Showing posts with label pilipino. Show all posts
Showing posts with label pilipino. Show all posts

Monday, September 28, 2015

Heneral Luna At Ang Bagong Henerasyon Ng Kabataan




Bihirang-bihira lang tayo makaranas ng matitinong pelikula, 'yung pelikulang maaari mong tawaging sining at maaari mong ipagmalaki saan mang film festival mo ito ilahok.
At kung sakaling mayroong ganitong klase ng palabas sa sinehan, nakalulungkot na madalang naman ang suportang ibinibigay ng mga pilipino sa ganitong klase ng pelikula. Kadalasan pa nga ang mga ganitong matitinong pelikulang ginawa ng mga producer, writer at director na may tunay na pagmamahal sa sining ay mas naa-appreciate pa ng mga kritiko sa ibang bansa. At 'pag nabigyan na ng karangalan sa International Film Festival, isa-isa nang maglalabasan ang magki-claim na proud (daw) silang maging Filipino -- isang kaplastikan, isa na namang pagpapanggap.


'Pag walang saysay ang isang pelikula mananawagan ang iba na (kunwari) 'wag manood sa ganitong uri ng basura pero kung mayroon namang matinong pelikula kulang naman ang marami sa ipinapakitang suporta. Tila wala tayong consistency at pinipili lang natin ang gusto nating purihin para tayo'y papurihan.


Bawat pelikula ng Star Cinema (OA na komedya man ito o tungkol sa walang pagkasawang tema ng pangangalunya, pabebe love story man ito o gasgas na kuwento ng katatakutan na hindi naman nakakatakot) ay tumatabo ng mahigit ng isandaang milyong piso sa takilya. 'Wag na lang nating sabihing walang sining sa likod ng mga nalikhang pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing basura ang pagkakagawa ng mga pelikulang ito, 'wag na lang nating sabihing hindi pinag-isipan ang mga istorya nito. Nakakalungkot lang kasi na marami na nga tayong ganoong uri ng pelikula hindi pa ito natutumbasan ng maayos-ayos namang palabas; kahit isa man lang matino sa bawat sampung pelikula ay sapat na siguro para sa ngalan ng totoong sining at para sa kapakanan ng pilipinong tinatanga, ginugutom at inuuuhaw sa ganitong uri ng programa at palabas.


Ang mga tao sa likod ng mga pelikula nina Vice Ganda, Kim Chiu, Daniel Padilla at iba pa ay hindi mo pwedeng sabihing walang utak at hindi nag-iisip, dahil ang katotohanan ay matataas ang kanilang edukasyon at pinag-aralan na may kinalaman at kaugnayan sa film making at creative writing -- nagkataon lang kasi na ang pelikulang kanilang ginagawa ang karaniwang gusto ng nakararaming masa. Kumbaga kung ano ang hinihiling 'yun ang ibinibigay. At kung gagawa nga naman sila ng matinong pelikula may manonod ba? Kikita ba ito ng mahigit sa isandaang milyong piso? Sisikat ba ng husto ang mga bidang artista dito? Mamahalin ba sa sila ng masa?
Nakakadismaya lang na silang may kakayahan at may kapangyarihan na mga nasa industriya ng pelikula ay nagpapalamon sa kinagisnang sistema. Ang tanong: kailangan ba na palaging pera ang motibasyon sa paggawa ng programa at pelikula?


Sa kabila nang naghihingalong industriya ng pelikula at sining dito sa atin tila nakakamanghang malaman na mayroon pa ring (mga) producer na pursigidong mamuhunan at sumugal para sa isang matino, matalino, makasaysayan at pinag-isipan nang hustong pelikulang tulad ng 'Heneral Luna'.

Ang tanong sa 'Luna': Bayan o Sarili?
Walang pag-aalinlangang Bayan ang sagot pero kaya ba nating pangatawanan ito gaya ng ginawang sakripisyo ng katulad ni Heneral Antonio Luna? Baka hanggang salita lang tayo, baka matapang lang tayo sa social media, baka magtaksil ka rin sa bayan gaya ng pagtataksil ng maraming pilipino noong panahon ng una at ikalawang giyera.
Sa nakikita nating ugali, asal at gawi ng bagong henerasyon ng kabataan ngayon tila iba ang nakikita at namamasid nating kanilang ipinaglalaban; handa silang makipagmurahan, makipaglaitan at magbanta para sa kanilang dinidiyos na mga idolo o para sa higanteng istasyon ng telebisyong nakikinabang sa kanila.
Si Heneral Luna ay ipinaglaban ang kalayaan ng kanyang Inang-Bayan samantalang ang bagong henerasyon ng kabataan ay ipinaglalaban ang kanilang mga idolong nagpapakilig sa kanilang kalamnan.

