Showing posts with label blogging. Show all posts
Showing posts with label blogging. Show all posts

Friday, June 13, 2014

Maraming Salamat at Paalam 2/2



Walk the talk.
Pinipilit kong isabuhay ang lahat ng aking sinusulat pero minsan sumasala ako, hindi rin pala madali. May mga pagkakataong susubukin ka ng panahon kung gaano ka katatag at katibay minsan gusto mong isambulat ang magic word na "putangina!" pero dahil kailangang pigilan mo ang iyong sarili magpapasensiya ka ngunit sa mga oras na namali ang gising mo sa umaga mawawala ka sa katinuan at ultimo drayber ng pedicab na sumalubong sa'yo ay kakasahan mo, pagkatapos ng limang minuto saka mo mari-realize ang maling ginawa mo. Hihingi na naman ako ng tawad, nakakahiya na kay Bro. Ngayon, mas malaki na ang responsibilidad ko at medyo sumisikip na rin ang turnilyo ng pag-uutak kong puro latak at sabihin na nating sa pagdagdag ng taon sa iyong edad ay dapat sumasabay din sa pagmature ang iyong pagkatao.

Kahit na medyo may pagkamaangas ang ugali ko at hindi ako madaling i-approach marunong akong magpasalamat. Na kahit na maliit na bagay lang ang nagawa mo sa akin ay magpapasalamat ako, kahit marami na ang nakakalimot sa salitang ito hindi ako magsasawang magpasalamat kahit sa ganitong paraang man lang ay pipilitin kong nakatapak sa lupa ang aking mga paa. Makita man ako ng mga tao na nakangiti at nakatawa pero madalas kumukuha ako ng lakas sa lihim kong anting-anting pagtitimpi. Madalas kong sabihin na "life is short enjoy it" pinipilit at ginagawa ko naman ito sa paraang alam ko pero at the end of the day may pagkakataong naiisip kong may kulang pa rin pero katulad nang tanong ng marami hindi ko alam kung ano ito.

Multo ng kahapon.
Life goes on no matter what pero malaki ang naging epekto ng kahapon sa kasalukuyan nating buhay. Maaari tayong magbigay ng kapatawaran pero hindi mo kailanman malilimot ang sakit na hinatid ng nakaraan. Minsang sasagi sa isip mo ang alaala ng malungkot na kahapon at bigla ka na lamang isasadlak nito ng walang pasintabi. Kahit astig ako naigugupo pa rin ako ng suliranin at ng ilang alalahanin.

Dahil nga hindi ako friendly, gusto kong magpasalamat sa aking iilang kaibigan sa kabilang kasarian itatago ko na lang sa pangalang Lilibeth, Maryann, Evelyn, Jen at Lucy. Sa kanila ko nasasabi ang mga bagay na hindi pwedeng pag-usapan ng mga katulad kong barubal at barako. Sa kanila ko naipapakita ang soft side ko at ang pagiging ako na hindi batid ng mas marami. Kahit minsan "winalanghiya" ko sila itinuring pa rin nila akong kaibigan.

Kay Lilibeth na dekada na ang binilang na pero nandiyan pa rin at nauunawaan ang aking pagiging moody at toyoin bagamat alam kong mas mabigat ang kanyang kinakaharap na suliranin kaysa sa'kin matapang niyang hinaharap ang mundo ng nakangiti at hindi nagpapagapi sana 'pag ako ang sinubok ng panahon maaambunan niya ako ng kanyang pagiging matapang.

Kay Maryann na linya lang ng teknolohiya ang nagdudugtong sa aming dalawa. Malayo na ang narating natin mula sa ating pagiging uhugin noong panahon ng ating kolehiyo. Sa likod ng bawat paglubog ng buwan ay ang pagsikat ng araw na puno ng pag-asa. Alam kong may bahid ng lungkot ang iyong pag-ngiti, unti-unti lang matatapos din ang lahat ng iyan. Hindi man palagi ang bahaghari sa paglipas ng ulan pero siguradong titila ito at ngingiti ang masayang araw, kasama mo.

Kay Evelyn na hanggang ngayon ay nauunawaan ang pagiging weirdo ko. Kolehiyo pa nang tayo'y magkakilala ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nandiyan ka handang makinig at umunawa sa mga kashitan ko sa buhay.

