Thursday, February 21, 2013

Maluib


Napapaso.
Sa tuwing ang iyong labi'y dumadampi sa aking mga labi.
Laway.
Na parang lasong inuutusan ang aking pusong tumigil na sa pagpintig.

Pait ang nalasap sa halik mo na dati'y sakdalan ang tamis.
Ako'y hari at itinubog sa ipot ang koronang ipinutong nila sa akin.
Ang iyong mga haluyhoy ay kasabay ng alikabok na inililipad ng hangin.
'Di na din masimsim ang halimuyak na noo'y nanunuot hanggang doon sa panaginip.

Yapos at yakap kahit na magyakag mistulang siniil.
Masasayang salamisim humahangos, kumukubli doon sa madilim.

Nandidiri.
Habang sumasagi sa isip ang paru-parong humimod sa iyong kariktan.
Nektar.
Na wari'y asidong nilulusaw ang nag-aalab kong pagmamahal.

Halas ang sinukli't ginanti sa pagliyag kong singbusilak sana ng bulak.
Higit ngang kirot at hapdi ang dulot ng sugat na 'di aninag sa balat.
Ang matimyas mong tinig kasama ng tiwala at pangarap ay dinagit ng lawin.
'Di na din masilip ang kislap ng bitwin sa mga matang kahapon ay maningning.

Libog at pag-ibig kahit magsanib 'di na magwawagi.
Poot at galit ang humalili sa iyong pagiging suwail at maluib.

* * *

Maluib - ma-lu-ib; png [Hil]: taksil o pagtataksil.

Tuesday, February 19, 2013

Sining at Legasiya



Gusto kong gumawa ng isang obra na makapagbabago nang pananaw ng pangkaraniwang pinoy sa tunay na kahulugan ng sining.

Gusto kong gumawa ng awit na may nakabibighaning melodiya at matinong mensahe na gigising sa kamalayan ng mga Pilipinong nahaharuyo sa banyagang awitin.

Gusto kong gumawa ng librong may mensaheng matalinghaga na naglalarawan sa pagmamahal ng ating bansa na pupukaw sa makikitid na pananaw ng ordinaryong Pilipino.

Gusto kong gumawa ng telenobelang hindi inuulit ang tema at hindi tungkol sa istorya ng bastardo, pangangalunya, paghihiganti at kalandian ngunit yayakapin at mamahalin ang ganda ng kanyang kwento.

Gusto kong gumawa ng komedyang katulad ng komedya noong panahon ng isang Rodolfo Quizon, komedyang hindi namimikon, nanglalait at hindi nagpipilit ngunit ang iyong luha'y 'di namalayang papatak dahil sa labis na tuwa, tawa at halakhak.

Gusto kong gumawa ng drama na katulad ng mga likha ng mga pumanaw na naunang pambansang alagad ng sining na mas prayoridad ang kalidad ng istorya at hindi lang tungkol sa perang kikitain.

Gusto kong gumawa ng maaksyong pelikulang may leksyon at hindi tungkol sa vendetta o paghihiganti ng bida sa kontrabida dahil pinatay at nilapastangan ang kanyang buong pamilya.

Gusto kong gumawa ng isang pelikulang ang layunin ay makapaghatid ng mensaheng may pagmamahal sa kapwa pilipino na tatagos at titimo sa isip ng bawat mamamayan at isasabuhay ito ng bawat sinumang makakapanood nito.

Gusto kong mangarap ng isang legasiya na maaalala ang aking pagkadakila dahil sa pagmamahal, pag-angat at pagbuhay ko ng kalidad ng ating literatura, telebisyon, musika, sining at pelikula.

Gusto kong makilala ang aking bansa hindi lang sa larangan ng palakasan o ganda ng likas ng yaman, lalong hindi sa pagiging alila o sa pagiging puta kundi dahil sa primera klaseng hinahandog natin sa daigdig ng musika, literatura, arte at sining.

Gusto ko itong mangyari, ngayon na.
Hangga't may pag-asa pang sagipin ang nalulunod at habol-hiningang ating sining.

Monday, February 18, 2013

At ang libog ay matatalo ng antok

At may namatay na isang mayamang pulitiko.
'Di nakapagpigil ang mga malisyoso at ang mga halang ang pag-iisip. Wala raw nabitbit kahit 'sang pirasong mulay sa kanyang pagpanaw; hindi raw nailigtas ng yamang umaapaw na daig pa ang buhos ng malakas na agos ng mabalasik na si Sendong, yamang higit pa ang bilang sa dami ng lahat ng Pilipinong nagtakwil man o hindi sa kanyang lahi, yamang kasalukuyang pinag-aagawan ng kanyang naiwang legal at ilegal na pamilya.
Hindi sila masisisi, kahit anong pagtanggi ay maalala ang bakas ng nakaraan at lumipas; nang akma ng huhulihin ang isdang lumalapa ng kapwa isda'y lumabas ang isang nagngangalit na pating at ang lahat ng nagtangka ay dinunggol at inihain ang pangil na higit pa sa tulis ng isang palaso. Ang tsubibong lumilipad na libangan ng kawal ng lipunan na inakala nang nagtatanga-tangahang pinuno nito na bago ay isinalya sa halagang birhen; sino ang may sala? Batid na ng lahat pero walang makapagsabi gayon pa man sa bandang huli wala namang may kasalanan; walang umaamin walang mapaparusahan kahit itanong mo pa sa mga naiwan nang nagpatupad ng batas-militar.

