- Nakakabilib yung mga taong naka-iPhone 5 kahit lampas lang ng kaunti ang sweldo sa minumum, ang hindi lang nakakabilib eh mabilis silang mainis 'pag hinihingan ng pamalengke o pambayad sa kuryente.
- Lahat ng tao kailangan ng tunay na pagmamahal pero ang reyalidad...hindi lahat ng tao may tunay na pagmamahal.
- The truth is, it's not the food or the place, but the fact that you're with the person you care the most were on the same table eating together that makes the food tastes better, making the memories that will last forever...
May 16
- It's ironic that some people wanted to die while most people are striving to live.
May 17
- Habang nagko-computer napansin kong ang daming langgam ng keyboard ko, hindi na ko gaanong nagtataka matamis talaga kasi akong magmahal.
- Hindi na nga maibabalik pa ang kung anumang masasakit na salitang binitiwan natin sa isang tao pero sana man lang mayroon tayong realization after, na ‘pag nalaman nating pala mali ‘yung ating sinabi at nakasakit tayo ng damdamin, the least we can do is to ask for forgiveness.
Pero ‘pag nalaman nating nakasakit na nga tayo ng damdamin at winalang bahala lang natin ito, may higit kang problema sa sarili mo dahil ‘di mo alam mas mataas na ang ego mo kaysa sa’yong pagkatao.
- Madalas tayong magreklamo ng "discrimination" against sa ibang country pero tayo mismo "racist" at mahilig mag-"discriminate" kahit sa mismo nating kababayan.
May 21
- Kung sawa ka na sa buhay mo ngayon hindi pa rin ito dahilan para i-try ang kabilang buhay, lahat tayo ay doon papunta. 'Wag masyadong Excited.
- There are some people is simply worth missing than anyone else but instead of spending worthless wondering, just wish that person have the best of everything & may he/she able to performed his/her work at his/her greatest.
Be appreciative and say: "Thanks for everything!"
- Sadyang may mga taong napakataas ng tingin nila sa kanilang mga sarili, na sa sobrang taas ay wala silang pakialam sa mga taong kanilang inaapakan na naging dahilan kung bakit sila naging mataas.
- Hindi porke mataas na ang estado mo sa buhay karapat-dapat ka nang i-respeto, depende pa rin ‘yan kung paano ka makitungo sa kapwa mo;
Kung hindi ka man binabastos ng mga nasa paligid mo hindi ito katumbas ng pag-respeto, marahil isa lang itong pakitang-tao; ipinapakita lang nila mas tao ang ugali nila kaysa sa maangas na pag-aasal mo.
- Para lesser pain, 'wag gaano mag-expect, 'wag gaano mag-assume dahil kung gaano kataas ang level ng expectations mo ganun din kasakit ang mararamdaman mo sa oras na pumalya ang lahat ng gusto mong mangyari.
May 22
- 'Yung gumagawa ng mga pekeng pera saka ng mga pekeng DVD hinuhuli ng batas, sana isama na rin nila yung mga may pekeng pagmamahal.
- Noong maliit pa ako gusto ko maging superhero pero ngayon...parang hindi na, iniisip ko pa lang ang bigat ng responsibility ng isang superhero napapagod na ako.
Ngayong malaki na ako, hindi ko man na gusto ang maging superhero gusto ko pa ring magkaroon ng kapangyarihan.
Kapangyarihang magmahal ng tapat at magpakailaman.
At hindi natin kailangang maging superhero para taglayin ito.
- Acceptance - Huwag mong hanapin sa iyong asawa/kabiyak ang katangiang hindi niya taglay bagkus tanggapin at yakapin mo kung ano ang meron siya at magmula rito ay magiging maluwag ang pagtanggap nang lahat ng kanyang kakulangan.
- Sabi daw, kung oras mo na - oras mo na.
Ang hirap naman nun 'pag oras na ng Piloto at pasahero ka tapos hindi mo pa oras.
Ano 'yun damay ka lang?
