Showing posts with label pagbabago. Show all posts
Showing posts with label pagbabago. Show all posts

Monday, January 16, 2017

Tagumpay At Pagbabago

Sa tuwing sasapit ang bagong taon marami ang namamanata nang pagbabago. Pagbabago na makalipas ang labingdalawang buwan ay wala namang nabago, pagbabago na tila sa unang mga buwan lang ng taon ginagawa. Marahil dahil kulang sa pagpupursigi, pananalig, puso at dedikasyon ay palaging hindi naisasakatuparan ang pagnanais na magbago. Hindi madaling sila'y sisihin, hindi madaling sila'y husgahan dahil minsan tayo mismo ay may pagbabagong nais na mangyari sa ating buhay pero hindi natin magawa. Maraming dahilan at maraming dapat na ikonsidera ngunit ang pinakamahalaga kung nais mo nang pagbabago dapat handa ka para rito; may sakripisyo para makuha mo ang iyong gusto at hindi darating ang pagpapala kung wala kang gagawin para makuha mo ito.

Lahat tayo ay may pagnanais na makamit ang tagumpay, tagumpay na kadalasan ay ginagawa ang lahat kahit na makasakit/ makaagrabyado ng iba. Ang tagumpay kasi para sa marami ay katumbas ng kapangyarihan, kasikatan at kuwarta. Naalala ko 'yung isang quote sa isang pelikula na 'sa pagnanais nating maging magaling kinakalimutan natin ang pagiging mabuti'. Kung bakit ba kasi obsessed ang mga tao sa kapangyarihan, kasikatan at kuwarta, kung bakit na naman kasi ang batayan ng pagiging matagumpay ay ang pagiging mataas ng iyong estado sa buhay kumpara sa nakararami.

Kadalasan, ang pananaw natin sa pagiging matagumpay ay ang magwagi sa hangganan ng buhay -- ang siyang tugatog o pedestal na dapat nating abutin. Sa karera ng buhay hindi dapat tayo nakatanaw sa may dulo lang para magtagumpay dapat ang tagumpay ay nakasalalay sa bawat hakbang ng ating buhay, sa bawat araw na ating nilalakbay. Ang maging masaya sa bawat araw ay isang tagumpay hindi ang magmukmok dahil hindi nakamit ang isang materyal na bagay. May oras at panahon sa bawat bagay at kung ang bawat araw ay iyong kinayayamutan mahirap hanapin ang tagumpay sa mga araw na darating pa.

Minsan, ang tagumpay ay gaya rin ng pagkabigo -- natatanaw.
Anong tagumpay ang mayroon ka kung ikaw ay tatamad-tamad sa buhay? Gaya ng pagkabigo madaling mawari kung ikaw ay magtatagumpay o hindi.

