Ang akdang ito ay ang aking lahok at pakikiisa sa pakontes ni Sir Bino ng Damuhan.
***
Ang susunod na inyong mababasa ay isang kathang-isip lang ano mang pagkakahawig sa pangalan, karakter, istorya, lugar at pangyayari sa maikling kwentong ito ay nagkataon lamang at hindi talaga sinadya.
Hawak ni Inay ang aking
report card.
Tahimik na sinisipat ang mga
grado ko sa school na namumutiktik sa pula. Pulos palakol. Paano ba naman eh,
pulang pluma ang ginamit ng aking guro sa pagsusulat ng aking grado sa halos
lahat ng subject. Pasalamat na lang ako sa subject na P.E. dahil kung wala ito
diresto sitenta ang makikita mo sa aking Report Card.
Taong 1985. Tanda ko pa
Grade 4 ako nito, sa edad kong dose dapat ay nasa First Year High School na
ako. Pero dahil mas hilig ko ang maglakwatsa at magbulakbol kaysa mag-aral
hindi ko matapos-tapos ang Elementarya.
Mabait si Nanay, sa kabila
ng mga bagsak ko at dalawang beses na pag-ulit sa Grade 3 at 4 hindi ko siya
nakitaan ng sobrang galit, hindi ko minsan narinig na minura niya ako o
sinaktan. Sa halip nagbibigay lang siya sa akin ng pangaral.
"Alponso, mag-aral ka
nang mabuti dahil wala kaming maipapamana sa'yo ng Tatay mo kundi edukasyon
lang", iyan ang madalas kong marinig na linya galing sa kanya.
* * *
Ako si Alponso. Solong anak
nina Aling Jenny at Mang Harry. Taga Sawata Maypajo, Kalookan. Batang Kankaloo,
ika nga. Astig. BARAKO.
Ang aking ina ay simpleng
maybahay lang. Palakaibigan, simple, tahimik. Hindi katulad ng ibang mga nanay
na binibisyo ang tsimis sa tuwing magkukumpulan sa kanto.
At ang aking Ama ay isang
potograper. Masipag, masikap. Hindi pa uso noon ang mga digital na KAMERA at
bilang lang sa mga daliri sa kamay ang mga bahay ang mayroon nito. Kaya't hindi
nawawalan ng trabaho ang aking ama. Apat o limang beses isang linggo ay lagi siyang
pinatatawag ng mga kapitbahay, kakilala, kaibigan o kaya naman ay referral ng
dati niyang sinerbisyuhan. Madalas siyang wala sa bahay sa panahon ng
graduation, pasko, lalo't kung naiimbitahan sa kasalan o binyagan sa mga
kalapit probinsya.
Manhid lang ako sa lahat ng
mga pangaral ni Nanay. Lakwatsa at laro ang prayoridad ko sa halip na mag-aral.
Tinapos ko ang elementarya ng labing-isang taon! Kung hindi pa sa pakiusap ng
aking ina sa prinsipal ng Maypajo Elementary School na kababata pala niya, na pagradweytin
ako sa Elementarya ay hindi pa ko makakatanggap ng diploma. Parang nanalo sa
sweepstakes si Nanay sa pagkakagradweyt ko ng elementarya. Maraming pagkain.
Parang isang malaking selebrasyon ng buhay ay naganap. Ngunit tulad nang
inaasahan, wala si Tatay dahil may tanggap siyang trabaho na eksakto sa araw na
iyon, graduation din.
* * *
Ayaw ko nang
mag-aral. Wala akong interes na pag-aralan ang kung ano-anong aralin na sa
tingin ko'y wala namang kinalaman sa aking kinabukasan. Wala akong pakialam sa
kasaysayan ng Pilipinas, lalo ang kasaysayan ng ibang bansa. Ayokong magbasa ng
libro na hindi ko naman naiintindihan. Ayokong sumagot ng mga katanungang hindi
ko alam kung ano ang importansya nito sa akin. Ayokong magbasa, ayaw kong sumulat.
Ayokong humawak ng pluma at mga kwaderno.