Kapwa hungkag ang nagtanungan, isa ka rin bang tanga? Nagmayabang na nangatwiran. Kung tanga ang turing sa paghagilap sa matinong pinuno, kung tanga ang tawag sa patuloy na paghahalal sa lider na ang panata’y mag-aahon sa mga nalulunod sa kahirapan, kung tanga ang taguri sa mga taong madaling magpatawad at makalimot...Tama nga sila, tanga nga sila. Tangang walang kadala-dala. Tanga pero hindi gago. Ngunit kasalanan pa rin ba natin kung patuloy tayong ninanakawan ng garapalan ng mga gunggong na nasa trono? Ikaw, ako, tayo ano ba ang kaya nating gawin para sila'y maigupo? Kaya mo bang tibagin ang pader na singtibay ng bundok na pinatatag ng kasaysayan? Kaya mo bang kitilin ang pagiging ganid ng marami sa kanila na ang nanalaytay sa kanilang ugat ay dugo ng kasakiman? Paano ka magwawagi kung ang iyong sandata'y patpat at ang kanila'y matalas na kris at may kapanalig na metal na kalasag?
Pero teka, nakikita ko sila sa pahayagang nagtatanong minsa'y nakapikit ang matang dumadalangin, minsa'y tumatanggap ng ostiyang komunyon, minsa'y nagkakawang-gawa sa mga dukha, mga nabiktima at nasalanta. Mabubuti rin pala sila. Ilang Ama Namin ba ang kanilang inuusal sa bawat araw tatlo, sampu, dalawampu? Ilang rosaryo ba ang kanilang napigtas sa tagal ng lumipas? Ang kanila bang pangmumog sa umaga at sa tuwing bumabaho ang hininga'y agua bendita? At kasabay kong ngumisi ang idolo ng mga aktibista na si Dong Abay.

Ano daw ang nasa dako paroon na bunga nang malikot na pag-iisip?
May natatanaw ka bang pagbabago o tagumpay? May pag-unlad bang sasalubong sa aandap-andap na pag-asa ng mga nagdarahop? May liwanag na bang sisilay at sisilip sa matagal ng karimlan? Saglit mong ipikit ang iyong mga mata…ano ba ang ‘yong nakikita? Madilim. Napakadilim. Gaya ng ating kinabukasan, madilim. At ikaw ay susuntok sa buwan, maghahagilap ng karayom sa dayami o makikipagdigma tangan ang isang balaraw laban sa dambuhalang armas ng mandirigma. Malabo ang tagumpay ‘wag mo nang isipin. Iba ang reyalidad sa pagiging optimistiko. Hindi ka uunlad sa pag-asa sa kanila baka tuluyan kang lumubog sa sinasakyan mong bangkang puno ng butas, nag-aagawan sa sagwan at naghihintay ng isdang hinuli gamit ang dinamita. Lumangoy ka muna hanggang makahanap at makahagilap ng panibagong bangka, makiangkas sa gusto ring magsikap, matutong mangisda. Walang puwang ang tamad sa nagmamadaling pag-ikot ng mundo. Ilibing mo na lang ang iyong sarili kung patuloy mong yayakapin ang katamaran, mga katawang malusog pero umaasa sa nagbabanat ng butong nasa lugar ng dayuhan, mga tiyan na busog pero ang nagpapalamon ay hinahabol ng gutom, mga ngiti nila’y matamis pero ang nagpapadala ng kuwarta’y pinagsimangotan ng among malupit, mga damit ay moderno’t mabango pero tila gulanit ang suot at pati pagkatao nang nagpapaalipin sa ibang nasyon. Muli mong idilat ang ‘yong mata. Ano ngayon ang iyong nakita? Pareho lang, kung isa ka sa nagpapaalipin sa kagaguhang hatid ng pulitiko, ng pulitika, ng komersiyalismo.

Marami ang humahanga’t nagayuma sa komersiyalismong hinatid ng mansanas na may kagat; may nagbenta ng laman, literal. Inoperahan kapalit ng ilang pirasong modernong pilak. May nag-iipon para makasunod sa uso, nais na may nakasukbit na mansanas sa sinturong mumurahin na alanganing plastik, alanganing balat. Walang medisina sa nilalasong sentido. Mga taong winaldas ang kinabukasan para sa kasalukuyang kaluhuan. Bukas uuwing luhaan, duguan pinitik ng mandurugas ang piraso ng mansanas at mangangarap ng bago ang walang kadala-dalang gago. Subukin mong tanungin kung may naisalba para sa anak na nagkukumahog sa pag-aaral o sa inang humahalinghing dahil sa karamdaman, ‘di makaimik. Katumbas ng katahimikan ay pagsang-ayon. Mga nasa tahanan ay nahuhumaling sa kinomersyal na sabon, umuubos ng higit sa anim na oras kada araw o katumbas ng higit sa siyamnapung araw sa isang taon. Umiiyak, tumatawa, nauulol sa karakter na umaastang sinto-sinto. Paulit-ulit. Parang hibang. May kandili, may pangangalunya…na naman. Umpisa pa lang alam na ang katapusan. Habang ang anak sa murang mga edad ay nasa datkom na mahalay at isa naman ay sumisigaw ng tagay. Detalyado at bente-bente ang kwento ng nasa sabon pero banlag sa istorya ng kanyang mga may balahibong-pusang inakay.