Upang magtagumpay at makamit ang nais na pagbabago dapat mapanatili ang tatlong bagay:
  • Puso - sa lahat ng bagay na iyong gagawin at nanaisin dapat ito'y laging nasa puso. Hindi maaring gawin mo ang isang bagay dahil ito'y nais ng iba, para ma-please ang iba at para sa kapakanan ng iba, gawin lang motibasyon ito para sa gagampanan at gagawin ngunit higit sa lahat ang iyong puso ay 'di dapat mawawala. Ang anumang bagay na hindi ginampanan mula sa puso ay siguradong may kakulangan na tanging sinseridad lang ng puso ang makapupuno.
  • Layunin - kung walang layunin mong gagawin ang isang bagay hindi ito matatawag na tagumpay. Kung ang nais mo lang ay makipagkumpitensiya sa mga taong gusto mong makita na nasa ilalim mo anong uri ng tagumpay ang dapat ditong itawag? Ang layuning tinutukoy dito ay ang 'mabuting layunin' hindi ang layuning ipamukha sa iba kung gaano ka naging makapangyarihan, kung gaano na karami ang iyong pera at kung gaano ka naging kasikat. Ang layuning magtagumpay at ang layunin para sa pagbabago ay dapat sa kapakanan ng ikabubuti ng pamilya at para sa sarili.
  • Disiplina - sa likod ng isang tagumpay ay ang pagiging disiplinado. Kailangan mong kontrolin ang iyong sarili sa mga bagay na magpapabagal sa iyo sa pagkamit ng tagumpay at pagbabago. Ang lahat ng mga taong naging matagumpay sa buhay ay tiyak na dumaan sa puntong ito. Papaano mo makakamit ang mala-Adonis o mala-Venus na katawan kung wala kang kontrol sa pagkain? Papaano mo mabibili ang pangarap na bahay at lupa kung laman ka ng mall sa tuwing ito'y may Sale? Ang pagkamit ng tagumpay ay kakambal ng disiplina at sakripisyo. 
Sa paglalakbay mo patungo sa Tagumpay hindi maaring hindi ka magkakamali. Dahil bahagi ito ng pagiging tao, bahagi ito ng pagiging sino ka sa darating na panahon. Hindi maiiwasan ang pagkakamali ngunit ang mahalaga ay maging leksyon ang pagkakamaling ito para sa inaasam nating tagumpay. May tatlong uri raw ng tao pagdating sa pagkakamali; Ang Taong Tanga, Ang Taong Matalino, at Ang Taong Mautak.
Ang taong tanga sila 'yung nga tao na nagkakamali ngunit hindi nagsisisi at hindi natututo sa kanilang pagkakamali. Ang taong matalino sila 'yung nagkakamali pero sinasabuhay nila ang leksyon sa likod ng kanyang pagkakamali. Samantalang ang taong mautak sila 'yung mga taong sinasabuhay ang leksyon sa likod ng pagkakamali ng iba.

Hindi madaling maging taong mautak sa lahat ng pagkakataon pero sana sa tuwing tayo'y magkakamali maharap natin ang naging resulta ng bawat pagkakamaling ating ginawa. Hindi tayo perpekto pero hindi natin kailangang maging perpekto para maging mabuting tao, hindi tayo anghel pero hindi natin maging santo para gumawa ng mabuti para sa ibang tao, hindi lahat tayo matalino pero hindi tayo bobo para malamang ang tagumpay ay wala sa pag-apak sa ibang tao.



Thursday, April 28, 2016

Oplan: Pagbabago



Urat na urat na ako sa katagang “nasa atin ang pagbabago” at “ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili” etcetera, etcetera. Nakakaurat hindi dahil sa ayaw ko nang pagbabago o hindi ko inaakto ang pagbabago, nakakaurat dahil hindi naman talaga ito ang nangyayari. Dahil ang totoo, marami sa ating mga pilipino ang ayaw magbago, ayaw tumino at ayaw magpadisiplina. Kadalasan pa nga saka pa lang ito magbabago o magtitino ang isang tao ‘pag hindi na umubra ang kanyang palusot o ‘pag may nangyari ng masama sa kanya o sa kanyang pamilya.

Magmula (siguro) sa pinakamapera hanggang sa pinakawalang-wala ay mahirap sawayin at supilin dito sa atin, kung sasabihan at sisitahin mo sila na kailangan nilang magbago para sa kapakanan ng bansa ay taingang-kawali lamang ang mga ito. Kasi nakasanayan na natin ang mga ganung bagay; na kahit mali basta marami ang gumagawa okay lang, na kahit labag sa batas basta walang sumisita okay lang, na kahit hindi tama basta walang nagbabawal okay lang. Astig kasi tayo.



Harapin na natin ang totoo, na wala o kulang ang inisyatibo ng maraming pilipino para sa disiplina at pagbabago – kaya panahon na para makaranas tayo ng lider na magdidisiplina sa mga pinoy na walang galang sa batas.
Iba na ang henerasyon ngayon, ibang iba sa nakagisnan ko noon. Dati, mas mahigpit at mas disiplinado ang mga magulang sa anak; (paminsan-minsan) sila’y namamalo, nananakit at kinagagalitan ang mga anak kung ito’y nagiging suwail at matigas ang ulo samantalang ang mga guro ay namimingot, nangungurot at namamato ng eraser sa mga estudyanteng sobra ang kulit at likot. Ngayon, hindi mo na magagawa ang mga ‘yan dahil child abuse umano. 



