Wednesday, October 23, 2013

Ang Hired Killer




"Sino ka?!? Paano kang nakapasok dito?" Napabalikwas mula sa pagkakatulog sa kanyang kama ang nagtatakang si Congressman Revillame sa lalaking nasa loob ng kanyang kwarto, nakatutok sa kanya ang hawak na baril - isang kalibre .45.

Nakaposisyon ang mama sa madilim na bahagi ng kwarto, malapit sa bintanang nakatindig sa gawing gilid ng malaking kurtina na kung hindi pumasok ang bahagyang liwanag galing sa labas ay hindi ito maaaninag ni Congressman.

"Marami akong pera! Kung sino man ang nag-utos sa'yo na ipapatay ako'y wala na kong pakialam pero kung magkano man ang ibinayad niya sa'yo handa akong magbayad ng doble o triple 'wag mo lang akong patayin!" Tila pautos na susog ng Congressman sa hired killer. Ngunit paano niyang nalaman na bayarin ang taong nasa kanyang harapan gayong ngayon niya lang ito nakaharap?

Paanong hindi niya malalaman na hired killer ang nasa kanyang harap ngayon e ilang beses na ba siyang nakipagtransaksyon sa mga tulad nito? Ilan na nga ba ang kanyang ipinapatay? Ilang pamilya na nga kaya ang binawian niya ng haligi ng tahanan? Ilang pangarap na nga kaya ang kanyang sapilitang ninakaw?
At ang huli nga ay isang whistleblower sa kinasasangkutan niyang scam.

Si Congressman Revillame kung ilalarawan ay isang tipikal na pulitiko. Sa simula'y mabuti ang hangarin, punong-puno ng pangarap para sa bayan, pagbabago ang adhikain, kaunlaran sa ekonomiya, trabaho para sa nakararami, edukasyon para sa lahat, matinong tahanan para sa nagdarahop at gawing kasaysayan na lang ang kahirapan. Isa rin siyang aktibong artista na sa tuwing kapaskuhan ay humahakot ng pera ang kanyang pelikulang may temang kabayanihan - ililigtas niya ang isang bayan sa tulong ng kanyang angking galing, katapangan at anting-anting.

"Magkanong kailangan mo? Kalahating milyon? Isang milyon? Dalawang milyon? Mayroon ako niyan 'wag mo lang akong patayin! May pamilya ako, may mga nagmamahal sa akin, kailangan nila ako!"  Parang sirang plaka ang Congressman, paulit-ulit niyang sinasabi ang kanyang yaman sa hired killer na hindi naman malaman kung siya'y naririnig o hindi. Kumbinsido siya sa kanyang sarili na maaakit niya ng kanyang pera ang taong gustong pumatay sa kanya at tuluyan na siyang iiwan nito. Nasa isip niya: Sino ba naman ang tatanggi sa dalawang milyon? Hindi niya ito kikitain sa buong buhay niya kahit ilang ulo pa ang kanyang itumba, kahit ilang punglo pa ang kanyang maiputok, kahit hanggang sa pagtanda niya.

Mukhang mabait ang Congressman. Gwapo. May lingguhang programa sa telebisyon at may sariling produksyon ng pelikula. Galing sa mayamang angkan ng mga Revillame sa siyudad ng Dumaguete dahil ang kanyang ama ay dati ring sikat na artista at pulitiko. Kaya nakapagtatakang sa dami ng kanyang pera, sa taas ng posisyon niya sa gobyerno at sa ganda ng kanyang trabaho, ilang beses na siyang nasangkot sa iba't ibang krimen at katiwalian. Sa dumi ng pulitika, ang sinumang yumapak dito'y tiyak na marurungisan ngunit sa kaso ni Congressman Revillame hindi lang siya basta naputikan kundi tuluyan niya pang inilublob ang sarili sa putikan mula talampakan hanggang ulo at isinama niya pa sa putikang ito ang halos lahat ng kanyang angkan - na pawang mga pulitiko na rin.