May mga bubot na magpapadala sa tawag ng kalamnan. Walang pakundangan, walang pakialam. Maghaharutan. Maglalandian. Magkakantahan. Bubuhatin ang pusong kiri. Titirik ang mata, kikislot ang laman. Butil-butil ang pawis sa silid na malamig. Sisimsim sa nektar; hihimurin ang hinaharap. Babanggitin ang mahal kita sa kanyang maharlika. Gagayahin ang eksena gabi-gabi sa obra-maestrang teleserye. Titikim, lalasap, madadarang. Naglalaro ng apoy ‘di mapapaso; nagtatampisaw sa ulan ‘di mababasa; humihigop ‘di mabubusog; kumakatas ‘di matigib ang uhaw. Hindi tumitigil, uulit. Bagito pero isa nang eksperto; isang mag-aaral pero daig ang kanyang guro. Nalimot ang alpabeto panay patinig ang bukambibig, a, e, i, o, u! Buhol-buhol na pangarap ay tuluyang mapuputol nang limang-minutong paulilt-ulit na sarap. Sandaling kaligayahan pangmatagalang sisihan. Matapos ang siyam na buwan palaboy ay nadagdagan.
May magsusunog ng oras sa halip na magsunog ng kilay; magpapaskil sa librong walang pahina, magyayabang sa huni ng ibon, maghahanap ng katatawanan at kalaswaan sa modernong tubo at dedepensa laban sa lumang tao. Kawawang haligi hilahod sa trabaho.

May nagpapataasan ng mapanghing ihi. Ayaw magpagapi kahit yabang na lang ang natitirang kayamanan. Nanaising tuntungan at apakan ang likuran ng iba upang mamintini ang kapalaluan. May mandurugas na aangat at makararating sa taluktok. Ibubuka ang bagwis at papaimbulog. Dahan-dahan sa paglipad at pagpagaspas ng pakpak mas malakas ang lagapak ’pag bumagsak sa lupa. Nakakalula sa itaas. Baka walang makasabay sa’yo at matuklasan mong ikaw na lang pala ang humihimpapawid; sa sandaling mapilay ang bagwis dahil sa iyong bilis unti-unti kang babagsak tulad ng pagkawala ng bagsik at pagtamlay ng lason ng mga mapanganib na pinuno ng iba’t ibang lugar at panahon; si Adolpo ng Alemanya na natagpuang may bala sa sentido inutas ang sarili ng tangan niyang armas na loyalista, ang dating hari na namuno ng halos tatlong dekada ng dating Mesopotamia ay kinitil sa pamamagitan ng pagbigti, ang makapangyarihang diktador na hanggang ngayon ay wala pa sa huling hantungan, pinagkaitan. Walang permanente. Walang pangmatagalan. Permanenteng interes at pangmatagalang pagka-inip lang. Sa pananatili sa tugatog lalago ang kaibigan ngunit sa pagdausdos at pagsadsad sa lupa unti-unting malalagas ang umano'y matatalik. At hangal lang ang magigimbal.

Ang kasinungalingan ay nakatakdang paniwalaan sa katagalan ‘pag patuloy na inuulit-ulit, ulit, ulit. Kaya ba ang lahat ay nagpapakakadalubhasa sa paglulubid ng buhangin? At ang pagsisinungaling ay kapatid ng pagnanakaw. Kaya ba marami ang mga ito’y pinagsasabay? Kaya mo bang basagin ang mundo ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagsiwalat ng katotohanan? Tutulad ka ba sa mga taong bumubulong ng sipol? Pinaniwalaan ba sila? Kung oo, ano na ang kinahinatnan nito? Saan ito tumungo? Nagmistula lang itong utot na nagyabang at umalingasaw sandali subalit naglaho rin ang aroma nang ganoon din kaliksi. May ilang mahusay sa pagsisinungaling na kahit ang sarili niya’y kanyang kinukumbinsi na katotohanan ang kanyang pinagsasabi. May mga ibang ginawa na itong hanap-buhay; propesiya ‘di umano pero panlilinlang ang adhikain. Mamalasin ka dahil walang trabaho. Katapusan ay malapit na maghanda ka lang. Bulaan. Isinasantabi na lang ang ika-siyam na utos. Lahat na ay bihasang magsinungaling, ako na lang ang hindi. At biglang humaba ang aking ilong.


Paano mo gustong maalala? Ano ba ang higit na mahalaga, ang makabuluhang kamatayan o ang makabuluhang pamumuhay? Paano kung hindi ka nagtaglay nito? Ano ang maalala sa’yo? Magtatanong ka pa, pare-pareho lang tayo. Gusto mo bang maalala ng lahat na ikaw ay bantog sa pagtatakip ng bumabahong katiwalian? O sa pagiging pusakal na pasimuno sa pagkawala ng nag-aaklas sa pamahalaan? O sa pagiging dalubhasa sa pagkamal ng yamang kinukupit sa mga pulubi? Hayaang magbunyi ang iba sa kamatayan ng isang pusakal, hindi mo sila mapipigil kasiyahan nila ito. Humanap ka na lang ng sarili mong kasiyahan. Subukan mong tumipa ng masasayang alaala kaysa maging palalo sa suot mong magara, subukan mong mag-abot sa mga nasalanta kaysa ibalandra ang nagmamayabang mong tableta; Subok lang, kung hindi ka sumaya sabayan mong tumawa ang mga mahuhusay mang-alipustang nasa ikatlong lahi; nasa Silid-Aklatan, Payaso o ang sikat na tatlumpu't-siyam na pulaga. Ako? Nais kong maalala ng mga tao ng walang pag-aalala parang alikabok na pupuwing sa taong may demonyong pag-iisip saglit na ikukusot ang mata pero muling papaslang.

