Monday, July 1, 2013

O V E R D R I V E



Dahil fan ako ng Eheads dapat ganyan ang sunvisor
Bukod sa magkaroon ng sariling bahay at lupa palaging kasama sa ating mga pangarap ang magkaroon ng sariling sasakyan at 'pag mayroon ka na nito dapat pag-aralan mo rin kung paano mo ito i-drive o kahit wala kang sariling sasakyan dapat matutunan mo ang magdrive dahil for sure mapapakinabangan mo ito balang-araw. Sa medyo mahabang 13 years na driving experience ko hindi ko pa rin masasabing napakaeksperto ko na dito, hindi ko pa rin masasabing perpekto ko na ang pagparada sa isang masikip na parallel parking, hindi ko masasabi na hindi na magagasgasan o masasagian ang aking sasakyan at hindi ko masasabing napakahusay na driver ko na. Minsan kasi kahit anong pagpupursigi o pag-iingat natin sa isang bagay mayroon pa ring darating na hindi natin maiiwasan. Kahit may pag-iingat ka may mga tao namang walang pakundangan at walang pakialam sa kalsada.

Ang pagmamaneho sa kalsada ng Kamaynilaan ay nangangailangan ng matinding pasensya at pagtitimpi. Sa dami ng iresponsableng motorista ngayon lagi kang mapapaaway kung laging mainit ang ulo mo. Sabi, malalaman mo daw ang tunay ng ugali ng isang tao kung siya ay nasa likuran ng manibela pero hindi ako gaanong naniniwala dito dahil may mga factor na dapat i-consider kung bakit nag-iiba ang asal ng isang tao kung siya'y nagmamaneho.

Masarap ang pakiramdam ng unang mga taon sa driving kumbaga e nasa "sweetest moments" pa lang kayo ng bago mong girlfriend, nandun pa 'yung lambing at pagkasabik niyo sa isa't isa pero kalaunan at dahil sa napakaraming mga pasaway sa kalye mas nanaisin mo na lang na isa ka sa pasahero imbes na ikaw ang nakaupo sa driver's seat. Sino ba naman ang matutuwa sa mga pasaway at naglipanang kuliglig sa kalsada, sa matitigas ang ulo at kuma-counterflow na mga tricycle driver, sa mga walang modong jeepney driver na sa mismong gitna nagsasakay at nagbababa ng pasahero, sa napakaraming lubak-lubak na kalsada, sa napakatagal at napakabagal na daloy ng trapiko sa Kamaynilaan, sa maraming astig na motoristang ginagawang dekorasyon lang sa daan ang traffic lights and signage? Pagkalipas ng limang taon mong paghawak ng manibela malamang sawaan ka na sa pagmamaneho.

Kundi ka rin lang antukin sa pagmamaneho 'di hamak na mas masarap pa ang long driving kesa makipagsapalaran sa lansangan ng Kalakhang Maynila. At hindi raw ganap ang pagiging driver mo kung hindi mo naranasan ang magdrive ng higit sa anim na oras, nang mga kalsadang may sharp curve, madilim at sinabayan pa ng malakas na ulan. Oo, naranasan ko na rin lahat ng iyan. Naranasan ko nang magdrive sa malupit at nakakapagod na papuntang Baguio at pabalik ng Maynila, sa matinding sharp curve ng Tagaytay at Olongapo, sa nakakainip na biyaheng Batanggas, idagdag ko na rin ang Laguna, Pampanga, Bataan, Quezon at Pangasinan at sa ubod ng dilim na dating NLEX. Kukumpleto sana sa karanasan kong magdrive ay ang maranasan ang makapagmaneho sa napakatarik at delikadong Bitukang Manok na kalsada ng Lucena, Quezon at 'pag nai-drive ko 'yun ng walang aksidente masasabing 'Certified Driver' na ako.