- Nakakalungkot na may mga taong mas ninanais na magpakamatay samantalang maraming tao ang may pagnanais na gumastos ng milyon-milyong piso para lang mabuhay;
May 23
- Ganito lang ‘yan eh, kung hindi ka sigurado sa bawat sasabihin mo ‘wag ka muna magkwento kung kani-kanino, paano kung lahat ng hinala mo ay hindi pala totoo?
At halos lahat ng taong pinasabihan mo ng iyong imbentong kwento ay napaniwala mo, paano mo pa maibabalik ang dignidad ng taong siniraan mo?
- OFW – Pilipinong nagsisikap, nagtitiis at naghahanap-buhay sa abroad para sa kinabukasan ng kanyang pamilya, na sa paningin ng maraming kapitbahay at kamag-anak sa ‘Pinas ay laging maasahan sa problemang pinansyal sa oras ng kanilang pangangailangan; ang OFW, bow…
- Minsan, kinakailangang may mangyari pang masamang bagay sa tao bago niya malaman at marealize na mali at huli na pala ang lahat, ang lahat-lahat.
May 24
- 'Yung babaeng nanganak sa Carriedo Station ng LRT, na Carrie ang ipinangalan sa kanyang anak, nagpapasalamat dahil hindi siya sa Baclaran Station inabutan nang panganganak.
- Hindi naman masama ang pagiging Optimist basta handa ka rin kung sakaling taliwas ang maging resulta sa inaasahan mo, ang katotohanan kasi...Hindi lahat ng gusto natin makukuha natin.
- Sabi ng PAGASA ang ulan daw ay sanhi nang namuong sama ng panahon pero kung brokenhearted ka mas angkop na sabihing; Ang ulan ay pakikiramay ng Langit sa mga nabigo sa pag-ibig.
May 27
- Oo nga naman, kung lahat na lang ng palabas sa TV ay kailangan ng Patnubay ng Magulang, eh di wala nang nagawa sa loob ng bahay ang mga nanay.
May 28
- Dalawa lang naman ang panahon sa 'Pinas pero hanggang ngayon parang gulat na gulat pa rin ang marami sa tuwing bumubuhos ang ulan.
- 'Yung Bureau of Customs laging down ang server, para na rin siyang may Down Syndrome. Isang kondisyon na dapat pagtuunan na ng pansin ng kinauukulan.
- Arlene: Umuulan na naman tamang-tama bagong carwash ka, ang lakas magpadumi ng sasakyan niyan.
Limarx: Okay lang na madumi yung sasakyan, ang importante malinis ang ating kalooban.
Arlene: Kahit kelan ka talaga kausap! Bwisit!
Limarx: Hahaha! Ikaw ang nag-umpisa eh!
-'Yung pamamahiya, panglalait sa kapwa masyado na nating niyakap para sa isang sentimong kasiyahan.
- 'Pag may foreigner na nagsabi sa'yong: "Go to Hell!", pwede mo nang sabihin sa kanya na: "Well, I've been there already!"
#Inferno by Dan Brown
May 29
-Yung mga adik wala naman silang pakialam kung masama ang droga.
Yung mga magnanakaw kaya nilang ijustify kung bakit sila nagnanakaw.
Yung mga corrupt na pulitiko hindi naman nila inaamin yung pagiging corrupt nila.
Kung wala tayong nakikitang masama sa humiliation, pareho tayo nang mga nasa itaas.
Kung hindi niyo yan naunawaan, ako ang uunawa sa inyo.
May 30
-'Pag maaga ka pala sa opisina mas masarap mapakinggan ang mga Love songs - mas damang-dama mo, mas tumatagos 'yung bawat linya ng kanta sa puso kong mapagmahal.
- Sa tagal magtake-off ng eroplano sa Fast and Furious 6 iniisip ko ‘yung haba ng runway na ginamit dun – siguro magmula Balintawak Exit hanggang Sta. Ines driving at around 130KPH. Ganun siya kahaba.
- Dapat tandaan: Hindi pwedeng umorder ng bottomless iced tea 'pag delivery.
- Tumigil na rin ang ulan,
Tumigil na siyang makidalamhati.
- ‘Yung mga laging nalilista na maIingay sa classroom noong grade school natin, maiingay pa rin kaya sila hanggang ngayon?