Nagkubli ang gabi. Walang nangyari. Sumakay sa pulang kabayo o tatawag sa santong may dalang sulo, hihiram ng tapang sa katas ng ispiritu ng sebada. Lilimutin ang problema, panandalian. Hahamunin nito maging si Kamatayan. Isisisi ang malas sa lahat; sa gobyerno, sa magulang, sa orasan, sa balita, sa droga, sa gasolina, sa alak, sa punong tumawid sa kalsada. Baluktot na isipan ng buhay ng wagas na palaboy. Bukas, bubuka ang liwayway ang suliranin ay muling sisilay at may dagdag na liyo.
Kamay ng oras ay ‘di na kayang ibalik. Sayang na panahon. Malulugas ang dahon, hahalik sa lupa; matigas na bakal, kakalawangin; masel sa kalamnan, lalaylay. Ang malalabi sa libog ay hambog at ang landi ay magiging kadiri-kadiri. Gisingin ang nagtutulog-tulogang diwa. Hindi araw-araw pasko, hindi maaaring maghapon ay may araw, hindi habang panahon ay may lakas ang naghuhumindig mong kalalakihan. Subukan mo mang umulos ay ‘di naman tumitigas ang iyong mga litid at ugat. Lilipas ang panahong matikas.
Ang anumang bagay na hinandog mo sa ‘yong sarili ay kasabay mong papanaw at lilisan. Ngunit ang mga bagay na inalay sa kapwa mabuti o masama ay mananatili kailanman; huhusgahan ka sa iyong ginawa, hindi sa buwaya mong ‘di nangangagat o sa pamagat ng mga ari-arian o sa may lasong mansanas na may kagat. Habang may panahon pulutin ang mga nabasag na piraso ng iyong pagkatao sa sahig, ang tropeyo ay dekorasyon lang na inalay at dinesisyunan ng binayarang inampalan. Dahil bukas maaaring ang libog ay matatalo ng antok.


Thursday, February 14, 2013

Liham kay D

(Magandang basahin sa saliw ng musikang “Baby, now that I’ve found you” ni Allison Kraus…kung wala naman, kahit anong love ballads ‘wag lang ang “Pusong Bato”.)


I love you. (kailangan naka-highlight ito ng RED)
Kahit daang-libong beses mo nang narinig ito mula sa akin, so far hindi pa rin ako magsasawa na ito'y aking ulit-ulitin. Ayokong mangakong mamahalin kita ng magpakailanman dahil alam naman natin na kathang-isip lang ang salitang FOREVER sabi nga ni Sir Ely: "Kahit na anong gawin, lahat ng bagay ay mayroong hangganan" (except of course ang Shake, Rattle and Roll). Kidding aside, gusto kong makasama ka hanggang sa magtransform ang buhok ko from K-Pop into Sixto Brillantes, hanggang sa maging si Ely Soriano na ang look-alike ko at hindi na si Ely Buendia, hangga't mahal mo ako sa pagiging ako, hanggang sa maging girlfriend ni Bossing si Ryzza Mae, hanggang sa magka-apo tayo ng higit sa bente, hangga't ikaw ang babaeng katabi ko sa driver's seat, hanggang magkatotoo ang prediksyon sa paggunaw ng mundo.
Wala akong planong pumaslang para sa pag-ibig pero may plano akong tumanda at mamatay, na kasama ka at ang iyong pag-ibig (naks, lalim!).

Oo, hanggang ngayon natatakot pa rin akong tumanda pero higit na nakakatakot ang pangitaing wala ka sa piling ko habang ako'y unti-unting tumatanda (iniisip ko pa lang napapraning na ako). Siguro'y Dahil wala nang ibang taong pwedeng makaunawa at makaintindi sa lahat ng moods ko kundi ikaw at ikaw lang; ikaw ang kumakalma at tumitimpla sa tuwing sinusumpong ako ng pagkatoyo, ikaw ang nagpapalamig ng sitwasyon at temperatura sa tuwing umiinit ang ulo ko, ikaw ang nagpapababa sa aking ego sa tuwing ito'y tumataas, ikaw ang nagpapalayas sa masasamang ispiritu sa tuwing ito'y sumasanib at ikaw ang yumayakap sa lahat ng mga kamalian ko sa buhay. At iyon ang dahilan kung bakit unti-unti ring nababawasan ang aking Gerontophobia ngunit napapalitan naman ito ng mas nakakapangambang "Arlenenophobia" (fear of losing you!). Sana lang hindi ka matulad sa karakter ni Angelika Panganiban na si Jacq sa pelikulang One More Try na kaunting-kaunti na lang ang nalalabing pasensiya.

