Monday, October 7, 2013

It's Over Now



Clueless ako sa nangyari.
Nabigla. Nagulumihanan.
Blangkong napatingin sa kawalan.
Nagtataka. Nagtatanong.

Hindi ko ito inaasahan mula sa iyo.
Ikaw na nangako ng magpakailanman, ikaw na itinuring kong aking langit,  ikaw na aking daigdig at dahilan ng maraming bagay para sa akin. Ang akala kong sagot sa aking mga katanungan.
'Di ko alam kung ano ang nagawa kong pagkakamali at isinadlak mo ako sa ganitong kalagayan, 'di ko alam kung ano ang naging aking kasalanan para ma-deserve ko ang ganitong pagtrato mula sa iyo. Siguro nga'y bigla na lang nawala ang pagmamahal mo sa akin, mabilis. Napakabilis. Kung papaano mo ako noon ituring na pinakamahalagang nangyari sa buhay mo, ngayon'y tila balewala na ako sa'yo.

Pilit ko pang itinatanggi na hindi mo kayang gawin sa akin ito ngunit ang anumang dagdag na pagtanggi'y lalo lang nagpapahirap sa nararamdaman kong pagmamahal sa'yo. Nilibang ko pa ang aking sarili na ang lahat ng ito'y produkto lang ng aking akala at imahinasyon at umaasang muling aalab ang pagmamahal mo sa akin katulad ng pagmamahal na inialay mo noong una mo akong nakilala.
Pinasinungalingan kong lahat ng iyong pagbabago at inilagay sa isip na ito'y isa lamang dagok ng pagsubok. Ngunit kailangan ko nang tanggapin na nagkamali ako.

Patuloy akong nagtiis, nagkunwari, nagsumamo, nagpakumbaba, nanglimos at umasa.
Gabi-gabi. Araw-araw. Hinihintay ko ang sandaling muling manunumbalik ang ubod-tamis na ating pag-iibigan ngunit habang tumatagal lalo pa itong lumalamlam. Hindi ko na maramdaman mula sa'yo ang ningas ng iyong halik at kasabay nito ang paglaho rin ng alab ng iyong mga yakap na aking kinagisnan sa tuwing lumalalim ang gabi. Kahit hindi mo sabihin, alam kong iba na ang nagmamay-ari nito.

Masakit para sa akin na mawawala ka ngunit higit na masakit ang hayaan ko ang aking sarili na patuloy mo lang na paglaruan at lokohin.
Malungkot na mawawala ka ngunit higit pa sa kalungkutan ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita kang walang kasiyahang nadarama sa tuwing tayo'y magkasama.
...Kailangan kong tanggapin na lilisanin mo na ako at hindi ikaw ang iginuhit para sa akin.
...Kailangan kong tanggapin na ikaw at ang mga araw na tayo'y naging masaya ay magiging bahagi na lang ng isang alaala.
Tulad ng pulubing walang sariling tahanan, tulad ng ulilang kulang sa kalinga

Mahal kita ngunit hindi ko nakikitang maligaya tayong dalawa sa piling ng isa't isa sa darating na mga bukas.
Mahal kita at handa kong gawin ang lahat para tumagal ang ating pagsasama ngunit katulad ng lahat ng bagay, lahat nga ay may hangganan at siguro ito na ang katapusan ng ating pagmamahalan.

Hindi ko na kayang panghawakan ang mga pangako mong tayo pa rin hanggang sa dulo, kailangan ko nang pigtasin ang anumang hiblang nagdudugtong sa ugnayan nating dalawa dahil patuloy lang nating pahihirapan ang ating mga sarili kung mabubuhay tayo sa likod ng isang pagkukunwari.

Ngunit pagkatapos ng lahat ng ito hindi ko pa rin pinagsisisihang minahal kita dahil maraming bagay ang natutunan ko sa'yo, ipinaranas mo sa akin kung paano ang magmahal na kay tagal ko noong pinangarap at hinintay, itinuro mo sa akin ang kahalagahan ng pag-ibig na kay tagal kong hinanapan ng kahulugan.


Sa pag-agaw ng dilim sa kaliwanagan, lalong sisidhi ang pagkasabik ko sa'yo, ang kaya ko lang gawin'y ipikit ang aking mga mata hindi para maidlip kundi para ikubli ang lahat ng nararamdaman kong sakit at pagdurusa at patuloy na magtatanong kung bakit ang ating pagmamahalan ay humulagpos at tumungo sa kawalan.

At bukas sa muling pagsikat ng liwanag isasabay kong imulat ang aking mga mata. Hindi ko man lubos na maunawaan ang dahilan at kahalagahan ng pagkawalay mo sa akin - babangon ako't pilit na kalilimutan ang lahat ng malulungkot na alaalang idinulot mo sa akin.

5 comments:

  1. nakakakungkot , pero malalampasan mo din yan :(

    ReplyDelete
  2. ahihi, ang galing ng akda mo, kapatid. wala me masabi. ikaw na ang mahusay dumama.,.. pengeng talent. :) hey, marami akong backlog reading dito, pasensya na. btw, kailangan talaga, may makabagbag-damdaming background music? ang sama mo, Limarx, hehe. :) musta and warm regards...

    ReplyDelete
  3. Walang katulad. Tuluy tuloy kong binasa. Tila sa bawat hinagpis, kasabay nito ang pagkakapos ko ng hininga. Anong nangyayari? Bakit punung puno ng pagsisisi. Hindi na ba maibabalik pa? Doon ko napagtantong ang taong nagmamahal ay hindi nangangailangan ng label, kahit ano pa man sila sa isa't isa, kaibigan, kaaway o bumalik man sa pagiging mga estranghero, ay magmamahal. Walang tigil. Hanggang sa mawala na lang ito nang hindi namamalayan. Hayaan mo't unti unti mo rin siyang makalilimutan.

    Cheers para sa tunay na nagmamahal!

    :D

    ReplyDelete
  4. Una, salamat sa muling pagbisita. Pangalawa, ito ay isang fiction lamang - mahilig lang talaga ako mag-interpret ng mga malulungkot na kanta at sadista ko itong pinalulungkot pa.

    At oo Ate San, ang sama ko talaga! Bwahaha, just kidding. Emotero lang talaga ako. Kumusta na? Bakit wala kang bagong post? Busy ba sa lovelife? :) kung talento lang ang pag-uusapan hindi ka dapat manghingi sa akin dahil labis-labis na ang taglay mo at walang joke dun, hehe. Marami sa mga post mo ang inspiring at nakainspired ng marami.

    @Tadong Daniel - minsan mas okay pang hindi na lang maibalik pa ang dating pagmamahalan kesa magresulta lang ito sa masalimuot na samahan. Ang pagsisisi, paghihinagpis at kalungkutan sa umpisa lang masakit pero sa kalaunan mapapalitan din nang bagong kasiyahan.

    ReplyDelete
  5. haha, please don't ask me to pretend. ;) magaling ang akda mo, mamang emotero. btw, nag-post na me, di ba nga? have a good week, Limarx...

    ReplyDelete