Ganunpaman, napilit pa rin
ako ni Inay na makapag-aral ng High School. Mula sa Maypajo Elementary School
ay napadpad ako sa mas astig na eskwelahan, Tondo High School. Wala pa man sa
kalagitnaan ng school year ay ilang beses na akong napatawag sa Principal's
office; ang pagiging bulakbol ko ng elementarya ay hindi nawala bagkus ay
nadagdagan pa ang aking mga kalokohan, naging palaaway ako, napabarkada,
natutong mag-yosi, sa murang edad ay marunong na rin akong uminom ng alak.
Ngunit sa kabila ng lahat ng
ito ay hindi sinusukuan ang aking Ina; umaasa pa rin siya na isang umaga ay
magbabago ako, na biglang magkakaroon ako ng interes sa pag-aaral, na ititigil
ko ang barkada at bisyo, na maipagmamalaki niya ang tulad ko pagdating ng araw.
* * *
Sanay na kami na wala si
Tatay sa bahay. Ngunit kakaiba ang gabing ito tila hindi dalawin ng antok si
Nanay; paroo't parito ang kanyang paglakad na animo'y isang pusang aligaga.
Malakas ang buhos ng ulan noon na sumasabay sa pag-aalala ng aking Nanay, hindi
mawari kung iiyak, hindi dalawin ng antok.
Inabutan ko siya sa ganoong
kalagayan, kahit lasing ako at galing sa inuman ay alam kong sobra ang
pag-aalala ni Nanay.
Nakatulugan niya ang
pagkabalisa at pag-aalala, nakayukod ang ulo sa mesa habang ako'y komportableng
humihilik sa aking kama na ang amoy ay hindi nalalayo sa amoy ng kinulob na
adobong baboy na maasim.
"Mareng Jenny! Mareng
Jenny!" Hangos na sigaw ng aming kapitbahay na si Aling Lucy hawak ang
isang PERYODIKO. Sa lakas ng sigaw nito ang mga nagtutulog-tulogan lang ang
hindi magigising.
Halos sabay kaming lumabas
ng bahay ni Nanay. Pumupungas.
"Mare! Hindi ba ang
tunay na pangalan ni Pareng Harry ay Harold Rodigas?" nagmamadaling tanong
ni Aling Lucy.
"Oo. Bakit?!?"
Sagot ni Nanay.
"Basahin mo ito."
Sabay abot sa peryodiko na may headline na: Aksidente sa South Superhighway -
Dalawa katao patay.
Parang sinakluban ng langit
at lupa si Nanay matapos niyang mabasa ang balita. Tumigil ngang umiyak ang
langit ngunit ang aking ina naman ang siya ngayong tumatangis. Walang sinuman
ang makakapagpakalma sa nararamdaman niya sa sandaling iyon, walang salita ang
makakapagpatahan sa kanyang nangungulilang damdamin.
Awang-awa ako kay Nanay.
Damang-dama kong parang unti-unting pinipilas ang kanyang puso. Napayakap siya
sa akin. Humagulgol.
"Wala na ang tatay mo!
Wala na!" Kasunod noon ang walang humpay niyang pagluha. Hindi ko na rin
napigil ang aking sarili, hindi ko na napansin ang pagtulo ng luha sa aking mga
pisngi. Simula ng magkamalay ako, sa pagkakatanda ko ngayon lang ako umiyak.
Ngayon lang naantig ang aking damdamin. Ngayon lang nagpakita ng emosyon.
Unti-unti nang kumapal ang
tao. Mga kapit-bahay, tsismoso, tsismosa, mga kumpare, kumpare, mga kaibigan.
Nagbubulungan. Naaawa. Nakikiramay. Nakikidalamhati.
Sariwa pa ito sa aking
isipan. Abril 12, 1990. Disi-siyete anyos ako nito nang pumanaw si Tatay.
Galing siya noon sa isang kasalan sa Los Baños at siya ang kinuhang potograper
ng isang dating kakilala. Dahil sa dilim at dulas ng kalsada ng gabing iyon ay
bumaligtad ang kanilang sinasakyang owner-type jeep sa South Superhighway.
Kasama niya sa sasakyan ang aking Ninong, si Mang Robert. Self-accident. Kaya
lahat ng gastos sa pag-aasikaso sa bangkay ng aking ama ay mula sa kanilang
inipon.