Valentine’s Day.
Actually, maliban sa birthday ko ito hindi naman ganoon kaespesyal ang araw na ito para sa akin, hindi ko man masabi sa'yo ang katagang "I Love You" araw-araw I will do things to show that I am really caring for you (insert your smile here). Sabi mo nga kung ang bawat kiss ko sa'yo ay may halagang limang piso, hindi mo na kailangang magtrabaho dahil baka umabot sa minimum wage ang magiging bayad ko sa iyo sa bawat araw. Pero dahil tayo'y in love pa with each other samantalahin natin ang pagkakataon na ma-icelebrate natin ito dahil marami ang hindi makuhang ito'y i-celebrate (no offense meant) for some unreasonable reasons. Hangga’t kaya natin, we'll make an effort to celebrate this Special Day ('di nga?!) kahit papaano, kahit Lucky Me Pancit Canton chilimansi flavor lang ang ating pagsasaluhan basta’t magkasama tayo the best na ‘yun!; hanggang sa wala na akong maisip na idea kung ano ang worth na iregalo sa'yo, hanggang sa mga flowers na lang sa ating ubod nang lawak na garden ang kaya kong pitasin para sa’yo, hanggang sa wala na akong maibigay kundi ang tanging wagas na pagmamahal ko na lang (at biglang mag-aawitan ang mga anghel sa langit ♪♫♪♫♫♪).

And speaking of gift, sana nagustuhan mo ang surprisang regalo(s) ko sa'yo. (Special mention at maraming salamat sa mga tumulong, bumili, nagbalot ng regalo at nakipag-cooperate to make this meaningful, momentous event happen.)☺

My love for you seems like water in the river, it may be going to some streams or lakes but somehow it will find a way to reach the surface of the sea. My thoughts may be going elsewhere, go gaga over something, writing things beyond things, seeing things differently, experiencing paranoia, setting moods without warning but at the end of the day my heart still longing for you...your laughs, your teasing smile, your lovely face and your loving eyes. Again, I Love you and Happy Hearts' Day!

P.S.  (Warning: This is the corniest part and may be dangerous to your health.)

Gusto kong malaman mo na hindi kamay ang ipinangsulat ko para mabuo ang love letter na ito kundi ang PUSO ko.

Wednesday, February 13, 2013

Pluma at Kwaderno

Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa pakontes ni Sir Bino ng Damuhan. 
 ***
Ang susunod na inyong mababasa ay isang kathang-isip lang ano mang pagkakahawig sa pangalan, karakter, istorya, lugar at pangyayari sa maikling kwentong ito ay nagkataon lamang at hindi talaga sinadya.



Hawak ni Inay ang aking report card.
Tahimik na sinisipat ang mga grado ko sa school na namumutiktik sa pula. Pulos palakol. Paano ba naman eh, pulang pluma ang ginamit ng aking guro sa pagsusulat ng aking grado sa halos lahat ng subject. Pasalamat na lang ako sa subject na P.E. dahil kung wala ito diresto sitenta ang makikita mo sa aking Report Card.
Taong 1985. Tanda ko pa Grade 4 ako nito, sa edad kong dose dapat ay nasa First Year High School na ako. Pero dahil mas hilig ko ang maglakwatsa at magbulakbol kaysa mag-aral hindi ko matapos-tapos ang Elementarya.

Mabait si Nanay, sa kabila ng mga bagsak ko at dalawang beses na pag-ulit sa Grade 3 at 4 hindi ko siya nakitaan ng sobrang galit, hindi ko minsan narinig na minura niya ako o sinaktan. Sa halip nagbibigay lang siya sa akin ng pangaral.

"Alponso, mag-aral ka nang mabuti dahil wala kaming maipapamana sa'yo ng Tatay mo kundi edukasyon lang", iyan ang madalas kong marinig na linya galing sa kanya.
* * *
Ako si Alponso. Solong anak nina Aling Jenny at Mang Harry. Taga Sawata Maypajo, Kalookan. Batang Kankaloo, ika nga. Astig. BARAKO.
Ang aking ina ay simpleng maybahay lang. Palakaibigan, simple, tahimik. Hindi katulad ng ibang mga nanay na binibisyo ang tsimis sa tuwing magkukumpulan sa kanto.
At ang aking Ama ay isang potograper. Masipag, masikap. Hindi pa uso noon ang mga digital na KAMERA at bilang lang sa mga daliri sa kamay ang mga bahay ang mayroon nito. Kaya't hindi nawawalan ng trabaho ang aking ama. Apat o limang beses isang linggo ay lagi siyang pinatatawag ng mga kapitbahay, kakilala, kaibigan o kaya naman ay referral ng dati niyang sinerbisyuhan. Madalas siyang wala sa bahay sa panahon ng graduation, pasko, lalo't kung naiimbitahan sa kasalan o binyagan sa mga kalapit probinsya.

Manhid lang ako sa lahat ng mga pangaral ni Nanay. Lakwatsa at laro ang prayoridad ko sa halip na mag-aral. Tinapos ko ang elementarya ng labing-isang taon! Kung hindi pa sa pakiusap ng aking ina sa prinsipal ng Maypajo Elementary School na kababata pala niya, na pagradweytin ako sa Elementarya ay hindi pa ko makakatanggap ng diploma. Parang nanalo sa sweepstakes si Nanay sa pagkakagradweyt ko ng elementarya. Maraming pagkain. Parang isang malaking selebrasyon ng buhay ay naganap. Ngunit tulad nang inaasahan, wala si Tatay dahil may tanggap siyang trabaho na eksakto sa araw na iyon, graduation din.
* * *
Ayaw ko nang mag-aral. Wala akong interes na pag-aralan ang kung ano-anong aralin na sa tingin ko'y wala namang kinalaman sa aking kinabukasan. Wala akong pakialam sa kasaysayan ng Pilipinas, lalo ang kasaysayan ng ibang bansa. Ayokong magbasa ng libro na hindi ko naman naiintindihan. Ayokong sumagot ng mga katanungang hindi ko alam kung ano ang importansya nito sa akin. Ayokong magbasa, ayaw kong sumulat. Ayokong humawak ng pluma at mga kwaderno.