Minsan akong nakagalitan, napalo, nakurot, napikot at nasaktan ng aking magulang kabilang na rin ang aking mga guro – ang mga ‘yon kung hindi rin lang pagmamalabis ay kasama sa proseso ng pagdidisiplina ng bata. At ni minsan, hindi ako nagtanim ng galit sa aking mga guro o magulang. Ngunit nabaligtad na yata ang sitwasyon ngayon, ang mga kabataan na ang terror at hindi mo sila pwedeng kastiguhin o isuplong kahit na ang mga ito’y nakapanakit, nagnakaw, nangholdap o nakapatay, salamat sa Juvenile and Justice Act of 2006.
Ipinamumulat natin sa mga bata ang disiplina pero nakalulungkot na tayong nasa tamang edad at pag-iisip ay tila nakaligtaan ito. Alam naman ng lahat kung para saan ang kulay ng ilaw-trapiko, ang role ng footbridge at underpass, na hindi tama ang magkalat, na kakupalan ang magparada ng basta sa kalsada, na pagpapakita ng katarantaduhan ang sumalubong sa kalsada, na iligal ang magtinda at harangan ang daanan ng tao (marami pa ‘yan dagdagan mo na lang) – pero dahil nakasanayan na, tila naging pangkaraniwan na lang ito. Tapos, may ‘change is coming’, ‘change is coming’ pa tayong nalalaman e, karamihan nga sa nananawagan nito ang dapat unahin na disiplinahin.


Walang pagbabago kung mananatili tayong gago.
Walang mag-iiba kung lahat ay umaastang tanga.
Walang pag-usad kung walang disiplinang ipinatutupad.



Ang pagsakay sa kung ano ang uso at napapanahon (bandwagon) ay isang kaugalian ng pinoy, tila wala tayong disposisyon sa isang bagay at hindi natin kayang pangatawanan ang naunang desisyon. Ang mentalidad na kung sino ang popular at tanyag ang madalas nating tinitingnan at pinapaboran kesehodang ang iba ay mas kwalipikado at mas kakayahan. Hindi ba’t ‘yon ang dahilan kung bakit nagkaroon ng ‘Cory Aquino’, ‘Noynoy Aquino’, ‘Lito Lapid’, ‘Erap Estrada’, Tito Sotto’, ‘Jinggoy Estrada’, ‘Bong Revilla’ at iba pa sa mundo ng pulitika? Sinayang natin ang napakalaking pagkakataon na pagsilbihan tayo ng mas kwalipikadong tao para sa pagkapangulo. Hindi nagwagi at hindi ipinagkalooban ng mataas na posisyon ang mga gaya nina Jovito Salonga, Bayani Fernando, Gibo Teodoro, Dick Gordon, Miriam Defensor-Santiago at Raul Rocco. Nagbago na ang panahon, kasabay ng pagbabago ng klima ay ang pagluklok natin sa mga walang kakayahan, ang pagwalang bahala natin sa leksyon ng kasaysayan, mas pinipili ng marami ang maging agresibo kaysa maging matalino.


Sa pagluklok natin sa inaakala nating magsasalba sa bansa, sinasayang natin ang pagkakataon, nasasayang natin ang maraming taon. Eleksyon na naman, may pagkakataon tayong muli na maghalal ng isang taong magsasagwan sa isang lumang bangkang nagpupumilit na sumabay sa malalakas na alon ng karagatan. Ang pagbabago ay nasa ating mga kamay sa pamamagitan ng pangalang isusulat mo sa balota at ang magpapatupad ng inaasam mong pagbabago (umano) ay ang ating maihahalal. Ang desisyon mo’y hindi sana nakadepende sa kung sino ang sikat o sa kung sino ang pinakamagaling manghikayat o sa kung sino ay may pinakamagandang pangako o sa kung sino ang pinakamahusay na mang-uto.
 


