Muli nating pagniningasin
ang gabing ito.
Muli nating sasamantalahin
ang pagkakataong tayo'y magkasama.
Ubusin natin ang oras na
tanging mga mata lang natin ang siyang nag-uusap, hahayaang ang ating mga labi
ang gagawa ng paraang sila'y magkalapit at 'di pipigilan ang ating mga katawan
ay magkasupong sa buong magdamag.
Pag-ibig ang lenggwaheng
ating naiintindihan at ito rin ang dahilan upang tayo'y hindi nagkaunawaan.
Pag-ibig ang nagtagpo sa
ating dalawa at ito rin ang siyang nagpahiwalay sa ating kapalaran.
Pag-ibig ang nagbigay
kahulugan sa ating buhay datapwat ito ngayon ang naglalagay sa atin sa
posibleng kapahamakan.
Mahal kita. Mahal mo ako.
Minahal kita. Minahal mo
ako.
Ngunit sadyang may mga bagay
na hindi natin kayang panghawakan.
Ginawa mo nang lahat ngunit
hindi pa rin sumapat.
Pinilit mong unawain ngunit
lalo lang gumulo ang sitwasyon.
Nagpakumbaba ngunit hindi pa
rin nagtagumpay.
Hindi ito mali noon subalit
ngayon, ito'y isang malaking kasalanan.
Gaya ng isang lulong at
sugapa sa droga, hindi nagpapapigil sa paggawa ng kamalian.
Hinihiram natin ang gabing
hindi naman sa atin. Ninanakaw natin ang sandaling nararapat na para sa iba.
Tila lahat ay ating kalaban,
tila lahat sa atin ay 'di sumasang-ayon.
Balakid ang oras, hadlang ang mga tao, katunggali ang mundo,
tutol sa'tin ang tadhana.
Higit pa sa sugal ang ating
ginagawa dahil buhay at dangal ang atin ngayong ipinauubaya. Ngunit hindi natin
ito alintana dahil mas nangingibabaw ang ating pagnanais na tigibin ang uhaw
nating pagmamahal. Wala tayong pakialam dahil mas ninanais nating umumit ng
kaligayahang panandali sa daigdig nating balot ng kalungkutan at pagsisisi.
Minsan tayo mismo ay hindi
na sumasang-ayon, minsan tayo mismo ay nagtatanong, ngunit madalas pinababayaan
lang nating tayo'y magpatianod sa agos ng kapangahasang ito.
Masarap nga siguro ang bawal
dahil sa tuwing ating ito'y nilalasap hindi tayo nag-aalala sa panganib na sa
atin'y haharap. Ngayon, nauunawaan na natin kung bakit marami ang nalulubog sa
kasalanan, kung bakit marami ang hindi makatanggi sa pagkakamali at kung bakit
hindi sila nararapat na husgahan.
Batid ko noon, ako'y
nakatakda para sa iyo at ikaw ay itinakdang makasama ko.
At katulad ng pangako ng
kapayapaan, isa lamang itong kasinungalingan.
Marami ang nangyaring hindi
natin ginusto ngunit ginawa pa rin natin.
Maraming sandali ang ating
sinayang ngunit hindi natin ito pinanghinayangan.
Maraming pagkakataon ang
nagbukas ngunit hindi man lang tayo nagparaya.
Kaya tumungo ang lahat sa
ganito.
Gago ako nang mga sandaling
hinayaan kitang umiyak.
Bobo ako nang mga sandaling
pinabayaan kitang lumisan.
Tanga ako nang mga sandaling
hinayaan kitang masaktan.
Naging manhid ako sa lahat
ng iyong pakiusap at paghihirap.
Ngunit pagkatapos nang lahat
ng ito...nandito ka.
Pinagsasaluhan natin ang
isang bawal na kailanman'y hindi naman nararapat, kailanman'y tila walang
katumbas na kapatawaran.
Lipas na ang aking 'patawad'
dahil sinasang-ayunan mo ang isang kamalian.
Lampas pa ito sa pag-ibig
dahil umabot na ito sa pagiging makasarili.
Lunas sa pagsisisi ang
sapantaha natin sa ganitong uri ng kapangahasan.
Ngunit,
Alam pa ba natin ang mali?
Batid pa ba natin ang tama?
Tila pareho na lang ito sa
paningin ng tulad nating patuloy na binubulag ng bawal na pagmamahal. Wala na
itong pagkakaiba sa tulad nating patuloy na minamanhid ng labis na pag-iibigan.
Habang pinagniningas natin
ang ating gabi.
Habang sinasamantala natin
ang pagkakataong tayo'y magkasama.
Habang inuubos natin ang mga
oras na mga mata natin'y nag-uusap.
Habang abala ang ating mga labing 'di
tumitigil na maglapit.
Habang 'di nagsasawa ang ating mga katawang
magkasupong sa kabuuan ng magdamag.
May mga buhay na winawasak dahil sa ninanakaw
na sandali.
May mga pusong umiiyak dahil sa pag-ibig na
pinagtataksilan.
Paulit-ulit.
Walang pagkasawa.
Walang pagsisisi.
Paulit-ulit.
Walang pagtigil.
Walang paglubay sa pagsuway sa sagradong ika-sampung
utos.