------------------------------------------------------

Dear Christy,

Masaya ako nang nakilala kita pero higit pa sa saya ang aking naramdaman nang makausap ka at makilala ang pilas ng iyong pagkatao. Alam kong marami pa akong hindi alam tungkol sa iyo ngunit sapat na para sa akin na nabahagi mo ang ilan mong saloobin sa kabila ng aking pagiging estranghero. Ang pagkakataong ibinigay mo ay walang katumbas na anumang paliwanag.


Suntok sa buwan ang unang mensahe ko sa iyo, hindi ko batid kung makakatanggap ito ng sagot o babalewalain mo lang tulad ng sa isang basura. Ngunit hindi mo binigo ang aking simpleng pagbati at sa napakaiksing panahon, ito ang nagbukas sa isang malawak at interesanteng pag-uusap.

Hindi ko man marinig ang iyong tinig, narinig at naunawaan ko naman ng buo ang gusto mong sabihin.
Hindi man kita personal na makita, nakita ko naman kung ano ka at sino ka sa likod ng napakaganda mong ngiti. 
Hindi man kita mahawakan, napanghawakan at naintindihan ko naman ang iyong mga salita at ilang paninidigan.


Hindi ko alam kung ano ang mali sa iyo at hindi nila nagawang ikaw ay higit pang kilalanin. Hindi ko alam kung bakit sa kabila ng iyong pagiging mabini ay negatibo ang nakikita nila sa iyo. Sila ang may problema at hindi ikaw at hindi mo kinakailangang mapagbigyan sila sa gusto nilang isipin. Nakakatuwa na hindi ka nagpaapekto sa kanila sa kabila nang lahat ng ito; dahil higit mong kilala ang iyong sarili kaysa sa kanila, ang iyong kakayanan laban sa mapanuri nilang mata, ang iyong kapasidad laban sa kanilang napakababaw na pananaw, ang iyong galing laban sa kanilang pasaring.


Alam kong panandaliang kang nagtaka nang ako'y nag-alok ng isang bukas na komunikasyon at isa sa mga dahilan dito ay ang pagnanais kong makilala ka ayon sa sarili kong pag-analisa at hindi dahil sa dikta ng kanilang mapanghusgang mata at matabil na dila. Hindi ako komportable na makarinig ng isang negatibong puna maging sa iba at lalo't sa iyo na itinuring kong espesyal na kaibigan kahit hindi naman ganun kalalim ang ating samahan; hindi nga ako nagkamali, tama nga ako dahil sa ipinakita mong kababaang loob at positibong pananaw sa buhay sila ang nagmukhang kaawa-awa.

Kung bakit ang tao ay mapanghusga at mapaghinala ay hindi ko kayang ipaliwanag ang dahilan.
Ayoko rin namang palawigin pa ang ganitong paksa at usapin dahil kung gagawin natin ito parang wala na ring tayong ipinagkaiba sa kanila tama nang nalaman mo ang ilang mahalagang impormasyon at nagsilbi itong babala upang may pag-ingat ang iyong bawat pagkilos.


Sa positibong punto, nais ko rin silang bigyan ng pasasalamat dahil isa sila sa mga dahilan upang itulak ako na malaman ang higit ng lahat sa iyo, upang malaman ang misteryo sa likod ng iyong ngiti, upang magkaroon ng kaibigang walang pretensyon at walang alinlangan. Salamat dahil sa kabila ng iyong pagiging abala ay nagagawa mong sagutin ang aking tanong at nagagawa mong pagpasensyahan lahat ng aking kakulitan. Salamat dahil nakilala ko ang isang tulad mo. :)
Isang malaking sayang na hindi ko ito ginawa noong abot-kamay ko pa lang ang iyong presensiya hindi tulad ngayon na malapit ka nang mawala at tanging ang virtual na mundo na lang ang mag-uugnay sa akin patungo sa iyo pero alam ko rin baka patungo na rin ito sa kawalan (huwag naman sana o huwag muna ngayon). Ayokong guluhin ang daigdig mo, ayokong dumagdag pa sa ilan mong alalahanin, ayokong makisiksik pa sa marami mong iniisip. Ang bagong landasin na iyong tatahakin ay alam kong hindi madali ngunit katulad ng sinabi ko sa'yo noon paano natin malalaman kung higit na maganda sa iba kung hindi natin susubukan?


Muli, sana maging aral sa iyo ang anumang iyong naranasan at gawin mo itong gabay sa bago mong paglalakbay. Hindi porke nakangiti sa atin kaibigan na natin, hindi porke tumatawa na kasama mo pwede mo nang pagkatiwalaan at hindi porke mabait kung kaharap mo, mabait pa rin siya pag talikod mo. Hindi madali ang humanap ng tunay na kaibigan at alam ko sa taglay mong magandang ngiti marami ang magpapanggap na sila'y tunay na kaibigan sana alam mo rin kung paano sila uriin.


Ayokong ituring mong ako'y iba sa kanila dahil baka hindi ko mapunan ang expectations mo sa akin. Tulad din ako ng marami; mapagbalat-kayo kung kinakailangan, nakangiti kahit nahihirapan, malakas ang tawa kahit galing sa pag-iyak basta...kung ano ako ngayon, 'yun ako. Mahirap gumalaw ayon sa expectations ng ibang tao at mahirap magpa-asa kung nagkukunwari lang pala at ayaw kong mabigo ka kung sakaling makita mo ang negatibo sa akin.


Isang malaking panghihinayang ang posibilidad na baka hindi na tayong magkitang muli dahil sa nalalapit mong pag-alis ganunpaman, natumbasan na rin naman ito ng kasiyahan nang minsang pumayag kang pakinggan ang aking tinig kahit alam nating wala namang saysay at importansya ang ilang aking pinagsasabi at doon ko nalaman na may kakulitan ka rin pala. :)


Sana matagpuan mo na ang hinahanap mong peace of mind sa bago mong tahanan. Nandito ako at bukas-palad akong mag-aalok ng tulong kung anuman ang iyong saloobin o kailangan (basta kaya ko rin lang).


Kung isang araw ay bigla na lang maputol ang ating komunikasyon dahil sa pagiging abala mo o dahil sa iba pang kadahilanan hindi ako magsasawa na magpasalamat dahil nakilala ko ang isang gaya mo (paulit-ulit). Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na isang araw ay makasama at makausap ka hindi sa virtual na mundo ng Social Network kundi kaharap ka at kasama ang pinagsasaluhan nating masasarap na pagkaing nasa hapag kainan.
 Good luck.



-Geoff

No comments:

Post a Comment