- Biyernes -
1- ordinaryong araw na ginagawang espesyal ng mga espesyal na empleyado para sa kanilang espesyal na gimik sa pagdating ng espesyal na kanilang gabi.
2 - isang araw sa buong linggo kung kailan karamihan sa mga nanay ng tahanang Pinoy ay may ulam na munggo sa hapag-kainan.
June 1
- Ang pagtanggi sa katotohanan ay pagtanggi sa pagbabago,
Ang pagtanggap sa kamalian ay pagyakap sa kasalanan.
Gawing motibasyon ang kamalian, gawing inspirasyon ang katotohanan.
June 4
- Aminin ang pagkakamali at 'wag ikahiya ang pagkakadapa;
Ang pagkakadapa ay bahagi ng buhay at ito ang magpapatatag sa mga paa nating minsang naging lampa.
Ang pagkakamali ay minsang hindi maiiwasan at ito ang ating magiging gabay sa paggawa ng nararapat.
Ang hindi natin pagiging perpekto ang nagpapaalala sa atin na palaging mayroong nakahihigit sa kung anumang kakayahan at katangiang taglay natin.
- Oo, nasa free country tayo pero there is no such thing as the liberty to hurt people.
June 5
- Kapag tuluyan nang ipinagbawal ang plastik sa Pilipinas, tanungin mo 'yung ka-officemate mong malapit sa'yo kung paano na siya at kung sakali, saang bansa niya kamo magbalak abroad.
- Ang pagiging masama o mabait palagi ‘yang by-choice (hindi by-chance), kung pipiliin mong maging masama, tandaang lagi itong may kabayaran at ang pagpili naman sa kabutihan tiyak na may bonus na biyaya at kakaibang hatid na sa kasiyahan sa ating kalooban.
-Nakakalungkot. Na dahil lang sa isang pagdududa lahat ng pagsisikap mong mapangalagaan ang iyong pangalan ay (parang) unti-unting ninanakaw sa’yo.
Nakakadismaya. Na dahil lang sa kagustuhang umangat ang sariling pangalan kailangan mong dungisan ang pangalan ng iba para maka-ani ng isang huwad na paghanga.
Nakakagago. Na napakababa ng tingin sa’yo ng ibang tao sa kabila ng pagsusumikap mong anihin ang ilang tagumpay sa malinis na kaparaanan.
Nakakaulol. Na may mga taong masaya’t nakangisi sa resulta ng walang batayang pagdududa habang may mga taong nagtatanong ng “Bakit” at tinanggalan ng karapatang lumigaya.
Ang ilang piraso ng piso ay hindi kailanman dapat maging katumbas ng iyong pagpapahalaga sa salitang RESPETO.
- Lahat naman tayo may angas, lahat naman tayo may yabang pero hindi dapat ginagamit ito para lang manghamak ng kapwa sa halip, ito dapat ang sandata mo sa oras na ikaw ay inapi at kinawawa.
Pero naniniwala pa rin ako na hangga't kaya natin, hangga't maari dapat sa lahat ng oras ay lagi tayong mapagkumbaba.
June 6
- Dapat talaga ‘yung pangalang “Jesus” hindi ipinapangalan sa common tao, paano kung ‘yung taong ‘yun na may pangalang “Jesus” ay lumaking salbahe at walanghiya?
Paano mo ibubuhos ang lahat ng sama ng loob mo sa kanya kung ikaw ay sinalbahe?
Paano mo siya mumurahin nang malutong kung ikaw ay sinagad sa kawalanghiyaan?
‘Wag na siguro…kasi ang dapat daw; ‘pag binato ka ng bato batuhin mo ng tinapay.
-Dapat 'wag mahiya kung may eyebag, pinagpuyatan mo 'yan.
Dapat 'wag mahiya kung may baskil, pinagpawisan mo 'yan.
Dapat 'wag mahiya kung may libag, pinag-ipunan mo 'yan.
Iyan ang nagagawa 'pag sobrang positive ng iyong thinking...
-Thunderstorm over Metro Manila w/c may persist in 1-2 hours is expected to affect nearby areas.