Saan ba nagkulang si Heneral Luna at ating mga bayani?
Nagkamali ba Si Dr. Jose Rizal nang sabihin niyang ang kabataan ang pag-asa ng bayan?
Sa kalayaang tinatamasa ng ating bayan hindi naman natin kailangan ng karagdagang bayani, ang kailangan lang natin ay disiplina sa ating mga sarili.

Sining o pera?
Sa komersiyalismong sumasakop sa industriya ng musika, telebisyon at pelikula tila hindi na kailangan pang sagutin ang tanong na 'yan. Kung talagang may pagpapahalaga at wagas ang pagmamahal ng mga producer ng pelikulang pilipino, telebisyon at musika sa sining -- mas marami pa sana tayong napapanood at naririnig na may saysay na kanta, programa at pelikula. Pero hindi e, dahil mas matimbang na nga ang pera sa halos lahat ng bagay dito sa mundo tila (halos) wala nang pakialam ang lahat sa halaga ng sining. Bukod sa komersiyalismo idagdag pa natin ang mentalidad ng kolonyalismo, saan na kaya patungo ang industriyang ito? Oo ang mga industriyang ito'y kailangan ng pera para patuloy na manatili pero kung kanilang gugustuhin maaari namang makalikha ng sining na hindi kailangang malugi.

Gusto kong mangarap na ang pelikulang 'Heneral Luna' ay ang magiging ehemplo at susi sa panunumbalik ng matitino at de-kalidad na pelikula sa bansa. Gustong-gusto ko.


Humigit-kumulang isandaang milyong piso ang budget nito para mapaganda at magmukhang makakatotohanan ang bawat eksena ng naturang pelikula -- malaking halagang mawawala at malulugi kung sakaling hindi ito tumabo at pumatok sa takilya. Sa unang mga araw nang pagpapalabas ng 'Heneral Luna' sa sinehan nag-abiso ang pamunuhan nito na ipu-pull out na ang pelikula dahil sa mababang benta ng tiket at upang magbigay daan sa mas malalaki, mas siguradong hit na pelikula ng Hollywood -- ito ay sa kabila ng limampung porsiyentong diskuwento sa tiket para sa mga estudyante.


'Pag sinabing estudyante sila ay ang mga kabataang pag-asa umano ng bayan. Sila ang balang-araw ay papanday sa ekonomiya ng bansa at magiging lider ng masalimuot na mundo ng pulitika. Hindi deserve ng 'Heneral Luna' na kalahati lang ang ibayad natin sa pelikulang ito dahil sa makatotohanan, husay, pulido at world class na pagkakagawa nito pero dahil nais ng mga producer ng pelikula na mas maunawaan at mas makilala nang malaliman ng mga kabataan ang karakter na si Antonio Luna at iba pang may kinalaman sa istorya ng kanyang buhay -- nagbigay sila ng malaking diskuwento.
Hindi ba't nakakagago lang kung iisipin na ang lahat ay willing na magbayad ng halos dalawandaang piso para sa mga pelikulang tulad ng 'Praybeyt Benjamin', 'Sisterakas', 'Girl, Boy, Bakla Tomboy', 'Enteng Kabisote', 'Pagpag' at iba pa pero sa makasaysayan at makabuluhang pelikulang 'Heneral Luna' ay tila hindi pa ito masuportahan, ito ay sa kabila ng discounted na ticket price nito.


Dahil sa maganda at positibong feedback, 'ingay' at panawagan ng maraming netizen na panoorin ang obrang 'Luna' napuwersa ang mga theater management na huwag munang i-pull out ang naturang pelikula at sa ikalawang linggo ay medyo nakabawi ang mga producer nito; tumaas ang ticket sales ng pelikula, dumami ang nanood at naging interesado kung ano ang mayroon sa 'Heneral Luna'. Salamat at naabot na ng pelikula ang isandaang milyong pisong kita. At isa pang magandang balita, ang pelikulang 'Heneral Luna' ang kinatawan ng bansa para sa Oscar's sa susunod na taon.


