Napukaw ang paningin ni Jay
sa dalawang babaeng nagbubulungan habang siya'y sumisiksik sa gitnang bahagi ng
jeep na kanyang sinakyang patungong Laloma - Retiro.
Kahit wari niya'y siya ang
pinag-uusapan ng dalawa wala siyang pakialam dito.
Hindi lang naman kasi isang
beses na nangyari sa kanya ito, ang husgahan, pagdudahan at mapagkamalang
mandurugas dahil sa kanyang maangas na karakas. Sanay na siya.
Si Jay ay isang tattoo
artist na may sariling shop sa Malate.
May kahabaan ang buhok na
akala mo'y bokalista ng isang bandang ang tanging makaka-appreciate lang yata ng
kanta ay ang mga adik na mahilig magsoundtrip. May dalawang makinang na hikaw
sa kaliwang tainga. Sa likod ng suot na imitation na Oakley shades, 'di
nakaligtas sa kanyang paningin ang naturang dalawang babaeng animo'y bubuyog
kung magbulungan.
Tadtad ng tattoo ang
magkabilang braso ni Jay at sa dami ng kanyang tattoo ay hindi mo na halos
makita ang larawang nakatinta rito. Sa madaling salita, si Jay ay mukhang
marungis sa mata ng mga taong ubod-linis ang tingin sa kanilang sarili,
nagpadagdag pa sa kanyang 'pagkamarungis' ang kanyang suot na T-Shirt na
may nakalimbag na 'GOOD GIRLS GO TO HEAVEN BAD GIRLS GO TO MY BED'.
Isa ito sa mga dahilan
kaya't parating may nakasuksok na earphone sa kanyang mga tainga. Mas minabuti
niyang nakikinig ng tugtugin galing sa mumurahin niyang MP3 player kaysa
ikainis at ikabad-trip ang panglalait ng mga taong mahilig magmalinis.
Nang makaayos ng upo si Jay
nakita niyang hinigpitan pang lalo ng dalawang babae ang yakap sa kani-kanilang
mga bag, muling nagbulungan. Sa sikip ng jeep kahit naisin mong dukutin ang
iyong cellphone sa bulsa ay hindi mo magagawa, kaya natatawa na lamang siya sa
inaasal ng dalawa sa kanyang isip.
"Kung sakali, hindi ko pa man mahablot ang bag ng dalawang
laiterang ito siguradong matatalisod na ako bago pa ako tumakbo at makababa ng
jeep"
aniya sa sarili.
Sa halip na mabwisit at
masira ang araw ipinagpatuloy na lamang niya ang pakikinig sa kanyang MP3
player.
Makalipas ang dalawang
traffic light bumaba ang isang ale sa Dangwa area. Sakto namang may pasakay na
isang lalake - hindi pa lubos nakakaayos ng upo ay humalimuyak na agad ang
kanyang bango na nakadikit na yata sa kanyang damit at balat.
May pagkagwapo ang lalake.
Kayumanggi ang balat ngunit makinis. Nagpadagdag pa sa kanyang kakisigan ang
suot niyang kulay rosas na polo na tinernuhan ng slim fit na maong. Artistahin
ang dating, ika nga.
Nakapwesto ito sa pinakadulo
ng jeep malapit sa estribo katapat mismo ng dalawang babaeng ginagawang bisyo
ang panghuhusga sa bawat malas na pasaherong kanilang napagdidiskitahan.
Muling nagbulungan ang
dalawang babae ngunit sa pagkakataong ito ay tila hindi pamimintas o
pangungutya ang paksa ng kanilang pag-uusap, halata mo sa kanilang kilos ang
pagkakilig na animo'y tila pusang naglalandi sa bububungan tuwing gabi. Lalo
pang kinilig ang dalawa nang ngumiti sa kanila ang mamang gwapo, lumabas ang
mapuputing mga ngipin na may bonus pang dimple sa magkabilang pisngi.