Sa Tagalog;
Tatamaan daw ng kulog at kidlat 'yung mga taong nagkakalat ng mga imbentong balita dito sa M.Manila sa loob lamang ng 1 hanggang 2 oras, asahan niyo nang maapektuhan lahat tayo;
- 'Yung mga tao gustong mapunta sa langit, ayaw naman magpakabait.
Ayaw daw nila sa impiyerno, pero ‘yung ugali may pagkahawig naman sa demonyo.
Pero ang nakakabilib, lagi silang naliligtas…kasi pinipilit nilang ibagsak ang ibang tao para mapanatili sila sa itaas.
- Kung ang pag-ibig ay isang luho, ituring mo akong isang abusado.
June 8
- Hindi lang naman english ang karaniwang alam ng mga Pilipino marami din sa atin ang marunong nang French...French Kiss.
June 10
- Dahil masikip ang traffic, nakita ko kanina ‘yung nagtitinda ng sigarilyo sa A.Bonifacio Ave. sa Blumentritt, nagtitext gamit niyang cellphone…iPhone 3G, biglang nahiya ‘yung pinapakaingatan kong 2 y/o na Nokia Asha.
- Limarx : Sira ‘yung Microwave natin, ngayon naman sira ‘yung Ref natin, lahat na lang yata ng mga gamit natin sira…
Arlene: Okay lang na sira ‘yung mga appliances natin ang importante hindi sira ‘yung pagmamahalan natin.
(Ayus, lahat ng mga kalokohan ko bumabalik na sa’kin)
- Madali lang naman sabihing “I love you” sa mga taong naiibigan natin (lalo na kung gwapo o maganda) pero sana madali mo rin itong banggitin kung dumating na ang panahon; na ang taong sinasabihan mong ‘mahal mo’ ay tumaba, malugas ang buhok, tumanda na o magkaroon ng malubhang karamdaman.
Dahil ang pag-ibig ay hindi lang sa panahon ng inyong kabataan dapat nananatili ito hanggang sa isa sa inyo ay may karamdaman at hanggang sa pareho kayong umabot sa edad na siyento-kwarenta.
- Nakakatuwang malaman na mayroon kang kaibigang palaging handang makinig sa lahat ng hinaing mo sa buhay; ang hindi lang nakakatuwa, ‘yung mga pinagsasabi mong hinaing sa isang kaibigan nalaman ng buong sambayanan.
June 11
-Sa isang argumento, kahit alam nating tayo ang mali pinangangatwiranan pa rin natin, kahit alam nating tayo na ang may kasalanan pilit pa tayong nagdadahilan, ‘wag lang tayong mapahiya sa ibang tao at mabawasan ang letseng pride at ego natin.
-‘Yung halos isang linggong sweldo mo matutuklasan mong katumbas lang pala ng isang pirasong branded na damit at ‘yung isang buwang salary mo kasing-halaga lang pala ng isang malupit na tablet o smartphone.
Kung lagi mong sasabayan ang agos ng moda at teknolohiya, hindi mo mamamalayang nalulunod ka na at sa oras na may emergency kang pangangailangan – mari-realize mo na ‘yung mamahalin mong mga gadget at gamit ay wala naman palang halaga.
-Ang iksi na nga ng shorts, nakuha pang itiklop kaunti na lang at lalabas na ang kuyukot.
Sa dami ng nakaganitong suot, malamang ilang panahon pa magkakaroon na rin ng Festival para dito, isabay na rin natin sa Festival ng Varsity Jacket .
-Nagbago na ang Pilipinas, nagbago na ang mundo.
Maraming mga bansa ang mauunlad at nagkaroon ng matinong pagbabago, 'yung mga pilipino hanggang dun lang yata sa pabago-bago ng cellphone.
June 12
- Araw ngayon ng Kalayaan mula sa panunupil ng dayuhan.
Halos lahat ay ginugunita ito sa pamamagitan ng panonood ng NBA Finals ngayong umaga at mamayang hapon o gabi, sa panonood ng Man of Steel naman.
Maligayang Araw ng Kalayaan sa ating lahat!
June 14
- Kung tutuusin wala naman talagang taong mangmang dahil lahat naman tayo may kanya-kanyang kaalaman...'yung iba kalokohan at kasamaan nga lang.