Kamakailan nag-trend sa Twitter ang isang post tungkol sa pelikulang Heneral Luna; may isa raw kabataang manonood ang narinig niyang nagtanong na kung bakit daw sa buong durasyon ng palabas ay nakaupo lang si Apolinario Mabini (Epi Quizon). Nakakatawang nakakainis lang na ang mga kabataang ito ay mas kabisado pa ang mga kanta ni Beyoce at Justin Bieber, alam ang dahilan ng paglisan ni Zayn Malik sa grupong One Direction at kilala ang bawat miyembro ng hinahangaang K-pop group pero mga mangmang at wala namang alam sa maliit na detalye sa isang bahagi ng kasaysayan.


Hindi man mabago ang iyong pananaw sa panonood ng pelikulang 'Heneral Luna', hindi man direktang maiba ang ibang aspekto ng iyong buhay -- makaka-relate ka naman sa maraming eksena ng obra-maestrang ito at mari-realize mong ang mga pilipino'y tila hindi nagbago. Na ang mga pilipino'y sadyang kulang sa pagkakaisa. Na may mga pilipinong may pagka-traidor sa kanya mismong bansa. Na may mga pilipinong pinahahalagan ang sariling interes kaysa sa interes ng kanyang nakararaming kababayan.
Habang may mga taong gustong lumaya marami naman ang gustong magpasakop sa banyaga.
Habang may mga polisiya na dapat ipatupad para sa layuning pagkakaisa, may mga ayaw namang magpasakop sa umiiral na batas.
Habang may mga bayaning handang ibuwis ang buhay para sa bayan, may mga pilipino namang pipigil at kikitil sa kadakilaan ng hangaring ito.


Ang karakter sa pelikulang 'Heneral Luna' ay nasawi at nabigo at ang kanyang istorya'y nauwi sa malungkot at masaklap na trahedya. At gaya ng pelikulang 'Heneral Luna' tila kabiguan at trahedya rin ang kinasasadlakan ng bansang kanyang ipinaglaban. Ito ay sa kabila ng mahigit isandaang taong kasarinlan at kalayaang ating tinatamasa.

At patuloy tayong malulugmok sa kabiguan at trahedyang ito hangga't pinipili at inuuna natin ang ating sariling interes kaysa ang kapakanan ng bayan.

Monday, December 29, 2014

Bukas Na Liham Para Kay Gat Jose Rizal

Mahal kong Dr. Jose Rizal,

Disyembre 30 na naman. Holiday dahil araw ng iyong kadakilaan. Nagpapasalamat ang mga Pilipino sa’yo kasi dahil sa pagkamatay mo mahaba ang kanilang bakasyon, sumabay kasi ito sa selebrasyon ng Bagong Taon. Nakakatawa dahil tila limot na ng karamihan ang mga dahilan kung ano ang iyong ipinaglaban. Mas nae-excite sila sa pagpapaputok ng fireworks sa gabi ng Disyembre 31 kaysa pag-aralan, ipagdiwang o isapuso ang kasarinlang aming nakamtan dahil sa iyo at iba pang mga bayani ng bayan.


Kung nabubuhay ka kaya sa panahong kasalukuyan, ano kaya ang masasabi mo sa kalagayan ng ating lipunan?
Matuwa ka kaya dahil nagtatamasa ang lahat ng “Kalayaan”?
Hindi ka kaya nagsisisi dahil naging mapagmalabis ang maraming pilipinong dapat sana’y nag-aaruga sa ating Inang Bayan?
Masasabi mo kayang sulit ang pagbuwis ng iyong buhay para sa kapakanan ng mga Pilipino ng sumunod na henerasyon?


Marami pa rin naman ang nakakakilala sa’yo bilang aming pambansang bayani, marapat lang. Ngunit marami rin kaya ang nakakaalam sa mga sakripisyo at ginawa mo sa bayan sa panahong kasalukuyan? Ewan. Dahil sa dami ng mga nagsasamantala sa bayang iyong ipinaglaban sa kalayaan higit sa isandaang taon na ang nakararaan, hindi ko na mawari kung tuluyan na nga nilang kinalimutan ang pagmamahal at pagmamalasakit mo sa bayan, naibaon na rin marahil ang istorya sa likod ng katapangang ipinakita mo laban sa mapanupil at mananakop na mga kastila.