Nakalalasing nga siguro sa itaas, nakalulula nga siguro ang tagumpay, nakakabaliw nga siguro ang kapangyarihan kundi ba naman, ang dating kanyang matinong hangarin para sa bayan ay tuluyan nang nagapi ng kanyang pagkagahaman at katulad ng lahat ng sumabak at nakipagsapalaran sa larangan ng pulitika lahat sila'y nilamon ng buo ng nakasusukang sistema.

Patungo sa kanyang malaking vault ang conressman. Binuksan muna ang switch ng ilaw.  Inikot ang combination. Tumambad sa mata ng hired killer ang napakaraming bungkos ng pera halos hindi ito magkasya sa loob ng vault at halatang isiniksik lang ang ilang mga bugkos para maisara ang pinto. Bumilang ng pera, mabilis na ibinukod ang dalawampung bungkos ng tig-isandaang libong piso. Dalawang milyon! Ngunit tila hindi man lang naantig ang hired killer, tila walang reaksyon sa nakitang napakaraming pera.

Sa dami ng perang iniaalok sa hired killer iisipin mong kukunin na niya ito. Malaking tulong na ito sa kanyang pamilya. Makakapagbago na siya at tuluyan nang makakaalis sa kanyang maruming trabaho. Ngunit mas nanaig sa kanya ang kagustuhang mapatay ang congressman. Sa di matapos-matapos na krimeng kinasasangkutan ng congressman ituturing niyang hustisya at katarungan para sa bayan ang kamatayan nito. At ang dalawang milyong nasa kanyang harapan ngayon ay bahagi ng bilyon-bilyong pisong ninakaw sa mamamayang pilipinong karamihan ay nagdidildil ng asin at nagpapaalipin sa mga katulad ni congressman na mapaniil. Ang dalawang milyong pisong ito ay maliit na porsyento lamang sa nakulimbat na salapi ni congressman kasabwat ang ilan pang mambabatas at ang napakapopular na si Mrs. Napoleon.

Nasa isip ng hired killer kung kukunin at tatanggapin niya ang dalawang milyong pisong ito naging bahagi na rin siya ng pandarambong at pagtataksil sa bayan. Ganito nga ang kanyang trabaho pero ang kanya namang pinapatay ay mga taong nagpapahirap sa nga taong katulad niyang walang kakayanang lumaban sa mga matataas at mga gahamang kapitalista at ganid na makapangyarihan. At ang katulad ni Congressman Revillame ay dapat nang tapusin ang kabuktutan.

Hindi maikakaila sa likod ng napakaamong mukha ng congressman, sa kinis at puti ng kanyang kutis, sa tamis at ganda ng mga ngiti nito nagkukubli ang isang pusakal na ang binibiktima ay ang nagdarahop na taumbayan. Kung hindi niya gagawin ang dapat niyang gawin ay baka mawalan na siya nang pagkakataon na maisakatuparan ito.

"Ito na ang dalawang milyon, sa iyo na lahat ito!" Alok ng Congressman sa hired killer habang itinutulak sa lamesitang palayo sa kanya ang perang makapagsasalba ng kanyang buhay. Napatingin ang congressman sa hired killer.

"I-iikaw?" lumaki ang matang nagtatanong.

"Oo ako nga." sagot ng hired killer, sa wakas nagsalita na ito.

"Papaanong..?!? Hindi maari ito binayaran kita para pumatay pero hindi ko iniutos sa'yong ako ang patayin mo!"

"Tingnan mo ang larawang ito!" inihagis ng hired killer ang isang envelope na may nakapaloob na larawan.

Binuksan ng congressman ang envelope at tiningnan ang larawang nasa loob. Larawan niya nga ang nasa loob! Dagli niyang kinuha ang iba pang mga envelope na nasa drawer ng kanyang sidetable. Nandoon nga ang litrato ng kanyang nais na ipatumba, ang larawan ni Mrs. Napoleon!

Dalawang linggo na ang nakalilipas, sa isang bakanteng lote sa bayan ng Imus kausap niya ang lalakeng ito sa loob ng kanyang magarang sasakyang Brentley kasama ng limampung libong piso at isang kalibre .45 na baril ay iniabot niya ang isang envelope na naglalaman ng larawan ng kanyang nais ipapatay. Ngunit sa halip na files ni Mrs. Napoleon ang kanyang naibigay, ang kanyang larawan ang kanyang naiabot sa hired killer. Larawan na gagamitin sana sa promo at stills ng bago niyang pelikula sa Filmfest.

