Marami ang nagsasabing may mabuting benepisyo sa bansa ang APEC pero
wala naman ni isang netizen ang nagbibigay ng komprehensibo at
kongkretong paliwanag kung paano nga ba nakikinabang ang maliliit na
mamamayan sa tuwing may nagaganap na pagpupulong sa APEC.
Maari
ngang may advantage ang APEC sa ekonomiya natin subalit meron din namang
negatibong epekto ito sa bansa kabilang na sa naapektuhan nito ang
maliliit nating magsasaka at mangingisda.
Sa simula pa lang ay
kasama na sa naging paksa ng APEC ang Tariff Reduction. During 90’s may
mga rate of duty pa na umaabot sa 30% hanggang 50% pero dahil sa
agreement ng mga bansang kabilang sa APEC wala na ito. Ang existing na
tariff rate na lang sa Adwana ay naglalaro sa 1% hanggang 10% na lang
marami na nga ring 0% ang tariff rate – at ang dahilan daw rito ay ang
kinakailangang pagsabay ng bansa bilang globally competitive country.
Sa maliit na bansang tulad ng Pilipinas, malaking halaga ang nawawala
sa kaban ng bayan sa pagpapatupad ng tariff reductions, huwag muna
nating isama ang talamak na korapsyon sa Adwana na hindi kailanman
mawawala. Halimbawa, ang dating binabayarang customs duty na
Php1,000,000 kada container ay nagiging mahigit sa Php100,000 na lang o
mas mababa pa (dahil sa APEC). Ito rin ang dahilan kung bakit palaging
may deficit at short sa target ang Bureau of Customs taon-taon. Sa
pagbaba ng buwis sa Adwana naramdaman ba natin na bumaba rin ang halaga
ng maraming pangunahing produkto ng bansa? Ewan.
Malinaw na
bilyong piso kada buwan ang nabawas sa kita ng Bureau of Customs simula
nang magkaroon ng tariff reduction pero (halos) hindi ito naramdaman ng
maliliit na mamamayan at malinaw rin na ang malalaking negosyante ang
nakinabang dahil dito.
Sa pagbaba nang koleksyon ng Adwana,
struggling ang pamahalaan sa kung papaano at sa kung saan makakakuha ng
perang pangtustos sa lumalaking gastos ng bansa. Dahil higit na madami
ang import natin kaysa export nalalagay tayo sa hindi magandang
sitwasyon, hindi tayo makasabay sa sinasabing ‘globally competitive’,
hindi naging advantage sa atin ang APEC.
Isa pang naging dagok
sa ekonomiya at sa sektor ng magsasaka at mangingisda na maraming
imported na produkto ang nawalan ng restriction at naging freely
importable, at ang maluluwag na pag-iisue ng Import Permits ng DA, BPI,
BFAR sa inaangkat na agricultural at aquatic products tulad ng mga gulay
na patatas, sibuyas, bawang, atbp. maniniwala ka ba na maraming isda sa
palengke ay imported mula sa bansang Taiwan at China? At kung hindi pa
pumutok at nas-sensationalize ang isyu tungkol dito malamang na patuloy
lang sa pananamantala ang mapagsamantalang negosyante.
Ang dapat
sana na pagpapalakas sa industriya ng Agrikultura at Pangingisda upang
makapag-export man lang tayo ng agri products (at sumabay sa APEC ekek)
ay tila hindi nangyayari. Ang masaklap pa ay ipinagmamalaki ng kahit na
sinong nanunungkulan sa gobyerno ang pag-iimport natin ng milyon-milyong
tonelada ng bigas sa bansang Vietnam, idagdag pa natin ang pagkukulang
sa ayuda ng pamahalaan sa ating magsasaka at mangingisda.
Wala na
ngang pondo para sa sektor ng magsasaka nagkaroon pa ng bogus na pondo
para sa agrikultura na tinawag nilang Fertilizer Scam na alam ng lahat
na nauwi sa korapsyon.
Dahil nakadepende ang maraming negosyante
sa mababang taripa ng kanilang commodity hindi naging progresibo ang
ating produksyon, nag-iimport na lang tayo ng finished products na
ibinebenta nang direkta sa supermarket, grocery at palengke; iilang
pabrika lang ba ang nagma-manufacture ng damit, tsinelas, sapatos, at
iba pa? At bakit nga naman sila magtatayo ng pabrika kung mas mababa ang
cost ng imports kesa mag-manufacture nito?
Sa pagtatapos ng
APEC, malamang na marami ang napag-usapan pero sana kasama sa
napag-usapan ang pagpapalawig at pagpapalakas ng hindi lang ng BPO
Industry kundi pati ‘yung mga pobreng nagbibigay sa atin ng pagkain sa
ating hapag-kainan. Hindi lang naman teknolohiya ang kailangan ng
bansang ito.