Mas nag-alala ako sa
gastusin sa bahay kaysa sa kalagayan ng aking Ina. Mas inisip ko ang kakainin
namin sa araw-araw kaysa sa kanyang kalusugan.
Halos naubos ang perang
naipon nila ni Nanay para lang mairaos ang burol at libing ni Tatay. Kung bakit
ba naman kasi, namatayan ka na nga eh ang mahal-mahal pa ng halaga ng putanginang kabaong na iyan! Mga puneraryang oportunista na pwedeng ihambing
sa bwitreng nag-aabang ng kanilang bibiktimahin, daig pa ang AHAS at ulupong na
handang tumuklaw kung mayroong pagkakataon.
* * *
Tuluyan ng nawala ang
interes ko sa pag-aaral nang mailibing si Tatay. Hindi ko na tinapos ang second
year at mas minabuti kong sumama sa barkada. Nairaraos ko ang buong maghapong
kasama ang aking mga tropa; sina Milo (na medyo hawig ko raw ang hilatsa),
Arnold, Walter at Paul kasama ang isa pa naming kaibigan kung tawagin ay Edong
(pinaikling Red Horse). Parang walang katapusan ang aming kabataan. Ang bawat
lagok ng serbesa sa aking lalamunan ay katumbas ng walang pagsidlang kasiyahan.
Araw-araw. Paulit-paulit. Asahan mo na ang eksenang halos gumapang kami pauwi
sa kalagitnaan ng gabi. Pasuray-suray. Walang pakundangan. Walang pakialam.
Walang pakialam sa mga taong
nakakasalubong, walang pakialam sa sasabihin ng mga tao, walang pakialam kung
saan man sumuka, walang pakialam kahit mahubaran na halos lumabas na pati ang
kadiring dugyot na KUYUKOT; nawawalan ng modo sa labis na kalasingan, nawawala
sa katinuan dulot ng sobrang pagkalango.
* * *
Ano pa ang aasahan ni Nanay
sa tulad kong batugan?
Ano ang mapapala niya sa
katulad kong walang inatupag kundi ang barkada?
Ang inaakala niyang aking
pagbabago makalipas ang pagkalibing ni Tatay ay tila hindi na mangyayari bagkus
lalo akong naging sugapa sa alak. Sa halip na muling mag-aral o maghanap ng
mapapasukan lalo pang lumala ang bisyo ko. Hindi nga ako nagdodroga pero
nakakadalawang kaha naman ako ng yosi sa bawat araw.
Apat na buwan lang makalipas
ang pagkamatay ni Tatay, si Nanay naman ang malubhang nagkasakit. Unti-unting
nanghihina ang kanyang katawan at ang sabi ng doktor, dahil daw ito sa labis na
depresyon.
PUTA talaga! Imbes na ako
dapat ang magkasakit dahil sa pang-aabuso ko sa aking katawan si Nanay ngayon
ang nasa banig ng karamdaman. Imbes na ako dapat ang pinahihirapan ng langit si
Nanay ngayon ang pinahihirapan ng sakit.
Iba't ibang MEDISINA ang
nireseta ng doktor kay Nanay para daw sa mabilis niyang paggaling. Medyo
malakas naman daw ang kanyang katawan kaya ang hinuha ng doktor ay sikolohikal
lang ang sakit ni Nanay.
Para akong binuhusan ng
malamig na tubig sa pagkakasakit ni Nanay, parang bigla akong nagising sa
matagal na pagkakahimbing. Kakamatay lang ni Tatay ngunit heto ngayon si Nanay
may pagnanais na sumunod kaagad.
Ayokong mawala si Nanay.
Kahit na alam kong pasaway ako at sakit ng ulo niya hindi ko pa nais na mawala
siya, hindi ngayon, hindi bukas.
"Magbabago na ko."
Iyan ang mga salitang nasambit ko sa harapan ni Nanay na nakatingin sa kawalan.
Tulala. Balisa. Parang walang interes sa aking sinabi, parang walang narinig.
Siguro'y hindi naniniwala. Siguro'y nagsawa na sa akin. Nagsawa na sa mga
kabalastugan at kalokohan ko sa buhay. Ilang pagkakataon na nga ba ang sinayang
ko lang? Ilang ulit ko na ba siyang binigo?
