Showing posts with label tukso. Show all posts
Showing posts with label tukso. Show all posts

Monday, February 18, 2013

At ang libog ay matatalo ng antok

At may namatay na isang mayamang pulitiko.
'Di nakapagpigil ang mga malisyoso at ang mga halang ang pag-iisip. Wala raw nabitbit kahit 'sang pirasong mulay sa kanyang pagpanaw; hindi raw nailigtas ng yamang umaapaw na daig pa ang buhos ng malakas na agos ng mabalasik na si Sendong, yamang higit pa ang bilang sa dami ng lahat ng Pilipinong nagtakwil man o hindi sa kanyang lahi, yamang kasalukuyang pinag-aagawan ng kanyang naiwang legal at ilegal na pamilya.
Hindi sila masisisi, kahit anong pagtanggi ay maalala ang bakas ng nakaraan at lumipas; nang akma ng huhulihin ang isdang lumalapa ng kapwa isda'y lumabas ang isang nagngangalit na pating at ang lahat ng nagtangka ay dinunggol at inihain ang pangil na higit pa sa tulis ng isang palaso. Ang tsubibong lumilipad na libangan ng kawal ng lipunan na inakala nang nagtatanga-tangahang pinuno nito na bago ay isinalya sa halagang birhen; sino ang may sala? Batid na ng lahat pero walang makapagsabi gayon pa man sa bandang huli wala namang may kasalanan; walang umaamin walang mapaparusahan kahit itanong mo pa sa mga naiwan nang nagpatupad ng batas-militar.

Kapwa hungkag ang nagtanungan, isa ka rin bang tanga? Nagmayabang na nangatwiran. Kung tanga ang turing sa paghagilap sa matinong pinuno, kung tanga ang tawag sa patuloy na paghahalal sa lider na ang panata’y mag-aahon sa mga nalulunod sa kahirapan, kung tanga ang taguri sa mga taong madaling magpatawad at makalimot...Tama nga sila, tanga nga sila. Tangang walang kadala-dala. Tanga pero hindi gago. Ngunit kasalanan pa rin ba natin kung patuloy tayong ninanakawan ng garapalan ng mga gunggong na nasa trono? Ikaw, ako, tayo ano ba ang kaya nating gawin para sila'y maigupo? Kaya mo bang tibagin ang pader na singtibay ng bundok na pinatatag ng kasaysayan? Kaya mo bang kitilin ang pagiging ganid ng marami sa kanila na ang nanalaytay sa kanilang ugat ay dugo ng kasakiman? Paano ka magwawagi kung ang iyong sandata'y patpat at ang kanila'y matalas na kris at may kapanalig na metal na kalasag?
Pero teka, nakikita ko sila sa pahayagang nagtatanong minsa'y nakapikit ang matang dumadalangin, minsa'y tumatanggap ng ostiyang komunyon, minsa'y nagkakawang-gawa sa mga dukha, mga nabiktima at nasalanta. Mabubuti rin pala sila. Ilang Ama Namin ba ang kanilang inuusal sa bawat araw tatlo, sampu, dalawampu? Ilang rosaryo ba ang kanilang napigtas sa tagal ng lumipas? Ang kanila bang pangmumog sa umaga at sa tuwing bumabaho ang hininga'y agua bendita? At kasabay kong ngumisi ang idolo ng mga aktibista na si Dong Abay.