Halaw sa isang sinulat mo dati; “Aanhin mo ang kalayaan ng mga tinapakan kung bukas sila naman ang maghahari-harian.” pagkalipas ng mahigit isang siglong kasarinlan tila ganoon na nga rin ang nangyayari, ang salinglahi ng mga tinapakan, niyurakan at ipinaglaban mo noon ay sila ngayon ang hari at naghaharian sa ating bansa. Sila mismo ang dumudungis at hindi nagmamahal sa bayang iyong sinilangan.  Nawala na nga ang monarykiya ng Bansang Espanya ngunit nanatili naman ang mga hari sa iba’t ibang anyo at iba’t ibang kapuluan. Nakakalungkot. Sa halip na magtulungan ang lahat upang magpaunlad ang bansa, sa halip na maglingkod para sa bayan – ang mga makapangyarihan ay  kadalasang mas masahol pa sa hari, mas sakim pa sa ganid, mas malupit pa sa berdugo.


Nasaan na kaya ang iyong tinuran at nagmarka sa isip ng karamihan na: “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Tunay ngang kabataan sana ang pag-asa at mag-aahon sa nakasadlak na inang-bayan, ngunit taliwas at tila iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Marami sa kabataan ang napapariwara at nalululong sa iba’tibang bisyo, marami ang bukas ang pag-iisip sa usaping seksuwal na nagreresulta sa maagang pag-aasawa, maraming palaboy at kapos sa edukasyon, marami ang katulad ng iba pang desperado at patungo sa kawalan ng pag-asa.
Ngunit batid kong mayroon pa ring kabataan ang mabubuti at matitino, sila na huhubog at papanday para sa magandang kinabukasan ng bansang Pilipinas.



Kahit kapiraso na lang, gusto ko pa ring mangarap na hindi pa lubusang huli ang lahat para magbago, may  pag-asa pang sisilay sa bansa mo katulad ng pag-asang iyong tangan-tangan noong ikaw ay nabubuhay pa at nangangarap na makaalpas sa mapaniil na kamay ng mga Kastila. Sana gaya mo, ang buhay namin ay magkaroon ng saysay at maging makahulugan.
Sana matularan namin ang kahit ilan lamang sa iyong kabayanihan.

Sana’y mabuhay ang kabayanihan sa aming mga puso at isip; ang adhikain at adbokasiya na iyong tinaglay noong ikaw’y nabubuhay ay hindi sana humilay; ang pagiging makabayan, matapang, dakila at handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng bayan ay ‘di sana tumigil sa iyong panahon.

Friday, August 22, 2014

Glutathione



Noong araw pa
--- ninais na niyang baguhin
ang kanyang kutis na morena
upang siya ay mas maging
maganda, mas maging
kaakit-akit, mas katanggap
-tanggap sa madlang may
matang mapanuri at
tinitingala ang mga taong
may kutis na singtingkad
nang sa Esperma.


Libo-libong piso ang
kailangan upang mamalas
sa kanyang balat ang
kulay ng kutis na matagal
na niyang pinapangarap,
kutis na pangarap din
ng milyon-milyong
pilipinong patuloy na
binubulag at nilalason
ng komersiyalismo,
ng kolonyalismo at
ng konsumerismo.


Noong araw pa
--- ninais na niyang maging
kulay busilak ang kanyang
balat kahit pa maubos ang
ipon para sa kinabukasan
ng pamilya, kahit pa
mabawasan ang perang
para sa pag-aaral ng mga
anak. Mas mainam (raw)
kasi ang magmukhang
mayaman ang balat kaysa
magmukhang marungis
at salat.


Libo-libong oras ang
kailangan upang maganap
ang pagpapalit ng kulay
ng kanyang balat mula sa
kulay ng kahoy na kamagong
o ng paborito niyang tsokolate
patungo sa kulay ng damit
na bagong kula o ng maamong
tupa. Mula sa kulay (raw) ng
indio at hampas-lupa hanggang
sa maging kulay ito ng mga
maharlikang mukhang
walang dungis,
walang sala.


Noong araw pa
--- pinangarap na niyang kutis niya'y pumuti
samantalang mas dapat na pumuti ang kanyang umiitim na budhi.

Saturday, November 9, 2013

Incest



Inspirasyon ng akdang ito ang “Minsan May Isang Puta” ni Ms. Mike Portes (na aking kaibigan sa Facebook at isa sa nagbigay daan sa akin para mabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sariling libro at ang akdang inyong mababasa (Incest) ay nakapaloob sa librong iyon). Mayroong Facebook page ang MMIP na ang layunin ay katulad din ng layunin ng marami sa atin: matinong pagbabago sa bansang Pilipinas.

Excerpts from the page: “Minsan may isang Puta”
was originally published in April 30, 2004 @ Peyups.com and has taken a life of its own. From blogsites, email messages to a film adaptation in the locally and internationally awarded "Ganap na Babae" (International title: Garden of Eve) and on print at the author's first sole authored book "The Dove Files". It's first international printing is in "Writings 8" available at amazon.com and at UAE's Mismo Magazine.