Ngunit paano ko uumpisahan
ang pagbabago? Ano ang alam ko sa pagbabago? May pag-asa bang magbago ang isang
tulad kong walang pinag-aralan, walang modo, basagulero, tomador, lasenggo at
salot?
"Basta." Aniko.
Gagawin ko ang lahat para tumino ang aking buhay, gagawin ko ang lahat para
humaba pa ang buhay ni Nanay, gagawin ko ang lahat para magkasama pa kami ng
matagal. Kung kinakailangang pumadyak ako ng pedicab, magtinda ng taho sa
umaga, SORBETES sa hapon at balut sa gabi ay gagawin ko para lamang may
ipangtustos ako sa pagpapagamot ni Nanay, para tuluyan na siyang bumuti, para
lumawig pa ang aming pagsasama. Gagawin kong araw ang gabi, gagawin kong gabi
ang araw.
Gagawin ko ang lahat para lang sa kanya.
* * *
"Siya ho! Siya ho! Siya
ho talaga!" sabay turo sa akin ng isang mama na may pagkamakutim ang
balat. May kasama siyang dalawang pulis. Sa hindi ko alam na dahilan ay agad
akong pinosasan at inaresto.
"Sa presinto ka na
magpaliwanag, bata!" sabi ng isang matabang pulis habang bitbit ako sa
tagiliran.
Sa presinto, napag-alaman
kong naakusahan ako ng pagholdap at pagpatay sa isang estudyante. Kahit anong
pagpapaliwanag at pangangatwiran ko'y tila walang bisa at 'di naririnig. Mas
pinaniwalaan ang salaysay ng isa raw saksi sa krimen kaysa sa salaysay ko.
Kunsabagay, sino ba naman ako para paniwalaan? Isang salot at sagabal ng
lipunan.
Tadhana nga naman. Kung
kailan mo gustong magbago at magpakatino doon pa darating ang isang biro na
hindi nakakatuwa. Wala akong magawa. Taingang-kawali sila sa lahat ng pagtanggi
ko sa krimen. Sa isang iglap, pakiramdam ko'y guguho ng lahat ang pangarap kong
magbago, nang tuluyan na akong ipinasok sa seldang amoy ihi, kasama ang mga
taong parang komiks sa dami ng drowing sa katawan, kasama ang mga taong katulad
kong pwede ng ituring na kriminal.
Magulo ang aking buhay at alam kong lalo itong gugulo sa pagkakapasok ko dito.
Bakit nangyayari ito? Paano
na si Nanay? Paano na ako? Bakit ako nakakulong sa letseng kulungan na 'to?!?
Pero wala na akong magagawa.
Kahit gahibla na lang ang nalalabing pag-asa sa akin ay kailangan kong lumaban.
Sayang na lang ang aking pagiging BARAKO kung agad akong susuko. Sayang na lang ang
pagiging astig ko sa lugar namin kung magmumukmok at iiyak ako sa kulungang
ito. Ang pag-aalala ko kay Nanay ang siyang bumubuhay sa aking pag-asang
magbago.
Isa ako sa pinakabata sa mga
preso. Mabilis kong nakapalagayang loob ang iba pang kasama kong preso. Naging
utusan nila ako. Maraming medyo mabait pero mas marami ang tarantado. Sa loob
ng dalawang araw lang lahat ng pagpupursigi kong magbago ay unti-unting naglalaho
para akong isang kuting na inilagay sa kulungan ng matatapang na mga tigre,
tulad nila bumangis na rin ako; para akong ALUPIHAN na nilalaro ng mga batang hamog sa lansangan at ako naman'y pinaglalaruan ng malupit na tadhanang naghahamon.
"Patay na ang Nanay
mo!"
Bungad na balita ng aking dalaw na si Walter.