Ano daw ang nasa dako paroon na bunga nang malikot na pag-iisip?
May natatanaw ka bang pagbabago o tagumpay? May pag-unlad bang sasalubong sa aandap-andap na pag-asa ng mga nagdarahop? May liwanag na bang sisilay at sisilip sa matagal ng karimlan? Saglit mong ipikit ang iyong mga mata…ano ba ang ‘yong nakikita? Madilim. Napakadilim. Gaya ng ating kinabukasan, madilim. At ikaw ay susuntok sa buwan, maghahagilap ng karayom sa dayami o makikipagdigma tangan ang isang balaraw laban sa dambuhalang armas ng mandirigma. Malabo ang tagumpay ‘wag mo nang isipin. Iba ang reyalidad sa pagiging optimistiko. Hindi ka uunlad sa pag-asa sa kanila baka tuluyan kang lumubog sa sinasakyan mong bangkang puno ng butas, nag-aagawan sa sagwan at naghihintay ng isdang hinuli gamit ang dinamita. Lumangoy ka muna hanggang makahanap at makahagilap ng panibagong bangka, makiangkas sa gusto ring magsikap, matutong mangisda. Walang puwang ang tamad sa nagmamadaling pag-ikot ng mundo. Ilibing mo na lang ang iyong sarili kung patuloy mong yayakapin ang katamaran, mga katawang malusog pero umaasa sa nagbabanat ng butong nasa lugar ng dayuhan, mga tiyan na busog pero ang nagpapalamon ay hinahabol ng gutom, mga ngiti nila’y matamis pero ang nagpapadala ng kuwarta’y pinagsimangotan ng among malupit, mga damit ay moderno’t mabango pero tila gulanit ang suot at pati pagkatao nang nagpapaalipin sa ibang nasyon. Muli mong idilat ang ‘yong mata. Ano ngayon ang iyong nakita? Pareho lang, kung isa ka sa nagpapaalipin sa kagaguhang hatid ng pulitiko, ng pulitika, ng komersiyalismo.

Marami ang humahanga’t nagayuma sa komersiyalismong hinatid ng mansanas na may kagat; may nagbenta ng laman, literal. Inoperahan kapalit ng ilang pirasong modernong pilak. May nag-iipon para makasunod sa uso, nais na may nakasukbit na mansanas sa sinturong mumurahin na alanganing plastik, alanganing balat. Walang medisina sa nilalasong sentido. Mga taong winaldas ang kinabukasan para sa kasalukuyang kaluhuan. Bukas uuwing luhaan, duguan pinitik ng mandurugas ang piraso ng mansanas at mangangarap ng bago ang walang kadala-dalang gago. Subukin mong tanungin kung may naisalba para sa anak na nagkukumahog sa pag-aaral o sa inang humahalinghing dahil sa karamdaman, ‘di makaimik. Katumbas ng katahimikan ay pagsang-ayon. Mga nasa tahanan ay nahuhumaling sa kinomersyal na sabon, umuubos ng higit sa anim na oras kada araw o katumbas ng higit sa siyamnapung araw sa isang taon. Umiiyak, tumatawa, nauulol sa karakter na umaastang sinto-sinto. Paulit-ulit. Parang hibang. May kandili, may pangangalunya…na naman. Umpisa pa lang alam na ang katapusan. Habang ang anak sa murang mga edad ay nasa datkom na mahalay at isa naman ay sumisigaw ng tagay. Detalyado at bente-bente ang kwento ng nasa sabon pero banlag sa istorya ng kanyang mga may balahibong-pusang inakay.

May mga bubot na magpapadala sa tawag ng kalamnan. Walang pakundangan, walang pakialam. Maghaharutan. Maglalandian. Magkakantahan. Bubuhatin ang pusong kiri. Titirik ang mata, kikislot ang laman. Butil-butil ang pawis sa silid na malamig. Sisimsim sa nektar; hihimurin ang hinaharap. Babanggitin ang mahal kita sa kanyang maharlika. Gagayahin ang eksena gabi-gabi sa obra-maestrang teleserye. Titikim, lalasap, madadarang. Naglalaro ng apoy ‘di mapapaso; nagtatampisaw sa ulan ‘di mababasa; humihigop ‘di mabubusog; kumakatas ‘di matigib ang uhaw. Hindi tumitigil, uulit. Bagito pero isa nang eksperto; isang mag-aaral pero daig ang kanyang guro. Nalimot ang alpabeto panay patinig ang bukambibig, a, e, i, o, u! Buhol-buhol na pangarap ay tuluyang mapuputol nang limang-minutong paulilt-ulit na sarap. Sandaling kaligayahan pangmatagalang sisihan. Matapos ang siyam na buwan palaboy ay nadagdagan.
May magsusunog ng oras sa halip na magsunog ng kilay; magpapaskil sa librong walang pahina, magyayabang sa huni ng ibon, maghahanap ng katatawanan at kalaswaan sa modernong tubo at dedepensa laban sa lumang tao. Kawawang haligi hilahod sa trabaho.