- Mineral Water – kahit hindi naman totoong mineral water, ito pa rin tawag ng mga Pilipino sa tubig na nakalagay sa plastik na bote, na ang halaga ay tinatayang 400% na mas mataas kaysa sa orihinal na presyo ng laman nito.
- 'Yung Teleserye na drama kung mag-umpisa, sigurado na ang ending ay sa aksyon mapupunta.
June 20
-Alin kaya ang tama:
a) Masikip ang traffic dahil may sirang kalsadang ginagawa?
b) Masikip ang traffic dahil may gawang kalsadang sinisira?
- Hindi natuloy 'yung ulan ngayon kasi masama ang panahon...
June 21
- Habang tumatagal, 'yung mga traffic lights sa bawat intersection parang nagiging dekorasyon na lang sa maraming driver ng Jeep, Tricycle at Kuliglig.
Tapos, 'yung mga traffic enforcer hindi naman sila kayang hulihin at sitahin.
Habang tumatagal, 'yung baha at masikip na traffic sa Kamaynilaan sa tuwing umuulan lalo lang lumalala, para tuloy walang silbi ang mga Flood Control Projects ng gobyerno dahil sa dami ng mga basurang itinatapon natin sa kung saan-saan.
Tapos, sisisihin at magagalit tayo sa gobyerno dahil akala natin wala silang silbi.
Mabuti na lang nag-champion ang Miami Heat, ano ang konek? Wala. Gusto ko lang.
Mas may excitement kasi pag-usapan ang NBA Finals.
- "Ikaw naman, lagi namang ako eh!" - pakiusap ng isang bata sa kanyang kapatid sa pag-utos sa kanyang maghugas ng mga baso't pinggan.
June 25
- Kahit gaano ka pa kabait ‘wag mong i-expect na maging mabait din sa’yo ang lahat ng mga tao dahil may mga taong hindi natutuwa sa’yo kahit gaano pa KABUTI ang lahat ng mga pinag-gagawa mo.
- Bakit may word na “overqualified”?
Ano ‘yun, hindi ka tinanggap sa isang trabahong in-applyan mo dahil ‘yung galing mo sobra-sobra sa expectations ng posisyong gusto mo?!?
- 'Pag naranasan mo ang sakit at kirot ng Migraine sasabihin mo sa sarili mo sana nabigo na lang ako sa pag-ibig...
- Pansin ko lang, ‘yung FB parang nagiging source ng tatlong “I”; Inggit, insecurity at Inis para sa ibang tao.
- In reality, meron naman talagang umiiral sa kasalukuyan na relasyong lalaki sa lalaki o babae sa babae. it’s strange na ang Teleseryeng may pagka-gay ang Tema ay pinapansin dahil sa isyu ng “moralidad” pero hinahayaan lang naman natin ang ibang teleserye o pelikula na may temang Adultery.
-Kung mayroong Black Beauty dapat mayroon ding White Ugly hindi naman kasi lahat ng maganda maputi, ‘yung iba maputi lang talaga. Pero teka, hindi naman kailangang nang kulay para sabihing maganda ang isang bagay dahil sabi nga; Beauty is always in the heart of the beholder – dahil ang hindi nakikita ng mata ay puso ang makakakita.
- Dear Migraine,
Ilang linggo mo na akong pinahihirapan – dinaig mo pa ang paghihirap ng isang pusong sugatan.
Nahihirapan na kong magtrabaho, nahihirapan na akong matulog, nahihirapan na akong mag-Facebook at pati ang love life ko ay nahihirapan na rin.
Sana sa susunod na linggo lisanin mo na ako, ang dami ko nang nauubos na gamot dahil sa’yo; tama pala ang kasabihang “mas maigi pang maranasan ang hapdi nang pagkabigo sa pag-ibig kaysa maranasan ang hapdi at kirot ng letseng migraine”.
Nakikiusap,
Ang iyong biktima
* * *
Kitakits ulit, abangan ang susunod na set ng "What's on your mind?" sa susunod na tatlong buwan.
hihi, karami, a... keraming brewing na thoughts, kainaman na... hello, limarx. :)
ReplyDelete