Ayaw ng (halos) lahat sa kandidatong nanunuhol ng pera para lang sila’y maiboto pero nakakatawa na hindi naman nila kayang tanggihan ang groceries, bigas at pakimkim ng mga pulitikong ito. Galit na galit tayo sa korapsyon pero directly or indirectly nagiging bahagi naman tayo nito.

Wala na ang paninindigan basta may dal’wang kilong bigas.
Wala na ang dangal basta may ilang piraso ng noodle at sardinas.
Wala na ang dignidad basta may bayad.
Wala na ang prinsipyo basta may limandaang piso.


Lantaran at garapalan ang paggasta ng mga tumatakbo sa pulitika. Ang dami nilang pangako; magmula sa trabaho hanggang trapiko, magmula sa kagutuman hanggang mapunan nila ang ating mga tiyan, magmula pagsugpo ng kriminalidad hanggang sa pag-unlad, magmula kalikasan hanggang zero bill sa pagamutan, magmula ekonomiya hanggang sa tayoy ‘di na mabuwisan, magmula kapayapaan hanggang sa kaunlaran. Sa tingin mo, kung totoong lahat ng mga ito at kung tutuparin nilang lahat ng kani-kanilang mga pangako, may matitira pa ba kayang problema ang ating bansa?
 


Ang mga pangako ng maraming pulitiko ay ginawa lang para mayroon kang paniwalaan, ang marami sa mga slogan nila ay nilikha lang para magtugma ang mga salita. Pero teka pinaniwalaan mo rin yata ang mga ito:

- Erap para sa mahirap
- Kung walang corrupt, walang mahirap
- Tapusin ang gutom, hindi ang nagugutom
- Gusto ko happy ka
- Sa nagkakaisang Cavite, walang imposible
- ‘Pag pursigido ang tulong kapwa sigurado
- Kay Binay, giginhawa ang buhay
- Walang forever sa pagmamahal…ng kuryente



Swerte tayo dahil kahit papaano mayaman tayo sa likas-yaman, minalas nga lang tayo sa mga pulitikong yumayaman pero hindi naman likas na mayaman. Hindi na nakakapagtaka ‘yun dahil pansamantala lang (o hindi) na napipiit sa malamig at de-aircon na selda(?) ang mga tiwaling pulitiko pero pagkatapos maabsuwelto dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya, muli silang maghahari at maluluklok sa puwesto. Ayaw natin sa magnanakaw pero gusto natin silang iboto, ayaw natin sa walang alam pero lumalabas na tayo ang mas walang alam at pakialam.


May kanser ang lipunan at totoo yatang walang lunas para rito. Siguro magluklok na lang tayo ng lider na kayang ipa-chemotherapy ang bansa hanggang sa mabawasan o tuluyan nang mawala ang cancer cells na nanalaytay sa dugo ng mga suwail at ganid na pilipino. Siguro magluklok na lang tayo ng pinunong may ipinapakitang pruweba kung papano naging disiplinado ang isang lugar magmula sa pagiging magulo nito, may katiwasayan, may progreso, ipinapatupad ng maiigi ang batas, may kinabukasan at may ipinagmamalaki.

Tayo'y maghahalal ng pangulo, hindi ng ating magiging idolo at kung ang ibinoto mo ang siyang mananalo ngayong eleksyon lahat tayo'y dapat itong tanggapin.
At kung pagkatapos ng anim na taon na tayong lahat na bumoto sa kanya ay mabigo, muli tayong mauuwi sa pagkadismaya. Nakakasawa mang sabihin pero babalik na naman tayo sa umpisa. (Ang tagal na nating umaasa.)


(galing ang larawan kay Jed Asaph Cortes - How to offend all presidential candidates and their supporters with one poster)



Monday, March 17, 2014

Palindrome: Pagbabago



Palindrome
  1. is a word, phrase, number, or other sequence of symbols or elements, whose meaning may be interpreted the same way in either forward or reverse direction. It is a poetic form in which sometimes it disregards punctuation, capitalisation and diacritics.
  2. a word, phrase, or sequence that has the same or has a different meaning when reads backward or forward
Composing literature in palindromes is an example of constrained writing.
The word "palindrome" was coined from the Greek rootspalin  ("again") and dromos; "way, direction" by the English writer Ben Jonson in the 17th century. The Greek phrase to describe the phenomenon is karkinikê epigrafê ("crab inscription"), or simply karkinoi ("crabs"), alluding to the movement of crabs, such as an inscription that may be read backwards.