May nagpapataasan ng mapanghing ihi. Ayaw magpagapi kahit yabang na lang ang natitirang kayamanan. Nanaising tuntungan at apakan ang likuran ng iba upang mamintini ang kapalaluan. May mandurugas na aangat at makararating sa taluktok. Ibubuka ang bagwis at papaimbulog. Dahan-dahan sa paglipad at pagpagaspas ng pakpak mas malakas ang lagapak ’pag bumagsak sa lupa. Nakakalula sa itaas. Baka walang makasabay sa’yo at matuklasan mong ikaw na lang pala ang humihimpapawid; sa sandaling mapilay ang bagwis dahil sa iyong bilis unti-unti kang babagsak tulad ng pagkawala ng bagsik at pagtamlay ng lason ng mga mapanganib na pinuno ng iba’t ibang lugar at panahon; si Adolpo ng Alemanya na natagpuang may bala sa sentido inutas ang sarili ng tangan niyang armas na loyalista, ang dating hari na namuno ng halos tatlong dekada ng dating Mesopotamia ay kinitil sa pamamagitan ng pagbigti, ang makapangyarihang diktador na hanggang ngayon ay wala pa sa huling hantungan, pinagkaitan. Walang permanente. Walang pangmatagalan. Permanenteng interes at pangmatagalang pagka-inip lang. Sa pananatili sa tugatog lalago ang kaibigan ngunit sa pagdausdos at pagsadsad sa lupa unti-unting malalagas ang umano'y matatalik. At hangal lang ang magigimbal.

Ang kasinungalingan ay nakatakdang paniwalaan sa katagalan ‘pag patuloy na inuulit-ulit, ulit, ulit. Kaya ba ang lahat ay nagpapakakadalubhasa sa paglulubid ng buhangin? At ang pagsisinungaling ay kapatid ng pagnanakaw. Kaya ba marami ang mga ito’y pinagsasabay? Kaya mo bang basagin ang mundo ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagsiwalat ng katotohanan? Tutulad ka ba sa mga taong bumubulong ng sipol? Pinaniwalaan ba sila? Kung oo, ano na ang kinahinatnan nito? Saan ito tumungo? Nagmistula lang itong utot na nagyabang at umalingasaw sandali subalit naglaho rin ang aroma nang ganoon din kaliksi. May ilang mahusay sa pagsisinungaling na kahit ang sarili niya’y kanyang kinukumbinsi na katotohanan ang kanyang pinagsasabi. May mga ibang ginawa na itong hanap-buhay; propesiya ‘di umano pero panlilinlang ang adhikain. Mamalasin ka dahil walang trabaho. Katapusan ay malapit na maghanda ka lang. Bulaan. Isinasantabi na lang ang ika-siyam na utos. Lahat na ay bihasang magsinungaling, ako na lang ang hindi. At biglang humaba ang aking ilong.


Paano mo gustong maalala? Ano ba ang higit na mahalaga, ang makabuluhang kamatayan o ang makabuluhang pamumuhay? Paano kung hindi ka nagtaglay nito? Ano ang maalala sa’yo? Magtatanong ka pa, pare-pareho lang tayo. Gusto mo bang maalala ng lahat na ikaw ay bantog sa pagtatakip ng bumabahong katiwalian? O sa pagiging pusakal na pasimuno sa pagkawala ng nag-aaklas sa pamahalaan? O sa pagiging dalubhasa sa pagkamal ng yamang kinukupit sa mga pulubi? Hayaang magbunyi ang iba sa kamatayan ng isang pusakal, hindi mo sila mapipigil kasiyahan nila ito. Humanap ka na lang ng sarili mong kasiyahan. Subukan mong tumipa ng masasayang alaala kaysa maging palalo sa suot mong magara, subukan mong mag-abot sa mga nasalanta kaysa ibalandra ang nagmamayabang mong tableta; Subok lang, kung hindi ka sumaya sabayan mong tumawa ang mga mahuhusay mang-alipustang nasa ikatlong lahi; nasa Silid-Aklatan, Payaso o ang sikat na tatlumpu't-siyam na pulaga. Ako? Nais kong maalala ng mga tao ng walang pag-aalala parang alikabok na pupuwing sa taong may demonyong pag-iisip saglit na ikukusot ang mata pero muling papaslang.