Ganunpaman, napilit pa rin ako ni Inay na makapag-aral ng High School. Mula sa Maypajo Elementary School ay napadpad ako sa mas astig na eskwelahan, Tondo High School. Wala pa man sa kalagitnaan ng school year ay ilang beses na akong napatawag sa Principal's office; ang pagiging bulakbol ko ng elementarya ay hindi nawala bagkus ay nadagdagan pa ang aking mga kalokohan, naging palaaway ako, napabarkada, natutong mag-yosi, sa murang edad ay marunong na rin akong uminom ng alak.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi sinusukuan ang aking Ina; umaasa pa rin siya na isang umaga ay magbabago ako, na biglang magkakaroon ako ng interes sa pag-aaral, na ititigil ko ang barkada at bisyo, na maipagmamalaki niya ang tulad ko pagdating ng araw.
* * *
Sanay na kami na wala si Tatay sa bahay. Ngunit kakaiba ang gabing ito tila hindi dalawin ng antok si Nanay; paroo't parito ang kanyang paglakad na animo'y isang pusang aligaga. Malakas ang buhos ng ulan noon na sumasabay sa pag-aalala ng aking Nanay, hindi mawari kung iiyak, hindi dalawin ng antok.
Inabutan ko siya sa ganoong kalagayan, kahit lasing ako at galing sa inuman ay alam kong sobra ang pag-aalala ni Nanay.
Nakatulugan niya ang pagkabalisa at pag-aalala, nakayukod ang ulo sa mesa habang ako'y komportableng humihilik sa aking kama na ang amoy ay hindi nalalayo sa amoy ng kinulob na adobong baboy na maasim.

"Mareng Jenny! Mareng Jenny!" Hangos na sigaw ng aming kapitbahay na si Aling Lucy hawak ang isang PERYODIKO. Sa lakas ng sigaw nito ang mga nagtutulog-tulogan lang ang hindi magigising.
Halos sabay kaming lumabas ng bahay ni Nanay. Pumupungas.

"Mare! Hindi ba ang tunay na pangalan ni Pareng Harry ay Harold Rodigas?" nagmamadaling tanong ni Aling Lucy.

"Oo. Bakit?!?" Sagot ni Nanay.

"Basahin mo ito." Sabay abot sa peryodiko na may headline na: Aksidente sa South Superhighway - Dalawa katao patay.

Parang sinakluban ng langit at lupa si Nanay matapos niyang mabasa ang balita. Tumigil ngang umiyak ang langit ngunit ang aking ina naman ang siya ngayong tumatangis. Walang sinuman ang makakapagpakalma sa nararamdaman niya sa sandaling iyon, walang salita ang makakapagpatahan sa kanyang nangungulilang damdamin.

Awang-awa ako kay Nanay. Damang-dama kong parang unti-unting pinipilas ang kanyang puso. Napayakap siya sa akin. Humagulgol.
"Wala na ang tatay mo! Wala na!" Kasunod noon ang walang humpay niyang pagluha. Hindi ko na rin napigil ang aking sarili, hindi ko na napansin ang pagtulo ng luha sa aking mga pisngi. Simula ng magkamalay ako, sa pagkakatanda ko ngayon lang ako umiyak. Ngayon lang naantig ang aking damdamin. Ngayon lang nagpakita ng emosyon.

Unti-unti nang kumapal ang tao. Mga kapit-bahay, tsismoso, tsismosa, mga kumpare, kumpare, mga kaibigan. Nagbubulungan. Naaawa. Nakikiramay. Nakikidalamhati.

Sariwa pa ito sa aking isipan. Abril 12, 1990. Disi-siyete anyos ako nito nang pumanaw si Tatay. Galing siya noon sa isang kasalan sa Los Baños at siya ang kinuhang potograper ng isang dating kakilala. Dahil sa dilim at dulas ng kalsada ng gabing iyon ay bumaligtad ang kanilang sinasakyang owner-type jeep sa South Superhighway. Kasama niya sa sasakyan ang aking Ninong, si Mang Robert. Self-accident. Kaya lahat ng gastos sa pag-aasikaso sa bangkay ng aking ama ay mula sa kanilang inipon.

Mas nag-alala ako sa gastusin sa bahay kaysa sa kalagayan ng aking Ina. Mas inisip ko ang kakainin namin sa araw-araw kaysa sa kanyang kalusugan.

