Lahat tayo ay may pagnanais na makamit ang tagumpay, tagumpay na kadalasan ay ginagawa ang lahat kahit na makasakit/ makaagrabyado ng iba. Ang tagumpay kasi para sa marami ay katumbas ng kapangyarihan, kasikatan at kuwarta. Naalala ko 'yung isang quote sa isang pelikula na 'sa pagnanais nating maging magaling kinakalimutan natin ang pagiging mabuti'. Kung bakit ba kasi obsessed ang mga tao sa kapangyarihan, kasikatan at kuwarta, kung bakit na naman kasi ang batayan ng pagiging matagumpay ay ang pagiging mataas ng iyong estado sa buhay kumpara sa nakararami.
Kadalasan, ang pananaw natin sa pagiging matagumpay ay ang magwagi sa hangganan ng buhay -- ang siyang tugatog o pedestal na dapat nating abutin. Sa karera ng buhay hindi dapat tayo nakatanaw sa may dulo lang para magtagumpay dapat ang tagumpay ay nakasalalay sa bawat hakbang ng ating buhay, sa bawat araw na ating nilalakbay. Ang maging masaya sa bawat araw ay isang tagumpay hindi ang magmukmok dahil hindi nakamit ang isang materyal na bagay. May oras at panahon sa bawat bagay at kung ang bawat araw ay iyong kinayayamutan mahirap hanapin ang tagumpay sa mga araw na darating pa.
Minsan, ang tagumpay ay gaya rin ng pagkabigo -- natatanaw.
Anong tagumpay ang mayroon ka kung ikaw ay tatamad-tamad sa buhay? Gaya ng pagkabigo madaling mawari kung ikaw ay magtatagumpay o hindi.
Upang magtagumpay at makamit ang nais na pagbabago dapat mapanatili ang tatlong bagay:
- Puso - sa lahat ng bagay na iyong gagawin at nanaisin dapat ito'y laging nasa puso. Hindi maaring gawin mo ang isang bagay dahil ito'y nais ng iba, para ma-please ang iba at para sa kapakanan ng iba, gawin lang motibasyon ito para sa gagampanan at gagawin ngunit higit sa lahat ang iyong puso ay 'di dapat mawawala. Ang anumang bagay na hindi ginampanan mula sa puso ay siguradong may kakulangan na tanging sinseridad lang ng puso ang makapupuno.
- Layunin - kung walang layunin mong gagawin ang isang bagay hindi ito matatawag na tagumpay. Kung ang nais mo lang ay makipagkumpitensiya sa mga taong gusto mong makita na nasa ilalim mo anong uri ng tagumpay ang dapat ditong itawag? Ang layuning tinutukoy dito ay ang 'mabuting layunin' hindi ang layuning ipamukha sa iba kung gaano ka naging makapangyarihan, kung gaano na karami ang iyong pera at kung gaano ka naging kasikat. Ang layuning magtagumpay at ang layunin para sa pagbabago ay dapat sa kapakanan ng ikabubuti ng pamilya at para sa sarili.
- Disiplina - sa likod ng isang tagumpay ay ang pagiging disiplinado. Kailangan mong kontrolin ang iyong sarili sa mga bagay na magpapabagal sa iyo sa pagkamit ng tagumpay at pagbabago. Ang lahat ng mga taong naging matagumpay sa buhay ay tiyak na dumaan sa puntong ito. Papaano mo makakamit ang mala-Adonis o mala-Venus na katawan kung wala kang kontrol sa pagkain? Papaano mo mabibili ang pangarap na bahay at lupa kung laman ka ng mall sa tuwing ito'y may Sale? Ang pagkamit ng tagumpay ay kakambal ng disiplina at sakripisyo.
Ang taong tanga sila 'yung nga tao na nagkakamali ngunit hindi nagsisisi at hindi natututo sa kanilang pagkakamali. Ang taong matalino sila 'yung nagkakamali pero sinasabuhay nila ang leksyon sa likod ng kanyang pagkakamali. Samantalang ang taong mautak sila 'yung mga taong sinasabuhay ang leksyon sa likod ng pagkakamali ng iba.
Hindi madaling maging taong mautak sa lahat ng pagkakataon pero sana sa tuwing tayo'y magkakamali maharap natin ang naging resulta ng bawat pagkakamaling ating ginawa. Hindi tayo perpekto pero hindi natin kailangang maging perpekto para maging mabuting tao, hindi tayo anghel pero hindi natin maging santo para gumawa ng mabuti para sa ibang tao, hindi lahat tayo matalino pero hindi tayo bobo para malamang ang tagumpay ay wala sa pag-apak sa ibang tao.
This comment has been removed by the author.
ReplyDeletetama....
ReplyDeletenakakalungkot kasi minsan yung tagumpay sa panahon ngayon ay nagiging kasing kahulugan na ng salitang "survivability"
- ako muna bago ang iba
may nagbabasa pa pala sa blog na ito :)
Delete