Thursday, February 21, 2013

Maluib


Napapaso.
Sa tuwing ang iyong labi'y dumadampi sa aking mga labi.
Laway.
Na parang lasong inuutusan ang aking pusong tumigil na sa pagpintig.

Pait ang nalasap sa halik mo na dati'y sakdalan ang tamis.
Ako'y hari at itinubog sa ipot ang koronang ipinutong nila sa akin.
Ang iyong mga haluyhoy ay kasabay ng alikabok na inililipad ng hangin.
'Di na din masimsim ang halimuyak na noo'y nanunuot hanggang doon sa panaginip.

Yapos at yakap kahit na magyakag mistulang siniil.
Masasayang salamisim humahangos, kumukubli doon sa madilim.

Nandidiri.
Habang sumasagi sa isip ang paru-parong humimod sa iyong kariktan.
Nektar.
Na wari'y asidong nilulusaw ang nag-aalab kong pagmamahal.

Halas ang sinukli't ginanti sa pagliyag kong singbusilak sana ng bulak.
Higit ngang kirot at hapdi ang dulot ng sugat na 'di aninag sa balat.
Ang matimyas mong tinig kasama ng tiwala at pangarap ay dinagit ng lawin.
'Di na din masilip ang kislap ng bitwin sa mga matang kahapon ay maningning.

Libog at pag-ibig kahit magsanib 'di na magwawagi.
Poot at galit ang humalili sa iyong pagiging suwail at maluib.

* * *

Maluib - ma-lu-ib; png [Hil]: taksil o pagtataksil.

2 comments:

  1. Sobrang kaka-elibs at nagustuhan ko ang tulang ito...

    Galing! gisto yung last part saying:

    Libog at pag-ibig kahit magsanib 'di na magwawagi.

    Totoo! Pag galit na talaga ang nangibabaw... I want more of this!
    Hanga ako sa mga salita at talinghaga ng iyong tula!

    ReplyDelete
  2. Ang sakit nang tula..
    lalim ng sugat na pinaghugutan
    nosebleed sa ibang tagalog words.

    ReplyDelete