Thursday, April 28, 2016

Oplan: Pagbabago



Urat na urat na ako sa katagang “nasa atin ang pagbabago” at “ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili” etcetera, etcetera. Nakakaurat hindi dahil sa ayaw ko nang pagbabago o hindi ko inaakto ang pagbabago, nakakaurat dahil hindi naman talaga ito ang nangyayari. Dahil ang totoo, marami sa ating mga pilipino ang ayaw magbago, ayaw tumino at ayaw magpadisiplina. Kadalasan pa nga saka pa lang ito magbabago o magtitino ang isang tao ‘pag hindi na umubra ang kanyang palusot o ‘pag may nangyari ng masama sa kanya o sa kanyang pamilya.

Magmula (siguro) sa pinakamapera hanggang sa pinakawalang-wala ay mahirap sawayin at supilin dito sa atin, kung sasabihan at sisitahin mo sila na kailangan nilang magbago para sa kapakanan ng bansa ay taingang-kawali lamang ang mga ito. Kasi nakasanayan na natin ang mga ganung bagay; na kahit mali basta marami ang gumagawa okay lang, na kahit labag sa batas basta walang sumisita okay lang, na kahit hindi tama basta walang nagbabawal okay lang. Astig kasi tayo.



Harapin na natin ang totoo, na wala o kulang ang inisyatibo ng maraming pilipino para sa disiplina at pagbabago – kaya panahon na para makaranas tayo ng lider na magdidisiplina sa mga pinoy na walang galang sa batas.
Iba na ang henerasyon ngayon, ibang iba sa nakagisnan ko noon. Dati, mas mahigpit at mas disiplinado ang mga magulang sa anak; (paminsan-minsan) sila’y namamalo, nananakit at kinagagalitan ang mga anak kung ito’y nagiging suwail at matigas ang ulo samantalang ang mga guro ay namimingot, nangungurot at namamato ng eraser sa mga estudyanteng sobra ang kulit at likot. Ngayon, hindi mo na magagawa ang mga ‘yan dahil child abuse umano. 



Minsan akong nakagalitan, napalo, nakurot, napikot at nasaktan ng aking magulang kabilang na rin ang aking mga guro – ang mga ‘yon kung hindi rin lang pagmamalabis ay kasama sa proseso ng pagdidisiplina ng bata. At ni minsan, hindi ako nagtanim ng galit sa aking mga guro o magulang. Ngunit nabaligtad na yata ang sitwasyon ngayon, ang mga kabataan na ang terror at hindi mo sila pwedeng kastiguhin o isuplong kahit na ang mga ito’y nakapanakit, nagnakaw, nangholdap o nakapatay, salamat sa Juvenile and Justice Act of 2006.
Ipinamumulat natin sa mga bata ang disiplina pero nakalulungkot na tayong nasa tamang edad at pag-iisip ay tila nakaligtaan ito. Alam naman ng lahat kung para saan ang kulay ng ilaw-trapiko, ang role ng footbridge at underpass, na hindi tama ang magkalat, na kakupalan ang magparada ng basta sa kalsada, na pagpapakita ng katarantaduhan ang sumalubong sa kalsada, na iligal ang magtinda at harangan ang daanan ng tao (marami pa ‘yan dagdagan mo na lang) – pero dahil nakasanayan na, tila naging pangkaraniwan na lang ito. Tapos, may ‘change is coming’, ‘change is coming’ pa tayong nalalaman e, karamihan nga sa nananawagan nito ang dapat unahin na disiplinahin.


Walang pagbabago kung mananatili tayong gago.
Walang mag-iiba kung lahat ay umaastang tanga.
Walang pag-usad kung walang disiplinang ipinatutupad.



Ang pagsakay sa kung ano ang uso at napapanahon (bandwagon) ay isang kaugalian ng pinoy, tila wala tayong disposisyon sa isang bagay at hindi natin kayang pangatawanan ang naunang desisyon. Ang mentalidad na kung sino ang popular at tanyag ang madalas nating tinitingnan at pinapaboran kesehodang ang iba ay mas kwalipikado at mas kakayahan. Hindi ba’t ‘yon ang dahilan kung bakit nagkaroon ng ‘Cory Aquino’, ‘Noynoy Aquino’, ‘Lito Lapid’, ‘Erap Estrada’, Tito Sotto’, ‘Jinggoy Estrada’, ‘Bong Revilla’ at iba pa sa mundo ng pulitika? Sinayang natin ang napakalaking pagkakataon na pagsilbihan tayo ng mas kwalipikadong tao para sa pagkapangulo. Hindi nagwagi at hindi ipinagkalooban ng mataas na posisyon ang mga gaya nina Jovito Salonga, Bayani Fernando, Gibo Teodoro, Dick Gordon, Miriam Defensor-Santiago at Raul Rocco. Nagbago na ang panahon, kasabay ng pagbabago ng klima ay ang pagluklok natin sa mga walang kakayahan, ang pagwalang bahala natin sa leksyon ng kasaysayan, mas pinipili ng marami ang maging agresibo kaysa maging matalino.