Sa Definitely Filipino,  ang akdang Minsan may Isang Puta ay ang "Most Read article" sa blogsite nila na as of this writing ay mayroon nang 173,342 reads,  higit 40,000 likes at higit sa 30,000 ang pag-share.
 
- - - - - - - -
galing sa google ang larawan

Hndi ko naman itinatanggi na naging prosti ako.

Marami ang nagpakasasa at nagpakasawa sa aking katawan mga iba't ibang lahi pa nga; Kastila, Amerikano, Hapon at iba pa. Hindi ko sila lubos na natanggihan at kung tatanggi man ako'y hindi rin sapat ang aking paghindi. Anong magagawa ko eh mahina lang ako? Isang kayan-kayanan at api-apihan. Hindi naman ako likas na malandi pero sa katagalan nang paggamit nila sa akin nakasanayan ko na rin, kailangan eh. Marami ang umaasa sa akin at dapat lang akong kumayod ng husto. Kaya't kahit hindi na kaya ng katawan ko pinipilit ko pa rin mapunan lang ang pangangailangan ng marami kong anak.
Mahirap talaga ang maging mahirap mistula kang alipin ng mga may salapi at makapangyarihan. Walang boses ang bawat sasabihin, walang nakikinig sa bawat hinaing, walang lakas ang bawat pagtutol.


Tanggap ko na ang kapalaran kong ito at kahit na anong gawin ko'y hindi na rin maibabalik pa ang nakalipas at nakaraan. At kung maibabalik man ito may kakayahan ba ako na ito'y baguhin?
Tanggap ko na, na ganito ang naging kapalaran ng aking buhay.
Tanggap ko na, na madrama at malungkot ang aking kasaysayan.
Ngunit ang hindi ko lubusang matanggap ay ang patuloy na pangyuyurak at panghahalay sa akin ng mismong mga anak ko! Hanggang kasalukuyan.


Batid nilang higit kong kailangan ang pag-aaruga at pagkalinga dahil sa kalunos-lunos kong kalagayan pero mga wala silang pakialam. Medyo may katandaan na ako't gusto ko na ring magpahinga at maranasang may nagmamalasakit at nag-aalaga sa akin. Ngunit sa halip ay hindi pa rin sila tumitigil sa pagluray sa aking kapurian. Parang mga demonyong humahalay sa aking kalamnan. Mga hayok na nilulustay ang natitira ko pang kaunting kayamanan.


Awang-awa na ko sa aking sarili.
Tingin ko'y sobra na 'kong namaltrato at naabuso. Nais kong sumigaw at iiyak ang poot na namamahay sa aking puso. Ngunit gusto ko ring kamuhian ang aking sarili dahil sa hindi yatang magandang pagpapalaki ko sa kanila. Ako ba ang dahilan kung bakit naging ganyan sila kasama? Kung ganoon nga isa pala akong walang kwentang Ina!


Ginawa ko naman ang lahat ng alam ko upang maging mabuting Ina sa kanila at sila nama'y maging mabuting mga anak sa akin, tinuruan sila kung papaano maging responsableng mamamayan at maging mapagkalinga sa kanyang mga kapatid pero ako'y nabigo. Nagpakaputa ako upang matustusan lang ang kanilang pangangailangan halos pati kaluluwa ko'y ibinigay ko na sa mga oportunistang naghahangad sa akin noon, noong ako'y sariwa at higit na maganda kaysa ngayon. Sinikap ko ring makaipon para sa magandang kinabukasan ng aking ibang mga anak pero kahit na hindi ganoon karami ang mga suwail at walanghiya kong mga anak sila pa rin ang nananaig at nangingibabaw parati. Sila kasi ang mas malakas at mas makapangyarihan kumpara sa nakararaming mahihina na mapagkakatiwalaan at responsable pero tahimik lang at tila walang pakialam.


