Parang
kumpol ng mga bulak na nagmula sa maruming estero ang makikitang nakalatag sa
kalangitan.
Sa
likurang bahagi naman'y may nakamamanghang mga kidlat na animo'y nagtatalo at
nagsasagutan. Nagpapaligsahan sa pagkislap, ayaw magpadaig sa isa't isa.
Maya't
maya ang dagundong, maya't maya ang atungal.
Matagal
ko siyang minamasdan sa gano'ng kalagayan, hinihintay ang kanyang pagbuhos.
Ngunit
nabigo ako.
Walang
pagbuhos na naganap. Manapa'y kusang lumisan ang kanina lamang ay mga ulap na
nagbabadya at nagbabanta ng malakas na pag-ulan.
Siguro'y
nainip.
Nagbunyi
ang lahat maliban sa akin.
Unti-unti,
lumiwanag ang kalangitan 'di tulad ng aking pag-iisip. Magulo. Malabo.
Pumikit
ako.
Tatangkaing
limutin ang mga nabigong mithiin, ang mabibigat na suliranin, kahit panandali.
Ngunit sumisiksik pa rin sa aking isip ang lahat ng aking mga kabiguan sa
buhay, kahit itanggi'y kumukurot pa rin sa aking malay ang lahat ng alaala ng
kahapong puno ng kasawian.
Pakiramdam
ko'y tinutuya ako ng demonyo. Nakangisi. Nanunukso.
Sa
edad kong sitenta y singko'y matagal akong nagtampisaw sa karukhaan.
Sa
edad kong sitenta y singko'y tila purgatoryo ang aking naging tahanan.
Sa
edad kong sitenta y singko kasama kong magiging alikabok ang lahat ng aking mga
pangarap, mananatiling panaginip ang aking mga panaginip at matitigil na sa
wakas ang panunumbat sa Langit.
Mahihimlay
sa buhangin, tatangayin ng hangin.
Matagal
ko nang pinanabikan ang sandaling ito; ang makahulagpos sa pagkakagapos sa tila
walang hanggang pagsubok at pagdurusa, ang makalas at makatakas sa tanikala ng
paghihirap sa buhay at kamalayan.
Panghabangbuhay.
Sa kabilang buhay.
*
* *
Ang
sumusuot na sinag na nagmumula sa labas ng silid na aking kinararatayan ay
hindi nakatulong upang maging maaliwalas ang aking humpak na mukhang kangina pa
nakamasid sa kawalan. Nagtatanong. Nagugulumihanan.
Matingkad
ang kulay asul na ulap at tila nag-aanyaya sa mga paslit na lumabas at maglaro
sa kanyang karilagan. Kainaman ang init ng araw na kung pagmamasdang maigi ay
tila may nakaukit na napakagandang ngiti sa kanyang pisngi, sinag na puno ng
liwanag, sikat na puno ng pag-asa.
Ngunit
walang silbi ang ganda ng araw na ito sa akin, ako na kasalukuyang pinapanawan
ng postibong pananaw at nililisan ng matinong pang-unawa.
Ang
kakasikat pa lang na araw ay kabalintuanan sa papalubog kong pagkatao.
Ikagagalak
mo ba kung ikaw ay nasa ganitong kalagayan?
Masisiyahan
ka ba kung ang bawat araw sa iyo'y katumbas nang panibagong pagdurusa?
Tila
huli na nang malaman kong ang magarang bahay at marangyang pamumuhay pala ay
hindi katumbas ng masayang tahanan.
Tila
huli na nang aking matalos na ang pera'y 'di sasapat upang makabili ng 'sang minutong buhay.
Ang
malapiging na dami ng pagkaing nakahain sa hapag-kainan ay tila hindi sumasapat
sa aking gutom na diwa at kaluluwa.
Alipin
ako ng aking pangarap, diniyos ko ang aking yaman.
Hinirang
ako ng tagumpay ngunit hinatid niya rin ako sa nakalugmok na kabiguan.
Sa
batang edad na kwarenta y kwatro tila ginagapi ng kanser ang lahat ng aking
napagtagumpayan.
Kumurap
ba ang Diyos kaya ako ngayo'y may taning?
O
hinayaan ko ang aking sariling malasing sa kinang ng tagumpay?
Nag-aalala
ba ako sa kamatayan o sa mga maiiwan kong kayamanan?
Pumikit
ako.
Tila
natanaw ko ang anghel na maghahatid sa akin sa langit. Nakabukas ang mga palad
na nag-aanyaya. Hindi ko nais sumama ngunit hindi ako makatanggi.
*
* *
Lahat
tayo kung tutusin ay parang patak lang ng tubig sa malawak na karagatan, parang
tuldok na alikabok sa walang hanggang kalawakan.
Walang
karapatan ang sinuman na magmalaki dahil lahat ay magiging alikabok lang.
Nagmula
sa lupa, magbabalik na kusa.
Nagmula
sa wala, patungo sa wala.
Galing
sa alabok, magbabalik sa alabok.
Ikaw,
ako, tayo kasama ng iyong yabang, yaman, pagdarahop, pangarap, sarap, paghihirap,
karamdaman, karangyaan, kabutihan, kasamaan, kapurian, kapintasan, luha,
halakhak, lungkot, ngiti, hikbi, mithiin, suliranin, pag-asa, kabiguan, sagot,
katanungan, duda, paniniwala, pagsubok, pagdurusa, hinaing, libog, lisya,
talento, galing, talino, galit, pag-ibig ng iyong mortal na katawan'y maglalaho, lahat ng ito'y
patungo sa alikabok, lahat ito'y tatangayin ng hangin.
Sa takda o 'di itinakdang panahon, lahat ay bibitiw sa pangarap, iiwan ang buhay. Gaano pa man
kasarap, gaano pa man kahirap lahat ay may katapusan.
Harapin
ang katotohanan ikaw ay alikabok lang. Wala kang karapatang magmayabang.
Harapin
ang kamatayan ikaw ay tuldok lang. Lahat nang nasa iyo'y ito rin ang hantungan.
Itanggi
mo man...
Tayong
lahat ay hahalik sa lupa, gaano man tayo kataas. Ibabagsak, gaano pa man
kalakas.
May
hangganan ang lahat, may hangganan ang buhay ngunit ang langit, ulap, araw,
hangin, ulan, kidlat, kalawakan, ang lupa at karagatan ay mananatili
kailanman. Magunaw man sila hindi mo na ito mararanasan.
Matupad
man o hindi ang ating mga pangarap darating ang araw na tayo'y magiging
alikabok lang.
* * * * *
Don't hang on, nothing lasts forever but the earth and
sky
It slips away, all your money won't another minute buy
Dust in the wind, All we are is dust in the wind