Sa pagluklok natin sa inaakala nating magsasalba sa bansa, sinasayang natin ang pagkakataon, nasasayang natin ang maraming taon. Eleksyon na naman, may pagkakataon tayong muli na maghalal ng isang taong magsasagwan sa isang lumang bangkang nagpupumilit na sumabay sa malalakas na alon ng karagatan. Ang pagbabago ay nasa ating mga kamay sa pamamagitan ng pangalang isusulat mo sa balota at ang magpapatupad ng inaasam mong pagbabago (umano) ay ang ating maihahalal. Ang desisyon mo’y hindi sana nakadepende sa kung sino ang sikat o sa kung sino ang pinakamagaling manghikayat o sa kung sino ay may pinakamagandang pangako o sa kung sino ang pinakamahusay na mang-uto.
 


Ayaw ng (halos) lahat sa kandidatong nanunuhol ng pera para lang sila’y maiboto pero nakakatawa na hindi naman nila kayang tanggihan ang groceries, bigas at pakimkim ng mga pulitikong ito. Galit na galit tayo sa korapsyon pero directly or indirectly nagiging bahagi naman tayo nito.

Wala na ang paninindigan basta may dal’wang kilong bigas.
Wala na ang dangal basta may ilang piraso ng noodle at sardinas.
Wala na ang dignidad basta may bayad.
Wala na ang prinsipyo basta may limandaang piso.


Lantaran at garapalan ang paggasta ng mga tumatakbo sa pulitika. Ang dami nilang pangako; magmula sa trabaho hanggang trapiko, magmula sa kagutuman hanggang mapunan nila ang ating mga tiyan, magmula pagsugpo ng kriminalidad hanggang sa pag-unlad, magmula kalikasan hanggang zero bill sa pagamutan, magmula ekonomiya hanggang sa tayoy ‘di na mabuwisan, magmula kapayapaan hanggang sa kaunlaran. Sa tingin mo, kung totoong lahat ng mga ito at kung tutuparin nilang lahat ng kani-kanilang mga pangako, may matitira pa ba kayang problema ang ating bansa?
 


Ang mga pangako ng maraming pulitiko ay ginawa lang para mayroon kang paniwalaan, ang marami sa mga slogan nila ay nilikha lang para magtugma ang mga salita. Pero teka pinaniwalaan mo rin yata ang mga ito:

- Erap para sa mahirap
- Kung walang corrupt, walang mahirap
- Tapusin ang gutom, hindi ang nagugutom
- Gusto ko happy ka
- Sa nagkakaisang Cavite, walang imposible
- ‘Pag pursigido ang tulong kapwa sigurado
- Kay Binay, giginhawa ang buhay
- Walang forever sa pagmamahal…ng kuryente



Swerte tayo dahil kahit papaano mayaman tayo sa likas-yaman, minalas nga lang tayo sa mga pulitikong yumayaman pero hindi naman likas na mayaman. Hindi na nakakapagtaka ‘yun dahil pansamantala lang (o hindi) na napipiit sa malamig at de-aircon na selda(?) ang mga tiwaling pulitiko pero pagkatapos maabsuwelto dahil sa kakulangan umano ng ebidensiya, muli silang maghahari at maluluklok sa puwesto. Ayaw natin sa magnanakaw pero gusto natin silang iboto, ayaw natin sa walang alam pero lumalabas na tayo ang mas walang alam at pakialam.


May kanser ang lipunan at totoo yatang walang lunas para rito. Siguro magluklok na lang tayo ng lider na kayang ipa-chemotherapy ang bansa hanggang sa mabawasan o tuluyan nang mawala ang cancer cells na nanalaytay sa dugo ng mga suwail at ganid na pilipino. Siguro magluklok na lang tayo ng pinunong may ipinapakitang pruweba kung papano naging disiplinado ang isang lugar magmula sa pagiging magulo nito, may katiwasayan, may progreso, ipinapatupad ng maiigi ang batas, may kinabukasan at may ipinagmamalaki.

Tayo'y maghahalal ng pangulo, hindi ng ating magiging idolo at kung ang ibinoto mo ang siyang mananalo ngayong eleksyon lahat tayo'y dapat itong tanggapin.
At kung pagkatapos ng anim na taon na tayong lahat na bumoto sa kanya ay mabigo, muli tayong mauuwi sa pagkadismaya. Nakakasawa mang sabihin pero babalik na naman tayo sa umpisa. (Ang tagal na nating umaasa.)


(galing ang larawan kay Jed Asaph Cortes - How to offend all presidential candidates and their supporters with one poster)



No comments:

Post a Comment