Koleksiyon ng mga sanaysay, kabalbalan, kwento, opinyon, tula, suhestiyon, obserbasyon, kathang-isip at katotohanan na sumasalamin sa pang araw-araw na buhay ng pangkaraniwang tao. Hindi nito tinatangkang impluwensiyahan ang pag-iisip ng bawat mambabasa bagkus ay inilalatag at inilalahad lamang kung ano ang karaniwang nakikita sa kapaligiran na madalas naman ay winawalang bahala.
Showing posts with label ekonomiya. Show all posts
Showing posts with label ekonomiya. Show all posts
Friday, November 27, 2015
Thursday, February 7, 2013
Walang Nagbago
Uy, lumalakas na raw ang ating
piso at ekonomiya at magpapautang din pala tayo ng tumataginting na isang
bilyong dolyar sa IMF!
Ayuda daw ito natin sa mga
taga-Europa na ngayon ay bagsak ang ekonomiya, ano ba ang ibig sabihin nun?
Mayaman na ba ang bansang Pilipinas? Nagbago na ba ang estado at kalagayan
natin? Tumaas na ba ang tingin sa atin ng mga kapitbahay natin sa Asya?
* * *
Ang pagbabago ay
nangyayari...Hindi ito maiiwasan.
Ang mundo ay nagbabago
gayundin ang ating bansa, ang bayan nating Pilipinas.
Ayon sa kasaysayan tayo ay
nakaranas ng digmaan laban sa iba't ibang mga bansa upang makamit ang inaasam
na kalayaan, kasarinlan, demokrasya.
Ngunit ang digmaan ay hindi
pa natatapos.
Ang digmaan laban sa
kahirapan ay hindi pa rin nawawakasan.
* * *
Dagsa ang pinuno at pulitiko
na magsisilbi at mamahalin ang kanyang bayan, pagbabago at reporma ang
bukambibig sa oras na manungkulan.
Subalit may pinagbago na ba?
Nagbago na ba ang ekonomiya? Nagbago na ba ang buhay ng maraming Pilipino?
Dumarami ang kotse at iba't
ibang sasakyan ang nagkalat sa lansangan.
Ang ibig bang sabihin nun na
ang ekonomiya nati'y umuusbong?
Dagsa ang traffic enforcer
ng iba't ibang ahensiya at munisipalidad.
Nawawala na ba ang tuwirang
lumalabag sa batas ng trapiko?
Lumulobo ang ating utang
panloob at panlabas.
Marapat bang sabihin na ang
lahat ng perang hiniram ay napunta at napakinabangan ng masa at ng bayan?
May mga donasyon at
ipinamamahaging relief goods sa tuwing may kalamidad.
Naipamamahagi ba ito sa
tunay na biktima ng kalamidad at delubyo?
Bilyon-bilyong piso ang
nakokolekta ng BIR taon-taon.
May kakayahan na ba tayong
bayaran ang ating mga pagkakautang?
Ang pamahalaan ay palagiang
ibinibida ang paglakas ng ekonomiya.
Nasaan na nga ba ang mga
hanap-buhay para sa maraming Pilipino?
Marami tayong OFW na kung
ating bansagan ay Bagong Bayani.
Nasaan ang respeto at
proteksyon para sa mga bayaning ito?
Umaabot sa US$15 bilyon ang
remittances taon-taon ng ating bagong bayani.
Dapat bang sabihing
gumiginhawa na ang kani-kanilang buhay?
Patuloy na dumadami ang
bilang ng ating mga pulis at kawal.
Ligtas na bang matuturing
ang mga Pilipino sa kriminal na elemento ng lipunan?
Naibalitang nadaragdagan ang
bilang ng eskwelan at classroom.
Ang mga estudyanteng
pilipino ba'y maginhawa nang nakakapag-aral?
Labis-labis na ang bilang ng
ating mga nurse at nursing student.
May sapat na bang bilang
para may mag-alaga at mag-aruga ng lahat ng pasyente?
Kahit noon pa, ang Pilipinas
ay isa nang agrikultural na bansa.
Wala bang pilipinong
nakararanas ng gutom?
Maraming proyekto ng farm to
market road ang ating gobyerno.
Ang mga magsasaka ba natin
ay maginhawang naibibyahe ang kani-kanilang produkto?
Napakarami nating edukado at
matatalinong mga pinuno.
Nasaan ang komprehensibong
plano nila para sa pag-unlad ng kanilang nasasakupan?
Hindi mabilang ang mga bus
sa Kalakhang Maynila, idagdag pa natin ang pangmasang LRT at MRT.