Nagkubli ang gabi. Walang nangyari. Sumakay sa pulang kabayo o tatawag sa santong may dalang sulo, hihiram ng tapang sa katas ng ispiritu ng sebada. Lilimutin ang problema, panandalian. Hahamunin nito maging si Kamatayan. Isisisi ang malas sa lahat; sa gobyerno, sa magulang, sa orasan, sa balita, sa droga, sa gasolina, sa alak, sa punong tumawid sa kalsada. Baluktot na isipan ng buhay ng wagas na palaboy. Bukas, bubuka ang liwayway ang suliranin ay muling sisilay at may dagdag na liyo.
Kamay ng oras ay ‘di na kayang ibalik. Sayang na panahon. Malulugas ang dahon, hahalik sa lupa; matigas na bakal, kakalawangin; masel sa kalamnan, lalaylay. Ang malalabi sa libog ay hambog at ang landi ay magiging kadiri-kadiri. Gisingin ang nagtutulog-tulogang diwa. Hindi araw-araw pasko, hindi maaaring maghapon ay may araw, hindi habang panahon ay may lakas ang naghuhumindig mong kalalakihan. Subukan mo mang umulos ay ‘di naman tumitigas ang iyong mga litid at ugat. Lilipas ang panahong matikas.
Ang anumang bagay na hinandog mo sa ‘yong sarili ay kasabay mong papanaw at lilisan. Ngunit ang mga bagay na inalay sa kapwa mabuti o masama ay mananatili kailanman; huhusgahan ka sa iyong ginawa, hindi sa buwaya mong ‘di nangangagat o sa pamagat ng mga ari-arian o sa may lasong mansanas na may kagat. Habang may panahon pulutin ang mga nabasag na piraso ng iyong pagkatao sa sahig, ang tropeyo ay dekorasyon lang na inalay at dinesisyunan ng binayarang inampalan. Dahil bukas maaaring ang libog ay matatalo ng antok.


Friday, August 5, 2011

Tiwala

Lukas 16:10
"Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay."

Sa mundong ating ginagalawan na puno ng tukso, temptasyon at pagpapanggap lubhang hindi madali ang makahanap ng taong bibigyan mo ng lubos na tiwala; tiwalang hindi masisira ng materyal na bagay, personal na interes at sa kagipitang dahilan; tiwalang hanggang dulo'y walang bahid; tiwalang hindi igugupo ng anumang kadahilanan. Sinumang tao ay maaring ipagkanulo ang kahit na sino, malapit man ito sa kanya o hindi. Hindi kaila sa atin na maging ang mga taong lubos nating pinagkakatiwalaan ay sisirain ang tiwalang ating ipinagkaloob sa panahong hindi natin inaasahan. At huwag ka na ring magtaka at magulat kung ang atin mismong sarili ay sumira sa tiwalang naibigay sa atin.

Sa dinami-dami nang ginawa mong tama't may kabuluhan ang magmamarka sa isip ng mapanghusgang mga tao ay ang isa mong kamalian; lalo’t ito’y pagkakanulo mo sa tiwala. Nakalulungkot subalit 'yan ang malungkot na katotohanan. Masarap makarinig ng mga papuri sa iyong mga kagalingan subalit mas masakit mapakinggan ang mga sumbat at pintas na naging dulot ng isang kamalian. Ang tiwala'y mababasag na parang isang sensitibong salaming 'di na kayang tanggalin at burahin ang marka ng lamat anuman ang gawin; tulad din ito ng papel na kung sakaling malukot ay 'di na maibabalik sa dati.

Ang tao'y marupok at makasalanan na kahit anong pilit mong pigilang hindi gumawa ng kasalanan ay 'di mo namamalayang nagawa mo na ito at pagsisisi at paghingi ng tawad na lamang ang tangi mong solusyon dito. Nakakataba ng puso na mayroong nagtitiwala sa ating kakayahan, pinagkakatiwalaan tayo sa mga maliliit na bagay higit sa malalaking bagay at halaga. Subalit batid man ito ng marami ay kibit-balikat naman ang iilan na panandaliang kaginhawaan ang iniisip sa halip na habangbuhay na kapayapaan ng kaisipan.

Sabi sa isang kanta "Honesty is such a lonely word. Everyone is so untrue".
Sadya bang ang tao'y hindi na matapat?
Hindi na nga ba tayo dapat magbigay ng buong pagtitiwala?
Ang bawat isa ba'y dapat na nating pagdudahan?