Bilang ganti'y napangiti rin
ang dalawa, halatang nagpapa-cute at tila naghihintay na itanong kung ano ang
kani-kanilang cellphone number.
Si Jay ay tahimik lang na
nakamasid.
Walang sawang nakikinig sa
tugtog na nanggagaling sa earphone na nakasuksok pa rin sa magkabila niyang
tainga. Napansin niya ang pagkakilig ng dalawang babae sa bagong sakay na
pasahero. Kung kanina'y parang mga matang nakalisik sa hitsura niya ang dalawa,
ngayon naman'y may pagkamapungay ang itsura ng mga mata nito habang
pasulyap-sulyap sa mamang gwapo.
Binuksan ng babae ang
kanyang bag na kani-kanina lang ay mahigpit niyang yakap. Inilabas ang wallet
at kumuha ng beinte pesos.
"Mama, bayad po dalawa diyan lang po sa.....Aaay!" hindi pa niya natatapos ang
kanyang sasabihin nang maramdaman niyang may humablot sa kanyang bag!
Hinila ng babae ang hawakan
nito, nakipaghatakan. Ngunit mahina lang siya kumpara sa lakas ng mamang
humahablot sa kanyang bag. Laglag ang babae sa upuan nang pwersahin ng lalakeng
makuha ang kanyang bag. Ang kasama naman niyang isa pang babae ay tulala,
walang reaksyon at tila hindi makapaniwala sa bilis nang pangyayari.
Tuluyan nang natangay ang
kanyang bag ng lalakeng walang takot na naglakad lang habang lumalayo sa jeep
na kanyang sinakyan. Sumabay sa makapal na pumpon ng mga tao at maya-maya pa'y
naglaho.
Hagulgol na lang ang tanging
nagawa ng babae.
Katulad ng mamang bigla na
lang naglaho, naglaho na rin ang kanyang bag na naglalaman ng bagong bili
niyang cellphone na Nokia Lumia, mga credit card, mga ID, wallet at higit sa walong libong cash
na natira sa kanyang huling sweldo.
Sa isang kisapmata wala na
ang kanyang bag. Hinablot ng lalake - hinablot ng lalaking mabango, matikas ang
porma at gwapo na kanyang hinangaan at nakangitian kani-kanina lang.
Si Jay ay tahimik lang na
nakamasid.
Walang sawang nakikinig sa
tugtog na nanggagaling sa earphone na nakasuksok pa rin sa magkabila niyang
tainga. Nakamasid habang nakikinig sa kantang Who am I? ng Casting Crowns, isang Christian song.
- E N D -
'eto na nga ba 'yung sinasabi ko, eh.. pa-pogi-an na talaga ang modus ng mga snatcher at holdaper na 'yan..
ReplyDeletenakaka-inis talaga 'yung mga taong kung makahusga para na tayong si satanas na nagkatawang-tao.. nasa pangalawang paragraph naman ng link sa baba 'yung saloobin ko tungkol sa kwento mo na 'to:
http://tksalaulasatinta.blogspot.com/2012/07/we-want-more-libag-dw-hwag-po-hwag-po.html
galing nito, adre.. pampukaw sa mga taong hinuhusgahan kaagad ang kapwa nila sa panlabas na anyo lang..
true, kapatid. in the last few years, may mga itsura, maganda bihis at matitikas ang holdapers and isnatsers... 15 to 20 years ago, mukhang sanggano ang thieves and robbers. nag-upgrade na rin ang propesyon, say mo? ahihi... gandang hapon po. :)
ReplyDeleteawww... super touching for me yung end... the song Jay is listening 'to!
ReplyDeleteGrabe realistic ang story! Astig ka talagang kwentista. I was able to visualize 'yung mga nangyayari. We really can't judge people sa looks lang.
Syanag si Kuyang snatcher, cute pa naman. Hindi kaya siya Callboy sa gabi? Just thinking... hehehe
Magandang aral para sa mga nanghuhusga sapanglabas na itsura.
ReplyDelete