Sa balitang iyon tuluyan na
ring namatay ang lahat ng natitira kong pag-asang magbago at magpakatino, para itong buhawi na winawasiwas at tumatangay ng buhay. Kay
Walter ko rin nalaman na si Milo ang sumaksak sa estudyanteng napatay; dahil sa
malaking pagkakahawig namin at dalas na kami'y magkasama napagkamalan ng isang saksi na ako ang nakasaksak sa
estudyante. Sa muling pagkakataon, muli akong lumuha, muli kong naramdaman
ang pakiramdam na nawalan ng isang magulang at sa pagkakataong ito'y mas masakit, mas malupit ang hinatid nito sa akin. Pakiwari ko'y isang humahangos na delubyo ang may pagnanais na guhuin ang aking pagkatao; sa loob ng isang taon lang ay parehong namatay ang magulang ko.
Sinong matapang ang hindi dudupok sa mabangis na unos na ito ng buhay? Sinong manhid ang hindi masusugatan sa malakas na bigwas ng patalim na ito ng pagsubok?
Wala na ring saysay para sa
akin ang lahat ng sinabi sa akin ni Walter. Nakakulong na ako. Nais kong
dalawin si Nanay kahit man lang sa huling pagkakataon pero mukhang malabo ito;
pakwenselo na lang sa akin na naging mabuting kapitbahay si Nanay at alam kong
maisasaayos ang kanyang libing sa tulong ng ilang kaibigan. Gustuhin ko man ng
pansamantalang kalayaan ay wala akong kakayahang magpiyansa. Gustuhin ko mang
kumuha ng matinong abogado ay wala akong pambayad para dito. Itinuring ko na
ring kaibigan ang lahat ng aking kakosa sa likod ng bakal na rehas. Handa na
akong harapin kung anuman ang kahihinatnan ng kasong ito. Pangangatawanan ko na
kung ano ang bansag sa akin ng mga tao.
* * *
2013.
Halos dalawampu't tatlong
taon ang lumipas. Sa tagal kong nakapiit hindi ko na kilala ang tunay na mundo, hindi ko
na kilala ang tunay kong sarili. Pinatapang ako ng bilangguan ngunit dinuduwag naman
ng hamon ng buhay, pinatapang ng panahon ngunit takot sa multo ng madilim na
kahapon, pinatapang ng karanasan ngunit iniiyakan ang malungkot na nakaraan.
Barong-barong ang akin
ngayong kanlungan at kulungan.
Barong-barong na mas malaki pang di-hamak ang bahay ng mabangis at matakaw na aso.
Kanlungang sa tuwing bumubuhos ang ulan ay sumasabay ding pumatak ang luha na katulad ko rin ay nangungulila; nilulunod ang aking tuyot na isip at kamalayan.
Barong-barong na mas malaki pang di-hamak ang bahay ng mabangis at matakaw na aso.
Kanlungang sa tuwing bumubuhos ang ulan ay sumasabay ding pumatak ang luha na katulad ko rin ay nangungulila; nilulunod ang aking tuyot na isip at kamalayan.
Kulungang sa
tuwing may araw ay tumatagos ang init sa loob ng barong; sinusunog at nilalapnos ang aking luoy na balat at pagkatao.
Gamit ang isang gaserang mas
malamlam pa ang liwanag sa lumang LAMPARA;
hinahanap ko ang aking nalalabing pag-asa, hinahapuhap ang nawawalang
pangarap. Wala akong kakayahan na bumalik sa nakaraan pero kung mabibigyan ng
pagkakataon; iiwasan ko ang bisyo at labis na barkada, pag-aaralan ko ang iba't
ibang aralin sa eskwelahan, magbabasa ako ng iba't ibang libro at pilit ko
itong uunawain, pagyayamanin ang kaisipan, magsisikap at bubuo ng pangarap,
magsusulat at aalamin ang sagot sa bawat katanungan, pag-aaralan ang kasaysayan
ng Pilipinas at ng mundo. Muli kong dadamputin ang pluma at mga kwaderno at
gagawing maganda ang kasaysayan ng buhay ko.
Laya na ako ngunit pakiramdam
ko'y nakakulong ako sa nakalipas, nakapiit sa bilangguang walang rehas,
nakagapos kahit walang posas.
salamat sa paglahok :)
ReplyDeleteMaganda ang kwento... Magaling... Goodluck sa iyong entry!
ReplyDeleteSa huli talaga ang pagsisisi... pero hangat me buhay me pag-asa... maganda ang kwento goodluck po sa entry nyo :)
ReplyDeleteang husay ng iyong akda sir. Tunay na alagad ng sining sa pagpanday ng isang obra.