Kay Jen na alam kong handang mag-abot ng tulong kahit walang kapalit tunay ngang hindi sinusukat sa haba ng panahon ang pagiging tunay na magkaibigan. Nadamay man kita sa kalokohan ko doon naman natin napatunayan na hindi lang kaseryosohan sa buhay ang dapat na umiiral. At ang kalokohang iyon ang magpapaalala sa'yo na minsan ay naging biktima ka ng Dugo-dugo gang!

Kay Lucy na laging handang makinig sa lahat ng aking hinaing at kapilyuhang pwede kong sabihin. Alam ko makailang beses na kitang "sinalbahe" pero hanggang ngayon naniniwala ka pa rin sa kalokohan ko. Hindi na ko hihingi ng patawad baka ulitin ko pa ulit sayang naman ang sorry ko. Salamat sa pagbigay permiso na gamitin ko ang iyong anak na si Zoe sa paghabi ng istoryang napagwagian ko sa 2012 PEBA ng 2nd place, salamat sa iyong pangalang "Lucy" na ginamit kong pangalan sa isa sa character sa maiksing istoryang "Pluma at Kwaderno" na nagkamit ng unang karangalan sa Bagsik ng Panitik 2013. Sa iksi ng panahong magkakilala tayo tingin ko kilala mo na ako mula paa hanggang ulo baka nga mas may alam ka pa sa buhay ko kesa sa misis kong maganda. :-) P.S. Magpakabait ka na.
- - - - -

Dumaan din ako sa hindi madaling pagsubok ng buhay bago ko nakamtan kung ano ang mayroon ako ngayon. Bagamat malaking bahagi nito ay ang pagsisikap ko mismo hindi ko naman itinatanggi na marami ang tumulong, umalalay at gumabay sa akin para kahit papaano'y umalwan ang aking buhay.

Kay Ninong Jojo na aking kapartner sa negosyo at nagbigay ng magandang oportunidad sa aming itinayong brokerage business na hanggang ngayon ay established pa rin. Marami tayong ups and downs pero na-survive nating lahat ng ito.

Kay Sir Ding na siya namang nagbukas ng oportunidad at nagpayong iwanan ang dati naming employer. Siguro kung hindi dahil sa'yo malamang empleyado pa rin ako.

Kay Ninong Rannie na nagbahagi ng kanyang kaalaman at talento noong mga panahong magkasama tayo. Hindi porke hindi na kita kasama sa trabaho nakalimutan ko na ang lahat ng nagawa mo para sa akin.

Kay Sir Alan na minsang nakapartner ko sa isang korporasyon. Salamat.
At sa lahat ng aming mga naging empleyado noon at ngayon, malaking bahagi ng success ng anumang kompanya ang empleyado at dapat na ibigay sa kanila ang appreciation sa anumang nagawa nila.

Malaking bahagi ng tagumpay ng buhay ang pamilya at nais kong pasalamatan si Tatay (SLN), si Nanay, ang dalawa ko pang kapatid, ang matiyaga at maunawain kong BFF at misis na si Arlene na literal na nakasama ko sa hirap at ginhawa, sa lungkot at tawa, sa itaas at sa ibaba, sa kaseryosohan at kalokohan, sa pag-uumpisa at sana hanggang sa katapusan. Sa tatlo kong anak na magsisilbing legasiya ng aking 'katalinuhan' at katauhan.
- - - - -

Sa himig ng pagkakasulat ko sa blog entry na ito para talagang nagpapaalam na ako at kulang na lang ay ihabilin ko dito ang mga ari-arian at kagamitang maiiwan ko kung sakaling ako ay mawawala na. Pero hindi, dahil para sa akin ito ay isang manipesto ng aking pagpapasalamat sa mga taong nag-angat at nagbigay saya sa aking buhay. Hindi ko maisip kung ano ang kinahinatnan ko kung sakaling wala sila at hindi ko nakilala.
Alam ko marami pa akong nakalimutang pasalamatan pero hindi kahulugan nito na hindi ko sila dapat mabigyan ng pagpapahalaga, lahat ng dumating, umalis at nanatili sa aking buhay ay naging mahalaga hindi ko man maisatinta ang inyong mga pangalan sa napakahabang akdang ito maraming salamat sa pagiging saksi ng mga "krimen" ng buhay ko.