sa Google Images lang galing ang larawan pero ganyan ang car ko dati pramis.
Hindi madali at hindi simple lang ang magkaroon at mag-maintain ng sariling sasakyan (brand new man ito o secondhand) maraming dapat isaalang-alang at isakripisyo para dito. Ang una kong sasakyan ay secondhand, isang 1995 model Mazda-Astina 323 sedan na nabili ko nang year 2000. Dito ko naranasan ang unang bangga, unang gasgas, unang kaba, unang sakit ng ulo. Hindi nga madali ang magmaintain ng sariling sasakyan lalo't kung ito'y secondhand mo nabili hindi mo alam kung kailan, ano at saang bahagi (na naman) ang bagong diperensya/problema ng kotse mo. At sigurado kukulangin ang isang libong pisong nasa bulsa mo para ito'y mapaayos. Dahil ang Mazda 323 ay malasportscar malamang na ang dating nagmamay-ari nito ay naihataw ito ng husto kaya nang napasakamay ko'y palaging may sira.

Gusto talaga ni Tyrone kasama siya sa picture
After ng dalawang taon, kinunsider ko nang marunong na talaga ako magdrive at pwede na akong bumili ng mas matino at bagong sasakyan. Pinalad akong makabili ng 2002 Isuzu Crosswind, wow ang sarap ng feeling! Hindi ako makapaniwala na nakabili ng bagong sasakyan na dati'y isang pangarap at panaginip lang! Para akong isang paslit na lango sa amoy ng bagong papel, bag, notebook, crayola at sapatos ganun ang amoy ng bagong sasakyan...mabango kahit hindi naman. Dahil dugo at pawis ang puhunan ko dito sinikap kong maging well-maintained siya sa katunayan gamit ko pa rin ito ngayon sa tuwing araw ng Huwebes.
Rear view ng old age na Crosswind. Dapat nakatakip ang mukha for security reasons pero sigurado parehong cute ang artwork at ang nagpalitrato.

Kung ang problema mo sa secondhand na sasakyan ay ang pangambang masiraan ka sa panahong kapos ka sa pera at hindi mo inaasahan ang hindi naman madali sa pag-acquire ng bagong sasakyan ay paghulog mo sa bangko ng malaking porsyento ng iyong salary sa loob ng apat na taon bukod sa 6 digit na downpayment at hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng diesel o gasolina na dapat ikonsidera. Whoah, kakalula di ba?! So, kung balak mong kumuha ng sasakyan ngayon makailang beses mo itong dapat na pag-isipan.

Ayon sa pagkakaalala ko ay ganyan more or less ang nangyari
Parang isang bangungot ang naranasan ko isang gabing medyo maulan sa sasakyang ito noon sa NLEX; habang pinapatakbo ko ito ng 130kph ay biglang pumutok/sumabog ang kanang likurang bahagi ng gulong nito. Umikot ang sasakyan ng isa't kalahating beses, sadsad kami sa shoulder ng highway; mabuti na lamang na walang paparating na rumaragasang trak o bus ng eksaktong sandaling iyon kundi ay St. Lukes' o St. Peter ang sumunod na destinasyon namin, tulala kami ng wife ko nang halos limang minuto sa nangyaring aksidente, nanginginig ang aking kalamnan at pawisan ng husto kahit malamig ang aircon. Tsk tsk. Muntik na. Thank God.

Sabi ni Tyrone dapat daw ganyan magpapicture
Natagalan bago ako ulit nakabili ng bagong sasakyan dahil na rin sa global economic crisis (haha ang arte - ayaw na lang sabihing kapos sa pambili) at nagsisipag-aral na tatlong anak. March 2010 sa wakas after 8 long years may katuwang na ang aking Crosswind, isang Toyota Vios - ganun pa rin ang feeling hindi pa rin makapaniwala na may bago na naman akong sasakyan, na sa kabila ng mga krisis sa buhay ay may bagong blessing na ibinigay si Lord. Sa hirap ng buhay ngayon kailangan tumagal sa akin ito ng higit sa sampung taon katulad nang pagtagal ng Crosswind. By that time, mapipilitan na talaga akong ibenta ang old age na AUV na ito, na malaki ang naitulong sa pamilya, sa trabaho, sa pambababae emergency, sa mga out of town na pasyal, sa kamag-anak. So far, memorable para sa akin ang pagdadrive ko sa Vios na ito ang pagpapatakbo ko rito ng almost 180kph sa kahabaan ng SCTEX! Tsk tsk, bad daddy dahil nagpadala ako sa buyo ng tatlo kong anak (na puro lalaki), akala yata nila na ang totoong driving ay walang pinag-iba sa nilalaro nilang Burnout at Need for Speed sa PSP.

