Thursday, February 7, 2013

Walang Nagbago




Uy, lumalakas na raw ang ating piso at ekonomiya at magpapautang din pala tayo ng tumataginting na isang bilyong dolyar sa IMF!
Ayuda daw ito natin sa mga taga-Europa na ngayon ay bagsak ang ekonomiya, ano ba ang ibig sabihin nun? Mayaman na ba ang bansang Pilipinas? Nagbago na ba ang estado at kalagayan natin? Tumaas na ba ang tingin sa atin ng mga kapitbahay natin sa Asya?
* * *
Ang pagbabago ay nangyayari...Hindi ito maiiwasan.
Ang mundo ay nagbabago gayundin ang ating bansa, ang bayan nating Pilipinas.
Ayon sa kasaysayan tayo ay nakaranas ng digmaan laban sa iba't ibang mga bansa upang makamit ang inaasam na kalayaan, kasarinlan, demokrasya.

Ngunit ang digmaan ay hindi pa natatapos.
Ang digmaan laban sa kahirapan ay hindi pa rin nawawakasan.
* * *

Dagsa ang pinuno at pulitiko na magsisilbi at mamahalin ang kanyang bayan, pagbabago at reporma ang bukambibig sa oras na manungkulan.
Subalit may pinagbago na ba? Nagbago na ba ang ekonomiya? Nagbago na ba ang buhay ng maraming Pilipino?

Dumarami ang kotse at iba't ibang sasakyan ang nagkalat sa lansangan.
Ang ibig bang sabihin nun na ang ekonomiya nati'y umuusbong?

Dagsa ang traffic enforcer ng iba't ibang ahensiya at munisipalidad.
Nawawala na ba ang tuwirang lumalabag sa batas ng trapiko?

Lumulobo ang ating utang panloob at panlabas.
Marapat bang sabihin na ang lahat ng perang hiniram ay napunta at napakinabangan ng masa at ng bayan?

May mga donasyon at ipinamamahaging relief goods sa tuwing may kalamidad.
Naipamamahagi ba ito sa tunay na biktima ng kalamidad at delubyo?

Bilyon-bilyong piso ang nakokolekta ng BIR taon-taon.
May kakayahan na ba tayong bayaran ang ating mga pagkakautang?

Ang pamahalaan ay palagiang ibinibida ang paglakas ng ekonomiya.
Nasaan na nga ba ang mga hanap-buhay para sa maraming Pilipino?

Marami tayong OFW na kung ating bansagan ay Bagong Bayani.
Nasaan ang respeto at proteksyon para sa mga bayaning ito?

Umaabot sa US$15 bilyon ang remittances taon-taon ng ating bagong bayani.
Dapat bang sabihing gumiginhawa na ang kani-kanilang buhay?

Patuloy na dumadami ang bilang ng ating mga pulis at kawal.
Ligtas na bang matuturing ang mga Pilipino sa kriminal na elemento ng lipunan?

Naibalitang nadaragdagan ang bilang ng eskwelan at classroom.
Ang mga estudyanteng pilipino ba'y maginhawa nang nakakapag-aral?

Labis-labis na ang bilang ng ating mga nurse at nursing student.
May sapat na bang bilang para may mag-alaga at mag-aruga ng lahat ng pasyente?

Kahit noon pa, ang Pilipinas ay isa nang agrikultural na bansa.
Wala bang pilipinong nakararanas ng gutom?

Maraming proyekto ng farm to market road ang ating gobyerno.
Ang mga magsasaka ba natin ay maginhawang naibibyahe ang kani-kanilang produkto?

Napakarami nating edukado at matatalinong mga pinuno.
Nasaan ang komprehensibong plano nila para sa pag-unlad ng kanilang nasasakupan?

Hindi mabilang ang mga bus sa Kalakhang Maynila, idagdag pa natin ang pangmasang LRT at MRT.
Makararating na ba tayo ng mabilis at maayos sa ating patutunguhan?

Patuloy na nadagdagan ang bilang ng Flyover, tulay at footbridges.
Hindi ba dapat nababawasan kahit papaano ang problema sa mabagal na trapiko?

Ang edukasyon hanggang sekondarya ay libre.
Ngunit bakit marami pa ring Pilipino ang ngayo'y mangmang?

Daang bilyong piso ang nakokolektang buwis ng Adwana taon-taon.
Hindi niyo ba napapansin kung sino lang ang yumayaman?

Tayo'y malaya sa pagpapahayag ng ating saloobin at hinaing.
Ngunit bakit maraming taga-media at aktibista ang pinapaslang o nawawala na lang?

Ang kampanya laban sa ilegal na droga ay maigting na pinatutupad.
Hindi ba dapat ay unti-unti na natin itong napagwawagian?

Ang eleksyon natin ay computerized at automated.
Ibig bang sabihin nito'y wala nang kakayahang mandaya ang bawat kandidato?

Palagi tayong may plano sa flood control at drainage projects.
Ngunit bakit patuloy lang na tumataas ang tubig ng baha sa tuwing tag-ulan?

Ang magturo ng animnapung estudyante sa isang silid-aralan ay hindi madaling gawain.
Hindi ba dapat ang ating mga guro ay may sapat na sweldo at benepisyo?

Mayroon din tayong maigting na kampanya laban sa kidnapping.
Nanahimik at lumambot na ba ang sindikatong nasa likod nito?