Pero hindi lahat ng anak ko'y puro sakit ng ulo at kademonyohan ang nasa pag-uutak marami sa kanila ang talagang may pagmamahal at pagmamalasakit sa akin. Handang ibuwis ang kanilang buhay makalaya lang ako sa pagiging alipin at puta. May pagmamahal na kahit dumanak ng dugo ay hindi alintana at nababahala maipagtanggol lang ako sa mga putanginang dayuhang humahalay sa akin. Kahit alam nilang walang panalo ang kanilang mga tabak laban sa malalakas na armas sila'y hindi nagpadaig at natakot. 'Yung isa ngang anak ko bolpen lang ang sandata pero parang kanyon sa lakas ang naging pagsabog. Sa kasamaang palad ang lahat ng mga anak kong ito'y maagang binawian ng buhay. Kung sino pa ang matino 'yun pa ang maagang namatay. Sayang.
Siguro kung nabuhay sila ng matagal-tagal iba ang naging kapalaran ko ngayon. Hindi sana ako nasadlak sa ganitong kahirapan. Hindi sana ako ikinahihiya ng ibang anak ko. Hindi tulad ng isa kong anak na sa pagnanais na mapanatili ang bansag na bayani kinamatayan na ang pagtatakip sa totoong kasaysayan.


Kay sarap balikan ang alaala ng aking mga anak na tunay na nagmahal sa akin literal nilang inialay ang kanilang buhay sa pagnanais na maitakas ako sa kamay ng mga dayuhang nanamantala sa akin. Mayroon akong isang anak na namumukod-tangi ang tapang at may ibinulong siya sa akin noon na hanggang ngayon ay tumatak sa puso't isip ko. Wala na raw hihigit pa sa pagkadalisay at pagkadakila ng pag-ibig niya sa akin! Napakaganda ng sinabi niyang iyon masarap sa tainga at lubos talaga itong nagpataba ng aking puso. Kaya ganoon na lang ang lungkot at hinagpis ko nang mabalitaan kong pinaslang siya ng kanya mismong mga kapatid!


Sa sunod-sunod na pagkasawi ng magigiting kong mga anak akala ko'y lubusan na akong mamahalin ng mga naiwang iba pa dahil sa habiling pangaral at magandang aral sa kanila. At muli akong nagkamali. Nakalulungkot isipin na marami na ang hindi ganap na dumadalisay at dumadakila sa akin mayroon siyempreng mangilan-ngilan na nagmamalasakit pero ang iba'y unti-unti na ring nilalalamon ng bulok na sistema at nagiging gahaman na rin kalaunan hanggang sa mawalan na rin ng pagmamalasakit. Ang iba naman'y nagpasyang mang-ibang bansa hindi lang dahil sa pagnanasang kumita ng mas malaki kundi dahil sa kagustuhang magpakalayo-layo at tuluyan nang ikinahihiya ang pangalan kong nakakabit sa kanila. Nasaan na ang sinasabi nilang pagmamahal? Nasaan na ang dalisay na Pag-ibig?


'Di ko maintindihan kung bakit sa tuwing nasa ibang bansa ang mga anak kong ito'y napakabubuti, masisipag at walang reklamong sumusunod sa mga batas na doo'y umiiral na halos wala namang ipinagkaiba sa mga batas natin dito. Pero pagdating dito hirap na hirap sumunod sa itinakdang batas na kahit simpleng pagtawid sa tamang tawiran ay hindi ginagawa 'yun na kasi ang nakagisnan at nakasanayan kaya hayun halos lahat na sila pasaway. Mabait kasi akong Ina, kung noon pa man ay pinagsabihan at pinaalalahanan ko na sila sa mga bawal nilang gawain siguro ngayon lahat sila ay matitino at may disiplina. Eh ngayon matitigas na ang mga ulo, maraming tarantado at ayaw nang nasasabihan sa mga pagkakamali nila. Kaunting puna lang sobrang pikon na pero kung sila naman ang mamumuna napakagagaling at hindi lang mga walang pinag-aralan ang may ganitong ugali kahit nga mga edukado pa. Magulo na nga yata talaga ang mundo.


Tulad ng mga anak kong mga "edukado at mararangal" na may magugulong pag-uutak. Hindi ko alam kung bakit sino pa ang anak kong may magandang edukasyon o may mataas na karangalan sila pa ang halinhinang nagmamaltrato sa akin. At paulit-ulit pa. Mga may dignidad kung ituring pero palihim na ang kanilang Ina'y ginagawan ng kawalanghiyaan. Ang kakapal ng mukha! Silang mga abogado, heneral, ekonomista, elitista, makamasa, militar, artista, propesor at iba pang propesyonal raw pero halos pare-pareho lang ang uri. Kay yayabang at taas-noong sasabihing taos ang pag-ibig para sa akin ngunit hinahalay naman ako sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataon.