* * *
PESSIMIST'S VIEW:

Tayo ay magiging bahagi ng pagbabago
Hindi iyan totoo
Lahat tayo ay sobrang makasalanan na!
'Wag paniwalaan ang nagsasabing
May nalalabi pang kapag-asahan sa sangkatauhan
Marami ang hindi kumbinsido na
Kailanman hindi nabibili ng pera ang pagmamahal
Ngunit kasabihan ito para sa mga gipit o makikitid ang isip
Pera ang nagpapaikot sa mundo
Kasinungalingang masasabi na
Buhay higit sa lahat, buhay higit sa kung ano pa man
Wala nang iba pang mas mahalaga
Ang bayan, kaibigan, pamilya at pagpapahalaga sa kapwa
Hindi ito ang tunay na dahilan kung bakit tayo isinilang
Dapat malaman at matutunan natin na
Mas matimbang talaga ang pera kaysa anong bagay
Marami rin ang nagsasabing
Mula noon hanggang ngayon
Ang tao ay mapagmahal at nagkakaisa
Ngunit taliwas ito sa aking paniniwala
Lahat ay may kakayahang manakit ng kapwa ng walang pag-aalinlangan
Ayon sa ulat at sa nagaganap sa kasalukuyan
Laganap ang kaguluhan at kasakiman sa daigdig
Isang pagpapanggap at isa lamang kasinungalingan na
Makakamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran
Ilang panahon pa mula ngayon ay
Pangkaraniwan na lang ang maging makasarili at tanggap ito ng lipunan
Mahirap intindihin at hindi madaling sabihin na
Marami pa rin ang mapagmahal at mapagkalinga
Lumalapit na ang araw at oras ng paghuhusga
Dahil labis-labis na ang ating kasalanan
Hindi tamang isipin na
Makuntento at maging maligaya.

OPTIMIST'S VIEW:

Makuntento at maging maligaya
Hindi tamang isipin na
Dahil labis-labis na ang ating kasalanan
Lumalapit na ang araw at oras ng paghuhusga
Marami pa rin ang mapagmahal at mapagkalinga
Mahirap intindihin at hindi madaling sabihin na
Pangkaraniwan na lang ang maging makasarili at tanggap ito ng lipunan
Ilang panahon pa mula ngayon ay
Makakamit ang tunay na kapayapaan at kaunlaran
Isang pagpapanggap at isa lamang kasinungalingan na
Laganap ang kaguluhan at kasakiman sa daigdig
Ayon sa ulat at sa nagaganap sa kasalukuyan
Lahat ay may kakayahang manakit ng kapwa ng walang pag-aalinlangan
Ngunit taliwas ito sa aking paniniwala
Ang tao ay mapagmahal at nagkakaisa
Mula noon hanggang ngayon
Marami rin ang nagsasabing
Mas matimbang talaga ang pera kaysa anong bagay
Dapat malaman at matutunan natin na
Hindi ito ang tunay na dahilan kung bakit tayo isinilang
Ang bayan, kaibigan, pamilya at pagpapahalaga sa kapwa
Wala nang iba pang mas mahalaga
Buhay higit sa lahat, buhay higit sa kung ano pa man
Kasinungalingang masasabi na
Pera ang nagpapaikot sa mundo
Ngunit kasabihan ito para sa mga gipit o makikitid ang isip
Kailanman hindi nabibili ng pera ang pagmamahal
Marami ang hindi kumbinsido na
May nalalabi pang kapag-asahan sa sangkatauhan
'Wag paniwalaan ang nagsasabing
Lahat tayo ay sobrang makasalanan na!
Hindi iyan totoo
Tayo ay magiging bahagi ng pagbabago.