Para sa akin, (unless marami kang pera at gustong-gusto mo talaga) hindi recommendable na masyado mong mahalin/pagandahin ang iyong sasakyan (modelo man ito o hindi) dahil kahit gaano pa kamahal o kaganda ang accessories na ilagay mo dito, hindi ito kaseguruhan na maibebenta mo ang iyong sasakyan sa mataas na halaga. Ang resale value ng anumang kotse ay deprecicated, base ito sa sa year model kung kailan ito lumabas at hindi sa kung ano ang accessories na ikinabit mo dito. Mas makabubuting ipunin at ilaan ang dapat na pambili sana ng accessories para sa downpayment ng brand new at modelong sasakyan.

Sa pagmamaneho hindi lang buhay mo ang nakataya kundi pati ang buhay ng mga taong nakasakay sa minamaneho mo. Maging maingat sa lahat ng oras. Huwag uminom ng alak dahil kahit hindi ka malasing sa ininom mong isa o dalawang bote ng beer umaayuda naman ito sa iyong pagkaantok at mahirap talunin ang antok, maniwala ka. Kung mag-o-overtake siguraduhing may sapat kang lakas nang loob at tiyaking mas mabilis ng at least 10-30kph ang minamanehong sasakyan sa o-overtakean na kotse - gawin ito ng mabilis at swabe, 'wag magdalawang-isip dahil segundo lang ang pagitan ng buhay at sakuna. Pareho lang nakakabadtrip ang ikaw ay mabangga at makabangga - kung nangyari sa'yo ito makabubuting kumalma, palipasin ang ilang minuto bago bumaba ng kotse; hangga't maari 'wag magpadala sa init ng ulo marami nang napahamak dito at hindi na maibabalik pa ang anumang masasakit na salitang binitiwan pag nagkataon baka lumala pa ang sitwasyon. Mare-resolve ang lahat kung may otoridad na namamagitan.

May pagkakataong maiipit ka sa masikip na trapik o nakabitin ang sasakyan mo sa tulay o mapapasubo ka sa rumaragasang ulan o madadaan sa mabaha at madulas na kalsada - tulad ng ating buhay hindi ito palaging smooth at walang pagsubok. Bahagi ito ng buhay, bahagi ito ng pagmamaneho dahil ang karanasan mo ang huhubog sa pagiging mahusay mong driver balang-araw. Maging defensive at responsableng driver ng lipunan sa halip na offensive at pikunin. Huwag nang tumulad sa mga barubal sa kalsada, kung ginagaya mo sila wala kang karapatang magalit sa kanila.

Ang buhay para ring driving, minsan kailangan mong magmabagal, huminto at sa pagkakataong naghahabol ka ng oras kailangan mong magmabilis pero kaakibat nito ang isang responsibilidad na dapat harapin sakaling makaaksidente. Sa panahong may lubak ang buhay dapat ay dahan-dahan para hindi lalong mapahamak, hindi kailangan laging mabilis ang takbo lalo na kung paahon at pabulusok ang daan. Mahirap magdesisyon kung tumatakbo ka nang ubod ng bilis isang maling desisyon mo'y baka buhay ang maging kapalit. Makakarating ka pa rin naman sa iyong patutunguhan kahit hindi ka magmaneho ng mabilis, okay lang kahit medyo late ang importante ikaw at ang iyong mga sakay ay safe. Tandaan, KARAMIHAN sa malalang aksidente ay dahil sa iresponsable, kaskasero at nagmamadaling driver na nasa likod ng manibela.

May we all have happy and safe journey! Ingat!