Ang ibang mga anak ko naman na hindi nakapagtapos ng pag-aaral na nasa akin pang poder ay 'di nga nakikisawsaw sa panghahalay pero kinukupitan ang kani-kanilang ate at kuya o umaasa sa mga padala ng mga nasa abroad. Sila-sila ang nag-oonsehan. Gusto ko mang ikahiya na sila'y aking mga anak ay 'di ko magawa bagkus umiisip pa rin ako ng paraan upang magkasundo-sundo lahat sila. Oo lahat sila. Pero alam kong imposible itong mangyari ngayon.


Kung maari lang sigurong pumili ng magiging anak baka magdalawang-isip ako kung sila pa rin ang pipiliin ko. Pasensya na. Ganun na talaga kasama ang loob ko ngayon. Napakaraming pagkakataon ang ibinigay ko sa kanila para magbago pero lahat iyon ay nasayang lang. Habang nakikita nila akong may sugat at gumagapang sa hirap hindi man lang ako alalayan o alagaan mayroon pa ngang kumukulimbat sa kakaunting pera ko na dapat sana'y pambili ko ng aking medisina. Ang iba namang naaawa sa akin ay wala namang aksyong ginagawa. 'Wag na kayong magtaka kung isang araw ay bigla na lang akong mabaliw o atakehin sa puso sa sobrang depresyon at sama ng loob.


Dumating din naman sa punto na akala ko'y tuluyan nang magkakaisa ang mga anak ko nang minsa'y silang magtipon-tipon at madramang naghawak-kamay at winawagayway ang dilaw na laso na simbolo raw ng pagkakaisa nila pero muli akong nagkamali. Naging daan lang pala ito upang muli akong abusuhin! At hindi lang 'yun dumami pa silang nagpakasasa sa katawan ko. Kaliwa't kanan ang kahalayan at kababuyan. Halos wala ring pinag-iba noong halayin ako ng mga lintek na mga dayuhang humimod sa katawan ko. Simula noon ipinagpasa-Diyos ko na lang ang kapalaran ko sa kamay ng mga anak ko.


Sa positibong banda marami akong anak na madiskarte at maabilidad na kayang mag-adjust at mamuhay sa kahit saang lupalop ng mundo; sa disyerto, sa malamig na snow, sa bansang komunismo, sa bansang diktaturya, kahit sa bansang may digmaan naroroon sila, nagtatrabaho at nagtitiis. Ang mga dolyares na pinapadala nila ay malaking tulong sa akin dito ko kinukuha ang mga biglaan kong pangangailangan at 'yung iba pambawas sa mga utang siyempre 'yung iba kinukupit (hindi na yata maiiwasan 'yun). Hindi naman kami mayaman pero balita ko ipapautang ng anak ko ang kaunting naipon kong dolyares.


Siguro kung napangalagaan lang ng husto ang kayamanan ko hindi na kinakailangang mag-abroad ng marami kong anak. Hindi na sila nagpapaalipin sa Hongkong, Saudi, Canada, Amerika, Europa at iba pa. Dito sana sila nagtatrabaho kasama ako at ang kani-kanilang pamilya. Pero wala akong magawa waldas at barubal ang mga anak kong may hawak ng aming budget kaya hayun! Iba ang naapektuhan.


Ang ikinababahala at ikinakakaba ko ngayon ay ang aksyong gagawin ng isa kong anak sa pambu-bully ng isa kong kapitbahay. Balak kasing kunin ng kapitbahay kong ito ang aking nasasakupan, gagong iyon porke't alam na mahirap at mahina lang kami kinakayan-kayanan ako! Bumabalik tuloy sa aking alaala ang hindi magandang nangyari sa akin dati nang sinalbahe ako ng mga dayuhan. Marami ang nasawi noon at pinapanalangin kong 'wag naman sana 'yung maulit.
Saka akin naman talaga ang lupang iyon eh! Kahit sino pang itanong na ibang kapitbahay ko lahat sila'y magsasabing akin 'yun. Ninanakaw na nga ng mga anak ko 'yung kaunting kayamanan ko pati ba naman itong letseng kapitbahay ko balak din akong nakawan. Ayoko namang mang-away o awayin sila dahil sigurado wala akong laban du'n lampa kasi ako. Hangga't maari gusto kong matapos at maresolba ito sa isang matino at payapang pag-uusap. Isa pa baka mapahamak lang ang mga anak ko. Ayokong isiping makabubuti na ipamigay ko na lang ang lupaing iyon para sa ikabubuti ng marami kahit na alam kong wala ring mangyayari kung ipapamahala ko 'yun sa anak ko. Sayang na lamang ang ipinaglaban ng mga namatay kong anak kung basta na lang itong ipamigay sa mga naghahari-harian.