Halos naubos ang perang naipon nila ni Nanay para lang mairaos ang burol at libing ni Tatay. Kung bakit ba naman kasi, namatayan ka na nga eh ang mahal-mahal pa ng halaga ng putanginang kabaong na iyan! Mga puneraryang oportunista na pwedeng ihambing sa bwitreng nag-aabang ng kanilang bibiktimahin, daig pa ang AHAS at ulupong na handang tumuklaw kung mayroong pagkakataon.
* * *
Tuluyan ng nawala ang interes ko sa pag-aaral nang mailibing si Tatay. Hindi ko na tinapos ang second year at mas minabuti kong sumama sa barkada. Nairaraos ko ang buong maghapong kasama ang aking mga tropa; sina Milo (na medyo hawig ko raw ang hilatsa), Arnold, Walter at Paul kasama ang isa pa naming kaibigan kung tawagin ay Edong (pinaikling Red Horse). Parang walang katapusan ang aming kabataan. Ang bawat lagok ng serbesa sa aking lalamunan ay katumbas ng walang pagsidlang kasiyahan. Araw-araw. Paulit-paulit. Asahan mo na ang eksenang halos gumapang kami pauwi sa kalagitnaan ng gabi. Pasuray-suray. Walang pakundangan. Walang pakialam.

Walang pakialam sa mga taong nakakasalubong, walang pakialam sa sasabihin ng mga tao, walang pakialam kung saan man sumuka, walang pakialam kahit mahubaran na halos lumabas na pati ang kadiring dugyot na KUYUKOT; nawawalan ng modo sa labis na kalasingan, nawawala sa katinuan dulot ng sobrang pagkalango.
* * *
Ano pa ang aasahan ni Nanay sa tulad kong batugan?
Ano ang mapapala niya sa katulad kong walang inatupag kundi ang barkada?

Ang inaakala niyang aking pagbabago makalipas ang pagkalibing ni Tatay ay tila hindi na mangyayari bagkus lalo akong naging sugapa sa alak. Sa halip na muling mag-aral o maghanap ng mapapasukan lalo pang lumala ang bisyo ko. Hindi nga ako nagdodroga pero nakakadalawang kaha naman ako ng yosi sa bawat araw.

Apat na buwan lang makalipas ang pagkamatay ni Tatay, si Nanay naman ang malubhang nagkasakit. Unti-unting nanghihina ang kanyang katawan at ang sabi ng doktor, dahil daw ito sa labis na depresyon.

PUTA talaga! Imbes na ako dapat ang magkasakit dahil sa pang-aabuso ko sa aking katawan si Nanay ngayon ang nasa banig ng karamdaman. Imbes na ako dapat ang pinahihirapan ng langit si Nanay ngayon ang pinahihirapan ng sakit.

Iba't ibang MEDISINA ang nireseta ng doktor kay Nanay para daw sa mabilis niyang paggaling. Medyo malakas naman daw ang kanyang katawan kaya ang hinuha ng doktor ay sikolohikal lang ang sakit ni Nanay.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa pagkakasakit ni Nanay, parang bigla akong nagising sa matagal na pagkakahimbing. Kakamatay lang ni Tatay ngunit heto ngayon si Nanay may pagnanais na sumunod kaagad.
Ayokong mawala si Nanay. Kahit na alam kong pasaway ako at sakit ng ulo niya hindi ko pa nais na mawala siya,  hindi ngayon, hindi bukas.

"Magbabago na ko." 
Iyan ang mga salitang nasambit ko sa harapan ni Nanay na nakatingin sa kawalan. Tulala. Balisa. Parang walang interes sa aking sinabi, parang walang narinig. Siguro'y hindi naniniwala. Siguro'y nagsawa na sa akin. Nagsawa na sa mga kabalastugan at kalokohan ko sa buhay. Ilang pagkakataon na nga ba ang sinayang ko lang? Ilang ulit ko na ba siyang binigo?

Ngunit paano ko uumpisahan ang pagbabago? Ano ang alam ko sa pagbabago? May pag-asa bang magbago ang isang tulad kong walang pinag-aralan, walang modo, basagulero, tomador, lasenggo at salot?

"Basta." Aniko. 
Gagawin ko ang lahat para tumino ang aking buhay, gagawin ko ang lahat para humaba pa ang buhay ni Nanay, gagawin ko ang lahat para magkasama pa kami ng matagal. Kung kinakailangang pumadyak ako ng pedicab, magtinda ng taho sa umaga, SORBETES sa hapon at balut sa gabi ay gagawin ko para lamang may ipangtustos ako sa pagpapagamot ni Nanay, para tuluyan na siyang bumuti, para lumawig pa ang aming pagsasama. Gagawin kong araw ang gabi, gagawin kong gabi ang araw. 
Gagawin ko ang lahat para lang sa kanya.
* * *
"Siya ho! Siya ho! Siya ho talaga!" sabay turo sa akin ng isang mama na may pagkamakutim ang balat. May kasama siyang dalawang pulis. Sa hindi ko alam na dahilan ay agad akong pinosasan at inaresto.
"Sa presinto ka na magpaliwanag, bata!" sabi ng isang matabang pulis habang bitbit ako sa tagiliran.

Sa presinto, napag-alaman kong naakusahan ako ng pagholdap at pagpatay sa isang estudyante. Kahit anong pagpapaliwanag at pangangatwiran ko'y tila walang bisa at 'di naririnig. Mas pinaniwalaan ang salaysay ng isa raw saksi sa krimen kaysa sa salaysay ko. Kunsabagay, sino ba naman ako para paniwalaan? Isang salot at sagabal ng lipunan.

Tadhana nga naman. Kung kailan mo gustong magbago at magpakatino doon pa darating ang isang biro na hindi nakakatuwa. Wala akong magawa. Taingang-kawali sila sa lahat ng pagtanggi ko sa krimen. Sa isang iglap, pakiramdam ko'y guguho ng lahat ang pangarap kong magbago, nang tuluyan na akong ipinasok sa seldang amoy ihi, kasama ang mga taong parang komiks sa dami ng drowing sa katawan, kasama ang mga taong katulad kong pwede ng ituring na kriminal.