Maraming dayuhang negosyante ang nais na mamuhunan at magnegosyo sa atin.
Marami bang bilang ng mga pilipino ang nakikinabang at nagbebenepisyo dito?

Ang malalaking negosyante ay patuloy na lumalago ang yaman.
Ibig bang sabihin nito na ang buhay ng kani-kanilang empleyado ay umuunlad din?

Napagsilbihan na tayo ng presidenteng napakahusay daw sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Hindi ba dapat na umangat din ang estado at kalagayan ng tunay na mahirap na Pilipino?

Napagsilbihan na tayo ng iba't ibang pangulong may pagmamahal sa bayan.
Ang kanila bang pagmamahal na ito ay sumapat upang makaahon tayong lahat sa kahirapan?

Ang bawat Kongresista ay may budget na umaabot sa pitumput-pitong milyong piso taon-taon.
Ang kahulugan ba nito'y naibibigay ang bawat pangangailangan ng kanyang kababayan?

Ang budget ng bawat senador ay aabot sa dalawandaang milyong piso taon-taon.
Ibig bang sabihin nito'y napakaraming proyektong kapaki-pakinabang ang natatapos?

Ang ating mga pinuno at pulitiko ay palaging may pangako ng mabuting pamamahala.
Hindi ka ba naiinis at nayayamot sa paulit-ulit nilang kasinungalingan?

Mayroon tayong bilyon-bilyong dolyares na reserba.
Ibig bang ipakahulugan nito na yumayaman ang Pilipinas at mga Pilipino?
* * *
Ang lahat ay nagbago na pero tila hindi naman nagbabago ang buhay at pamumuhay ng mga Pilipino.
Habang tayo'y nakamasid at nakatanaw sa ibang bansa sa Asya tulad ng Japan, Singapore, South Korea at iba pa.
Habang patuloy nating hinahangaan ang pagkamasikap ng mga Hapon, ang disiplina ng Singaporean at tunay na pagmamahal ng mga Koreano sa sariling bansa, sila na umunlad at yumaman sa loob lang ng ilang dekada...heto tayo mga Pilipino, bulag na naghahagilap ng karayom sa napakalawak na dayamihan. Naghahanap ng ganap na pagbabago.

Eleksyon na naman, ang pagbabago bang hinahanap natin ay nakasalalay sa ating mga lider? Ewan ko, hindi ko alam, pwede bang 'wag muna nating pag-usapan? Pero ang alam ko ang mabuting pagbabago na ating hinahangad ay nasa atin mismong mga Pilipino.

Hindi ko pinangarap na ang Pilipinas ay umunlad sa isang kisapmata lang pero hindi ko winawawaglit ang aking pangarap; pangarap na pagbabago, mabuti at matino. Matinong Pilipino para sa isang mabuting Pilipinas.

Ngunit, ilang dekada pa ba ang kailangan natin upang maganap ang mabuting pagbabago? Isa? Dalawa? Isang daan? O 'wag na natin asahan?

5 comments:

  1. Walang puwang ang sinasabi nilang pag-unlad o pagtaas ng piso kung ang mga pulitiko sa Pilipinas ay mananatiling nangwawalanghiya sa sambayanan. Marupok ang paninindigan ng ating mga pulitiko kahit ang ilang Pilipino.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pulitiko, pulitika, Pilipinas. repeat until fade.
      Nakakasawa na rin sila, paulit-ulit na lang

      Delete
  2. Sikat ang pilipinas, magagaling ang pilipino, tinitingala tayo ng ibang bansa, subalit hindi sa pangeokonomiyang kaganapan kundi dahil naka abot sa final si Jessica, naka duet ni Charrise si celine dion, may lolong na pinakamahaba, may pacqiuao na nag champion. Umangat ba ang respeto ng ibang lahi sa kapwa nating pinoy na naninilbihan sa ibang bayan?

    Ang bida ng ating pinuno, lumalakas ang ating ekonomiya. Darating ang panahon na ang ekonomiya ng pilipinas ay isang tigreng titingalain ng mga karatig na bansa. Napapamura na lamang ako.

    Ekonomoiyang pang mayaman hindi para sa mamamayan.

    Sa pagdilat pa daw ng ating mga mata sa umaga, isang anyo daw iyon na ang tao'y umaasa. Bulag ang sistema, nakapiring ang hustisya. Bingi ang mga namumuno. Anong pag-asa? Nga Nga...

    magandang araw sayo sir :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ganda ng komento mo ser, pwede ng isang blog entry.
      Ang balita iba sa katotohanan pero may kasabihan; ang patuloy na pagsisinungaling ay hindi malaong paniniwalaan din.
      Meron ba talagang ganung kasabihan? Anyway, maraming salamat sa pagbasa, pilitang maging maganda ang araw kahit hindi maganda ang ating pulitika.

      Delete
  3. Nakaka drain ng utak pag iisipin lahat ng sinabi mo.. mula pa ata nung pinanganak ako ang laging bago ay ang pag taas ng bilihin.. minsan na rin akong nakisawsaw sa mundo ng pulitika
    sumuporta sa isang matalik na kaibigan na muntik na rin malagay sa alanganin ang aking buhay.. kaya never kung ppasukin ang buhay pulitika.. all i could do is to be a good pilipino na nakikibaka sa ibang bansa na lang atleast kahit papano may mai ambag akong bango sa masangsang na amoy ng ating gobyerno. :)

    ReplyDelete