Ang tiwala ay kakambal ng dignidad sa maraming bansa. Sakaling ang isang tao na nasa posisyon (sa pamahalaan man ito o pribadong kompanya) ay hindi na pinagkakatiwalaan o mababa ang tiwala ng kanyang mamamayan o ng kanyang pinagsisilbihan; kusa at mababang loob itong bumababa at nagpapaaalam sa kanyang tungkulin, nagpaparaya at nagbibigay-daan sa iba, humihingi ng kapatawaran sa kanyang naging kahinaan. Dahil mas mahalaga ang kanilang dignidad at pagkatao kaysa manatili sa pwestong pulos batikos at kapintasan sa kanyang kakayahan. Nakalulungkot na sa ating bansa ay tila ‘di ito nangyayari; marami sa mga nakapuwesto ang nagpupumilit at buong-tapang na makikipagpatayan sa isang posisyon; naglulubid ng kasinungalingan at itatanggi ang lahat ng paratang kahit na ang mga ebidensiya’y lampas pa sa kanyang pagkatao.

Ganunpaman, kahit ano pa ang sabihin 'wag magsawang magbigay ng tiwala sa kapwa, 'wag maging bilanggo sa paniniwalang ang lahat ay 'di matuwid, 'wag isiping ang karamiha'y puno ng pagpapanggap. Ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan. Hindi minsan maalis ang duda sa bawat isa subalit hindi ibig sabihin nito na huwag tayong magtiwala bigyan natin ng pagkakataon ang sa tingin nating may potensyal na pagkatiwalaan; sino na lamang ang magbibigay sa kanya ng ganitong oportunidad? Oo, madaling sabihin pero lubos na mahirap ipatupad datapwat ang mundo'y isang estranghero gayundin ang ating kapwa; nararapat pa rin tayong mag-gawad ng pagtitiwala. Malaki man ang porsyento ng taong hindi matapat marami pa rin ang pwede nating pagtiwalaan. Bagama’t ang unang bumasag ng tiwala ay si Eba masasabi nating ang tao'y sadya ngang marupok; maaring hindi na nga maibabalik ng lubusan ang tiwalang napunit subukin ulit itong paghihirapan upang sa kahit na maliit na paraan ay unti-unti itong manumbalik, sa takdang oras at panahon. Matutong magpatawad sa taong may tapat na pagsisisi; lahat ay may pagkakataong magbago.

Gusto kong ibahagi at sabihing: ang paniniwala at tiwala'y magkaiba. Lahat tayo'y naniniwala at sumasampalataya na may Diyos; nananalangin, nagpapasalamat, humihiling at nagbibigay-papuri subalit hindi lahat sa mga ito ay lubos ang ibinigay na tiwala. Sa desperadong tao na labis ang sakit at pagdurusa ang nadarama dulot ng iba't-ibang uri ng suliranin hindi nawawala ang kanyang paniniwala sa Diyos subalit ang kanyang tiwala'y hindi sapat. May mga taong sariling buhay ay kinikitil dahil sa 'di sapat na tiwala; may mga taong sa halip na magpursigi at ibigay ang lubos na pagtitiwala ay ibinubunton ang lahat ng sama ng loob sa Diyos. Ang suliranin, karamdaman at kalungkutan ay bahagi ng ating buhay gayundin ang kasiyahan, pag-asa at pagmamahal subalit lahat ng ito'y panandalian lamang. Walang sinuman ang nais na makasanayan ang problema subalit ‘di ito maiiwasan ninuman. Kung may suliranin ka ngayon hindi ibig sabihin nito'y habambuhay mo itong pasang-krus; kung labis na kasiyahan ang iyong nararamdaman damahin at lubusin mo lang dahil hindi rin ito pangmatagalan. Ang anumang mayroon ka ngayon ay pangsamantala din lamang kahit ang mamahalin mong mga gamit at kasangkapan; hindi mo ito madadala kung sakaling ikaw'y pumanaw. Ang panandaliang kasiyahan ay maaaring katumbas ng habambuhay na pagkabagabag sa isipan huwag ipagpalit ang karangalan sa piraso ng kapalaluan.

Maging matapat at pahalagahan ang tiwalang sa iyo'y iginawad.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit walang nagmamasid.
Gumawa ng tama at maging tapat kahit ang iba'y hindi ito sinusunod.
Gumawa ng tama at maging tapat hindi sa katiwasayan at kapakanan ng iba kundi sa katiwasayan at kapakanan ng iyong buhay at kaisipan.