Magulo ang aking buhay at alam kong lalo itong gugulo sa pagkakapasok ko dito.
Bakit nangyayari ito? Paano na si Nanay? Paano na ako? Bakit ako nakakulong sa letseng kulungan na 'to?!?
Pero wala na akong magagawa. Kahit gahibla na lang ang nalalabing pag-asa sa akin ay kailangan kong lumaban. Sayang na lang ang aking pagiging BARAKO kung agad akong susuko. Sayang na lang ang pagiging astig ko sa lugar namin kung magmumukmok at iiyak ako sa kulungang ito. Ang pag-aalala ko kay Nanay ang siyang bumubuhay sa aking pag-asang magbago.

Isa ako sa pinakabata sa mga preso. Mabilis kong nakapalagayang loob ang iba pang kasama kong preso. Naging utusan nila ako. Maraming medyo mabait pero mas marami ang tarantado. Sa loob ng dalawang araw lang lahat ng pagpupursigi kong magbago ay unti-unting naglalaho para akong isang kuting na inilagay sa kulungan ng matatapang na mga tigre, tulad nila bumangis na rin ako; para akong ALUPIHAN na nilalaro ng mga batang hamog sa lansangan at ako naman'y pinaglalaruan ng malupit na tadhanang naghahamon.

"Patay na ang Nanay mo!" 
Bungad na balita ng aking dalaw na si Walter.
Sa balitang iyon tuluyan na ring namatay ang lahat ng natitira kong pag-asang magbago at magpakatino, para itong buhawi na winawasiwas at tumatangay ng buhay. Kay Walter ko rin nalaman na si Milo ang sumaksak sa estudyanteng napatay; dahil sa malaking pagkakahawig namin at dalas na kami'y magkasama napagkamalan ng isang saksi na ako ang nakasaksak sa estudyante. Sa muling pagkakataon, muli akong lumuha, muli kong naramdaman ang pakiramdam na nawalan ng isang magulang at sa pagkakataong ito'y mas masakit, mas malupit ang hinatid nito sa akin. Pakiwari ko'y isang humahangos na delubyo ang may pagnanais na guhuin ang aking pagkatao; sa loob ng isang taon lang ay parehong namatay ang magulang ko. 

Sinong matapang ang hindi dudupok sa mabangis na unos na ito ng buhay? Sinong manhid ang hindi masusugatan sa malakas na bigwas ng patalim na ito ng pagsubok?

Wala na ring saysay para sa akin ang lahat ng sinabi sa akin ni Walter. Nakakulong na ako. Nais kong dalawin si Nanay kahit man lang sa huling pagkakataon pero mukhang malabo ito; pakwenselo na lang sa akin na naging mabuting kapitbahay si Nanay at alam kong maisasaayos ang kanyang libing sa tulong ng ilang kaibigan. Gustuhin ko man ng pansamantalang kalayaan ay wala akong kakayahang magpiyansa. Gustuhin ko mang kumuha ng matinong abogado ay wala akong pambayad para dito. Itinuring ko na ring kaibigan ang lahat ng aking kakosa sa likod ng bakal na rehas. Handa na akong harapin kung anuman ang kahihinatnan ng kasong ito. Pangangatawanan ko na kung ano ang bansag sa akin ng mga tao.
* * *
2013.
Halos dalawampu't tatlong taon ang lumipas. Sa tagal kong nakapiit hindi ko na kilala ang tunay na mundo, hindi ko na kilala ang tunay kong sarili. Pinatapang ako ng bilangguan ngunit dinuduwag naman ng hamon ng buhay, pinatapang ng panahon ngunit takot sa multo ng madilim na kahapon, pinatapang ng karanasan ngunit iniiyakan ang malungkot na nakaraan.

Barong-barong ang akin ngayong kanlungan at kulungan.
Barong-barong na mas malaki pang di-hamak ang bahay ng mabangis at matakaw na aso.
Kanlungang sa tuwing bumubuhos ang ulan ay sumasabay ding pumatak ang luha na katulad ko rin ay nangungulila; nilulunod ang aking tuyot na isip at kamalayan.
Kulungang sa tuwing may araw ay tumatagos ang init sa loob ng barong; sinusunog at nilalapnos ang aking luoy na balat at pagkatao.

Gamit ang isang gaserang mas malamlam pa ang liwanag sa lumang LAMPARA;  hinahanap ko ang aking nalalabing pag-asa, hinahapuhap ang nawawalang pangarap. Wala akong kakayahan na bumalik sa nakaraan pero kung mabibigyan ng pagkakataon; iiwasan ko ang bisyo at labis na barkada, pag-aaralan ko ang iba't ibang aralin sa eskwelahan, magbabasa ako ng iba't ibang libro at pilit ko itong uunawain, pagyayamanin ang kaisipan, magsisikap at bubuo ng pangarap, magsusulat at aalamin ang sagot sa bawat katanungan, pag-aaralan ang kasaysayan ng Pilipinas at ng mundo. Muli kong dadamputin ang pluma at mga kwaderno at gagawing maganda ang kasaysayan ng buhay ko.

Laya na ako ngunit pakiramdam ko'y nakakulong ako sa nakalipas, nakapiit sa bilangguang walang rehas, nakagapos kahit walang posas.