Pasalamatan natin ang mga taong naging bahagi ng ating buhay hangga't hindi pa huli pa ang lahat; mga kaibigan, kamag-anak, pamilya, guro, kalaro, nobya, asawa, kaaway, karamay, kainuman, at iba pa baka bukas o sa makalawa mangyari na ang predictions ng end of the world. Haha.

Muli, maraming salamat at lahat kayo ay naging bahagi ng buhay ko at sa pamamagitan nang pagbasa ng napakahabang kdang ito, ako ay panandaliang naging bahagi ng buhay ninyo.

Paalam at hanggang sa muli.

Maraming Salamat at Paalam 1/2



Walang nakakaalam ng kanyang katapusan (unless of course may taning na ang iyong buhay) kaya kukunin ko ang oportunidad na ito upang makapagpaalam at makapagpasalamat sa lahat; sa mga taong nararapat, sa mga taong sumalubong, sumalungat at sumabay sa lakbay ng aking buhay na walang gaanong kulay.

Marami ang nawi-weirdohan at hindi komportable kung pamamaalam sa buhay ang pinag-uusapan, morbid daw kasi. Pero hindi pa naman ako mamamatay dahil wala naman akong cancer o anumang malalang karamdaman (malay ko pa rin ' di ba?) Masarap mabuhay kahit minsan hindi ito madali kaya't nakakalungkot malaman na may taong may pagnanais na mamatay samantalang ang iba naman ay ginagawa ang lahat ng paraan mabuhay lang.

Ako? Sinusulit ko ang anumang sarap ng buhay na kaya kong lasapin at walang pumipigil sa akin para tikman ang masasarap na pagkaing gusto kong kainin at gawin ang mga bagay na nagpapasaya sa akin.
- - - - -

Masiyahin ako kahit madalas gusto kong mapag-isa at isa sa nagbibigay sa 'kin ng mumunting kasiyahan ay ang pagsusulat. Kahit alam kong walang saysay ang marami sa aking ginagawa walang sinuman sa ngayon ang kayang pumigil sa bisyo hilig kong ito. Okay din ang Facebook kahit madalas na ito ay inaabuso pero natuklasan kong magkaiba ang kasiyahang hatid ng blogging at FB. Sa pagbablogging ay kaya kong ipakita, isigaw at iparamdam ang aking tunay na sarili ng walang kontrabida, sa pamamagitan ng aking mga "obra" sa LIHIM na paraan. Kaya mong linlangin at sabihin sa mga mambabasa mo na ang iyong isinulat ay isang kathang-isip pero hango pala ito sa tunay mong karanasan. Hindi ako takot sa maaanghang at radikal na maaring ikomento kung nagalit ka at nais mo akong murahin dahil hindi mo nagustuhan ang isang akda ko malaya mong magagawa ito 'pagkat hindi ko sinasala ang anumang komentong nais sumambulat. Kung kaya kong pumuna ng maling gawi na nakikita ko sa paligid dapat kaya ko ring tanggapin ang anumang puna sa aking ginawa, positibo man ito o negatibo.

Hindi ko sinasabing kaplastikan at puro pretensyon lang ang mga 'kaibigan' ko sa Facebook pero iba pa rin ang ligayang hatid ng blogging; dito walang kayang pumigil sa iyong saloobin, mas kaya mong ibulalas ang iyong nararamdaman ng walang pag-aalalang may masasaktan, lumalabas ang iyong pagiging creative kahit hindi naman. Minsan nagiguilty rin naman ako dahil kahit nasa worksheet ako at nagtatrabaho, naka-minimize naman ang FB o ang aking weblog sa aking desktop, it's unfair na sa "laki" ng sweldo ko ay suma-sideline lang pala ako sa ibang gawain. At dahil dito naobserbahan kong mas simple ang buhay kung wala nito ngunit hindi ibig sabihin nito na muli akong magdi-deaactivate ng aking FB account o ititigil ang pagsusulat sa oras ng trabaho. At tama na ring minsan ay nasubukan at nagawa kong hindi mag-FB ng halos isang buwan at natuklasan ko ring hindi naman pala ganun kahirap datapwat hindi din naman ganun kadali lalo't sa mga social media na ito na (halos) umiikot ang mundo ko.

