Thursday, July 4, 2013

Ang Unemployed



Kalagitnaan na ng hatinggabi ngunit hindi man lang sumisilip ang buwan at ni ang kislap ng bituin ay tila nagkukubli sa mga mata mong naghahanap ng kahit kaunting paliwanag at kaliwanagan.
Ang lalim ng gabi'y singlalim ng mga iyong alalahanin at iniisip at ang dilim ng paligid ay umaayuda sa nararamdaman mong depresyon at kalungkutan.

Higit sa isang taon na ang nakalipas nang ikaw'y makapagtapos sa kursong iyong ninais pero heto ka ngayon...pabigat ng pamilya, pabigat ng lipunan.
Labing anim na taon kang nagsunog ng kilay sa loob ng paaralan ngunit nais mong ikumpara ang iyong sarili sa mga taong nangangalakal na hindi nakatuntong ng eskwelahan.
Kung susumahin hindi na rin biro ang iyong nagastos sa iyong pag-aapply ngunit higit pa sa gastos ang paghihirap sa kalooban na iyong dinaranas sa bawat bigong araw na lumilipas.

Hindi mo inakala na ganito pala kalupit ang reyalidad ng buhay.
Hindi mo inakala na higit na madali pala ang magbasa ng aralin gabi-gabi kaysa makatulugan ang pag-aalala sa mapanuyang paghahamon ng bukas.
Hindi mo inakala na mas nakakapagod pala ang maghanap ng trabahong mapapasukan kaysa ang magpabalik-balik sa eskwelahan.
Hindi mo inakala na mas nakakabagot pala ang magpasa ng sangkatukak na Resumé sa iba't ibang employer kaysa ang magpasa ng examination papers.
Hindi mo inakala na mas nakakasawa pala ang pagsagot sa mga paulit-ulit na tanong sa mga job interview kaysa sumagot sa recitation ng iyong mga propesor.
Hindi mo inakala na mas masarap pala ang buhay estudyante kumpara ngayong naghahagilap ka nang mapapasukan.

Magkano nga ulit ang itinakdang minimum wage? At magkano nga ang ginastos ng iyong mga magulang sa pagpaaral?
Sasapat ba sakali ang paunang salary mo para bumuhay ng matinong pamilya? Paano ka makakatulong gayong palamunin ka pa rin hanggang ngayon?
Ilang milyong mag-aaral ba ang nagtatapos taon-taon? At ilang bakanteng posisyon ba ang nakalaan para sa kanila?

Ngayon mo nauunawaan kung bakit milyong Pilipino ang sumusugal sa ibang bansa. 
Ngayon mo lang lubos na pinahalagahan ang hirap, pagod, pagsisikap at tiyaga ng iyong mga magulang para lang makakain ang pamilya.
Ngayon mo lang unti-unting naiintindihan kung bakit maraming empleyado ang hindi nagamit ang kanilang pinag-aralang kurso kapalit ng mas mababang uri ng trabaho.
Ngayon ka lang nag-alala sa kinabukasan mo at ng iyong magiging pamilya.

Hindi mo gustong matulad sa napakaraming tatlumpu't-walong milyong Pilipinong walang hanap-buhay pero heto ka ngayon - Unemployed.
Hindi mo nais na manirahan sa gilid ng kalsada at maibilang sa tinatawag na Informal Settler pagdating ng araw kaya heto ka ngayon - Balisa.
Tinutuligsa mo noon ang mga tambay sa inyong lugar pero ngayon matagal ka nang kabilang sa kanila.

Ayaw mo nang ganitong buhay, hindi mo ginusto ang maging tambay pero tila ang tadhana ang nagtutulak sa'yo upang ikaw ay maging ganito. Kasalanan ba ng gobyerno kung bakit marami ang ganito o sadya lang maselan ang iba sa pagtanggap ng trabaho?
Mali ba ang iyong nakuhang kurso o hindi pa lang dumadating ang swerte ng pagkakataon?

Marami kang gustong balikan, marami kang pinanghiyangan.
Marami kang mga pangarap ngunit kahit kapiraso man lang nito sa wari mo'y patungo sa kawalan. Nagsasawa ka na pero alam mong hindi ito ang tamang panahon ng pagsuko.

Mistula kang pulubi na nangangailangan ng kaunting limos. Pakiramdam mo'y mas malaki pa ang halaga ng hawak mong selepono kaysa sa iyong sarili at mas may pakinabang pa sa'yo ang mamang putol ang paang nagtitinda ng yosi. Iniisip mong mas nakatutulong pa sa kanyang pamilya ang batang gusgusing namumulot ng plastik sa basurahan at mas may silbi pa sa'yo ang adik sa solvent na pumapasada ng kalawanging kuliglig sa eskinita.

Ang iyong magarang suot ang magsisilbing pananggalang upang pagtakpan ang hirap ng iyong kalooban.
Ang iyong makisig na porma ang balat-kayo mo sa mapanuri at mapanghusgang mata ng mga tao.
Ang iyong mga hightech na gadget ang mag-aangat sa bumabagsak mong pagkatao.
Ang iyong kahusayan sa pagsasalita ng inggles ang magkukubli sa kaignorantehan mo sa maraming bagay.
Samantalang ang napagtagumpayan mong diploma ang magsisilbi mong sandata at kalasag sa pagsubok at dagok ng buhay.

Mamaya bago mo ipinid ang iyong mga mata muli mong sisipatin ang pagsilip ng buwan aasa kang siya'y muli nang ngingiti, iyong aaninagin ang mailap na nagkukubling kislap ng mga bituin,  maghihintay ng paliwanag at kaliwanagan ang pagsapit ng iyong naghihintay na bagong bukas.
Mapapawi na ang mga alalahanin at pag-iisip, liliwanag sa wakas ang kapaligiran, mangangarap na mapapalitan na ang depresyon at kalungkutan ng ubod-tamis na tagumpay at walang patid na kaligayahan, SANA.

1 comment:

  1. dalawa lang, adre:

    1. 'pag may tiyaga, may nilaga..
    2. 'pag ayaw, maraming dahilan.. 'pag gusto, may paraan..

    hehehehe.. ayos 'to, mainam na paalala sa mga unemployed..

    ReplyDelete