Minsan nagtataka ako kasi matataas naman ang pinag-aralan ng marami kong mga anak na napagtapos ko sa aking pagpuputa pero ewan ko ba kung bakit hindi ginagamit ang pinag-aralan sa tamang paraan. Mabuti pa ang mga anak ko sa labas na may dugong banyaga paminsan-minsan ay nagbibigay sa'kin ng kasiyahan at karangalan pang world class ang ipinapakitang talento; mahuhusay sa kantahan, sa larangan ng sining, sa moda at maraming pang iba. Ang iba namang mga kapatid niya sinasakyan ang bawat karangalan na nakakamit ng mga anak kong ito samantalang ang iba namang mga insecure kong anak pilit na sinisiraan at hinahanapan ng kapintasahan ang kanilang half-brother o half-sister kahit wala naman itong ginagawang masama sa kanila.


Sadyang noon pa yata ay naghihilahan na ang aking mga anak. Batuhan ng batuhan ng mga putik sa halip na linisin nila ang sarili nila. Hindi pa nakontento at pati ako na sarili nilang ina'y hindi mapakali na gawan ako ng kahalayan! Nakakahiya. Kung sukang-suka ako sa mga dayuhang nagpakasasa sa aking katawan sa tuwing ito'y aking naalala parang higit pa roon ang pagkasuklam na nadarama ko sa kanila dahil dugo sa dugo at laman sa laman ang kanilang nilalapastangan. Pero wala akong magawa.

Iniluluha ko na lang ang bawat hinanakit ko sa buhay. Ang sama-sama na nga ng nakaraan ko pati ba naman ang buhay ko sa kasalukuyan ay ganoon pa rin?
Hanggang kailan ba ako magtitiis? Kailan ko ba mararanasan ang kaginhawaan? Kailan ba ako maituturing at maigagalang na ina?


Kung ang tawag sa panghahalay at pang-aabuso ng mga anak sa isang Inang tulad ko ay Incest isa pala itong karumal-dumal na krimen na araw-araw kong nararanasan. Krimen na dapat sanang mabigyan ng hustisya't katarungan pero kanino ako lalapit at dudulog? Sino ang aking lalapitan?
'Di bale na. Ayaw ko rin naman silang mapahamak mas gugustuhin kong sila'y magbago at magbalik-loob na lang sila sa'kin kaysa mapiit sila sa bilangguan. Saka hindi pa naman siguro huli ang lahat...may pag-asa pa alam ko. Sabi nga sa isang kasabihan habang may buhay pag-asa pero sana hindi lang laging pag-asa ang tangi kong maging sandigan at sandalan.


Hanggang dito na lang. Maraming salamat sa pakikinig sa mga litanya ko. Pasensya ka na rin at napahaba itong aking mga sintimyento. Hindi naman ako humihingi ng payo gusto ko lang mapakinggan mo ang mga hinaing ko sa buhay wala naman kasi akong ibang mapagsasabihan. Alam ko masyado na naman akong naging madrama kaya ayan tuloy 'di ko napansin ang oras at nakalimutan ko na marami pa pala akong gagawin. Aalis na muna ko ha? Magpapakain pa kasi ako ng mga alaga kong baboy.


Hindi ko na siguro kailangang magpakilala pa sa'yo dahil sigurado naman akong kilala mo na ako mula ulo hanggang paa. Minsan mo na ring nabasa ang aking mga drama at daing heto na naman ako muling dumadrama, muling umeeksena. Sana hindi lang pakikinig ang kaya mong gawin sana umaksyon ka rin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong ikinahihiya ang pangalan ko pero kung ganoon ka man bukas-palad pa rin kitang tatanggapin. Sana hindi ka isa sa mga anak kong gumagawa ng kahalayan sa akin pero kung ganoon ka man gusto kong sabihin sa'yong mahal ko pa rin kayong lahat at hindi ko pa rin kayo itinatatuwa sa kabila ng lahat ng 'yan.
Ako pa rin ang inyong Ina.
Ako pa rin ang Ina ninyong hindi mauubusan ng kuwento. Ina ninyong mareklamo at madaing pero mapagmahal. Ina ninyong martir at mapagbigay. Inang malaya raw pero mistulang inaalila at inaalipin.

Siguro batid mo na kung sino ako at kung hindi mo pa rin ako kilala siguro mas nakakaawa ang kalagayan mo kaysa sa'kin. Makabubuting tulungan at kilalanin mo munang maigi ang sarili mo bago mo ako abutan ng tulong. 
larawan ng ating ina