Masaya ako sa blogging at wala pa sa isip ko ang magretiro at magpaalam dito sa ngayon at sa susunod pang ilang buwan o taon (ang totoo hindi ko rin alam) pero kung wala akong bagong post ng higit sa tatlo o apat na buwan malamang may nangyari sa aking hindi maganda. Maaaring walang kwenta ang ibang mga post ko pero hindi ito dahilan para tumigil ako at kung sakaling titigil man ako sa pagsusulat malumanay akong magpapaalam sa iilan kong taga-basa. Marami-rami na ring mga blogger ang "nagpahinga" pansamantagal sa pagsusulat sa iba't ibang personal nilang kadahilanan at sana hindi muna mangyari sa akin ito.

Walang hangganan ang paksang pwedeng isulat kaya magsusulat pa rin ako kahit walang follower, kahit walang active reader at sasali sa mga kompetisyon kahit hindi mananalo, kahit hindi makilala. Maglalatag ng makabuluhang paksa kahit hindi magkaroon ng ikalawang libro, kahit walang interesado. Masarap ang magsulat at kung hindi ka mahilig magsulat maaring itanong mo sa akin kung bakit ako sulat ng sulat eh wala naman akong napapala dito. Mahirap i-explain. Para kasing nagtanong ka lang sa isang athlete kung bakit takbo siya ng takbo o sa isang singer na kanta ng kanta at kung sakaling mayroong magtatanong ulit sa akin nun, itatanong ko sa kanya: Ikaw, ba't ka kumakain?

Bagamat nasa estado ako ngayon na medyo nahihirapang makasulat ng isang makabuluhan at mabigat na blog entry hindi pa rin kahulugan nito na bibitiw na ko sa pagbablog. Siguro kung hindi man lahat ay nararanasan ito marami ang makaka-relate na darating talaga sa puntong halos hindi mo alam umpisahan kung paano ang sumulat. Sabi nga ni Sir JKulisap ng Kayumangging Damdamin dapat daw 'pag blogger ka hindi ka dapat ma-inlove or else wala kang maisusulat (basta more or less ganun ang pagkakasabi niya), kung ganun nga ang katanggap-tanggap na palusot dahilan, siguro in-love nga ako.

Mahal ko ang blogging, dati nga mas malaking oras pa ang nasasayang naggugugol ko dito kaysa sa pag-aasikaso sa mga mas importanteng bagay. Sa tulad kong weirdo loner iilang bagay lang ang nagpapasaya sa'kin, kaya mo kong iwan ng buong maghapon o magdamag basta't hawak ko lang ang aking tablet at magmula rito makakagawa ako ng mga kwento, tula o sanaysay magmula sa inspirasyon sa kahit anong bagay (dati). Hindi ako matalino at hindi ako nagpapanggap na matalino pero buhay ko ang pagsusulat at minsan na rin akong nangarap na magkaroon ng sarili kong libro. At natupad nga ito noong taong 2012, salamat kay Tatay Jobo Elizes na nagbigay sa'kin ng oportunidad para matupad ang pangarap kong ito. Ngunit hindi pala sapat ang mangarap kang magkalibro lang kailangan mangarap ka rin na magkaroon ng interes ang mga tao na basahin ang sinulat mo. Hindi ko alam kung ako ang problema o ang sinulat ko mismo. Hindi ko alam kung ang mga bumili ng libro ko ay naawa lang sa akin o napilitan dahil kakilala nila ako. Haha, bitter. Ewan ko. Ganunpaman, nagpapasalamat pa rin ako dahil hindi lahat ng blogger ay nagkakaroon ng ganito kagandang oportunidad. Sa mga may pagnanais na bumili ng "best selling" na libro ko, heto ang link: Poor ba us? By RAGubalane; ayos sa segue!