7 comments:

  1. Naalala ko tuloy last kung uwi. My son had just bren driving for almost a year at first time kami punta sa batangas. Grabe nerbyos ko habang drive sya at nag promise ako sa sarili ko na mag rent na lang kami ibang kotse at driver next time.
    And totoo lahat sabi mo about driving dyan sa Manila. I have seen it although d ko driver.
    Kahit na 18 years na k nag drive dito sa Norway, di ko kakayahin mag drive sa Manila dahil sa sobra traffic at marami d sumusunod sa rules.
    Well, better we say " jesus takes the wheel " in our lives:)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hi Ms. Joy. Oo nga parang isang pagsubok ang pagdrive sa Metro Manila kung nasanay ka sa ibang bansa. Kakalungkot pero parang papunta na sa kawalang pag-asa ang pag-ayos ng trapiko sa atin. :(

      Delete
  2. Good driving tips... Sana magamit ko rin 'yan.... kahit hindi ngayon... sanay lang kasi ako sa mga padyak at kariton sa aming eskinita eh.... i love e-heads!

    ReplyDelete
  3. heads tayo.. hehehe.. at salamat sa mga tips..

    gusto ko na rin magka-sasakyan.. kahit suzuki alto lang muna (parang 'yun pa lang yata 'yung pinakamura sa ngayon).. solb na ako du'n.. para maranasan ko na 'yung kung paano mag-drive ng kotse, hindi motorsiklo lang.. hehehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. yung suzuki alto cool 'yun japan made na tipid pa gas.
      okay din naman sir 'yung motorsiklo mo hindi na magastos, mabilis pa. ingat lang 'pag maulan kasi madulas. :)

      Delete
  4. Hello mamang tsuper! Bakit po kayo nagda-drive ng 130kph sa NLEX?

    Hindi pa ako matandang driver pero tinatamad na akong mag-drive kasi mas gusto kong matulog sa sasakyan. Ang hirap nga lang pag marunong din mag-drive ang pasahero, kasi madali akong mabwisit sa soooobrang bagal magmaneho saka sa medyo tanga sa kalsada hahaha!

    Ang isang pinakaimportanteng bagay na natutunan ko sa maigsing panahon ng aking pagmamaneho (at gusto ko tong ipa-tattoo sa kung saan ko sya laging makikita) wag magmaneho pag nakadalawang bote na ng red horse or kung anuman ang equivalent noon sa ibang inumin (pasensya na't eto lang ang palagi kong iniinom kaya ito ang alam kong sukat). Eto ang limit ko na alam kong matinong tao pa ako. Pag nasimulan ko na kasi yung pangatlong bote kahit isang baso pa lang kukulit na ako ng bonggan nyan. As in makulit na parang langaw sa palengke. Pero aabot pa siguro mga 9 na bote bago ako malasing ng bongga.

    Tapos sunod na noon ay mayabang na ako. Minsan na akong nagmaneho ng nakainom, and I am not proud of it. Nakakatakot ng bongga. Naandon na kasi ako sa stage na mayabang na ako kaya ipinagyayabang ko pang kaya kong magmaneho. Tapos gumewang-gewang sa kalsada, ayun nagising ako na parang nakuryente. Kaya hinding-hindi ko na uulitin yon, sabi ko. Ewan ko pagtanda ko kung uulitin ko ba yon.

    Minsan na rin akong nagmaneho na bagong gising, ayun nakabangga ng nbi. Tapos iniyakan ko, bati na kami. Hehehe. Kung hindi ko naman kasalanan e aawayin ko sya malamang, pero kasi kasalanan ko kaya umiyak na lang ako. Saka malaki syang mama natakot ako baka ihambalos nya ko sa poste.

    Gusto ko rin ng bagong sasakyan, parang extension ng bahay. Mas gusto kong tumira sa sasakyan hehehehe. Kaso wala pang budget. Saka lagi kong iniisip ang gasolina, samantalang etong panahon ngayon na ako ay parasite at nakikisabay lamang, mas masarap ang matulog, hehehe. Revo ang kadalasang kong dala ngayon, at kung bibili man ako ng sasakyan gusto ko yung pang-selfish yung ako lang at siguro dalawa pa o tatlong tao ang kakasya :)

    Magandang araw! Okay ang eraserheads natin.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hala, ang haba ng comment parang isang blog post na. :)
      Pasensya na kung napabilis ang driving siguro kung merong isang kasalanan na mahirap iwasan 'yun ay ang paglampas sa 100kph na limit. tsk tsk.

      salamat sa pagbisita Akda.

      Delete