Samakatuwid, siya mismo ang umupa ng taong papatay sa kanya! At sa napakaliit na halagang limampung libong piso! Halagang halos katumbas lang ng kanyang ibabayad sa isang gabing pananatili sa hotel na kanyang pabortong tuluyan sa tuwing mayroon siyang inuupahang bayaring modelo at artista.

"Hindi maari ito! Nagkamali lang ako, hindi maaring ako mismo ang magpapatay sa aking sarili. Hindi ba't limampung libong piso ang ibinigay ko sa'yo? Tanggapin mo na ang iniaalok kong dalawang milyon at pareho tayong lalabas sa kwartong ito nang masaya." wala pa rin sa tono ng kongresista ang pakiusap dahil tiwala siyang tatanggapin ng kanyang kausap ang pera.
"Ilang doble ng limampung libo 'yan, hindi mo na 'yan kikitain sa buong buhay mo" dagdag pa nito.

"Baka nakakalimutan mo Congressman kaya mo ako kinuha sa trabahong ito dahil ako ang taong hindi tumatalikod sa isang usapan. At alam mong ikakasira ko ang hindi ko pagtupad sa isang napagkasunduang trabaho. Hindi ako katulad mo Congressman na walang dignidad, walang bayag at walang paninindigan!"

Kung tutuusin maaari na niyang kunin ang napakalaking perang nasa kanyang harapan ngunit mas nanaig sa kanya ang pagpatay sa kongresistang nagpapahirap sa bayan, ang isa sa mga dahilan kung bakit dumadami ang kriminal. Para sa kanya hindi lang ito basta trabaho ito ay pagtatanggol, ito ay pagkamit ng hustisya, ito ay katarungan para sa mga posible pang maging biktima ng kanyang kabuktutan at pagmamalabis.

Katulad ng napagkasunduan, ubusin ang lahat ng bala sa bibiktimahin.

At walong magkakasunod na putok ang umalingawngaw sa gitna ng gabi.

Natagpuang bangkay ang isang kongresista, nakasubsob sa nagkalat na perang may bahid ng dugo at katiwalian.


Hindi nasalba ang buhay ng congressman nang pangsuhol na pera at ng kanya umanong taglay na anting-anting.

6 comments:

  1. Awts, parang pinatay na rin ni congressman ang kanyang sarili sa ginawa nyang katangahan sa pagbibigay ng kanyang larawan sa hired killer. Pero sa bandang huli, maigi na rin ang nangyari at nabawasan kahit papaaano ang mga ganid na tao sa mundo.

    Mahusay po ang pagkakasulat :)

    ReplyDelete
  2. Mistulang blind item ito ha. *hehe*

    Buti nga kay Senatong, ay este, Tongressman pala. *haha!* Sana lang true story ito. How I wish. :P

    ReplyDelete
  3. Kapag nabasa ito ng hired killer gagawin niya itong totoo tapos magiging suspek ako sasabihing ako ang mastermind tapos isasara na ang blog na ito! Haha.
    Mukha namang hindi blind items parang pamigay nga eh pero still, fiction pa rin iyan.
    Salamat mga sir sa pagbisita

    ReplyDelete
  4. Hope it can be a lesson sa mga tatamaan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi Ms. Joy, thanks sa pagdalaw :)

      Kahit siguro tamaan sila wala silang lesson na makukuha, wala silang kadala-dala at hindi sila marunong maawa. :(

      Delete
  5. hello, Limarx... dumaan lang me, papasalamat sa dalaw at kakaway. hey, di ko pa nabasa, ha... naawindang na me sa title pa lang, parang mga palabas sa cinema one pag madaling araw, hihihi. or, yong indie film na si Papa Piolo ang hired hand, bossing nya si Jay Manalo. parang nakikita ko na, dadanak ang dugo at may itatapong konsensya sa dulo, haha. ang sama... ^^

    basta, babalik na lang ako to read pag mas may time. hope things are well. regards sa pamilya... :)

    ReplyDelete