ReplyDeletebigla pumasok sa aking isip ang insidenteng may patayan, kung palaisipan sa mga pulis, walang makuhang lead kung sinong may kagagawan.. ang siste, dumadampot ng kahit sinong tambay upang sa gayon ay masabing may ginagawa naman. Madalas ganyan ang pangyayari, hindi lang natin nalalaman.
Walang aral kung walang karanasan, kahit na na sa huli ang pagsisisi...
mahusay ser! may kalalagyan ito, gaya ng sinabi ko kay bagotilyo. Kahit anong isip ko sa ideya, bigla akong natakot. Ang gagaling kasi ng mga lahok.
ReplyDeleteGood luck sa inyong entry!...
sumasalamin ang akdang ito sa lipunang ating ginagalawan. Nakakaawa ang sinapit ng kanyang ama,kanyang ina at sa buong pamilya. Nsa huli ang pagsisisi,magsisilbi na itong aral sa kanya,sana mabasa ito ng mga taong nalilingaw ang landas sa ksalukuyan...ganda nito sir limarx!Panalo!
ReplyDeleteSalamat sa pagbisita at pagbasa sa maikling kwentong ito, sana nga ay pumwesto. :-)
ReplyDeleteDalawang bagay ang gusto kong ipunto dito; una, naniniwala pa rin ako na edukasyon ang susi sa ating tagumpay, ikalawa, pahalagahan ang mga bagay/tao hangga't sila'y kasama pa natin dahil 'di natin alam kung ano ang mangyayari bukas.
Nasa huli ang pagsisi kaya't ang bawat desisyon natin ay dapat maigi nating pinag-iisipan.
MAlungkot ang kwento pero hindi maikakailang napapalooban ito ng aral na madalas ay binabalewala ng mga kabataan ngayon.
ReplyDelete" A must read"
Thumbs up si bagotilyo sa entry mong ito :)
P.S. buti hindi na masakit sa mata magbasa dito ( yung black na background at manipis na puting mga letra) hehe
Binabati kita! Isa kang tunay na mabagasik!
ReplyDeleteSalamat senyor, nakalusot lang. :-)
Delete"Laya na ako ngunit pakiramdam ko'y nakakulong ako sa nakalipas, nakapiit sa bilangguang walang rehas, nakagapos kahit walang posas."
ReplyDeletetagos na tagos!!! minsan talaga, kahit gaano mo gustong takasan ang nakaraan, may feeling talaga ng alipin ka parin ng iyong nakalipas..huhai
ako din alipin...alipin ng pag-ibig!
Deletesalamat sa pagbisita Zion
Sir Ramil. Congrats whew! Napapadalas sir ano? Hahahaha alam na! May susunod na libro na! Congrats ulit sir
ReplyDeleteNakatsamba lang Sir Joey, nagkataon lang siguro na nagustuhan ito ng mga hurado. Mahuhusay din ang mga sumali kaya natuwa ako ng husto nang malaman kong pumwesto ito at #1 pa!
DeleteGaling ni God talaga. :-)
Muli, salamat!
Congrats sa pag kapanalo:)
ReplyDeleteThanks Ms. Joy :-)
DeleteBinabati kita. Congrats sa pagkapanalo. Yey!
ReplyDeleteSalamat Archieviner, isang araw bibisita ako sa bahay mo at hihiram ng mga ideya. Cheers!
DeleteKUDOS! Talagang napakahusay!
ReplyDeletesalamat mam sa papuri, nakakataba ng puso ♥
Deletehello! kailangan ko po ng full name address at contact number nyo para sa premyo
ReplyDeletehello po. need ko lang po sanang hingiin ang full name at bday nyo. nais ko po sanang gawan ng pananliksik ang inyong akda. napakaganda po kasi ee. pati narin po educational attainment. kailangan po kasi ng biography na author. wait ko po reply niyo until tom morning. tnx so much po.. aasahan ko po . Godbless po :)
ReplyDeleteHi Deajean.
DeleteEmail ka na lang sa'kin: limarx214@yahoo.com.ph
Salamat sa pag-appreciate.