Malawak ang virtual na mundo ng blogging at sa sobrang lawak nito iilan pa lang ang aking nakilala (personal man o virtual) dito. Sila na nakakaunawa sa aking mga ginagawa at sila na nakakaintindi sa mga kabaduyang binubulalas ng matabil na pag-uutak. Nangarap ako noon ng maraming followers o magkaroon ng award sa isang kompetisyon. Pero ngayon iba na ang pananaw ko, bagamat iilan pa lang naman ang masugid na nagbabasa ng blog na ito hindi ito ang pumipigil at nagdidikta sa akin kung ano ang isusulat ko bonus nang maituturing kung naibigan ng mga bumabasa ang nais kong isulat. Mahirap mabuhay sa mundong puno ng rules, regulations at mechanics na inimbento lang ng ating pag-iisip kung magsusulat ako para sa ikasisiya ng iba mas kakaunti ang hatid na kasiyahan nito sa akin ngunit ibang usapan naman kung ikaw ay sasali sa isang patimpalak.

Sobrang sarap sa pakiramdam ang makilala at maparangalan ang iyong akda sa isang competition - malaki man ito o maliit, unang karangalan man ito o pangsampu, para itong pangarap na pagkamit ng best actor/actress award ng isang artista at kahit pang-ilang ulit mo nang tatanggap nito ganun pa rin ang hatid nitong kasiyahan. Hindi maipaliwanag. Ang nakakapangamba dito ay ang expectation sa iyo ng iyong mga kakilala kung sakaling muli kang sasali sa isang patimpalak.
Paano kung wala ka nang maisip na bago at sariwang ideya?
Paano kung walang kwenta ang iyong entry kumpara sa iba?
Paano kung pagkablangko at pagkatamad sa iyong pag-uutak ay nanahan ng matagal?

Baka isipin ng iba nakatsamba ka lang dati o 'di kaya sa sarili mo nahihiya ka nang sumali dahil hindi karapat-dapat ang gawa mo para sa isang kompetisyon. Kaya ang plano at pangarap ko, bago pa dumating sa ganung punto ng paranoia ang isip ko mag-oorganisa ako ng sarili kong Blog Awards tatawagin ko siyang: "Blog and Poetry Awards" at ang mga premyo trip for 2 to HK Disneyland, trip for 2 to Underground River w/hotel accomodation at isang brand new Samsung Galaxy Note 10.1. (siyempre joke lang yung papremyo.)Pero seryoso ako sa blog awards.

Isang mabilis na 'thank you' ang gusto kong sabihin sa mga kapwa ko blogger na walang sawang nagbibigay at nagbabahagi ng kanilang mga saloobin, sa mga blogger na naging friend ko sa birtwal na mundo ng Facebook, sa mga blogger na sinubaybayan ko ang mga akda at minsang nahihiraman ko ng ideya at sa iilang mambabasa ng hamak na Blog na ito; Sir J.Kulisap ng Kayumangging Damdamin (na unang nag-gawad sa akin ng parangal sa mundo ng blogging), Sir Joey Velunta ng Hiram na Kaligayahan, Sir Bernard Umali ng Saranggola Blog Awards (sa pagmamahal niya sa literatura at sa pagpiga ng utak naming mga blogger - na nagggawad naman ng ikatlong karangalan sa aking tula noong nakaraang SBA), sa PEBA na kumikilala sa pagsusumikap ng mga OFW at kaanak nito (na nagbigay sa akin ng ikalawang parangal), kay Sir Bino Bautista ng Damuhan (na nagbigay sa akin ng unang karangalan sa huling Bagsik ng Panitik), sa mga blogger na nasa likod ng blogroll sa weblog na ito, special mention kay Sir Glen ng Wickedmouth na kinararangal ng mga blogger dahil sa success na kanyang nakamit sa nakalipas na taon at kay Ms. Joy ng Joy's Notepad.
Salamat sa mga inspirasyon.

Papasadahan ko na rin ng salamat ang iilang kaibigan kong nagtiyaga at nakaunawa sa pabago-bagong timpla ng aking pag-uugali. Siguro kaya hindi ganon karami ang kaibigan ko dahil ako mismo ang nagdesisyong dumistansiya o humiwalay sa kanila. Para kong isang paranoid na masyadong nag-aalala sa mga bagay-bagay na nangyayari sa aking paligid; minsan gusto kong mapag-isa, minsan gusto kong maraming tao, minsang masaya ako pero sa isang iglap sumasanib ang kaluluwa ng lungkot, minsang nakangiti pero marami dito ang pagkukunwari. Mabuti na lang at ang taong nasa paligid ko'y hindi marunong bumasa ng isip dahil kung hindi malamang lagi akong nasa bingit ng alanganin.