Makararating na ba tayo ng
mabilis at maayos sa ating patutunguhan?
Patuloy na nadagdagan ang
bilang ng Flyover, tulay at footbridges.
Hindi ba dapat nababawasan
kahit papaano ang problema sa mabagal na trapiko?
Ang edukasyon hanggang
sekondarya ay libre.
Ngunit bakit marami pa ring
Pilipino ang ngayo'y mangmang?
Daang bilyong piso ang
nakokolektang buwis ng Adwana taon-taon.
Hindi niyo ba napapansin
kung sino lang ang yumayaman?
Tayo'y malaya sa
pagpapahayag ng ating saloobin at hinaing.
Ngunit bakit maraming
taga-media at aktibista ang pinapaslang o nawawala na lang?
Ang kampanya laban sa ilegal
na droga ay maigting na pinatutupad.
Hindi ba dapat ay unti-unti
na natin itong napagwawagian?
Ang eleksyon natin ay
computerized at automated.
Ibig bang sabihin nito'y
wala nang kakayahang mandaya ang bawat kandidato?
Palagi tayong may plano sa
flood control at drainage projects.
Ngunit bakit patuloy lang na
tumataas ang tubig ng baha sa tuwing tag-ulan?
Ang magturo ng animnapung
estudyante sa isang silid-aralan ay hindi madaling gawain.
Hindi ba dapat ang ating mga
guro ay may sapat na sweldo at benepisyo?
Mayroon din tayong maigting
na kampanya laban sa kidnapping.
Nanahimik at lumambot na ba ang
sindikatong nasa likod nito?
Maraming dayuhang negosyante
ang nais na mamuhunan at magnegosyo sa atin.
Marami bang bilang ng mga
pilipino ang nakikinabang at nagbebenepisyo dito?
Ang malalaking negosyante ay
patuloy na lumalago ang yaman.
Ibig bang sabihin nito na
ang buhay ng kani-kanilang empleyado ay umuunlad din?
Napagsilbihan na tayo ng
presidenteng napakahusay daw sa pagpapaunlad ng ekonomiya.
Hindi ba dapat na umangat din ang estado at kalagayan ng tunay na mahirap na Pilipino?
Napagsilbihan na tayo ng
iba't ibang pangulong may pagmamahal sa bayan.
Ang kanila bang pagmamahal
na ito ay sumapat upang makaahon tayong lahat sa kahirapan?
Ang bawat Kongresista ay may
budget na umaabot sa pitumput-pitong milyong piso taon-taon.
Ang kahulugan ba nito'y
naibibigay ang bawat pangangailangan ng kanyang kababayan?
Ang budget ng bawat senador
ay aabot sa dalawandaang milyong piso taon-taon.
Ibig bang sabihin nito'y
napakaraming proyektong kapaki-pakinabang ang natatapos?
Ang ating mga pinuno at
pulitiko ay palaging may pangako ng mabuting pamamahala.
Hindi ka ba naiinis at
nayayamot sa paulit-ulit nilang kasinungalingan?
Mayroon tayong
bilyon-bilyong dolyares na reserba.
Ibig bang ipakahulugan nito
na yumayaman ang Pilipinas at mga Pilipino?
* * *
Ang lahat ay nagbago na pero
tila hindi naman nagbabago ang buhay at pamumuhay ng mga Pilipino.
Habang tayo'y nakamasid at
nakatanaw sa ibang bansa sa Asya tulad ng Japan, Singapore, South Korea at iba
pa.
Habang patuloy nating
hinahangaan ang pagkamasikap ng mga Hapon, ang disiplina ng Singaporean at
tunay na pagmamahal ng mga Koreano sa sariling bansa, sila na umunlad at
yumaman sa loob lang ng ilang dekada...heto tayo mga Pilipino, bulag na
naghahagilap ng karayom sa napakalawak na dayamihan. Naghahanap ng ganap na pagbabago.
Eleksyon na naman, ang
pagbabago bang hinahanap natin ay nakasalalay sa ating mga lider? Ewan ko, hindi ko alam, pwede bang 'wag muna nating pag-usapan? Pero ang alam ko ang
mabuting pagbabago na ating hinahangad ay nasa atin mismong mga Pilipino.
Hindi ko pinangarap na ang
Pilipinas ay umunlad sa isang kisapmata lang pero hindi ko winawawaglit ang aking pangarap; pangarap na pagbabago, mabuti at matino. Matinong Pilipino para sa isang mabuting Pilipinas.
Ngunit, ilang dekada pa ba ang
kailangan natin upang maganap ang mabuting pagbabago? Isa? Dalawa? Isang daan?
O 'wag na natin asahan?
Subscribe to:
Posts (Atom)