 

Thursday, February 7, 2013

Walang Nagbago




Uy, lumalakas na raw ang ating piso at ekonomiya at magpapautang din pala tayo ng tumataginting na isang bilyong dolyar sa IMF!
Ayuda daw ito natin sa mga taga-Europa na ngayon ay bagsak ang ekonomiya, ano ba ang ibig sabihin nun? Mayaman na ba ang bansang Pilipinas? Nagbago na ba ang estado at kalagayan natin? Tumaas na ba ang tingin sa atin ng mga kapitbahay natin sa Asya?
* * *
Ang pagbabago ay nangyayari...Hindi ito maiiwasan.
Ang mundo ay nagbabago gayundin ang ating bansa, ang bayan nating Pilipinas.
Ayon sa kasaysayan tayo ay nakaranas ng digmaan laban sa iba't ibang mga bansa upang makamit ang inaasam na kalayaan, kasarinlan, demokrasya.

Ngunit ang digmaan ay hindi pa natatapos.
Ang digmaan laban sa kahirapan ay hindi pa rin nawawakasan.
* * *

Dagsa ang pinuno at pulitiko na magsisilbi at mamahalin ang kanyang bayan, pagbabago at reporma ang bukambibig sa oras na manungkulan.
Subalit may pinagbago na ba? Nagbago na ba ang ekonomiya? Nagbago na ba ang buhay ng maraming Pilipino?

Dumarami ang kotse at iba't ibang sasakyan ang nagkalat sa lansangan.
Ang ibig bang sabihin nun na ang ekonomiya nati'y umuusbong?

Dagsa ang traffic enforcer ng iba't ibang ahensiya at munisipalidad.
Nawawala na ba ang tuwirang lumalabag sa batas ng trapiko?

Lumulobo ang ating utang panloob at panlabas.
Marapat bang sabihin na ang lahat ng perang hiniram ay napunta at napakinabangan ng masa at ng bayan?

May mga donasyon at ipinamamahaging relief goods sa tuwing may kalamidad.
Naipamamahagi ba ito sa tunay na biktima ng kalamidad at delubyo?

Bilyon-bilyong piso ang nakokolekta ng BIR taon-taon.
May kakayahan na ba tayong bayaran ang ating mga pagkakautang?

Ang pamahalaan ay palagiang ibinibida ang paglakas ng ekonomiya.
Nasaan na nga ba ang mga hanap-buhay para sa maraming Pilipino?

Marami tayong OFW na kung ating bansagan ay Bagong Bayani.
Nasaan ang respeto at proteksyon para sa mga bayaning ito?

Umaabot sa US$15 bilyon ang remittances taon-taon ng ating bagong bayani.
Dapat bang sabihing gumiginhawa na ang kani-kanilang buhay?

Patuloy na dumadami ang bilang ng ating mga pulis at kawal.
Ligtas na bang matuturing ang mga Pilipino sa kriminal na elemento ng lipunan?

Naibalitang nadaragdagan ang bilang ng eskwelan at classroom.
Ang mga estudyanteng pilipino ba'y maginhawa nang nakakapag-aral?

Labis-labis na ang bilang ng ating mga nurse at nursing student.
May sapat na bang bilang para may mag-alaga at mag-aruga ng lahat ng pasyente?

Kahit noon pa, ang Pilipinas ay isa nang agrikultural na bansa.
Wala bang pilipinong nakararanas ng gutom?

Maraming proyekto ng farm to market road ang ating gobyerno.
Ang mga magsasaka ba natin ay maginhawang naibibyahe ang kani-kanilang produkto?

Napakarami nating edukado at matatalinong mga pinuno.
Nasaan ang komprehensibong plano nila para sa pag-unlad ng kanilang nasasakupan?

Hindi mabilang ang mga bus sa Kalakhang Maynila, idagdag pa natin ang pangmasang LRT at MRT.
Makararating na ba tayo ng mabilis at maayos sa ating patutunguhan?

Patuloy na nadagdagan ang bilang ng Flyover, tulay at footbridges.
Hindi ba dapat nababawasan kahit papaano ang problema sa mabagal na trapiko?

Ang edukasyon hanggang sekondarya ay libre.
Ngunit bakit marami pa ring Pilipino ang ngayo'y mangmang?

Daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Adwana taon-taon.
Hindi niyo ba napapansin kung sino lang ang yumayaman?

Tayo'y malaya sa pagpapahayag ng ating saloobin at hinaing.
Ngunit bakit maraming taga-media at aktibista ang pinapaslang o nawawala na lang?

Ang kampanya laban sa ilegal na droga ay maigting na pinatutupad.
Hindi ba dapat ay unti-unti na natin itong napagwawagian?

Ang eleksyon natin ay computerized at automated.
Ibig bang sabihin nito'y wala nang kakayahang mandaya ang bawat kandidato?

Palagi tayong may plano sa flood control at drainage projects.
Ngunit bakit patuloy lang na tumataas ang tubig ng baha sa tuwing tag-ulan?

Ang magturo ng animnapung estudyante sa isang silid-aralan ay hindi madaling gawain.
Hindi ba dapat ang ating mga guro ay may sapat na sweldo at benepisyo?

Mayroon din tayong maigting na kampanya laban sa kidnapping.
Nanahimik at lumambot na ba ang sindikatong nasa likod nito?

Maraming dayuhang negosyante ang nais na mamuhunan at magnegosyo sa atin.
Marami bang bilang ng mga pilipino ang nakikinabang at nagbebenepisyo dito?

Ang malalaking negosyante ay patuloy na lumalago ang yaman.
Ibig bang sabihin nito na ang buhay ng kani-kanilang empleyado ay umuunlad din?

Napagsilbihan na tayo ng presidenteng napakahusay daw sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Hindi ba dapat na umangat din ang estado at kalagayan ng tunay na mahirap na Pilipino?

Napagsilbihan na tayo ng iba't ibang pangulong may pagmamahal sa bayan.
Ang kanila bang pagmamahal na ito ay sumapat upang makaahon tayong lahat sa kahirapan?

Ang bawat Kongresista ay may budget na umaabot sa pitumput-pitong milyong piso taon-taon.
Ang kahulugan ba nito'y naibibigay ang bawat pangangailangan ng kanyang kababayan?

Ang budget ng bawat senador ay aabot sa dalawandaang milyong piso taon-taon.
Ibig bang sabihin nito'y napakaraming proyektong kapaki-pakinabang ang natatapos?

Ang ating mga pinuno at pulitiko ay palaging may pangako ng mabuting pamamahala.
Hindi ka ba naiinis at nayayamot sa paulit-ulit nilang kasinungalingan?

Mayroon tayong bilyon-bilyong dolyares na reserba.
Ibig bang ipakahulugan nito na yumayaman ang Pilipinas at mga Pilipino?
* * *
Ang lahat ay nagbago na pero tila hindi naman nagbabago ang buhay at pamumuhay ng mga Pilipino.
Habang tayo'y nakamasid at nakatanaw sa ibang bansa sa Asya tulad ng Japan, Singapore, South Korea at iba pa.
Habang patuloy nating hinahangaan ang pagkamasikap ng mga Hapon, ang disiplina ng Singaporean at tunay na pagmamahal ng mga Koreano sa sariling bansa, sila na umunlad at yumaman sa loob lang ng ilang dekada...heto tayo mga Pilipino, bulag na naghahagilap ng karayom sa napakalawak na dayamihan. Naghahanap ng ganap na pagbabago.

Eleksyon na naman, ang pagbabago bang hinahanap natin ay nakasalalay sa ating mga lider? Ewan ko, hindi ko alam, pwede bang 'wag muna nating pag-usapan? Pero ang alam ko ang mabuting pagbabago na ating hinahangad ay nasa atin mismong mga Pilipino.

Hindi ko pinangarap na ang Pilipinas ay umunlad sa isang kisapmata lang pero hindi ko winawawaglit ang aking pangarap; pangarap na pagbabago, mabuti at matino. Matinong Pilipino para sa isang mabuting Pilipinas.

Ngunit, ilang dekada pa ba ang kailangan natin upang maganap ang mabuting pagbabago? Isa? Dalawa? Isang daan? O 'wag na natin asahan?